Monday, June 20

Tropical Depression Egay, palabas na ng bansa; panibagong sama ng panahon, inaasahang papasok bukas

June 20, 2011 | 5:00 PM

Inaasahang lalabas na ng bansa ang Tropical Depression "Egay" ngayong hapon o bukas ng umaga.

Sinabi ni PAGASA Weather Forecaster Aldczar Aurelio na kaninang alas 10:00 ng umaga, namataan ang sentro ng tropical depression may dalawang daan at limampung kilometro sa Hilagang Kanluran ng Aparri, Cagayan.

Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging umaabot sa limampu’t limang kilometro bawat oras malapit sa gitna at patuloy na kumikilos ng pa-Kanluran Hilagang Kanluran sa bilis na labingpitong kilometro bawat oras at inaasahang tatama sa China.

Nakataas pa rin ang signal number one sa Calayan, Babuyan at Batanes Group of Islands at Ilocos Norte.

Inihayag ni Aurelio na malakas ang hangin sa West Philippine Sea kaya posibleng malusaw si Egay paglapit nito sa China.

Habang papalayo naman si Egay, patuloy nitong hihigupin at pinalalakas ang hanging habagat na magpapaulan sa Western section ng Luzon kabilang ang Palawan, Mindoro, Pangasinan, Zambales at Bataan kasama na ang Metro Manila.

Sa taya ni Science and Technology Undersecretary Graciano Yumul, gaganda ang panahon sa Visayas at Mindanao sa Miyerkules.

Dagdag pa niya, inaasahang papasok ang namumuong sama ng panahon bukas ng umaga o sa Miyerkules at tatawagin itong "Falcon".

www.dzmm.com.ph

Mas mataas na produksyon ng palay ngayong taon, inaasahan ng DA


June 20, 2011 | 5:00 PM

INAASAHAN ng Department of Agriculture na mas matataasan pa nito ang target na produksyon ng palay na 17.5 million metric tons ngayong taon, kung makiki-ayon ang magandang panahon.

Ayon kay Agriculture Secretary Proceso Alcala, mainam sa mga palay ang ma-araw na panahon at paminsan-minsang pag-ulan, kaya naman posible aniyang umabot sa 7.6 milyong tonelada ang magiging ani sa unang kalahati ng taon.

Samantala, balak na rin ng DA na bawasan na ang pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa na halos 2.5 milyong tonelada noong 2010 kung saan mahigit walong daang libong toneleda ang nabili ng pamahalaan at ng mga pribadong negosyante.

Sinabi pa ng kalihim na sa pamamagitan nito malaki ang posibilidad na tawaging world’s top rice importer ang Pilipinas.

www.rmn.com.ph

Pangulong Aquino, hinamon ang mga Pilipino na maging bayani at tularan si Rizal

June 20, 2011 | 12:00 NN

Kasabay ng pagdiriwang ng seskisentinaryo ng kapanganakan ni Dr. Jose Rizal, hinamon ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang sambayanang Pilipino na maging bayani at tularan ang pambansang bayani.

Sa kaniyang talumpati sa Calamba City, Laguna, sinabi ng Pangulo na maraming kabayanihan na ginawa si Rizal sa pamamagitan ng pang-araw araw na pagdedesisyon na gawin ang tama, unahin ang kapakanan ng kapwa at itaguyod ang pagkakaisa.

Hindi aniya nalalayo rito ang mga desisyon na ginagawa ng mga ordinaryong Pilipino na sa simula ay mukhang simple pero sa katagalan ay malaking ginhawa ang idudulot sa kapwa tulad na lamang ng pagtawid sa tamang tawiran at pagbabayad ng wastong buwis.
 
Sinabi ng Pangulo na hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataong maging bayani pero para sa nakararami ay nasusukat ang pagkabayani sa pamamagitan ng mga ginagawang desisyon sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Inihayag ng Pangulo na posibleng matapos ang ilang taon ay nakalimutan na ng publiko ang mga ginawa ng kaniyang administrasyon, ngunit patuloy aniya siyang nagsusumikap para wala nang Pilipino ang kailangang magbuwis ng buhay para sa susunod na salinlahi.

Idineklara ng Pangulo ang araw na ito ng Lunes bilang special non working holiday upang maipagpatuloy ng sambayanan ang seskisentinaryo ng kapanganakan ni Rizal.

Palasyo, inenganyo ang publiko na magalay ng bulaklak kay Rizal


June 18, 2011 | 12:00 NN

Inenganyo ng Palasyo ng Malacañang ang publiko na dalawin ang monumento ni Jose Rizal at mag-alay ng bulaklak, partikular na ang kanyang monumento sa Luneta.

Ayon kay deputy presidential spokesman Abigail Valte, kung dati’y ang mga foreign dignitaries at state officials lamang ang nakakapaglagay ng bulaklak sa Luneta, ngayon ay maaari nang makalapit ang sinuman at mag alay ng bulaklak.

Ang pagbubukas sa publiko ng monumento ni Rizal ay bahagi ng programang “Bulaklak ng Bayan para sa Pambansang Bayani”.

Ayon sa National Parks Development Committee, may 150,000 na estudyante, out-of-school youth, empleyado ng gobyerno, at mga kinatawan mula sa iba’t-ibang samahan ang mag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Rizal sa Luneta.

Sa pagdiriwang ng ika isang daan at limampung anibersaryo ng kaarawan ni Jose Rizal bukas, magkakaroon ng sabayang programa sa Calamba, Laguna; Rizal National Monument sa Luneta, at Rizal Shrine sa Dapitan City, Zamboanga.

Pangungunahan ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang programa sa Calamba kung saan inaasahan din ang Unveiling ng Rizal Marker para sa Rizal Monument sa naturang lugar.

Samantala, matatandaang idineklara ng Palasyo ang June 20 bilang special non working holiday, upang bigyan ng pagkakataon ang publiko na makiisa sa paggunita ng kaarawan ng pambansang bayani.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons