Wednesday, October 26

Holiday pay, pinaalala ng DOLE

INILABAS ng Department of Labor and Employment ang advisory hinggil sa regulasyon ng tamang bayad para Oktubre 31 (Lunes) at Nobyembre 1 (Martes) na idineklarang Special Non-Working Days.


Ayon kay DOLE Secretary Rosalinda Baldos, ang Proclamation No. 265 na inisyu ni Pa­ngulong Aquino kung saan idinedeklara ang na Oktubre 31 at Nobyembre 1, All Saints Day ay Special Non-Working Holidays bilang paggunita sa Araw ng mga Patay o Undas.

Sinabi pa ni Baldoz, alinsunod sa ipinatutupad na Labor Standards sa mga Special Non-Working Day, ang mga empleyado ay dapat na tumanggap ng 130% ng kaniyang daily rate para sa unang walong oras ng trabaho.

Makakatanggap pa ito ng karagdagang 30% ng kaniyang hourly rate kung magtatrabaho ito ng lampas pa sa walong oras.

Gayunman, ipatutupad sa mga empleyado ang No Work, No Pay Policy kung hindi magtatrabaho ang isang empleyado sa nasabing araw.

Kung natapat naman ang Special Day sa araw ng pahinga ng empleyado at nagtrabaho ito ay dapat siyang bayaran ng 150% ng kaniyang regular daily rate sa unang walong oras at karagdagang 30% ng hourly rate kung mag-oovertime ito.

DOTC, inatasan na ang mga ahensya ng gobyerno sa ilalim ng DOTC na maghanda para sa Undas

Inatasan na ng Department of Transportation and Communications ang lahat ng ahensyang nasa ilalim nito na ilagay sa full alert status ang buong pwersa simula ngayong araw bilang paghahanda sa Undas.

Sinabi ni DOTC Secretary Mar Roxas na dapat i-activate na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang public assistance center na tutugon sa mga tanong at reklamo ng mga pasahero.


Pinatututukan din ni Roxas ang mas mahigpit at mandatory pre-departure inspection para maiwasan ang overloading ng mga maglalayag na barko.


Dapat aniyang masiguro na may sapat na life saving equipment ang lahat bago bumiyahe.


Bukod sa Coast Guard, inatasan din ng kalihim ang lahat ng attached agencies nito tulad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metro Rail Transit (MRT) at mga airport na siguruhin ang kaligtasan ng mga biyahero palabas ng Metro Manila at mga manggagaling ng probinsya.

Boracay, pasok sa top 10 world's best island ng isang travel website

Pasok ang isla ng Boracay sa "Top 10 World's Best Island" ng Travel & Leisure Readers' pick.

Pang-apat ang Boracay sa listahang nagmula sa boto ng mga reader ng nabanggit na travel website.

Nanguna naman sa listahan ang Santorini sa Greece kasunod ang Bali sa Indonesia.

Pumangatlo ang Cape Breton ng Canada.

Ang mga pasok sa listahang ito ay itinuturing na mga pinakamagagandang isla sa mundo na sulit umanong bisitahin.

Japan, muling nilindol

SA JAPAN.

Naramdaman muli ang pagyanig sa Fukushima Prefecture.

Pitong buwang na ang nakakalipas matapos ang magnitude 9.0 na lindol noong Marso at pananalasa ng tsunami sanhi ng nuclear crisis.

Naitala ang magnitude 5.2 na lindol kaninang madaling araw at ang sentro ay nasa 186 kilometro hilaga ng Tokyo.

Naitala ang sentro ng lindol 120 kilometro lang mula sa Fukushima Daichi Nuclear Plant.

Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa pangyayari.

November 7, regular holiday para sa pag-obserba ng Eid'l Adha; long weekend mula Nov. 5

Bukod sa nalalapit na long weekend dahil sa pagkakaproklama ng October 31 at November 1 bilang special non-working days, asahan ang isa pang long weekend sa susunod na linggo.


Sa ilalim ng Proclamation No. 275 idineklarang national holiday ang November 7, araw ng Lunes para naman sa pagdiriwang ng Eidul Adha.


Ang Eidul Adha na tinatawag ring "Festival of Sacrifice" ay ang pagala-ala sa bukas-loob na pagsunod ni Propetang Ibrahim kay Allah ng utusan siyang isakripisyo ang kanyang anak na si Isma'il. Sa huli, pinigilan siya ni Allah at isang tupa ang ibinigay para sa pagsasakripisyo.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons