Tuesday, August 9

Mga eskwelahan, inalerto sa dengue

August 9, 2011 | 5:00 PM

PINAAALERTO ng Department of Education ang mga school clinics sa bansa kaugnay sa pangambang pagtaas ng kaso ng dengue partikular ngayong tag-ulan.
 
Ayon kay DepEd Communications Head Kenneth Tirado, dapat masiguro na malinis at maayos ang lahat ng paaralan sa bansa upang hindi ito pamahayan ng lamok na may dalang dengue.

Bukod rito, mahalaga rin aniyang makipag-ugnayan ang mga opisyal ng eskwelahan sa kanilang nasasakupang lugar upang mapanatili na malinis ang bisinidad ng paaralaan laban sa lamok.

Kasabay nito, hinikayat ni Tirado ang mga estudyante na sakaling makaramdam ng sintomas ng dengue tulad ng mataas na lagnat at matinding pananakit ng ulo ay agad na magpatingin sa mga school clinic doctor.

www.rmnnews.com

3 Pinoy, uupo sa tabi ng Santo Papa sa World Youth Day

August 9, 2011 | 3:00 PM

Tatlong Pinoy ang uupo sa tabi ni Pope Benedict the XVI sa isasagawang World Youth Day celebration sa Madrid, Spain sa susunod na linggo.

Sinabi ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Youth Head Bishop Joel Baylon ang mga ito ay sina Joanna Pauleen Manalo, Marina Reniza Cabual at Useff Baclas na kakatawan sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ang tatlo ay kabilang sa 400 pinili ng CBCP para kumatawan sa Episcopal Commission on Youth ng bansa sa World Youth Day at mahigit 200,000 Pinoy na dadalo sa okasyon.


www.dzmm.com.ph

Novo Ecijano, nagtapos bilang suma cum laude sa Spain

August 9, 2011 | 12:00 NN

Isang Novo Ecijano ang nagtapos bilang suma cum laude sa isang pamantasan sa Madrid, ayon yan sa ulat ng Department of Foreign Affairs.

Si Dr. Teodoro Fajardo, Jr. na mula sa Cabiao, Nueva Ecija ay matagumpay na naidepensa ang kanyang doctoral thesis na may titulong "Picornavirus Ires: Accesibility and Inhibition of Viral Gene Expression", dahilan upang makamtam niya ang kanyang doctorate degree in Molecular Biology sa Unibersidad Autonoma de Madrid.

Ang kanyang thesis ay may kinalaman sa pag-aaral ng sakit na Foot and Mouth Disease na makakatulong sa pagkalat ng sakit na ito.

Si Fajardo ay isang food and drugs relations officer sa Food and Drugs Administration at Medical Technologist sa Department of Health.

Noong 2007, si Fajardo ay nabiyayaan ng scholarship grant ng Agencia Española de Cooperación Internacional para el Desarrollo (AECID) dahilan upang siya ay makapag-aral sa Espanya at makamtam ang kanyang inaasam na doctorate degree.

PSC, dumipensa sa hindi pagkilala sa Philippine Dragon Boat Team

August 9, 2011 | 3:00 PM

Dumipensa ang Philippine Sports Commission (PSC) sa mga tinatanggap na batikos kaugnay sa hindi pagkilala sa Philippine Dragon Boat Federation bilang official Philippine team sa kabila ng mga tagumpay nito sa international competitions.

Sinabi ni PSC Spokesperson Ricardo Garcia na ni-require ng Philippine Olympic Committee (POC) na mapabilang sa Canoe-Kayak Association ang Philippine Dragon Boat Team pero tumanggi ito.

Dahil dito, hindi kinilala ng POC ang koponan bilang bahagi ng Philippine team kaya hindi rin sila mabigyan ng accreditation.

Ayon pa kay Garcia, ito rin ang dahilan kaya hindi mabigyan ng insentibo ang koponan sa kabila ng pagsungkit ng  limang ginto at dalawang pilak na medalya sa katatapos na Dragon Boat World Championships sa Florida.

Bawal aniya sa batas ang pagkakaloob ng insentibo sa anumang sports team na hindi accredited ng POC at Philippine Sports Commission (PSC).

Tiniyak naman ni Garcia na pagbalik sa bansa ng Philippine Dragon Boat Federation Team ay kukumbinsihin niya itong sumapi na sa Canoe-Kayak Association para ma-accredit na sila at maging opisyal na kinatawan ng bansa sa mga international competition.

www.dzmm.com.ph

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons