Thursday, August 4

Internet child protection program, inilunsad ng DSWD at PNP-CIDG

August 4, 2011 | 5:00 PM

Magkatuwang na inilunsad ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Kampo Crame ang "Internet Child Protection Program".
 

Sinabi ni CIDG Director Samuel Pagdilao na layunin ng programa na matulungan ang mga kabataan na huwag maadik sa internet.

Ayon kay Pagdilao, may website ang CIDG kung saan nakalagay ang mga intervention na pwedeng gawin ng mga magulang para mapigilan ang pagka-adik sa internet ng kanilang mga anak.

Bukod sa internet addiction, tututukan din ng DSWD, CIDG at mga kapartner nitong non-governmental organizations (NGO) ang cyber bullying, cyber stalking, cyber trafficking, child pornography at online gambling.


www.dzmm.com.ph

Cayetano: Irrevocable na ang anumang resignation

August 4, 2011 | 3:00 PM

Nagkasundo na ang mga senador na ikunsiderang nagbitiw na ang sinumang kasamahang nagsumite ng resignation.

Sa harap ito ng pagbibitiw kahapon ni Senador Juan Miguel "Migz" Zubiri dahil sa kinakaharap na electoral protest at mga alegasyong siya umano ang nakinabang sa dayaan noong 2007 senatorial elections.

Sinabi ni Senate Minority Leader Allan Peter Cayetano sa isang press conference na itinuturing nilang irrevocable o hindi na mababawi ang anumang resignation.

Ayon kay Cayetano, nag-aalala silang kapag hindi nila tinanggap ang pagbibitiw ni Zubiri, baka pagbintangan silang nagmo-moro-moro ang Senado.

Umaasa rin si Cayetano na dapat magsilbing wake-up call sa Senate Electoral Tribunal (SET) ang pagbibitiw ni Zubiri na bilisan ang kanilang desisyon sa sinasabing dayaan sa halalan.



Samantala, anumang araw sa susunod na linggo, maaaring iproklama na ng Senate Electoral Tribunal (SET) bilang totoong pang-labing dalawang nanalong senador noong 2007 si Atty. Koko Pimentel.

Ito ang inihayag ngayong araw ni Senator Edgardo Angara, isang araw matapos ang pagbibitiw ni Sen. Juan Miguel Zubiri.

Nakatakda maghain si Atty. Romulo Macalintal ng petition for withdrawal sa Counter Protest na inihain ni Zubiri, na siya ring tinutukoy ni Senator Angara na magpapabilis ng protesta ni Pimentel sa SET.

Fil-am Miami heat coach, magtuturo sa mga pinoy

August 4, 2011 | 12:00 NN

ISASAGAWA ni Filipino-American at Miami Heat head coach Erik Spoelstra ang NBA Fit Camp sa Philippine Team Under-16, bukas 

Ito ay bilang paghahanda sa FIBA-Asia Under-16 Championship na gaganapin sa oktobre. 

Bukod rito, isang celebrity-studded program ang isasagawa rin ni Spoelstra na dadaluhan nina binibining Pilipinas title-holders Venus Raj, Shamcey Supsup, Dianne Necio at Isabella Manjon.

Sa linggo, isang fun run naman ang dadaluhan ni Spoelstra sa the Fort, Taguig bago ito umuwi sa araw ng lunes.

www.rmnnews.com

Libong trabaho, kailangan sa abroad


August 4, 2011 | 12:00 NN

NANGANGAILANGAN ang Malaysia ng 40,000 na manggagawa sa palm oil farms. 

Ito ang inihayag ni ARMM Exe. Sec. Naguib Sinarimbo matapos ang kanyang trade mission sa Federal Land Development Authority o FELDA noong July 27 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ayon kay Sinarimbo, ang mga manggagawang pinoy ay mga masunurin at masisipag, mga katangiang hinahanap ng mga kumpanyang gumagamit ng settler-farming scheme sa Malaysia.

Ang FELDA ay may halos siyam na raan libong hektaryang sakahan na may tanim na oil palm, rubber, sugar cane at iba pag value crops.

www.rmnnews.com

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons