Tuesday, November 15

SC pinahinto ang WLO sa mag-asawang Arroyo

Pansamantalang ipinahinto ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng watch list orders para kay dating pangulo at ngayo'y Pampanga congresswoman Gloria Macapagal Arroyo at asawang si dating first gentleman Jose Miguel "Mike" Arroyo.

Ayon sa source, walo ang bumoto pabor sa TRO kasama na si Chief Justice Renato Corona, Jose Perez, Diosdado Peralta, Presbitero Velasco, Roberto Abad, ant Arturo Brion.

Ang mga may taliwas namang opinyon ay sina Antonio Carpio, Jose Mendoza, Lourdes Sereno, Bienvenido Reyes, and Estela Bernabe, ayon pa rin sa source.

Nasa official leave naman ang dalawang mahistradong sina Mariano del Castillo and Teresita de Castro.

Matantandaang inilagay ng Department of Justice sa Immigration watch list order ang mag-asawang Arroyo dahil sa mga kasong inihain laban sa kanila.

Humingi ng permiso si Gng. Arroyo sa DOJ upang makapagpagamot ng kanyang bone disorder sa ibang bansa, subalit hindi ito pinagbigyan ng nasabing ahensiya.

Bilang ng turista sa Puerto Princesa City, lomobo na

Halos triple ang inilobo ng bilang ng mga turistang nagtutungo sa Puerto Princesa City mula nang lumahok ang Underground River sa contest ng New 7 Wonders of Nature.
  
Inihayag ni City Mayor Edward Hagedorn na mula sa dating 160, 000 na turista kada taon na nagtutungo sa kanilang lugar, pumalo na ito sa 425, 000 na turista bawat taon.
  
Kaya mula anya sa dating tatlong flight ng eroplano kada araw ay 11 flights na ang bumibiyahe sa bawat araw.
  
Ayon kay Hagedorn, natutuwa sila sa anunsyo ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na gagawing prayoridad ang pagpapalaki ng airport sa Puerto Princesa.

Debate para sa 2012 National Budget, sisimulan na

AARANGKADA simula ngayong araw ang debate hinggil sa National Budget para sa taong 2012.
 
Nakatakdang i-deliver ni Finance Committee Chairman Senator Franklin Drilon ang Sponsorship Speech para sa panukalang P1.816-Trillion General Appropriations Act.

Ayon kay Drilon, target nilang tapusin ang debate hangang November 18 upang maaprubahan na ito sa third at final reading sa November 21.

Nais kasi ng mga mambabatas na maisumite na ito kay Pangulong Benigno Aquino III bago ang Christmas holidays.

Pinoy athletes, may 8 gintong medalya na sa SEAG

Walong gintong medalya na ang nasungkit ng Philippine team sa 26th Southeast Asian Games (SEAG) sa Palembang, Indonesia.

Ngayong Lunes, dinagdagan ni  Dennis Orcullo ang gintong medalya ng bansa, matapos magwagi sa Men's 8-ball.

Dalawang silver din ang nadagdag;  isa sa Men's 3-meter Synchronized Diving nina Ryan Nino, Carog Bedoya at Jaime Asok, at isa sa Kumite Team Karate Do.

Ipinagbunyi ng mga atleta ang unang gold noong Sabado sa Long Jump event mula kay Maristela Torres na binasag ang sariling SEAG record noong 2009 na 6.68 meters at naitala ang 6.71 meters .

Gold din ang nauwi ng 3000-meter Steeple Chase si Rene Herrera; Team Pomsae event ng Taekwondo nina Rani Ortega, Camille Alarailla, at Janice Lagman, at 62 kg Female Taekwando event ni Maria Camille Manalo.

Isang gold din ang nakuha ng Pinoy athletes sa pamamagitan ni Ina Flores sa Women's Wall Climbing.

Ang dalawang unang silver naman ay nasungkit sa swimming nina Dorothy Hong sa 200-meter backstroke at Jessie Lacuna sa 200m freestye.

Sa iba pang laro, inilampaso ng Sinag Pilipinas Basketball team ang Cambodia 127 - 68 para sa una nilang laban ngayong Lunes gayundin ang Women's Basketball team na tinalo ang Malaysia, 64-56.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 8 golds, 14 silvers at 20 bronze medals ang Philippine team.

Malaki-laki pa ang hahabulin ng mga atletang Pinoy sa natitirang siyam na araw ng kumpetisyon para maabot ang target ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) na makakuha ng 70 gold medals at makapangatlo sa standing.

P10 minimum na pasahe sa jeep, inihirit ng transport groups

Humihirit ng P10 minimum na pasahe sa jeep mula sa kasalukuyang P8 ang anim na transport group.

Sabay-sabay na ipinasa ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), Pasang Masda Nationwide Inc. (Pasang Masda), Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), LTOP at Transporter ang kanilang petisyon upang magtaas-pasahe, kasunod nang muling pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ngayong Lunes.

Hiling ng mga transport group na habang dinidinig ang kanilang petisyon ay ibalik na muna ang P8.50 minimum fare sa jeep.

Giit nila, panay lang ang pangako at wala namang nagawa ang gobyerno para maibsan ang pasakit sa mga tsuper.

Lunes ng umaga, P1.90 kada litro ang itinaas sa diesel at P.65 naman sa gasolina.

Ito na ang ika-25 pagtaas sa diesel ngayong taon na umabot na sa halos 20 piso.

Sa sangkaterbang taas-presyo, 17 naman ang rollback na umaabot sa kabuuang halos P8.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons