Friday, December 2

Brown rice, malapit nang isama sa menu ng mga fastfood chain

Malapit nang maisama sa menu ng ilang kilalang fastfood chain ang "brown rice" o "unpolished rice".

Ayon kay Philippine Rice Research Institute (PhilRice) National Rice Awareness Coordinator Ella Lois Bestil, konting panahon na lamang ang bibilangin at iaalok na rin ang mas masustansyang brown rice sa mga sikat na kainan bukod sa karaniwan nang maputing kanin.

Sinabi ni Bestil na kabilang sa mga tinatarget ng PhilRice para maghain ng brown rice sa mga parokyano nito ang mga fastfood chain at restaurant.

Aniya, puspusan silang nakikipag-ugnayan sa mga may-ari ng iba't ibang fastfood chain upang mai-promote ang brown rice sa publiko dahil sa mas mataas na taglay nitong bitamina at fiber na higit na mainam sa kalusugan ng tao.

Gayundin, patok din ang brown rice sa mga nagpapapayat dahil siksik ito sa dietary fiber, hindi tulad ng karaniwang kanin.

Bagama't medyo may kamahalan pa rin ang presyo ng brown rice kumpara sa puting kanin, mas magiging mura rin ito kapag tinangkilik na ng publiko.

'Longest coin line' world record, nasungkit ng Pilipinas

Tagumpay na nabuwag ng Pilipinas ang rekord ng Amerika na may pinakamahabang linya ng barya.

Nakatakda nang tanghalin ang Pinas sa Guinness' Book of World Records bilang bansang may "longest coin line".

Umabot sa 68  kilometro ang linya ng mga bente singko sentimos na mas mahaba sa 64.88 kilometers na world record ng Amerika.

Nasa 3.5 milyong piraso ng mga bente singkong barya ang nilatag sa Quirino Grandstand sa Maynila.

Sa kabuuan, nagkakahalaga ito ng P850,000.

Kukunin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga barya at papalitan ng perang papel, na siyang ibibigay sa Deparment of Education (DepEd) bilang donasyon sa pagpapagawa ng mga classroom.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons