Monday, October 31

Simbahang Katoliko, pinagiingat ang publiko sa mga pekeng pari sa sementeryo

Nagbabala ang pamunuan ng simbahan katoliko laban sa mga pekeng pari na umiikot sa mga sementeryo na humihingi ng donasyon kapalit ng pagbabasbas ng mga puntod.

Ayon kay Palawan Bishop Pedro Arigo, modus ng ilang indibidwal na magdamit pari upang mag-alok ng serbisyo ng pagbasbas sa mga puntod at maghihintay sa mga kamag-anak na mag-abot ng donasyon.


Ang ibang pekeng pari ay kumpleto sa gamit gaya ng holy water at ilan pang props sa katawan. Kadalasan ay may kasama silang mga bata na tumatayong mga sakristan.

Ipinaliwanag ni Father Anton Pascual na ang mga tunay na pari ay hindi lumilibot sa mga sementeryo kapag undas dahil ang pagbabasbas sa mga patay ay ginagawa lamang kadalasan sa araw ng libing.

Maaari naman daw babasbasan ang puntod kung hihilingin ito ng kamag-anak.

Upang malaman kung totoo pari ang isang indibidwal, maaari daw na hilingin makita ang kanilang ID celebret, isang dokumentong nagpapatunay na ang may-ari ay may kapangyarihang magsagawa ng mga sakramento ng simbahang katoliko.


Mga lumuluwas, mas konti

MABABA ang bilang ng mga pasaherong umuuwi sa kanilang probinsya ngayong Undas.
Kung ang pagbabasehan ay ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, may kabuuang lang na 150 ang aalis na domestic flights habang 153 naman ang darating na domestic flights pero hindi na ganoon karami ang mga pasahero.

Hindi rin madami ang mga pasahero sa lumang domestic terminal.


Sa NAIA Terminal 2 naman ay may kabuuang 73 departure at arrival flights ang Philippine Airlines (PAL) para ngayong araw.


Ayon sa tagapagsalita ng PAL na si Cielo Villaluna, wala namang problema sa kanilang operasyon maliban sa nararanasang mga delayed flight dahil sa air traffic congestion na karaniwan nang nararanasan.

PNoy at mga kapatid, bibisita sa puntod ng mga magulang ngayong hapon

Naka-kordon na ang palibot ng puntod nina Sen. Benigno "Ninoy" Aquino at dating Pangulong Cory Aquino sa Manila Memorial Park sa Parañaque City bilang paghahanda sa pagdating ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III at kaniyang mga kapatid ngayong hapon.

Nag-iikot na rin ang mga K9 unit malapit sa puntod habang naging matipid naman sa pagbibigay ng impormasyon ang Communications Group hinggil sa nasabing pagbisita ng Pangulo.

Ayon sa Communications Group, nais kasi ni Pangulong Aquino na maging pribado ang kanilang pagbisita sa mga magulang sa paggunita ng Undas kaya hindi rin pinalalapit ang media sa may puntod.

Sa official twitter account naman ng kapatid ng Pangulo na si Kris Aquino, sinabi nito na darating silang magkakapatid sa Manila Memorial Park pagkatapos ng pananghalian.

Puerto Princesa Underground River, posibleng makapasok sa New 7 Wonders of Nature

Dalawang linggo na lang bago ilabas ang resulta sa New 7 Wonders of Nature kung saan pambato ng Pilipinas ang Puerto Princesa Underground River sa Palawan.

Malaking karangalan at ambag sa turismo kung masusungkit ng Pilipinas ang isa sa pitong puwesto sa paligsahang ito.

Ngayon pa lang, malaking tulong na sa turismo at ekonomiya ng Palawan ang dagsa ng mga turista.

Sinabi ni James Mendoza, Park Superintendent ng Puerto Princesa Subterranean River National Park, na kumikita ang mga lokal na mamamayan sa mga dumadating na bisita sa lugar.

Kalaban ng pambato ng Pilipinas ang 28 pang kalahok mula sa iba't ibang panig ng mundo.

Sa mga nais sumuporta at bumoto para sa Puerto Princesa Underground River, maaaring mag-log on sa www.new7wonders.com.

Hihirangin ang mga mananalo sa Nobyembre 11.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons