July 8, 2011 | 5:00 PM
Matapos mabunyag ang mga sinasabing anomalya sa paggamit ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), isinulong ni Senador Franklin Drilon ang pagsasapribado sa lotto at iba pang larong sugal na pinangangasiwan ng naturang ahensya maging ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Sinabi ni Drilon na kailangang baguhin ang charter ng PCSO at mas mainam na isapribado na lamang ang operasyon ng lotto, sweepstakes at iba pang gaming services ng ahensya para walang maging kuwestyon sa intelligence fund nito.
Magiging regulatory agency na lamang aniya ang gobyerno na magbibigay-proteksyon sa mga tumataya sa lotto.
Dagdag ni Drilon, kapag natuloy ang privatization, ang mga bayad sa gaming services ay mapupunta sa national treasury at ang Kongreso ang bahala sa appropriation.
Mungkahi ni Drilon, ilagay lahat sa Philhealth ang matatanggap na bayad sa pagsasapribado ng lotto at iba pang larong sugal para mapanindigan ng PCSO ang mandato nito na pagbibigay ng tulong-medikal sa mga kapus-palad.
www.dzmm.com.ph