Ipinare-recall na ng Food and Drugs Administration (FDA) ang lahat ng itinuturing na high-risk food products mula sa Taiwan dahil sa posibleng kontaminasyon ng chemical na Di(2-ethylhexyl) phthalate o DEHP.
Sinabi ni FDA Director Suzette Lazo na nakumpleto na nila ang listahan ng mga produktong kontaminado na makikita ngayon sa kanilang website.
May animnaput-anim (66) na produkto na karamihan, mga sports drink, softdrinks, jam, jelly, fruit juice at tsaa ang kabilang sa sinasabing kontaminado ng DEHP.
Inatasan na ni Lazo ang mga distributor ng mga Taiwan food product na hindi kasama sa listahan na huwag muna ring magbenta o mag-import ng nasabing produkto at pinagsusumite sila ng laboratory result mula sa FDA-accredited laboratory.
Paliwanag ni Lazo, masama sa kalusugan ang sobrang pagkakalantad sa DEHP, lalo na sa mga bata, na posibleng pagmulan ng kanilang pagkabaog at pagkakaroon ng sakit sa bato o kidney.
www.dzmm.com.ph