Monday, June 13

CHED naglabas ng guidelines patungkol sa pagsuspinde ng klase


June 13, 2011 | 5:00 PM

Naglabas ng guidelines ang Commission on Higher Education patungkol sa pagsususpinde ng klase sa panahon ng bagyo at baha.

Ayon kay CHED Chairperson Patricia Licunan, ang mga klase sa collegiate kasama na ang graduate school ay awtomatikong suspindido kung ang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ay nagdeklara ng Storn Signal Number 3 o mas mataas pa.

Dagdag ni Licunan, kung walang official announcement, may kapangyarihan naman daw na mag suspinde ng klase ang mga pinuno ng higher education institutions, kabilang na ang graduate schools, sakaling may di maiwasang pangyayari sa kanilang lugar gaya ng labis na pagbaha o pagkasira ng mga daan.

Ang pagkansela ng klase ay dapat na ianunsiyo bago mag ala singko ng umaga gamit ang iba’t ibang uri ng komunikasyon.

Sinasabi rin sa kautusan na ang estudyanteng hindi nakapasok sa klase dahil sa sama ng panahon ay dapat na bigyan ng konsiderasyon at hayaang makapag make up sa kanyang mga klase o sa mga hindi nakuhang pagsusulit.

South China Sea, tatawagin nang West Philippine Sea


June 13, 2011 | 3:00 PM

Tatawagin na ngayong West Philippine Sea ang dating South China Sea.

Ito ay bilang pagsunod sa pangunguna ng Pangulong Benigno Aquino III na tawaging West Philippine Sea ang naturang karagatan.

Ayon kay Science Undersecretary Graciano Yumul, ang pagpapalit ng pangalan sa sa South China Sea ay isang tamang hakbang upang maiwasan ang kalituhan. Opisyal namang tatawaging Philippine Sea ang karagatan sa silangang bahagi ng bansa.

Ayon kay Usec Yumul, ang pagbibigay ng lokal na pangalan sa mga international bodies of water ay ginagawa rin ng maraming bansa.  Halimbawa na raw ang karagatan sa pagitan ng Japan at Korea, kung saan tinatawag itong East Sea ng mga Koreano at Japan Sea naman para sa mga Hapones.

Magbibigay ng official advisory ang gobyerno ng Pilipinas sa international community patungkol sa bagong tawag sa naturang karagatan.

Samantala, nilinaw naman ng DOST na ang pagbibigay ng pangalang West Philippine Sea ay walang kinalaman sa Spratlys Islands territorial dispute sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.

Dallas nasungkit ang NBA Championship trophy


June 13, 2011 | 12:00 NN

Naiuwi ng Dallas Mavericks ang 2011 NBA championship trophy matapos nitong maipanalo ang Game 6 laban sa Miami Heat.

Natapos ang huling laban ng dalawang koponan sa game score na 105-95 at series score na 4-2.

Ito ang kauna-unahang championship trophy ng Dallas sa loob ng mahigit tatlong dekadang paglalaro nito sa NBA.

Si Dirk Nowitzki ang tinanghal na Most Valuable Player.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons