Thursday, August 4

Cayetano: Irrevocable na ang anumang resignation

August 4, 2011 | 3:00 PM

Nagkasundo na ang mga senador na ikunsiderang nagbitiw na ang sinumang kasamahang nagsumite ng resignation.

Sa harap ito ng pagbibitiw kahapon ni Senador Juan Miguel "Migz" Zubiri dahil sa kinakaharap na electoral protest at mga alegasyong siya umano ang nakinabang sa dayaan noong 2007 senatorial elections.

Sinabi ni Senate Minority Leader Allan Peter Cayetano sa isang press conference na itinuturing nilang irrevocable o hindi na mababawi ang anumang resignation.

Ayon kay Cayetano, nag-aalala silang kapag hindi nila tinanggap ang pagbibitiw ni Zubiri, baka pagbintangan silang nagmo-moro-moro ang Senado.

Umaasa rin si Cayetano na dapat magsilbing wake-up call sa Senate Electoral Tribunal (SET) ang pagbibitiw ni Zubiri na bilisan ang kanilang desisyon sa sinasabing dayaan sa halalan.



Samantala, anumang araw sa susunod na linggo, maaaring iproklama na ng Senate Electoral Tribunal (SET) bilang totoong pang-labing dalawang nanalong senador noong 2007 si Atty. Koko Pimentel.

Ito ang inihayag ngayong araw ni Senator Edgardo Angara, isang araw matapos ang pagbibitiw ni Sen. Juan Miguel Zubiri.

Nakatakda maghain si Atty. Romulo Macalintal ng petition for withdrawal sa Counter Protest na inihain ni Zubiri, na siya ring tinutukoy ni Senator Angara na magpapabilis ng protesta ni Pimentel sa SET.

Fil-am Miami heat coach, magtuturo sa mga pinoy

August 4, 2011 | 12:00 NN

ISASAGAWA ni Filipino-American at Miami Heat head coach Erik Spoelstra ang NBA Fit Camp sa Philippine Team Under-16, bukas 

Ito ay bilang paghahanda sa FIBA-Asia Under-16 Championship na gaganapin sa oktobre. 

Bukod rito, isang celebrity-studded program ang isasagawa rin ni Spoelstra na dadaluhan nina binibining Pilipinas title-holders Venus Raj, Shamcey Supsup, Dianne Necio at Isabella Manjon.

Sa linggo, isang fun run naman ang dadaluhan ni Spoelstra sa the Fort, Taguig bago ito umuwi sa araw ng lunes.

www.rmnnews.com

Libong trabaho, kailangan sa abroad


August 4, 2011 | 12:00 NN

NANGANGAILANGAN ang Malaysia ng 40,000 na manggagawa sa palm oil farms. 

Ito ang inihayag ni ARMM Exe. Sec. Naguib Sinarimbo matapos ang kanyang trade mission sa Federal Land Development Authority o FELDA noong July 27 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ayon kay Sinarimbo, ang mga manggagawang pinoy ay mga masunurin at masisipag, mga katangiang hinahanap ng mga kumpanyang gumagamit ng settler-farming scheme sa Malaysia.

Ang FELDA ay may halos siyam na raan libong hektaryang sakahan na may tanim na oil palm, rubber, sugar cane at iba pag value crops.

www.rmnnews.com

Wednesday, August 3

Sen. Zubiri, nag-resign bilang senador

August 3, 2011 | 5:00 PM

Nagbitiw na sa pagiging senador si Sen. Juan Miguel Zubiri.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Zubiri na siya at ang kanyang pamilya ay labis na nasaktan sa alegasyon ng dayaan at trial by publicity na ibinabato ng kanyang kalaban.

Sa harap na rin ito ng election protest ni Atty. Aquilino "Koko" Pimentel III na nakabinbin pa rin sa Senate Electoral Tribunal (SET) kaugnay ng 2007 senatorial election kung saan pang-12 si Zubiri at mas mataas lang ng 21,000 boto kay Pimentel.

Nanindigan si Zubiri na hindi siya nandaya o kumausap ng sinuman upang mandaya para manalo sa halalan.
Nag-resign aniya siya bilang halal na senador ng Republika ng Pilipinas hindi dahil napapagod na sa kontrobersya o para iwasan ang desisyon ng SET sa election protest na handa naman niyang tanggapin anuman ang maging hatol.

Nagbitiw aniya siya dahil nagdudulot na ng pagkakahati-hati sa ating bansa at pagdududa sa electoral system ang tinawag niyang walang basehang akusasyon ng dayaan.

Binanggit nitong ayaw na niyang makaladkad pa ang kanyang pamilya at ang Senado sa ibang kontrobersya bunsod ng nasabing mga alegasyon.

Apat na taon nang nakaupo sa Senado si Zubiri at sa 2013 pa dapat magtatapos ang kanyang termino.
Kasama ni Zubiri sa kanyang pagpunta sa Senado ang asawang si Audrey at mga magulang na sina Jose at Vicky Zubiri. 

www.dzmm.com.ph

Plastic bags – ipagbabawal na!

August 3, 2011 | 12:00 NN


Sa oras sa maipasa ang  Senate Bill  2759, o Total Plastic Bag Ban Act of 2011 na inihain ni Senador Loren Legarda, ipagbabawal na ang paggamit ng mga non-biodegradable plastic bags.

Ayon kay Legarda, kabilang sa mga dahilan ng ma­tinding pagbaha lalo na sa metro manila ang mga baradong estero at kanal da­hil sa mga basurang plastic na hindi basta-basta natutunaw.

Lumabas din sa pag-aaral na isinagawa ng United States Environmental Protection Agency nasa 500 bil­yon hanggang one trilyong plastic bags ang nagagamit bawat taon.

Sa ulat naman ng World Wildlife Fund umaabot sa 200 iba’t ibang marine species ang namamatay dahil sa ‘ingestion’ at ‘choking’ sanhi ng plastic bags.

Sakaling maisabatas na ito ay ipagbabawal na ang paggamit ng plastic bags sa mga supermarkets, public markets, restaurants, fast food chains, department stores  at iba pang kahalintulad na establisyemento.

www.rmn.com.ph

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons