Wednesday, August 10

Ani ng palay at mais, tumaas

August 10, 2011 | 5:00 PM

IPINAGMALAKI ng Department of Agriculture (DA) ang mataas na ani ng palay at mais sa nakalipas na anim na buwan.
 
Ayon kay DA, Secretary Proceso Alcala, record breaking ang nailista nilang datos kung saan ang produksyon ng palay ay pumalo ng 7.57 million metric tons (mmt) mula sa 6.59 mmt noong 2010.

Impresibo rin aniya ang corn output kung saan nakapagtala sila ng 3.3 mmt mula sa 2.4 mmt noong nakaraang taon.


Ang magandang resulta ay dahil aniya sa maagang pag-ani ng mga produktong agrikultural bago bumagyo at mas pinalawig na irigasyon sa mga lupaing pansakahan.

Iginiit pa ng DA na ang mataas na supply ng palay at mais ngayong taon ay dahil na rin sa mas pinaigting na kampanya kontra smuggling.

www.rmnnews.com

Deployment ban sa UK, hindi pa kailangan

August 10, 2011 | 3:00 PM

PINAYUHAN ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mag-ingat ang mga Overseas Filipino Workers na nagtatrabaho sa United Kingdom bunsod na rin ng nangyayaring kaguluhan sa lugar.
 
Ayon kay DFA Spokesman Raul Hernandez, nasa level 1 awareness pa lang naman ang lagay ng gulo sa London  kaya’t hindi pa nila idineklara ang deployment ban.

Kaugnay nito ay kinalma ni Hernandez ang pamilya ng mga OFW sa London dahil patuloy ang ginagawang monitoring para na rin sa kaligtasan ng mga OFW sa lugar.

Sa ngayon ay wala pang Pilipinong nadadamay sa nangyayaring riot sa bansang United Kingdom ngunit patutuloy ang kanilang babala na mag-ingat.

www.rmnnews.com

Mayorya ng mga Pinoy, pabor sa Family Planning

August 10, 2011 | 12:00 NN

80% ng pamilyang Pinoy ang suportado ang Family Planning.

Ito ang resulta ng survey ng Social Weather Stations noong nakaraang June 3-6.

Lumalabas na walo sa sampung Pilipino na personal choice nila ang magplano ng pamilya.

8% lamang ang hindi sang-ayon sa Family Planning habang siyam na 9% naman ang alanganin.

Naniniwala rin ang 73% na Pilipino na kailangan maturuan pa ng husto ang bawat pamilyang Pinoy sa paggamit ng natural at  artificial methods habang 68% ang nagsasabing dapat ay manggaling na sa pamahalaan ang pagbibigay ng pondo para sa Family Planning Program.

Bukas naman ang mahigit 50% ng mga Pilipino sa paniniwalang ang paggamit ng condom, pills at Intra-Uterine Device (IUD) ay itinuturing na contraceptives at hindi pampalaglag.

Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na maglalaan ang gobyerno ng pondo para sa mga hindi kayang makatugon sa Family Planning.

www.rmnnews.com

Publiko, pinaghahanda ng BSP


August 8, 2011 | 12:00 NN

Nagbabala si Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Gov. Diwa Guinigundo na maghanda sa epekto ng credit downgrade ng Amerika sa Pilipinas.

Sa interview ng DZXL kay Diwa Guinigundo, sinabi nito nararamdaman na ng Pilipinas ang epekto ng credit rating downgrade ng Amerika kaya dapat magplano ang pamahalaan at ang publiko.

Bagama’t hindi lamang ang Pilipinas aniya ang makakaranas ng epekto nito, ay nararapat pa rin paghandaan ang magiging domino effect nito dahil baka tumindi pa ang krisis sa Amerika.

Ngunit sa kabila nito, kumpiyansa naman si Guinigundo na makakabawi din ang pananalapi ng Pilipinas lalo na’t matatag ang banking system ng bansa.

Mayroong din aniyang sapat na dollar reserves ang bansa dahil na rin sa tuloy-tuloy na pagpasok ng remittances ng Overseas Filipino Workers.

Nagsara kahapon ang palitan ng piso kontra dolyar sa 42.52.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons