Wednesday, December 7

PNP, inihahanda na ang seguridad para sa 'Simbang Gabi'

Pinaghahandaan na ng Philippine National Police (PNP) ang ilang security measures para sa taunang "Simbang Gabi" na magsisimula sa December 16.
 
Naglabas ang PNP ng Letter of Instruction 42-2011, isang listahan kung saan nakasaad ang ilang patnubay upang masiguro ang kaligtasan ng publiko sa mga lugar na diradayo ng mga tao, kabilang na ang mga simbahan.
 
Inutos na rin ni PNP chief Director General Nicanor Bartolome ang pagkakaroon ng dagdag alerto sa Metro Manila at Cordillera at pati na rin sa national headquarters at mga national support unit.
 
Inulit ni Bartolome ang utos nitong full alert status sa Regions 9, 10, 11, 12, 13, ARMM at Special Action Force troopers matapos ang naganap na pambobomba sa Mindanao.
 
Milyon ang inaasahang dadalo ng Simbang Gabi, itinuturing isa sa mga natatanging tradisyon ng mga Pilipino tuwing pasko.
 
Siyam na araw simula December 16,  dadalo ang mga Pilipinong Katoliko sa mga simbahan bago mag-umaga bilang novena.
 
Nagtatapos ang Simbang Gabi sa Misa de Gallo, ang misa na magaganap ng Bisperas ng Pasko.

Friday, December 2

Brown rice, malapit nang isama sa menu ng mga fastfood chain

Malapit nang maisama sa menu ng ilang kilalang fastfood chain ang "brown rice" o "unpolished rice".

Ayon kay Philippine Rice Research Institute (PhilRice) National Rice Awareness Coordinator Ella Lois Bestil, konting panahon na lamang ang bibilangin at iaalok na rin ang mas masustansyang brown rice sa mga sikat na kainan bukod sa karaniwan nang maputing kanin.

Sinabi ni Bestil na kabilang sa mga tinatarget ng PhilRice para maghain ng brown rice sa mga parokyano nito ang mga fastfood chain at restaurant.

Aniya, puspusan silang nakikipag-ugnayan sa mga may-ari ng iba't ibang fastfood chain upang mai-promote ang brown rice sa publiko dahil sa mas mataas na taglay nitong bitamina at fiber na higit na mainam sa kalusugan ng tao.

Gayundin, patok din ang brown rice sa mga nagpapapayat dahil siksik ito sa dietary fiber, hindi tulad ng karaniwang kanin.

Bagama't medyo may kamahalan pa rin ang presyo ng brown rice kumpara sa puting kanin, mas magiging mura rin ito kapag tinangkilik na ng publiko.

'Longest coin line' world record, nasungkit ng Pilipinas

Tagumpay na nabuwag ng Pilipinas ang rekord ng Amerika na may pinakamahabang linya ng barya.

Nakatakda nang tanghalin ang Pinas sa Guinness' Book of World Records bilang bansang may "longest coin line".

Umabot sa 68  kilometro ang linya ng mga bente singko sentimos na mas mahaba sa 64.88 kilometers na world record ng Amerika.

Nasa 3.5 milyong piraso ng mga bente singkong barya ang nilatag sa Quirino Grandstand sa Maynila.

Sa kabuuan, nagkakahalaga ito ng P850,000.

Kukunin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga barya at papalitan ng perang papel, na siyang ibibigay sa Deparment of Education (DepEd) bilang donasyon sa pagpapagawa ng mga classroom.

Thursday, December 1

'Lolong,' pang-9 sa Top-20 most shared stories sa Facebook

Si "Lolong," na bago lang napatunayang pinakamalaking nahuling buwaya sa buong mundo, ay isa sa Top-20  most-shared na istorya sa Facebook – pang-9 sa listahan.

Ang pinakauna ay ang magnitude-9 na lindol sa Janpan noong Marso.

Ayon sa Facebook, ang top articles at video na pinagpasa-pasahan ng mga subscribers nitong taon ay mula "cute" hanggang sa mga tinatawag na "thought-provoking" stories.

Ayon sa Facebook, nangunguna sa mga tinitingnan ng subscribers nito ang satellite photos ng Japan bago pa man at matapos mangyari ang killer quake, ang inilathala ng The New York Times noong Marso.

Samantala, ang mga kuwento ng buwayang si Lolong na inilathala ng Associated Press at inilabas din ng Yahoo! News ay pang-siyam sa most read.

Kabilang din sa Top-20 stories at photos ang pagpanaw ng Apple co-founder at dating CEO na si Steve Jobs.

Singil sa text, 80 centavos na lang mula Nov. 30

Ibinaba na ang singil ng short messaging service (SMS) mula P1 hanggang 80 centavos bawat text message simula kahapon.

Sinabi ni National Telecommunications Commission (NTC) deputy commissioner Delilah Deles na ibababa na ng Smart Communications, Globe Telecom, at Sun Cellular ang kanilang singil sa SMS.

Nauna nang naglabas ng isang memorandum circular ang NTC kung saan nakasaad ang kanilang utos na babaan ng 35 centavos hanggang 15 centavos ang kanilang singil sa bawat text –  na ang kalalabasan ay 80 centavos na lamang bawat text.

Nakasaad din sa circular na dapat ang network providers “should provide the interconnection links or circuits” upang masiguro na 99 percent ng text message ay dapat makarating sa kanilang destinasyon sa loob ng 30 segundo lamang.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons