Wednesday, August 31

26, patay kay Mina

August 31, 2011 | 5:00 PM

26 na ang patay sa Bagyong Mina.
 
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Dir. Benito Ramos, huling nadagdag sa bilang ang nakitang bangkay sa Abra, habang anim ang nawawala matapos na matagpuan ang 23-mangingisda sa karagatang sakop ng Infanta, Pangasinan.

Nadadaanan na rin aniya ang mga kalsada na naapektuhan ng bagyo maliban na lamang sa Camp 2 sa Kennon Road.

Kasabay nito, nagbabala naman si Ramos sa mga residente malapit sa Agno River sa Pangasinan na maging alerto sa posibilidad na pag-apaw nito dahil sa walang tigil na pag-ulan.

Tinatayang nasa P1.1 billion naman ang halaga ng pinsala ng Bagyong Mina habang mahigit 8, 000 pamilya naman ang patuloy na tinutulungan ng gobyerno sa loob at labas ng evacuation centers.

Biglaan at malakas na ulan, asahan

August 31, 2011 | 5:00 PM

PATULOY na mararanasan ang biglaan at malakas na ulan.

Ayon kay PAGASA, Supervising Undersecretary Graciano Yumul, Hanging Habagat ang dahilan nang nararanasang pag-ulan sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Kabilang sa inulan nang malakas ngayong araw na ito ang National Capital Region (NCR) at kanlurang bahagi ng Zambales at Pangasinan.

Batay sa datos ng PAGASA malakas ang ibinuhos na ulan ng Habagat na tatagal pa ang pananalasa sa Pilipinas hanggang sa Setyembre.

Unang Sigaw ng Nueva Ecija: Mobile E-Passport Serbilis

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-115 anibersary ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija, magsasagawa ang pamahalaang panlalawigan ng Mobile E-Passport Serbilis. Ito ay sa pakikipagtulungan sa Department of Foreign Affairs.

Kailangan lamang na tumungo ang mga nais makakuha ng e-passport sa September 2, 2011 araw ng Biyernes, sa New Capitol Building, Palayan City. Magdala lamang ng NSO issued birth certificate.

Ang releasing ng mga e-passport ay magaganap sa November 12, 2011 sa NE Pacific Mall.

Samantala, magaganap naman bukas ang koronasyon ng Binibining Nueva Ecija 2011 sa Nueva Ecija Convention Center, Palayan City. Inaasahang magtatagisan ng ganda at talino ang may 16 na kandidata mula sa iba't ibang bayan ng Nueva Ecija.

DBM, naglabas na ng pondo para sa DPWH

August 31, 2011 | 3:00 PM

AABOT sa P3.78 billion ang inilabas na pondo ng Department of Budget and Management (DBM) para sa infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
 
Ayon kay DBM Sec. Florencio Abad, ang nasabing pera ay hindi pa kasama sa 2011 National Budget dahil kinuha ito sa naipong pondo mula sa 2010 budget.

Ito rin resulta aniya ng "zero-based budgeting" na pinasimulan ni Pangulong Noynoy Aquino.

Sa nasabing pondo, P968 million ay para sa rehabilitasyon at pagpapasemento ng mga kalsada, P2.5 billion sa road widening, rehabilitasyon at konstruksyon ng mga tulay habang P312 million naman paras sa flood control projects sa bansa.

www.rmnnews.com

PNoy, nasa China para sa state visit

Nasa China na si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III para sa apat na araw na state visit.

Ilang cabinet member at tinatayang nasa 270 negosyante ang kasama ng pangulo sa Beijing, Shanghai at Xiamen hanggang Setyembre 3.

Layon ng apat na araw na biyahe ng Pangulo na mapalakas pa ang tatlong dekada nang relasyon ng Pilipinas at China sa harap na rin ng tensyon sa pinag-aagawang mga isla sa West Philippine Sea.

Kabilang sa mga aktibidad ni PNoy sa China ang pakikipagpulong sa mga opisyal ng mga Chinese companies at pagsaksi sa lagdaan ng ilang kasunduang may kinalaman sa negosyo, media, sports at iba pa.

Makikipagkita rin siya sa Filipino community sa Beijing na tinatayang aabot sa 2,500.

Unang Sigaw ng Nueva Ecija Opening

August 31, 2011

Kasalukuyang nagaganap ngayon ang Gintong Ani Festival Street Dance and Float Parade kaugnay ng selebrasyon ng ika-115 Anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija. Makikita sa paradang ito ay iba't-ibang festivals sa Nueva Ecija gaya ng Sibuyasan Festival ng Bongabon, Pandawan Festival ng Pantabangan at Tsinelas Festival ng Gapan City.

Kasama ring pumaparada ngayon ang mga kandidata ng BB. Nueva Ecija 2011.

Bukas na rin sa Freedom Park ang Agri Aqua Trade Fair ng Provincial Trade and Industry Office at ang Okay sa Ukay ni First District Board Member Rey Joson. Ang Okay sa Ukay ay isang fund raising raising project para sa Nueva Ecija Persons with Disabiity.

Pag-ulan, asahan pa rin sa mga susunod na araw

PATULOY pa ring makakaapekto ang Hanging Habagat sa buong bansa.
 
Asahan ang pag-ulan sa Northwestern Luzon partikular na sa Ilocos Norte hanggang Pangasinan.

Ang Metro Manila ay magiging  maulan ng bahagya, pero magiging mainit at uulan sa bandang hapon o gabi.
Ang tinatayang agwat ng temperatura ay mula 25 hanggang 31 antas ng Celsius.

Magkakaron  naman ng magandang panahon sa  Visayas at Mindanao.

Ang natitirang bahagi ng bansa ay magiging bahagya hanggang sa maulap na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog.

Samantala, nagbabala sa publiko si PAGASA-DOST Usec. Graciano Yumul na asahan na babayuhin ng tatlo hanggang apat na bagyo ang bansa sa pagpasok ng  buwan ng Setyembre.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons