Thursday, November 10

Simbahang Katolika, magsasagawa ng pagdarasal bukas para sa kapayapaan

Pangungunahan ng 11,000 kabataan ang pagdarasal ng rosaryo para sa world peace na may temang 11-11-11 ganap na alas 11:00 ng umaga bukas sa Cathedral of Saint John the Evangelist sa Dagupan City.
  
Kaugnay nito, hinikayat ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mamamayan na samahan sila sa pagdarasal ng rosaryo bukas para sa kapayapaan sa buong mundo.
  
Nagbabala naman si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa mga kasabihan o superstition na maswerte ang petsang ito dahil walang katotohanan ang mga paniniwala hinggil sa kasaganaan na maaaring dalhin ng nasabing petsa.
  
Binigyang diin ni Villegas na sa halip na umasa sa mga pampaswerte o 'secret charms', mas dapat aniyang ibigay ang atensyon ng mamamayan sa Panginoong Diyos.

DepEd, naghahanap ng alternative learning system para sa out-of-school youth at matatanda

Naghahanap ang Department of Education (DepEd) ng pinakamahusay na alternative learning system (ALS) para sa out-of-school youth at matatanda.

Ayon sa DepEd Memorandum 245 Series 2011, sinabi ni Education Secretary Armin Luistro na layunin nitong makilala ang mga division office sa bansa na nagpapakita ng mahusay na pagsusulong ng karunungan sa pagbabasa at pagsusulat.

Ayon kay Luistro, ang ALS ay mabisang programa ng DepEd para maabot ang mga mag-aaral sa maraming lugar.

Ang paghahanap ng ALS ay bukas sa lahat ng DepEd divisions sa buong bansa na nahahati sa city at provincial divisions na nagpapatupad ng programang ito.

Ang deadline ng pagpapasa ng kalahok ay sa Pebrero 15, 2012 at ang awarding ceremony ay gaganapin sa Abril, 2012.

Mga barya, gamitin - DTI NE

Pinaalalahanan ni Department of Trade and Indutry Nueva Ecija Provincial Director Brigida Pili ang mga mamamayan na gamitin ang mga barya sa mga transaksyon lalo na sa pagpasok ng kapaskuhan.


Ayon kay Dir. Pili, problema kahit ng mga mall at supermarket ang kakulangan sa baryang panukli. Gawain na daw kasi ng ilang mamimili na mag-abot ng buong pera kaysa magbayad gamit ang mga barya. 


Sa kabilang banda, pinaalalahanan din ng DTI Prov'l Director ang mga negosyante, may-ari ng mga tindahan, at driver ng mga pampublikong sasakyan na tanggapin bilang bayad ang mga beinte singko sentimos.


Sinegundahan ito ni Remedios Ilagan, Senior Currency Specialist Cash Department ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Aniya, dapat tanggapin ng sinuman ang mga barya, beinte singko sentimos pababa bilang bayad sa produkto o serbisyo. Maliban na lamang daw kung hihigit sa isang daang piso ang transaksyon.


Kinwestyun din ni Pili ang isang game show sa telebisyon kung saan binibigyan ng karampatang premyo ang isang contestant base sa bigat ng baryang nahakot nito. Isa raw kasi itong paraan para pigilan ang sako-sakong barya sa pag-circulate. 

Sinasalungat din ng Direktor ang tradisyonal na coin throwing, paglalagay ng barya sa semento. Dagdag pa niya, ang pera, barya man o buo ay hindi dapat ginagamit sa ibang paraan, maliban na lamang sa paggasta nito.



BSP, ipinaliwanag ang kanilang mahalagang papel sa ekonomiya ng bansa

Nagsagawa kahapon ang Bangko Sentral ng Pilipinas ng isang seminar na nagpapaliwanag sa mahalagang papel na ginagampanan ng ahensiya sa ekonomiya ng bansa.

Sa tawag na “Be up to SPeed on BSP”, ang naturang seminar ay ginanap sa Plaza Leticia, Cabanatuan City at dinaluhan ng humigit kumulang sa 300 partisipantes mula sa iba’t-ibang sektor.

Ipinaliwanag ng mga tagapagsalita na mula pa sa BSP national office ang tatlong suhay o pillar ng BSP: ang price stability, financial stability, at efficient payment and settlement system.

Sa parehong okasyon ay muling ipinakilala ang bagong anyo ng Philippine currency na tinatawag ding New Generation Currency.

Ang Be up to SPeed on BSP ay bahagi ng kanilang serye ng mga aktibidades sa ilalim ng kanilang Economic and Financial Learning Program para sa mga mamamayan.

Kaugnay niyan ay inilunsad din sa BSP Cabanatuan Branch ang Economic and Financial Learning Center o EFLC. Panauhing pandangal sa okasyon si Monetary Board Member Ignacio Bunye. Ang EFLC na nasa ikalawang palapag ng BSP Cabanatuan, ay libreng binubuksan para sa mga mag-aaral at mananaliksik sa aspetong pang-ekonomiya at pampinansiyal.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons