July 16, 2011 | 5:00 PM
Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Depression Hanna habang patuloy na kumikilos pa-Hilagang-Silangan.
Pinakahuling namataan ito sa layong 1,265 kilometro Hilagang-Silangan ng Virac, Catanduanes.
May taglay itong lakas ng hangin na umaabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna.
Kumikilos ito pa-Hilagang Silangan sa bilis na 24 kilometro bawat oras.
Tinataya ang Bagyong Hanna sa layong 1,130 kilometro Silangan Timog-Silangan ng Okinawa, Japan mamayang gabi at inaasahang sasanib ito sa panibagong bagyo na may international name na "Ma-on" sa loob ng 24 oras.
Kapag nakapasok na ito ng PAR ay tatawagin itong Bagyong Ineng na magiging mas malakas.
Inaasahang mamayang gabi o bukas ito papasok ng PAR.
Ayon kay Aldzar Aurelio ng PAGASA na kapag nakapasok ng PAR ang Bagyong Ineng ay posibleng higupin nito ang habagat na siyang maaaring makaapekto sa Luzon at Visayas, at magdadala ng mga pag-ulan.
Sinabi ni Aurelio na medyo maganda ang panahon ngayon at walang epekto si Hanna at Ma-on maliban lang sa mga isolated na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
www.rmn.com.ph