July 20, 2011 | 3:00 PM
Lumitaw na guilty sa "conduct unbecoming of a public official" si Davao City mayor Sara Duterte kaugnay sa pagsuntok nito sa court sheriff ng lungsod, batay sa isinagawang imbestigasyon ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa panayam ng media nitong Martes, sinabi ni Interior Secretary Jesse Robredo, na nakapaloob sa 18-pahinang ulat ng DILG fact-finding committee ang rekomendasyon na sampahan ng kasong administratibo si Duterte.
Ito ay kaugnay sa ginawang pagsuntok ni Duterte kay Court sheriff Abe Andres noong July 1 nang maganap ang marahas na demolisyon sa nasabing lungsod.
Nauunawaan umano ng DILG ang hangarin ni Duterte na maiwasan ang karahasan sa demolisyon pero hindi umano nararapat ang ginawa nitong pananakit kay Cruz.
Bukod dito, lumitaw din sa ginawang pagsisiyasat ng DILG na may pagkukulang din ang lokal na korte sa Davao city kaugnay sa pagpapatupad ng kautusan tungkol sa demolisyon.
Maaaring daw hindi nag-abot ang sheriff at ang mayor kung sinunod ng korte ang 30 days notice at hindi sila nag-apura.
Nakasaad din sa ulat ng fact-finding committee ng DILG na dapat ikinunsidera ng korte ang "extraordinary external circumstances" sa lungsod na katatapos lang mapinsala ng flash flood.
Sinabi ni Robredo na ipadadala ng DILG ang kopya ng ulat ng fact-finding sa Office of the Ombudsman dahil dito isinampa ng Sheriffs Confederation of the Philippines ang reklamo laban kay Duterte.
Bukod dito, nahaharap din sa disbarment case si Duterte sa Integrated Bar of the Philippines.
Sa kabila nito, sinabi ni Robredo na hindi pa rin masususpind sa ngayon si Duterte dahil wala namang pormal na reklamong inihahain sa DILG laban sa alkalde ng Davao city.
www.dzmm.com.ph