Tuesday, July 26

Mga kinanselang flights dahil sa Bagyong Juaning, umabot na sa 28

Umabot na sa 28 domestic flights ang kinansela dahil sa Bagyong Juaning.

Sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) Media Affairs Division Head Consuelo Bungag na 14 sa mga kinanselang biyahe ay mula sa Cebu Pacific Airlines habang tig-anim naman sa AirPhil Express at Zest Air at dalawang biyahe sa Philippine Airlines (PAL).

Ang mga apektadong biyahe ay patungong Catarman, Legazpi, Naga, Dumaguete at Calbayog.

Inaabisuhan ni Bungag ang lahat ng mga naapektuhang pasahero na makipag-ugnayan sa mga kaukulang airlines kung kailan mare-rebook ang kanilang biyahe.

Sa lalawigan ng Nueva Ecija, ipinaalala ng DepEd Division of Nueva Ecija na awtomatikong kanselado ang klase sa public at private pre-schools hanggat nasa ilalim ng Signal Number 1 ang lalawigan.


Ayon naman kay DILG Provincial Director Abraham Pascua, magpupulong mamayang gabi ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council upang mapaghandaan ang mga posibleng perwisyong ihatid ng bagyong Juaning sa Nueva Ecija.

Klase sa NCR at sa mga lalawigang apektado ni Juaning, sinuspinde ng DepEd


July 26, 2011 | 4:00 PM

Sinuspinde ng Department of Education (DepEd) ang klase sa maraming lugar na apektado ng Tropical Storm Juaning kabilang na ang Nueva Ecija.


Sa ipinalabas na advisory ng DepEd, kanselado na ang panghapong klase sa preschool, elementarya at high school sa Metro Manila, pampubliko man o pribado.

Otomatiko namang walang pasok sa preschool, public at private sa mga nasa ilalim ng Signal No. 1 sa mga lalawigan sa Region I, Region II, Cordillera Administrative, at Region III.

Sa Region IV-A, inanunsyo ni Cavite Gov. Juanito Victor "Jonvic" Remulla ang suspensyon ng mga klase sa ilang bayang kanyang nasasakupan.


Dahil din sa malakas na buhos ng ulan, sinuspinde ang mga klase sa preschool, elementary, at high school sa San Pablo City, Laguna; at Lipa City, Batangas.

Sa Region V, suspendido ang klase sa preschool, elementary, at high school sa lahat ng lalawigan doon, pampubliko man o pribado.

Azkals, balik ensayo na

July 26, 2011 | 5:00 PM

BALIK ensayo na uli ngayong araw ang Philippine foootball team Azkals upang paghandaan ang laban nila kontra Kuwait Al-Azraq sa home game sa July 28 sa Rizal Memorial Sports Complex para sa second leg ng World Cup Qualifiers.

Makakasama na rin muli sa ensayo ang suspendidong sina Midfielder Stephan Schrock at team captain Aly Borromeo.

Ayon kay Azkals coach Michael Weiss, malaking tulong ang dalawa sa kanilang pagbabalik dahil mas lalo nitong papalakasin ang line up ng national team.

Maaalalang nabigyan ng 1-game suspension sina Schrock at Borromeo matapos na makakuha ng dalawang yellow card sa kanilang laban noon sa Sri Lanka.

www.rmn.com.ph

CGMA, ooperahan dahil sa problema sa kaniyang cervical spine

July 26, 2011 | 3:00 PM

Isasailalim sa agarang operasyon si dating pangulo at ngayo'y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa problema sa kaniyang cervical spine or pinched nerve. Ito rin ang dahilan ng kanilang pagkaka-ospital noong nakaraang buwan, kung saan kinailangan niyang magsuot ng nect brace.

Sinabi ni Dr. Juliet Cervantes, ang attending physician ni Arroyo, na inirekomenda ng mga doktor ang agarang pag-opera sa kongresista dahil posibleng magdulot sa pagka-paralisa.

Una nang isinugod kahapon ng hapon sa Saint Luke's Medical Center-Global City si Arroyo dahil sa pananakit ng leeg.

Ayon kay Cervantes, sumasailalim na sa mga work-up bilang paghahanda sa kaniyang operasyon si Arroyo.

Inamin ni Cervantes na delikado ang magiging oeprasyon dahil may mga sensitibong ugat sa spinal cord na siyang nagpapagalaw sa braso at kamay ng dating pangulo. 


www.dzmm.com.ph

CSR, nakatakdang basahin sa 5th Congress

July 26, 2011 | 12:00 NN

NAKATAKDANG isalang sa ikalawang pagbasa ngayong 2nd Regular Session sa 15th Congress ang Senate Bill No. 1239 o mas kilala bilang corporate social responsibility (CSR) na akda at inihain ni sen. Manuel Villar.

