Wednesday, November 2

DepEd, idineklara ang National Reading Month

HINDI pa nawawalan ang pag-asa ng Department of Education (DepEd) na maibabalik ang interes ng mga kabataan sa pagbabasa ng libro.


Itoy kasunod ng pag-aaral ng DepEd na mas maraming oras ang ginugugol ng mga kabataan ngayon sa internet kaysa sa pagbabasa ng libro.

Idineklara ng DepEd ang buwan ng Nobyembre bilang National Reading Month kasabay ang paghihikayat sa iba't ibang paaralan at institusyon na buhayin ang interes ng kabataan sa pagbasa ng libro.

Sinabi ni DepEd Secretary Armin Luistro na dapat pagtuunan ng pansin ng mga paaralan at institusyon kung paano maibabalik sa mga kabataan ang paglalaan ng sapat na oras sa pagbabasa ng libro kaysa sa online games at social networking.

Pinayuhan din ni Luistro ang mga guro na tulungan ang mga estudyanteng nahihirapan sa pagbasa para hindi masiraan ng loob ang mga ito.

DOLE, gagamit na ng social networking site para isulong ang karapatan ng mga kasambahay

Gagamit na rin ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng social networking site na Facebook para hikayatin ang publiko na suportahan ang International Labor Organization (ILO) convention 189 at ang Kasambahay Bill.

Sinabi ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na ang Facebook ang isa sa mga pinakamabilis na paraan para maipaalam sa publiko ang kahalagahan ng ILO convention 189 at ng Kasambahay Bill na kapwa naglalayong mabigyan ng proteksyon sa batas ang mga kasambahay.

Ilulunsad aniya nila ang Facebook page na i-support kasambahay kung saan maaaring ilagay ng publiko ang kanilang mga saloobin at komento sa naturang mga panukala.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons