June 9, 2011 | 2:00 PM
Isa nang tropical depression ang Low Pressure Area na nagpapaulan sa Gitnang Luzon at tinatawag na ito sa pangalang "Dodong".
Batay sa tala ng PAGASA kaninang alas 11:00 ng umaga, namataan ang sentro ng tropical depression sa layong 60 kilometro Timog-Kanluran ng Iba, Zambales.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at kumikilos pa-Hilaga Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.
Inaasahan ang Tropical Depression Dodong na nasa layong 210 kilometro sa Kanluran ng Laoag City bukas ng umaga at 40 kilometro sa Kanluran Hilagang-Kanluran ng Basco, Batanes sa Sabado ng umaga.
Nakataas na ang public storm warning signal number 1 sa Metro Manila, Bataan, Pampanga, Tarlac, Zambales, Pangasinan at Cavite.
Maglalabas ng panibagong weather bulletin ang Pagasa mamayang ala-singko ng hapon.