Layon ng nasabing panukala na obligahin ang matatagumpay na korporasyon sa bansa na tumulong sa mahihirap na sector ng lipunan sa halip na solohin ang kanilang kita sa mga negosyo.

Giit ni sen. Villar, hindi kakayanin ng gobyerno na mag-isang pasanin ang responsibilidad sa mamamayan at sa kapaligiran kaya kinakailangan ang tulong ng private sectors.

Bilang kapalit sa pakikiisa sa nasabing panukalang batas, bibigyan ang mga higanteng kumpanya ng tax incentives kapag gumastos para sa charitable projects tulad ng youth and sports development; cultural o educational purpose; serbisyo sa mga beterano at senior citizen; social welfare; environmental sustainability; pangkalusugan at disaster relief at assistance.

www.rmn.com.ph

Kampanya kontra wang-wang, ipagpapatuloy ni PNoy

July 26, 2011 | 12:00 NN


Sumentro sa pagbabago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo kung saan binalikan niya ang naging epekto ng pagbabawal sa paggamit ng wangwang na nagbigay daan para mahinto na ang umano'y pag-abuso at mga katiwalian ng tinawag niyang mga utak wang-wang noong nakaraang administrasyon.

Inihalimbawa ng Pangulo ang pagbili ng helikopter sa presyong brand new gayong gamit na gamit na pala at ang milyon-milyong pabuya na tinanggap ng mga opisyal ng Government Owned and Controlled Corporation (GOCC), ang pagpapatigil ng dredging sa Laguna Lake at ang food-for-school program na bara-bara lang ang paghahanap ng benepisyaryo. 

Ibinunyag din niya ang ilang anomalya gaya ng P1 bilyong nagastos umano ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOr) para lang sa kape.

Ipinagmalaki rin naman ng Pangulo ang mga nagawa na ng kanyang administrasyon sa isang taong panunungkulan.

Kabilang dito ang nabawasang bilang ng mga pamilyang nagugutom, pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, at ang pagbabalik na ng kumpiyansa ng mga namumuhunan sa energy sector.

Inisa-isa rin niya ang pabahay na naipamahagi sa mga pulis at sundalo na palalawakin na maging sa Visayas at Mindanao at target na ring mabiyayaan maging ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Binanggit din niya ang nabiyayaan na ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o Conditional Cash Transfer na ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang mga nagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng PAGASA sa pagbibigay ng maaasahang mga babala.

Hindi na rin aniya aasa sa pag-angkat ng bigas ang bansa dahil sa mataas na ani ng palay.

Ibinida rin ng Pangulo ang pagkilala ng ibang bansa sa nagawa ng administrasyon gaya ng apat na beses na pag-upgrade ng credit ratings ng Pilipinas, dahilan para lumiit ang interes ng binabayarang utang at ang pagkakatanggal ng bansa sa Tier 2 watchlist ng trafficking in persons report ng Amerika.

Sa kanyang 58 minutong SONA, 50 beses pinalakpakan ang Pangulo, pinakamalakas nang ianunsyo niya ang paghirang kay retired Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales bilang bagong Ombudsman at ang isyu ng Spratlys.

www.dzmm.com.ph

Bagyong Juaning, tropical storm na (UPDATE)

July 26, 2011 | 12:00 NN

NAGING tropical storm na ang bagyong Juaning.


Ayon kay DOST-PAGASA usec. Graciano Yumul lalu pang lumakas at bumilis ang bagyong Juaning kung saan malaki ang posibilidad na lumihis ang bagyo.

Aniya, kung walang pagbabago sa direksyon ang bagyong Juaning na west northwest ay tatama ito sa Aurora Isabela.

Gayon pa man ay sinabi rin ni Yumul na may posibilidad pa ring magbago ang direksyon nito papuntang west north kung saan tatama ito sa Central Luzon at makakaapekto sa Metro Manila.

Nasa signal no. 2 na ang Kabikulan, kabilang ang Cataduanes, Camirines Sur, Camarines Norte at Albay habang nasa signal no. 1 pa rin ang Northern Luzon.

Samantala, bukod sa buong Bicol at Lipa, kinansela na rin ang klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan mula kinder hanggang high school sa National Capital Region.

www.rmn.com.ph

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons