Monday, October 24

NDRRMC, naka-blue alert na para sa Undas

Itinaas na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang blue alert status bilang paghahanda sa paggunita ng Undas.

Sinabi ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos na inatasan na nila ang kanilang mga tauhan mula regional hanggang barangay level na maging handa sa pagtulong sa mga dadagsa sa mga sementeryo pati na rin ang pag-alalay sa mga biyahero sa mga bus terminal, pantalan, at paliparan.


Nakahanda na rin aniya ang pwersa ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (PNP), Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Health (DOH), at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Simula naman sa Oktubre 30 ay itataas na ng NDRRMC ang red alert status kung saan 24 oras nang naka-alerto ang kanilang mga tauhan para rumesponde sa anumang emergency situation.

Hero’s Welcome para kay Donaire, inihahanda na

INIHAHANDA na ng Gensan ang kanilang Hero's Welcome para sa pagkapanalo ng kababayang si Nonito "The Filipino Flash" Donaire laban sa Argentinian boxer na si Omar Narvaez.

Nagwaging depensahan ni Donaire ang titulo bilang WBO/WBC Bantamweight Belt.

Ayon kay Mayor Darlene Antonino Custodio, ito’y bilang pagkilala sa kakayahan ni Donaire kabilang na ang ilang kilalang boksingero tulad nina 8-Time World Division Champion Manny Pacquiao, kapatid nitong si Bobby Pacquiao at Marvin Sonsona.

Nabatid na naging residente ng Gensan ang pamilya nina Donaire bago tumulak pa sa Estados Unidos.

POEA, may babala sa health workers kaugnay ng email scam

Pinag-iingat ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang lahat ng health workers na nangangarap magtrabaho abroad partikular na sa United Kingdom (UK) laban sa bagong modus na idinadaan sa Internet.

Laman ng email scam ang pangakong makapagtatrabaho ang mga nurse at caregiver sa isang malaking ospital sa UK kapalit ang paunang bayad na P3,000 para sa pekeng British English training.

Ayon kay POEA Chief of Operation and Surveillance Division Atty. Celso Hernandez, umabot na sa halos 100 health workers ang naloloko ng ganitong modus, kaya nagbabalang huwag makipag-transaksyon sa Internet.

Para matiyak ang mga lehitimong alok na trabaho abroad, sumangguni sa POEA hotlines (02) 722-1144 o (02) 722-1155 o kaya'y bisitahin ang kanilang website www.poea.gov.ph.

Magnitude 7.2 na lindol sa Turkey, 138 na ang patay

Umakyat na sa 138 ang bilang ng mga namatay sa magnitude 7.2 na lindol na tumama sa Eastern Turkey Linggo ng hapon.

Iniulat ni Turkish Prime Minister Recep Tayyip Erdogan na 93 ang nasawi sa lungsod ng Van, 45 sa bayan ng Ercis at nasa 350 ang sugatan. Marami pa rin aniya ang naiipit sa mga bumagsak na gusali.

Batay naman sa report ng Turkish Red Crescent, nasa 80 gusali ang nagiba sa Ercis kabilang ang isang dormitoryo at 10 sa Van kaya pinangangambahang tataas pa ang bilang ng mga nasawi.

Pinayuhan na ang mga residente na lumikas sa kanilang mga napinsalang bahay dahil tuloy-tuloy pa rin ang mga pagyanig kung saan nakapagrekord na ang United States scientists ng mahigit 100 aftershocks, pinakamalakas ay magnitude 6.0.

Dahil dito, nagpalipas na lamang ng magdamag sa mga itinayong tent ang mga apektadong residente habang ang iba'y tumuloy sa kanilang mga kaanak sa mga katabing lugar.

Tuloy-tuloy naman ang isinasagawang rescue efforts ng mga otoridad.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons