Friday, September 9

'Brodkastreeing' ng KBP-NE gaganapin sa Oct 1

September 9, 201 | 5:00 PM


Kasabay ng lahat ng Kapisanan ng mga Brodkaster (KBP) Chapters sa buong bansa, magsasagawa ang KBP Nueva Ecija Chapter ng isang Tree Planting Project na tinawag nitong "Brodkastreeing". Ang Brodkastreeing ay magaganap sa October 1, 2011 sa Palayan City, Nueva Ecija.


Nagkasundo sina Joy Galvez Dominado, chairperson ng KBP-Nueva Ecija at Dr. Abraham Pascua, provincial director ng DILG na magtulungan upang makapagtanim ng may 5,000 puno sa October 1 bilang pakikibahagi na rin sa National Greening Program o NGP ng DENR.


Bukod sa mga brodkaster ng Nueva Ecija, inaasahan ding makikiisa sa "Brodkastreeing" ang Philippine Councilors League Nueva Ecija, Liga ng mga Barangay Nueva Ecija, Panlalawigang Pederasyon ng Sangguniang Kabataang ng Nueva Ecija, at ilang non government organizations.


Nakibahagi na rin ang KBP sa paglulunsad ng NGP noong July 25.


Layon ng NGP na makapagtanim ng isang bilyong puno hanggang 2016.


BiG SOUND fm and DZXO am Newsteam 







PHO-NE: Fogging laban sa dengue ng ilang LGU, mali

September 9, 2011 | 3:00 PM

Nagpaalala ang Provincial Health Office ng Nueva Ecija sa fogging operation na ipinatutupad ng ilang LGU, na maaaring magbigay pa ng ibang problema sa kalusugan at kalikasan.

Ayon kay Dr. Benjamin Lopez, dapat insecticide ang gamitin at hindi mumurahing pesticide, na masama ang epekto sa kalusugan at sa kalikasan. Dapat ay tama rin ang concentration at dilution. Ang oras ng fogging ay dapat isa hanggang dalawang oras bago sumikat ang araw, at isa hanggang dalawang oras pagkalubog ng araw. Ayon kasi kay Dr. Lopez maghapong nasa loob ng bahay ang mga lamok.

Mahalaga rin daw na may tamang pagsasanay ang mga nagsasagawa ng fogging. Dagdag pa niya, ang maling fogging system ay maaaring magbugaw lamang sa mga lamok papunta sa ibang lokasyon.

Idiniin din ni Dr. Lopez na dapat hanapin ang breeding ground ng mga lamok at dapat silang puksain sa larva stage pa lamang.

Para kay Dr. Lopez, clean up drive pa rin ang nananatiling pinaka mabisang paraan upang maiwasan ang dengue outbreak sa mga komunidad.

Samantala, sinabi ni Dr. Lopez na may 2,200 nang naitalang kaso ng dengue sa Nueva Ecija habang 5 na ang namamatay dahil sa naturang sakit ngayong taon.

SP-NE, mabilis na ipapasa ang mga ordinansa ng mga bayan/lungsod

September 9, 2011 | 12:00 NN

Agarang ipinapasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang mga resolusyon at ordinansang itinutukoy sa kanila ng mga bayan at lungsod, basta't hindi sensitibo, may magandang motibo, at dumaan sa tamang proseso.

Yan ang siniguro ng Secretary to the Sangguniang Panlalawigan na si Atty. Ranier Esguerra sa ginanap na Consultative Meeting kasama ang iba pang secretaries to the sanggunian mula sa iba't-ibang bayan at lungsod ng Nueva Ecija, kahapon sa Cabanatuan City.

Sa pangunguna kasi ng Vice Governor, na ngayo'y si Vice Gov. Gay Padiernos, nire-review ng Sangguniang Panlalawigan ang mga resolusyon at ordinansang ipinapasa ng mga bayan at lungsod bago ito tuluyang maipatupad. Kasama na rito ang mga Annual Development Plan at Annual Investment Plan.

Ayon pa kay Atty. Esguerra, mahalaga ang buwanang pulong mga mga kalihim ng sanggunian upang maipaunawang mabuti sa kanila ang prosesong pang lehistratura sa pamahalaang lokal at mabawasan ang mga pagkakamali. Sa paraang ito, maiiwasan ang anumang pagka antala.

Ayon pa sa kalihim ng SP, pinapaigting pa nila ang dati na nilang programa gaya ng seminar-training para sa secretaries to the sanggunian, gayundin ang pagbisita at paminsan-minsang pagsasagawa ng kanilang lingguhang sesyon sa iba't-ibang bayan at lungsod.

BiG SOUND and DZXO Newsteam

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons