Wednesday, June 22

Pag-iingat, tamang paggamit ng Facebook, iba pang social networking sites


June 22, 2011 | 5:00 PM

Nais ng ilang kongresista na isama ng Department of Education ang pagtuturo sa mga estudyante sa pampublikong paaralan sa elementary at high school ang pag-iingat at tamang paggamit ng mga social networking site.

Ayon kina Marikina City Rep. Miro Quimbo at Aurora Rep Juan Edgardo Angara, kailangang magabayan ang mga kabataan sa paggamit ng mga social networking sites dahil ginagamit na rin ito ng mga kriminal para makapambiktima.

Idinagdag ng kongresista na habang bata pa ay mabuting maituro na rin sa mga mag-aaral kung paano magiging responsible sa paggamit ng mga social networking site, partikular ang sikat na Facebook.

Sinabi ni Quimbo na kailangang kumilos ang pamahalaan para matiyak ang kaligtasan ng mga kabataan sa paggamit ng modernong teknolohiya.

Batay sa isinagawang survey ng AGB Nielsen, ang Pilipinas ay pang-lima sa mga bansa na may pinakamaraming gumagamit ng Facebook.

Para naman kay Angara, magandang lugar ang mga paaralan upang maituro sa mga kabataan ang kahalagahan sa paggamit ng modernong teknolohiya at kung ano ang mga bagay na hindi dapat gawin sa mga social networking site.

wwww.gmanews.tv

Guinness, naghahanap ng world oldest living person


June 22, 2011 | 3:00 PM

NAGHAHANAP na ngayon ang Guiness Book of Records para sa panibagong world’s oldest living person.

Ito ay matapos sumakabilang buhay kahapon ang nagmamay-ari ng nasabing titulo na si Maria Gomes Valentim ng Brazil sa edad na siyento katorse.

Si Valentim, na ipinanganak noong July 9, 1896, ang itinanghal ding na kauna-unahang Brazilian super centenerian.

Samantala kailangan namang magkaroon ng orihinal na katibayan ng kapanganakan sa loob ng 20 taon ang mga nagnanais masungkit ang bakanteng titulo ng Guiness.

www.rmn.com.ph

Kahandaan laban sa pagpasok ng 15 bagyo ngayon taon sa bansa, tiniyak


June 22, 2011 | 12:00

TINIYAK ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na nakahanda ang kanilang tanggapan hinggil sa 15 bagyong posibleng pumasok pa sa bansa ngayon taon.

Ayon kay NDRRMC Exec. Dir. Benito Ramos, nakaantabay na ang kanilang mga Disaster Reponse Team, katuwang ang Local Government Units (LGU), maging ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of Health (DoH) upang magbigay ng ayuda.

Kaugnay rito, inihayag ni DSWD Secretary Dinky Soliman na mayroon ng pondo ang mga lokal na ahensya para sa mga relief goods at non-food items upang ibigay sa mga sinalanta ng bagyo, gayundin sa mga residente sa Cotabato at Maguindanao na nakakaranas ng matinding pagbaha.

Nagbabala naman si Ramos sa mga residente sa bahagi ng Borongan Eastern Samar na maging alerto dahil posibleng ito ang tumbukin ng bagyong Falcon.

www.rmn.com.ph

4 panukalang batas, nilagdaan na ni Pangulong Aquino


June 21, 2011 | 3:00 PM

Apat na panukalang batas ang nilagdaan ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ngayong araw.

Nilagdaan na ni Pangulong Aquino ang batas na magpapalawig sa lifeline rate privilege ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na layong bawasan ang hirap sa pagbabayad sa kuryente sa mga low income family.

Nilagdaan na rin ng Pangulo ang pagpapalawig ng Joint Congressional Power Commission upang tiyakin ang healthy competition sa power sector.

Pinirmahan na rin niya ang batas na magbibigay ng patas na employment opportunity sa mga babaeng nagtatrabaho sa gabi gayundin ang mandatory basic immunization services para sa mga batang hindi lalampas ng limang taong gulang kontra Hepatitis B.

Ang paglagda sa apat na panukalang batas ay sinaksihan nina Senate President Juan Ponce Enrile, House Speaker Feliciano Belmonte, kasama ang iba pang mga senador at kinatawan.

Sinabi ng Pangulo na hindi pa siya kuntento sa mga nilagdaan niyang batas dahil hindi pa rito nagtatapos ang trabaho ng administrasyon para resolbahin ang mga problema ng bansa.

Low Pressure Area sa bahagi ng Visayas, isa nang ganap na bagyo

June 21, 2011 | 2:00 PM

Isa nang ganap na tropical depression ang Low Pressure Area (LPA) na namataan sa Silangang Bahagi ng Visayas at tatawagin na itong Bagyong "Falcon".

Batay sa weather bulletin ng PAGASA, namataan ang sentro ni Falcon sa layong anim na raan at pitumpung  kilometro sa Silangan ng Boronggan, Eastern Samar.

Taglay nito ang lakas ng hangging umaabot ng 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at kumikilos pa-Kanluran Hilagang-Kanluran sa bilis na labing siyam na kilometro kada oras.

Wala namang nakataas na babala ng bagyo sa alinmang bahagi ng bansa.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons