Saturday, August 20

72nd b-day ni FPJ - ginugunita ngayong araw

August 21, 2011 | 5:00 PM


Nagdaos ng misa sa puntod ni Fernando Poe Jr. sa Manila North Cemetery para gunitain ang kanyang ika-72 kaarawan. 

Pinangunahan ni Father Larry Faraon ang misa na dinaluhan ng anak ni FPJ na si Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson Grace Poe-Llamanzares. 

Dumalo rin si dating Pangulong Joseph Estrada, Senador Koko Pimentel, Bayan Muna Partylist Representative Teddy Casiño, Cong. Rufus Rodriguez, dating Military Budget Officer at Armed Forces of the Philippines (AFP) anomaly whistleblower George Rabusa, at ang mga miyembro ng FPJ For President Movement na nakasuot pa ng t-shirt na may katagang "14th President of the Republic of the Philippines". 

Sa kanyang talumpati, hinimok ni Estrada ang mga militar na may alam sa nangyari umanong dayaan noong 2004 elections na lumantad na at magsalita.

BSP: Barya, nagkukulang na


August 20, 2011 | 3:00 PM

Inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nagkukulang na ng barya sa bansa.

Ayon sa BSP, hindi ito dahil sa kulang na ng suplay ng barya kundi dahil nakaimbak na ito sa alkansiya o iba pang ipunan at itinatago ng mga Pinoy.

Inihayag pa ng BSP na may masama ring epekto ang pag-iipon ng barya dahil nagkukulang ang mga baryang umiikot sa bansa.

Nakakadagdag din ang pag-iipon ng mga simbahan ng nakokolektang barya, gayundin ang small-time lottery (STL), vending machine, videoke at auto-water machine.

Importante ang pag-ikot ng barya sa ekonomiya pero dahil naitatago lang ang mga ito, napipilitan ang pamahalaan na gumastos para gumawa ng bago kung saan P2 ang ginagastos ng BSP sa kada piraso ng baryang ginagawa nila.

www.dzmm.com.ph

PNoy may napili na raw bagong kalihim ng tourism

August 20, 2011 | 12:00 NN

May napili na raw si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ng kapalit sa nagbitiw na kalihim ng Department of Tourism na si Secretary Alberto Lim.

Gayunman, tumanggi si Aquino na huwag munang pangalanan ang kanyang napili dahil na rin sa pakiusap nito.

Sinabi ng pangulo sa mga mamamahayag na kasama niya sa Baguio City nitong Biyernes, na ang susunod na kalihim ng DOT ay mula sa pribadong sektor. Malaki raw ang mawawalang kita nito sa gagawing pagsama sa gobyerno.

Epektibo ang pagbibitiw ni Lim sa katapusan ng buwang ito.

Naunang iniulat na kabilang sa mga pinagpilian ni Aquino na kapalit ni Lim ay sina dating Muntinlupa Rep Ruffy Biazon, dating Akbayan party-list Rep. Risa Hontiveros-Baraquel, advertising executive na si Ramon Jimenez, at talent manager na si Eugenio “Boy" Abunda Jr.

Sa magkahiwalay na panayam sa media, sinabi nina Abunda at Baraquel na hindi sila kinausap ni Aquino tungkol sa mababakanteng puwesto.

Nasa Baguio si Aquino kahapon para itaguyod ang turismo sa Cordillera Region at magbigay ng kaalaman sa publiko tungkol sa pagtitipid sa enerhiya.

www.gmanews.tv

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons