July 1, 2011 | 5:00 PM
Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na wala pa itong natatanggap na official communication o notice mula sa pamahalaan ng Saudi Arabia kaugnay ng plano nitong paghinto simula bukas ng pag-iisyu ng work permit sa mga domestic helper mula sa Pilipinas.
Sa isang panayan, inihayag ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na tanging Arab News lamang ang naging source ng ilang media tungkol sa naturang balita.
Inatasan na aniya niya ang supervising labor attache sa Middle East na nakabase sa Qatar na tulungan ang labor attache ng bansa sa Riyadh para magkaroon ng informal meeting sa mga opisyal ng pamahalaang Saudi. Nais rin nilang magsagawa rin ng konsultasyon sa mga employer, recruitment agencies at Filipino community doon.
Sa pagkakaalam ni Baldoz, tanging mga bagong hiring ang maaaring maapektuhan at hindi ang mga nagtatrabaho na sa Saudi dahil tatapusin pa rin ng mga ito ang kanilang kontrata.
Tiniyak naman ni Baldoz na may nakahandang programa ang gobyerno para sa mga domestic helper mula sa Saudi na uuwi ng Pilipinas.
Una nang napaulat na simula bukas, ititigil na ng Saudi ang pagbibigay ng work permit sa mga domestic worker mula sa Pilipinas at Indonesia dahil sa mga bagong guidelines na ipinalabas ng pamahalaang Pilipinas at Indonesia tungkol sa pagtatrabaho ng mga domestic worker sa Saudi.