Monday, August 1

Presyo ng mga bilihin, matatag pa rin sa kabila ng sunud-sunod na bagyo

August 1, 2011 | 5:00 PM

Nananatiling matatag ang presyo ng mga gulay, prutas, manok at karne sa kabila ng magkakasunod na paghagupit ng bagyo sa bansa.

Sinabi ni Department of Agriculture Asst. Sec. Salvador Salacup na pareho pa rin ang presyo ng mga gulay ngayon at bago pa man tumama ang mga bagyo.

Hindi anya nakakaapekto sa ngayon ang naging pinsala ng mga bagyo dahil maliit lang na bahagi nito ang tinamaan gaya ng Rehiyon I, II at V gayong ang Rehiyon III at Cordillera Administrative Region (CAR) ang pangunahing pinagkukunan ng suplay ng mga gulay.

Normal pa rin aniya ang presyo ng kalakalan ng mga gulay sa La Trinidad Trading Post at hindi rin naapektuhan ang presyo ng bigas at mais dahil nasa panahon pa lang ng pagtatanim.

Sa Rehiyon II, nakatulong pa ang pag-ulan sa mga sakahan doon.

Sa pinakahuling data ng kagawaran, nasa 978 million pesos ang halaga ng naging pinsala ng bagyo sa agrikultura. 


Anim na bagyo na ang pumasok sa bansa sa buwan lang ng Hulyo.

www.dzmm.com.ph

Supply ng palay, nanatiling sapat sa kabila ng pananalasa ni Juaning

August 1, 2011 | 5:00 PM


Batay sa tala ng Department of Agriculture mahigit 16 na milyong piso ang napinsalang palay sa Central Luzon dahil kay Juaning.

Aabot naman sa halos apat na libong ektarya ng lupaing pansakahan ang nalubog sa tubig baha tulad ng Pampanga, Tarlac, Bataan at Aurora, apektado rin ang sakahan sa iba pang probinsya gaya ng Zambales at Nueva Ecija.

Nagpapatuloy naman ang pangangalap ng DA sa damage report dahil hindi pa rin tumitigil ang pag-ulan dala ng Bagyong Kabayan at Tropical Depression na Lando.

Samantala, tiniyak naman ng Agriculture Department na hindi kukulangin sa general production at supply ang Central Luzon ngayong season sa kabila ng pananalasa ni Juaning.

www.rmn.com.ph

Seguridad sa Manila Memorial Park, hinigpitan para sa 2nd death anniv ni ex-Pres Cory

August 1, 2011 | 3:00 PM


Mahigpit na ang ipinatutupad na seguridad sa Manila Memorial Park sa Parañaque para sa idaraos na misa mamayang alas 4:00 ng hapon bilang paggunita sa ikalawang taon ng kamatayan ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Maaga pa lamang, naglagay na ng mga tent sa paligid ng musoleo para sa inaasahang pagdating ng pamilya, kaibigan at supporters ng dating pangulo.

Napapalibutan na ng mga dilaw na bulaklak ang puntod ng mag-asawang President Cory at dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino II.

Pangungunahan ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang pag-aalay ng misa para sa kanyang namayapang ina.

Nilinaw naman ng pamunuan ng sementeryo na hindi nila binabawalan ang publiko na magtungo roon para mag-alay ng bulaklak, kandila at dasal sa yumaong dating pangulo.


Binawian ng buhay si Dating Pangulong Cory Aquino noong August 1, 2009 matapos ang kanyang pakikipaglaban sa colon cancer.


Ang pagkamatay ni Cory, na tinuturing ding simbolo ng demokrasya sa bansa matapos mapatalsik sa pwesto si Ferdinand Marcos, ang nagsimula ng malawakang panawagan na tumakbo si noo'y senador Noynoy Aquino sa May 2010 presidential election.



PAGASA: May panibagong bagyo sa bansa

August 1, 2011 | 12:00 NN

TODO bantay ang PAGASA sa dalawang sama ng panahon na nagdadala ng pag-ulan sa ilang lugar sa bansa.


Ayon kay PAGASA, Supervising Undersecretary, Dr. Graciano Yumul, inaasahang matutunaw na ang Tropical Depression Lando, habang patuloy na kumikilos palabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Kabayan.

Pero kung hindi malulusaw si Lando ay hahatakin ito ni Kabayan at tutumbukin ang Batanes area.

Dagdag pa ni Dr. Yumul, pag-iibayuhin ng dalawang sama ng panahon ang hanging Habagat na siya namang magdadala ng pag-ulan sa Western Section ng Luzon.

Samantala, sa Linggo naman ng umaga inaasahang papasok ang panibagong sama ng panahon sa teritoryo ng bansa kung saan tatawagin itong Tropical Depression “Mina.”

Dahil dito inabisuhan na nila ang mga gobernador ng Bicol Region na maghanda kay Mina dahil direkta itong dadaan sa nasabing rehiyon.

www.rmn.com.ph

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons