Tuesday, October 25

Bar operations sa 2011 Bar Exams, ipinagbawal ng SC

Ipinagbawal ng Korte Suprema ang tradisyunal na cheering squads, streamers at iba pang sendoffs na tinatawag na 'bar operations' sa vicinity ng University of Santo Tomas kaugnay ng isasagawang 2011 bar examination sa Nobyembre 6, 13, 20 at 27.

Ipinag-utos din ni 2011 Bar Chairperson Supreme Court Associate Justice Roberto Abad na buksan sa mga motorista ang lahat ng kalye sa palibot ng UST gaya ng Dapitan Street, P.Noval Street, España Boulevard at Lacson Avenue habang ginaganap ang pagsusulit.

Bukod sa mga security personnel ng Supreme Court at UST, magpapakalat din ng mga unipormadong pulis at tauhan ng NBI upang masiguro ang peace and order.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na gaganapin ang bar exam sa buwan ng Nobyembre gayundin ang pagkakaroon ng multiple-choice type of question.

Mayroong 6,200 law graduates ang nakatakdang kumuha ng bar exam ngayong taon.

Matatandaang 50 indibidwal, karamiha'y law students ang nasugatan sa huling araw ng 2010 bar exam matapos ang pagsabog ng isang MK2 fragmentation grenade sa labas ng De La Salle University sa Taft Avenue.

PNoy, nanawagan ng 'all-out-justice' para sa mga pag-atake ng MILF

Inihayag ni Pangulong Benigno Aquino III ang hinaing ng kanyang administrasyon na magkaroon ng 'all-out-justice' mula sa pag-atake ng ilang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa mga sundalo sa Mindanao.

Sa kanyang pangunang pahayag tungkol sa mga pag-atake, muling nanindigan ang Pangulo na walang all-out-war na magaganap laban sa MILF at ipagpatuloy na lamang ang peace process kasama ang MILF, sa kabila ng pag-atake ng mga rebelde sa militar nitong nakaraang linggo kung saan 19 na sundalo at 9 na rebelde ang napatay.

Ayon kay Aquino, hindi sagot sa mga problema sa Mindanao ang paglulunsad ng giyera laban sa MILF.

Samantala, binalaan na rin ni Aquino ang MILF na isuko ang mga miyembro nitong dawit sa pagpatay ng 19 sundalo sa bakbakan nitong nakaraang linggo, o mapipilitan silang gumamit ng dahas.

Nitong Linggo, walong katao, kabilang ang apat na sibilyan, ang napatay habang 11 ang sugatan sa dalawang magkahiwalay na pag-atake na hinihinilang kagagawan ng MILF.

4 hanggang 5 laban sa 2012, inihahanda na para kay Donaire

Matapos matalos si Omar Narvaez ng Argentina, hangad ni Top Rank Promotions Chief Executive Officer (CEO) Bob Arum na isabak si The Filipino Flash Nonito Donaire Jr. sa apat hanggang limang boxing match sa susunod na taon kung saan isa rito ay posibleng gawin sa Maynila.

Target ni Arum na iharap si Donaire sa Japanese champion na si Toshiaki Nishioka sa darating na Marso.

Kung hindi naman anya ito pwede sa Marso, hahanap sila ng iba pang pwedeng ilaban kay Donaire sa Pebrero.

Planong itapat ni Arum ang Mexican boxer na si Jorge Arce kay Donaire para sa Super Bantamweight Championship sa Hunyo na gagawin sa itinatayong Mall of Asia Arena.

Si Arce ang kasalukuyang WBO Super Bantamweight Champion at Number 8 sa The Ring's junior featherweight division habang hawak naman ni Nishioka ang WBC super bantamweight belt.

PNP, overtime sa Oplan Kaluluwa

24 / 7 ang bantayan sa Oplan Kaluluwa.



Ayon kasi kay PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz kahit kulang ang kanilang mga tauhan ay magduduty naman ang mga ito ng 12 oras at cancelled ang lahat ng mga day off at leave.

Sinabi din ni Cruz na pati ang mga gwardiya ay makikitulong na sa pagbabantay sa taumbayan hanggang matapos ang Oplan Kaluluwa ng PNP sa Nobyembre 3.

Founder ng New Seven Wonders of Nature, humanga sa Underground River

PERSONAL na nasaksihan ni Dr. Bernard Weber, pangulo at founder ng New Seven Wonders of Nature ang ganda ng pamosong Puerto Princesa Underground River.

Kasama niyang nagtungo dito sina Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn at N7WN Director Jean Paul dela Fuente.

Ipinagmalaki ni Weber sa mga mamamahayag na kasama niyang naglakbay sa loob ng Underground River ang kakaibang karanasan sa kalikasan lalo na ang mga kakaibang tibag o ayos ng mga bato na may iba’t ibang hugis na sinadyang nililok ng kalikasan.

Binanggit naman ni Hagedorn na walang katagang maaaring magsalarawan ng Underground River, dahil kailangan munang maranasan ng isang tao ang pumasyal dito bago niya mailarawan ang kakaibang ligayang dulot nito.

Pinoy sa Libya, ok na

MATAPOS ang kaguluhan sa Libya, tiniyak ngayon ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli, Libya na maayos ang kalagayan ng mga Pinoy na nagtatrabaho doon.

Ayon kay Antonio Nalda, bagong OIC sa Philippine Embassy sa Tripoli, Libya patuloy pa rin namang nakakatanggap ng sweldo ang mga OFW, pero may ilang nade-delay din.

Karamihan sa mga Pinoy doon ay mga medical workers sa pribado at ospital ng gobyerno.

Sa ngayon nananatili sa Libya ang may humigit kumulang 2, 000 OFW ang naiwan sa nasabing bansa.
Tiniyak din ni Nalda na wala namang Pinoy na nasaktan sa mga huling araw na naging magulo ang Libya.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons