Inaasahang itutuloy ngayon ng House prosecution panel at ng senator-judges ang pagbusisi sa nilalaman ng statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ni Chief Justice Renato Corona.
Ayon kay Prosecution Spokesperson Aurora Congressman Juan Edgardo "Sonny" Angara, hindi na inaasahang paharapin pa nila si Supreme Court Clerk of Court Enriquetta Vidal matapos nitong isumite kahapon ang SALN ng punong mahistrado, gayundin ang ikalawang testigong si Marianito Dimaandal, ang hepe ng Malacañang records office.
Sa halip, plano ng prosekusyon na iharap ngayong araw ang registrar of deeds at city assessor ng anim na siyudad na kinaroroonan umano ng mga lupain at condo unit ni Corona.
Inaasahang higit walong testigo ang ihaharap ngayong araw.
Kaninang umaga, inumpisahan na ang marking ng mga ipina-subpoenang dokumento kabilang na iprinisintang ebidensya ni Dimaandal kahapon o ang mga lumang SALN ni Corona.
Sarado sa media ang pagmamarka ng mga dokumento na isinagawa sa session hall ng Senado.
Una nang iniutos kahapon ni Enrile ang maagang pagmamarka ng mga dokumentong isusumite ng mga taong sinubpoena para sa araw na ito upang mapadali ang impeachment hearing.