Monday, August 22

Operasyon bukas ni CGMA, di tuloy dahil sa lagnat

August 22, 2011 | 5:00 PM

Hindi tuloy bukas ang nakatakda sanang ikatlong operasyon kay dating pangulo at ngayo'y Pampanga Congresswoman Gloria Arroyo.

Sa medical bulletin na binasa ni Saint Luke's Medical Center Spokesperson Dr. Marilen Lagniton, nakaranas ng lagnat kagabi si Ginang Arroyo ayon sa attending physician nitong si Dr. Juliet Cervantes.

Sari-saring pagsusuri aniya ang isinagawa sa dating pangulo para sa posibleng impeksyon na siyang nagdudulot ng lagnat pero lahat nag-negatibo.

Posible namang ituloy ang operasyon sa cervical spine ni CGMA anumang araw ngayong linggo kapag nawala na ang lagnat nito.

Nilinaw naman ni Lagniton na maliban sa lagnat kagabi, wala nang kakaibang nararamdaman ang pangulo at regular naman itong nakakakain.

DFA: Alert level 4, itinaas sa Libya; mga natitirang Pinoy pwersahan nang ililikas

August 22, 2011 | 3:00 PM

Itinaas na ng DFA sa alert level 4 ang sitwasyon sa Libya.

Ibig sabihin, pwersahan nang ililikas ng pamahalaang Pilipinas ang mga natitirang Filipino sa nasabing bansa.

Sa inilabas na pahayag ng DFA, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na nitong nakaraang linggo pa pumunta sa Tripoli, Libya si DFA Undersercretary Rafael Seguis para kumbinsihin ang mga natitirang Pinoy na lumikas sa harap ng paglala ng sitwasyon doon.

Nasa Gerba na rin ang rapid response team ng Pilipinas para umasiste sa embahada roon kung saan 1,600 pang Filipino ang nananatili sa Tripoli at mga karatig lugar.

Sa pinakahuling report, napasok na ng Libyan rebels ang malaking bahagi ng Tripoli kabilang ang Green Square na dating pinagdarausan ng political rallies ni Libyan Leader Moamar Gadhafi.

Una na ring inanunsyo ng Libyan rebel spokesman na naaresto na umano ng opposition forces ang dalawang anak ni Gadhafi na sina Saif Al-Islam at Saadi.

www.dzmm.com.ph

Bagyong Mina, hindi direkatang tatama sa Pilipinas

August 22, 2011 | 3:00 PM

HINDI direktang tatama sa kalupaan si “Mina.”
 
Ayon kay PAGASA Weather Forecaster Ben Oris, may tatlo hanggang apat na araw pang mananatili ang bagyo sa bansa kung saan tutumbukin nito ang direksyong pa-hilaga-hilagang-kanluran at hilaga ng Japan.

Ang Bagyong “Mina” ay huling namataan sa layong 350 kilomters ng silangan-timog-silangan ng Virac, Catanduanes at may lakas ng hanging aabot ng 45 kilometers per hour.


Bagamat hindi direktang tatama palalakasin naman ni “Mina” ang Hanging Habagat na siyang magdadala ng malakas na pag-ulan sa Southern Luzon at Visayas.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nabanggit na rehiyon sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa.

July 2011 NLE, lumabas na

August 22, 2011 | 12:00 NN

Inilabas na ng Professional Regulatory Commission ang resulta ng July 2011 Nursing Licensure Examination kung saan 48% o mahigit 37,000 sa may 78, 000 kumuha ng pagsusulit ang pumasa.

Si Jomel Garcia ng University of the Philippines - Manila ang naging topnotcher. Si Garcia ay nakakuha ng rating na 88.4%. Sinundan ito nina Hazel Cortez Crisostomo at Beverly Lynne Yao Ong na kapwa nakakuha ng 87.4 rating at parehong alumna ng University of Sto. Tomas.

Base sa dami ng kumuha ng pagsusulit, tinanghal na top performing school ang Chinese General Hospital College of Nursing and Liberal Arts. May 338 first examinees ang mula sa paaralang ito, na pawang pumasa lahat.

Nagbigay naman ng paalala si Labor Secretary Rosalinda Baldoz sa mga bagong nurse na nais mangibang bansa. Ayon sa kanya, ang mga host countries ay nagde-demand ng 2-3 year ng actual nursing experience o work experience.

Nilinaw ni Baldoz na ang on the job training o volunteer work, kahit gaano ito kahaba ay hindi maituturing na work experience.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons