Thursday, July 7

Bronze medal –nasungkit ng tatlong Pinoy boxers sa 21st President’s Cup sa Indonesia…

July 7, 2011 | 5:00 PM

TIYAK na ang 3 bronze medals para sa Pilipinas sa nagpapatuloy na 21st President’s Cup sa Indonesia.

Ito ay nang mapagwagian ng mga Pinoy boxers na sina Ian Clark Bautista, Nathaniel Montealto at Nesthy Petencio ang mga pambato ng Russia, Indonesia at Thailand.

Walang naipagmalaki sa tatlong national players ang European boxing champ ng Russia na si Alexander Somoilov, ang Indonesian na si Vinky Montolu at ang Thai na si Shinetsetneg da Vaasuren.

Bigo naman si Nico Magliguian nang masipa sa torneo makaraang matalo kay Van Hai ng Vietnam.
Samanatala, tatangkain naman ng mga Pinoy lady boxers na madagdagan pa ang bronze medals ng bansa sa kanilang pagsabak sa quarterfinals.

www.rmn.com.ph

PAGASA: Metro Manila at Luzon, magiging maulan pa rin dahil sa monsoon trough


July 7, 2011 | 5:00 PM

Magiging maulan pa rin sa Metro Manila at sa Luzon ngayong araw dahil sa epekto ng monsoon trough.

Sinabi ni Science and Technology Undersecretary at PAGASA Director Graciano Yumul na maihahalintulad sa intertropical convergence zone (ITCZ) set ang monsoon trough pero may kasama itong habagat.

Samantala, dalawa ring low pressure area (LPA) ang namataan sa bansa, isa ay nasa layong 250 kilometro Silangan ng Basco, Batanes habang nasa 350 kilometro sa Kanluran Timog-Kanluran ng Laoag, Ilocos Norte ang isa pa na siyang magdudulot ng pag-ulan sa buong Luzon lalo na sa Cagayan at Isabela.

Kung wala namang magiging pagbabago, posibleng maging bagyo ang namataang LPA sa Linggo pero wala namang direktang epekto sa bansa.

www.dzmm.com.ph

Singil sa bar exam, tataas

July 7, 2011 | 3:00 PM

TATAAS na ang singil sa bar exam simula ngayong taon.

Ito ay matapos aprubahan ng Supreme Court ang petisyon ng Bar Council na siyang humihiling na dagdagan ang bar fee.

Ito anila ay dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at para ipangdagdag na rin sa pampa-suweldo sa mga ilang tauhan nito.

Kaya mula sa dating 2,750 ay magiging 3,000 na ang bayarin sa bar examination kabilang na ang admission fee.

Una nang inanunsyo noong Enero ng Korte Suprema na simula ngayong taon ay ililipat na sa University of Sto. Tomas ang lugar na pagdarausan ng bar examinations at mula naman sa buwan ng Setyembre gagawin na ito tuwing Nobyembre.


www.rmn.com.ph

Bagong ombudsman, posibleng tukuyin ni P-Noy sa kanyang nalalapit na State of the Nation Address

July 7, 2011 | 3:00 PM

INAASAHANG may itatalaga nang ombudsman si Pangulong Benigno Aquino III bago ang kanyang State of the Nation Address sa July 25.


Ito ang pagtataya ni House Committee on Justice Chairman Rep. Niel Tupas Jr. . Kinumpirma nito na ibinigay na nila at ngayon ay hawak na ng Pangulong Aquino ang shortlist ng mga nominado para sa susunod na ombudsman.

Ayon kay Tupas, kabilang sa listahan sina dating Supreme Court Associate Justice Conchita Carpio-Morales, dating Justice Secretary Artemio Tuquero, Justice Usec. Leah Armamento at Presidential Commission on Good Government Commissioner Gerard Mosquera.

Nabatid na mayroong siyamnapung araw ang pangulo para makapagdesisyon kung sino ang kanyang itatalagang bagong ombudsman, simula nang magbitiw si Merceditas Gutierrez.

Kasabay nito, sinabi ni Tupas na sa tingin niya ay nangunguna pa rin sa pagpipilian ng pangulo si Carpio-Morales.

Matatandaang kay Carpio-Morales nanumpa si P-Noy noong nakaraang taon.

www.rmn.com.ph

Isyu ng pagpapababa ng interconnection charge sa cellphone, dedesisyunan ng NTC ngayong Hulyo o Agosto


July 7, 2011 | 12:00 NN

Pipilitin ng National Telecommunications Commission (NTC) na tapusin ngayong buwan o hanggang sa Agosto ang usapin hinggil sa panukalang bawasan ang interconnection charges sa tawag at text sa cellphone.

Sinabi ni NTC Common Carriers Authorization Department Engr. Edgardo Cabarios na binigyan nila hanggang Lunes ang mga telecommunications company upang makapagsumite ng kanilang position paper sa nasabing panukala.
Dito aniya makikita ang kanilang argumento kung pabor o laban sa nasabing panukala.

Sa harap nito, desidido naman ang NTC na ituloy ang pagpapatupad ng pagpapababa ng singil sa interconnection charge. Napapanahon na aniya ito, kung saan makikinabang ang mga cellphone user.

www.dzmm.com.ph

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons