Saturday, June 25

300,000 apektado ni Falcon

June 25, 2011 | 5:00 PM


Mahigit tatlong daang libong katao sa dalawampu't pitong bayan at labing apat na lungsod kasama na ang Metro Manila at Bicol ang apektado ng baha dulot ni Tropical Storm Falcon.

May pitumpo't limang libong katao ang inilikas, mahigit kalahati nito ay mula sa Lalawigan ng Albay, at 20,000 ay mula sa Metro Manila. Ayon yan sa National Disaster Risk Reduction Management Council.

Dagdag pa ng ulat, animnapu't anim na kabahayan ang nasira, labing lima rito ay dulot ng nanalasang ipo ipo sa Quezon City.

Ayon kay NDRRCM Executive Diretor Benito Ramos, wala pang naiuulat na nasawi subalit labing lima ang nawawala.

Iniulat din ng NDRRMC na unti unti nang bumababa ang tubig sa mga dam malabin sa La Mesa at Ipo Dams na nasa kritikal pa ring lebel.

Ayon kay Ramos, ang maliit na bilang ng nasaktan at kawalan ng bilang ng namatay ay nagpapakita lamang na natuto na ang mamamayan sa pananalasa ni Bagyong Ondoy noong 2009 na kumitil sa buhay ng may apatnaraang katao.

www.inquirer.net

NDRRMC, pinaalalahanan ang DOTC na maglabas ng abiso sa pagbiyahe ng mga provincial bus tuwing may bagyo


June 25, 2011 | 3:00 PM

Inulit ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang paalala nito sa Department of Transportation and Communications (DOTC) na maglabas ng abiso para sa mga bus company na huwag nang bumyahe sa tuwing may bagyo.

Partikular na inatasan ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mag-abiso sa mga bus company na tumatawid sa Visayas at Mindanao at sumasakay sa mga Ro-Ro (Roll-on Roll-off) vessel.

Ginawa ni Ramos ang pahayag dahil na rin sa paulit-ulit na sitwasyon na may mga naiistranded sa mga pantalan na mga pasahero twuing may bagyo na obligadong asikasuhin ng pamahalaan partikular ng Department of Social Welfare and Development. 

www.dzmm.com.ph

La Mesa Dam, umapaw na…. Ipo Dam, muling nagpakawala ng tubig

Nananatili namang nasa safe level ang Pantabangan Dam. Sa datos ng Pagasa, ala-6 ng umaga ngayon araw, nasa 182.41 meters ang Reservoir Water Level ng Pantabangan Dam. Malayo pa sa spilling level na 221 meters.


Umapaw naman kahapon ang La Mesa Dam na nasa lungsod ng Quezon.


Ayon kay Max Peralta, Assistant Weather Service Chief ng Hydrometeorological Division ng PAGASA, bandang 1:00 ng hapon kahapon ng nagsimulang umapaw ang tubig sa nasabing water reservoir kung saan umabot ang current elevation nito sa  80.24 cubic meters per second.

Una rito, itinaas na ang alerto sa nabanggit na dam dahil na rin sa malakas na pagbuhos ng ulan.

Bukod dito, kinumpirma rin ni Peralta na nagpakawala na rin ng tubig ang Ipo Dam sa Bulacan dahil sa labis na tubig na naipon sa kanilang reservoir na nasa 100.71 cubic meters per second.

Maging ang iba pang dam ay binabantayan na rin dahil sa maaaring panganib na idulot nito sa mga naninirahan malapit sa daanan ng tubig.

www.rmn.com.ph with report from Percy Tabor based on www.pagasa.dost.gov.ph

Pag-ulan sa Luzon, mararanasan pa rin hanggang bukas; magandang panahon, asahan sa Lunes

Maaring pa ring umulan hanggang bukas ayon sa Pagasa.

Ngunit ayon kay Pagasa forecaster Leny Ruiz, sa Lunes ay mararanasan ang ang unti-unting pagbuti ng panahon. Ayon pa sa kanya, asahan ang maulap na kalangitan sa mga susunod na araw.

Sa ngayon, patuloy pa ring nararanasan ang pag-ulan sa Metro Manila, Northern Luzon, at Central Luzon.

Sa huling weather ng bulletin ng Pagasa, bahayang lumakas ang bagyong Falcon habang papalayo ng Philippine Area of Responsibility. Wala nang nakataas na storm signal sa alinmang bahagi ng bansa.

Ang walang tigil na pag-ulan ay dulot ng southwest monsoon na pinalakas ni Tropical Storm Falcon.

DA, tiniyak na matatag ang presyo ng mga pagkain sa kabila ng mga pag-ulan at pagbaha


June 25, 2011 | 12:00 NN

Tiniyak ng Department of Agriculture na tuloy ang daloy ng suplay ng mga pagkain sa Metro Manila sa kabila ng patuloy na pag-ulan na nagpabaha na sa ilang lugar sa National Capital Region at mga karatig lalawigan. 

Sa kanyang report sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, pinawi ni Agriculture Undersecretary Joel Rudinas ang pangambang tumaas ang presyo ng pagkain tulad ng manok at iba pang produkto. 

Katunayan, sinabi ni Rudinas na hindi nagbabago ang presyong ibinibigay ng farm producers kaya walang batayan ang pahayag ng ilang tindero sa palengke na maaaring magbago ang presyo ng pagkain tuwing may bagyo o malakas na pag-ulan. 

Nagpakalat na rin aniya sila ng mga tauhan para matyagan at bantayan ang presyo ng mga pagkain sa ilang malalaking palengke.


www.dzmm.com.ph

TS Falcon, palayo na ng bansa


June 25, 2011 | 11:00 AM

Lumakas pa ang Tropical Storm Falcon habang patuloy na kumikilos palayo ng bansa.

Sa pinal na bulletin sa bagyo na ipinalabas ng PAGASA, alas 5:00 ng umaga, namataan ang sentro nito sa layong 590 kilometers sa Hilagang-Silangan ng Basco, Batanes kaninang alas 4:00 ng umaga.

Taglay na ang lakas ng hanging aabot ng 105 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot ng hanggang 135 kilometers per hour, kumikilos si Falcon ng pa-Hilaga Hilagang-Kanluran sa bilis na 24 kilometers per hour.

Tinataya itong nasa 680 kilometers sa Hilaga Hilagang-Silangan ng Basco, Batanes o may 320 kilometers sa Kanluran Hilagang-Kanluran ng Okinawa, Japan, alas 8:00 ng umaga.

Ayon sa PAGASA, patuloy na pag-iibayuhin ng Tropical Storm Falcon ang Southwest monsoon o hanging habagat at magdadala ng mga pag-ulan sa Luzon, partikular na sa Western sections ng Northern at Central Luzon.


Samantala, sa mga technical school, college o university na nais magpaabot ng kanselasyon ng kanilang mga klase ngayong araw, tumawag sa aming station hotline, 463-9406.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons