Friday, October 21

604 buses, nag-apply na ng special permit para makabiyahe sa lalawigan sa Undas

Isang linggo bago mag-Undas, umabot na sa 604 ang mga yunit ng bus na nag-aplay para sa special permit upang makabiyahe sa mga lalawigan.

Sinabi ni Lilia Ocampo, officer-in-charge ng Technical Evaluation Division ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na susuriin muna nila at ng Land Transportation Office  ang road worthiness ng mga yunit ng bus bago pagkalooban ng special permit.

Ayon kay Ocampo, lalagyan na rin ng LTFRB ng fare guide ang lahat ng bus unit na bibiyahe sa iba't ibang probinsya para alam ng mga pasahero kung nagkakaroon ng overcharging ang mga kumpanya ng bus sa panahon ng Undas.

Paalala ng LTFRB, hanggang ngayong araw na lang ang aplikasyon ng special permit para sa mga bus na bibiyahe sa Undas.

Blood letting ng JANE, tagumpay


Naging matagumpay ang blood letting program na pinangunahan ng Japan Association of Novo Ecijanos o JANE na ginanap sa Fort Magsaysay kahapon.

Sa temang “Healthy People Care, Healthy People Donate Blood” nakakulekta ang JANE ng 65 bags ng dugo mula sa iba’t-ibang grupo ng donors gaya ng Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas Nueva Ecija Chapter, mga guro ng Zaragosa National High School at Nueva Ecija National High School, 81st Infantry Battalion, 7th Infantry Division, Reservists of Nueva Ecija, Bankers Club of Cabanatuan City, Nueva Ecija Police Provincial Office at NIA Nueva Ecija Division 3.

Libyans, nagbubunyi sa pagkamatay ni Gadhafi; UN, nanawagan ng pagkakaisa

Patuloy ang pagbubunyi ng mga Libyan sa pagkamatay ni Moammar Gadhafi na 42 taon ding naghari sa kanilang bansa.

Naglabasan at nagdiwang sa central Marty's square at sa mga lansangan ng Tripoli ang mga residente nang mabalitaang nahuli at napatay na si Gadhafi.

Una nang natimbog si Gadhafi habang nagtatago sa drainage culvert sa Sirte matapos tirahin ng NATO Forces ang convoy nito habang papalabas sa kaniyang hometown.

Sa report ng Reuters, pinagbubugbog ng mga Libyan fighter si Gadhafi saka binaril sa ulo.

Kasama ring napatay ang anak niyang si Mo'tassim at dating Defense Minister Bakar Yopunis Jaber.

Dalawang buwan ding nagtago si Gadhafi matapos makontrol ng Libyan rebels ang Tripoli.

Umabot na ng walong buwan ang pag-aaklas ng Libyans sa pamamahala ng 69 anyos na lider na nauwi sa civil war.

Nagkakaisa naman ang mga lider ng iba't ibang bansa sa pagsasabing ang pagkamatay ni Gadhafi ay pagtatapos na rin ng diktadurya sa Libya.

Agad ding nanawagan si United Nations Secretary-General Ban Ki-moon para sa pagkakaisa at reconciliation sa Libya at kailangan aniyang isuko na ng mga tagasuporta ni Gadhafi at ng mga Libyan rebels ang kanilang mga armas.

Nangako si Ban na susuportahan ng UN ang transitional leaders sa pagbuo nito ng bagong nasyon.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons