Tuesday, June 28

Hubert Webb, nasa bansa nang mangyari ang Vizconde massacre - NBI

June 28, 2011 | 3:00 PM

Taliwas ang findings ng Task Force Vizconde sa iginigiit ng pangunahing suspek sa Vizconde massace case na si Hubert Webb, na nasa Amerika siya nang mangyari ang masaker noong June 1991.

Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na batay sa testimonya ng anim nilang bagong testigo sa kaso, at sa mga ebidensyang kanilang nakalap partikular sa magnetic reel tape ng Bureau of Immigration, lumilitaw na hindi lumabas ng bansa si Webb noong March 1991.

Narekober aniya rito ang listahan ng mga taong may apelyidong Webb na umalis ng bansa sa buong buwan ng Marso noong 1991, at hindi kasama si Hubert sa listahan, kundi isang Freddie.

Mayroon naman aniyang mga Webb na dumating noong October 1992 at dito kasama ang pangalan ni Hubert at ito ang kanilang tinitingnan.

Sa iprinisintang findings ng Task Force Vizconde sa press briefing ng National Bureau of Investigation (NBI), lumilitaw na si Webb, na una nang inabswelto ng Korte Suprema noong December 2010, ay nasa bansa noong panahon at pagkatapos na mangyari ang krimen, base na rin sa testimonya ng anim na bagong testigo.

Nilinaw naman ni Secretary De Lima na wala silang ebidensiya na si Hubert Webb at mga kasama ay nasa lugar ng pangyayari nang maganap ang krimen.


www.dzmm.com.ph

Mga biktima ng kalamidad, posibleng hindi pagbayarin ng buwis

June 28, 2011 | 3:00 PM

ISINUSULONG ni Senador Manny Villar na maipagpaliban sa pagbabayad ng buwis ang mga biktima ng kalamidad.


Nakasaad sa kanyang Senate Bill No. 2443, target nitong iligtas sa pagbabayad ng buwis ang mga nabiktima ng bagyo, lindol, pagsabog ng bulkan at iba pang kahalintulad ng kalamidad sa pamamagitan ng pagpataw ng kaukulang deductions mula sa kanilang income at real property taxes.

Ang nasabing panukala ay kasunod na rin ng ilang serye ng pananalasa ng bagyo ngayong taon kung saan ang pinakahuli ay ang bagyong Falcon na libu-libong pamilya ang naapektuhan at milyun-milyong ektarya ng pananim ang nasira.

Inihalimbawa rin ng senador ang mga residente sa Marikina City kung saan nagkaroon ng diskwento sa kanilang real property tax rate matapos salantain noon ng bagyong Ondoy.

www.rmn.com.ph

DOH nagbabala laban sa leptospisrosis


June 28, 2011 | 12:00 NN

Pinapayuhan ng Department of Health ang publiko na huwag maglaro o maglakad sa baha na iniwan ng mga nagdaang ulan at bagyo.

Ito ay sa gitna ng pagtaas sa bilang ng mga nagkakaroon ng leptospirosis sa bansa.

Ayon kay DOH Secretary Enrique Ona, ang leptospirosis ay isang sakit na nakukuha mula sa tubig baha na kontaminado ng mga ihi ng hayop. Napupunta ito sa katawan ng tao sa pamamagitan ng sugat sa paa.

Dagdag pa ng kalihim, hindi pa tapos ang tag-ulan kaya tuloy ang kanilang kampanya laban sa sakit na ito. Kung hindi daw maiwasang maglakad sa baha, makakatulong ang pagsusuot ng bota.

Ayon sa World Health Organization, ang mga sintomas ng pagkakaroon ng leptospirosis ay mataas na lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pamumula ng mga mata, pamumula ng balat, pagsusuka at diarrhea.

May 454 nang kaso ng leptospirosis sa bansa mula January hanggang  May ngayon taon. Mas mataas ito ng 75% sa parehong mga buwan noong nakaraang taon.

Karamihan sa mga kasong ito ay nasa Western Visayas, Bicol Region, at Central Luzon.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons