June 29, 2011 | 3:00 PM
Sa press conference kanina, pinasinungalingan ni Hubert Webb ang sinasabi ng National Bureau of Investigation na nasa bansa siya nang maganap ang Vizconde Massacre. Bilang patunay, ipinakita ng kanyang ama na si Dating Senador Freddie Webb ang passport ni Hubert na may tatak ng Bureau of Immigration. Pinapakita rito na umalis ng bansa si Hubert noong June 1991.
Matatandaang sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na batay sa testimonya ng anim nilang bagong testigo sa kaso, at sa mga ebidensyang kanilang nakalap partikular sa magnetic reel tape ng Bureau of Immigration, lumilitaw na hindi lumabas ng bansa si Webb noong March 1991.
Narekober aniya rito ang listahan ng mga taong may apelyidong Webb na umalis ng bansa sa buong buwan ng Marso noong 1991, at hindi kasama si Hubert sa listahan, kundi isang Freddie.
Mayroon naman aniyang mga Webb na dumating noong October 1992 at dito kasama ang pangalan ni Hubert at ito ang kanilang tinitingnan.
Sa iprinisintang findings ng Task Force Vizconde sa press briefing ng National Bureau of Investigation (NBI), lumilitaw na si Webb, na una nang inabswelto ng Korte Suprema noong December 2010, ay nasa bansa noong panahon at pagkatapos na mangyari ang krimen, base na rin sa testimonya ng anim na bagong testigo.
Nilinaw naman ni Secretary De Lima na wala silang ebidensiya na si Hubert Webb at mga kasama ay nasa lugar ng pangyayari nang maganap ang krimen.