Friday, July 22

NCRPO, naka-heightened alert na para sa SONA sa Lunes

July 22, 2011 | 3:00 PM

Naka-heightened alert na ngayon ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa nakatakdang State of the Nation Address ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa Lunes, July 25.

Sinabi ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo na sa Linggo, ilalagay na ang pulisya sa full alert sa Linggo kung saan ikakalat nila ang 7,000 pulis sa buong Metro Manila para masigurong magiging payapa ang SONA.

Sa Maynila, nakataas na sa full alert ang Manila Police District kaninang alas 12:00 ng tanghali bilang paghahanda rin sa SONA.

Sinabi ni MPD Spokesperson Erwin Margarejo na 1,800 pulis ang ikakalat sa buong lungsod bilang bahagi ng Task Group West ng NCRPO Task Force Kapayapaan para matiyak na hindi sila malulusutan ng mga taong maaaring magsamantala sa okasyon.

Kabilang aniya sa kanilang babantayan ang LRT stations, Pandacan Oil Depot, US Embassy, Malakanyang at iba pang matataong lugar.

Muli namang tiniyak ni Margarejo na paiiralin ng pulisya ang maximum tolerance sa pagharap sa kaliwa't kanang kilos-protesta ng mga militanteng grupo na inaasahang sasabay sa SONA.

www.dzmm.com.ph

Reporma sa POEA iniutos ng Labor secretary

July 22, 2011 | 3:00 PM

Iniutos ni Department of Labor and Employment Secretary Rosalinda Dimapilis-Baldoz, na ipatupad ang mga reporma sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para sa kapakanan ng mga overseas Filipino Worker (OFWs).

Pag-amin ng kalihim, nagkakaroon ng epekto sa institusyon ang mga ulat at alegasyon tungkol sa kapabayaan ng ilang opisyal at kawani ng POEA sa pagtugon sa pangangailangan ng mga migranteng manggagawa.

Tiniyak din ni Baldoz na aaksyunan ang mga reklamo ng katiwalian laban sa mga opisyal at kawani ng POEA, alinsunod na rin sa kampanya ng pamahalaan kontra sa korupsiyon.

Kabilang sa mga reporma na nais ipatupad ng kalihim sa POEA ay pabilisin ang pagproseso sa mga dokumento ng mga OFW.

Nais din ni Baldoz na magpatupad ng computer-based Pre-Departure Orientation Seminars o PDOS, at limitahan ang partisipasyon ng mga pribadong sektor (tulad ng mga bangko) tungkol sa usapin ng PDOS.

Susuriin ding mabuti ang mga kaso at reklamo sa mga recruitment agency bago pagkalooban muli ng lisensiya para mag-operate.

Umaasa ang opisyal na higit na mapapahusay ang pagsisilbi ng POEA sa mga OFW kapag naipatupad ang mga reporma sa ahensiya.

www.gmanews.tv

Dating Pangulong Arroyo, naghain ng counter-affidavit sa plunder case

July 22, 2011 | 12:00 NN

Naghain na ng counter-affidavit si dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo sa Department of Justice kaugnay ng kasong plunder na isinampa ni dating Solicitor General Frank Chavez.

Dumating si Arroyo sa DOJ kasama ang abogado niyang si Attorney Benjamin Santos bago pa magsimula ang office hour.

Tumagal lamang ng 22 minuto ang panunumpa ni Arroyo sa inihaing 44 na pahinang counter-affidavit sa tanggapan ni Senior Deputy State Prosecutor Theodore Villanueva.

May kinalaman ang kaso sa 550 million pesos na umanong paglustay sa pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Closed door ang ginawang pagsusumite ng counter-affidavit ng dating pangulo pero nagpaunlak ito sa pagpapa-picture ng ilang empleyado ng DOJ sa paglabas niya sa opisina ng state prosecutor.

Bukod sa dating pangulo, respondent din sa kasong plunder sina Secretary Alberto Romulo na noo'y Executive Secretary ni Arroyo, dating OWWA Administrator Virgilio Angelo at dating Philhealth President Francisco Duque III at walong iba pang miyembro ng board of trustees ng OWWA.

www.dzmm.com.ph

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons