Thursday, October 20

PNoy, wala pang napipiling OIC sa ARMM

Wala pang napipili si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na officer-in-charge (OIC) sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kasunod ng pagkatig ng Korte Suprema sa legalidad ng pagpapaliban ng halalan at pagtatalaga ng OIC sa rehiyon.
  
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na batid nila ang kondisyong inilatag ng Korte Suprema kaya hihintayin muna nilang maging pinal ang desisyon nito.
  
Alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema, hindi muna maaaring magtalaga ng OIC ang Pangulo hangga't hindi lumilipas ang 15 araw upang mabigyan ng pagkakataon ang mga nais umapela sa desisyon.
  
Binanggit naman ni Valte na tuloy-tuloy lamang ang proseso ng pagpili ng OIC.
  
Una na ring itinanggi ni dating Anak-Mindanao Partylist Representative Mujiv Hattaman na kinausap na siya ng Pangulo para sa pagtatalaga sa kanya bilang OIC ng ARMM.

Mga bilanggo sa Bilibid, mayroon na ring e-dalaw

Inilunsad ng Bureau of Corrections (BuCor) ang sarili nilang bersyon ng 'Electronic dalaw' (e-dalaw) sa mga nasentensyahang bilanggo ng New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.

Sa e-dalaw ng NBP , binibigyan ng 10 hanggang 20 minuto ang mga preso na makausap ang kanilang kamag-anak sa pamamagitan ng internet, nang libre.

Ayon sa NBP, mas prayoridad ng NBP ang mga mahihirap na preso.

Bibigyan naman ng isang alternative learning para sa basic computer course ang mga preso upang mas maging sanay ang mga ito sa paggamit ng makabagong teknolohiya.

PH standard time, isasama na sa forecast ng PAGASA

Mas paiigtingin pa ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration - Department of Science and Technology (PAGASA-DOST) ang "Juan Time Program" na layong magbigay ng standard na oras sa bansa.

Ayon kay PAGASA-DOST Undersecretary Graciano Yumul, bilang offical timekeeper ng bansa, isasama na ng mga forecaster ng PAGASA ang pagbanggit sa Philippine standard time sa kanilang mga advisory sa radyo simula sa Lunes, Oktubre 24.

Sa ganito aniyang sistema, mas madaling makakapag-adjust ng oras ang publiko.

Sa mga susunod na linggo, gagawin na rin ang pag-uulat ng Philippine standard time sa telebisyon ng lahat ng forecaster ng PAGASA sa buong bansa kapag naayos na ang lahat ng LED clock sa mga forecasting center ng ahensya.

Venus Raj, napiling Ambassador for Poor Children

Matapos hiranging Woman of the Year ng Gawad Amerika, napili naman si Miss Universe 2010 4th runner-up Venus Raj ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maging Ambassador for Poor Children.

Kabilang sa tungkulin ng 23  anyos na beauty queen ang pagtulong sa mga kabataang Pilipino na maipaglaban ang kanilang mga karapatang makapag-aral at mabigyan ng wastong pangangalaga sa kanilang kalusugan.

Naniniwala ang DSWD na magiging epektibong ambassador si Venus dahil galing ito sa mahirap na pamilya na nagsikap ng todo upang makamit ang tagumpay.

Una nang ipinagpasalamat ni Venus ang pagkakahirang sa kaniya ng Gawad Amerika kung saan gagawin ang awards night sa Nobyembre 10 sa Celebrity Centre International, Hollywood, California.

Ang Gawad Amerika Award ay taunang ibinibigay ng Gawad Amerika Foundation upang bigyang-pugay ang mga taong naging matagumpay sa kanilang karera at nakagawa ng mabuting pagbabago sa kanilang komunidad.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons