August 12, 2011 | 5:00 PM
Inaasahan ng Department of Energy (DOE) na magkakaroon na ng oil price rollback sa Lunes.
Sa isang panayam, inihayag ni Energy Secretary Jose Rene Almendras na posibleng ngayong araw ay mayroon nang oil company na mag-aanunsyo ng bawas-presyo.
Pero karaniwan aniya ay Lunes nagkakaroon ng paggalaw sa presyo ng produktong petrolyo.
Nauna nang iginiit ng DOE na dapat mag-rollback ng P2 kada litro sa presyo ng petrolyo dahil sa pagbagsak ng presyuhan ng krudo sa world market matapos i-downgrade ang credit rating ng Estados Unidos.
Kasabay nito, idinepensa ni Almendras ang muling pagtaas ng P1 kada kilo o P11 sa bawat 11-kilogram na tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) simula kaninang alas 12:00 ng hatinggabi.
Paliwanag ng kalihim, nagtaas ang average price ng LPG noong nakaraang linggo.