Wednesday, July 6

SC, inatasan ang DAR na magsagawa ng bagong referendum sa Hacienda Luisita farmers

July 6, 2011 | 3:00 PM

Inatasan ng Korte Suprema ang Department of Agrarian Reform o DAR na magsagawa ng bagong referendum sa mga farmer-beneficiaries ng Hacienda Luisita Incorporated kung saan papipiliin ang mga ito ng gusto nila ng lupa o kung gusto ng stocks ng naturang hacienda.

Sa isang press conference, inihayag ni Supreme Court Spokesperson at Court Administrator Justice Midas Marquez na sa desisyon ng Korte Suprema, 10 mahistrado ang pumayag sa ginawang pagpapawalang-bisa ng Presidential Agrarian Reform Council sa stocks distribution plan ng Hacienda Luisita Incorporated.

Anim aniya sa 10 mahistrado ang mas pumabor na isailalim ang naturang usapin sa referendum kung saan papipiliin ang may 6,296 farmer-beneficiaries kung gusto nila ng stocks o kung gusto nila ng lupa.

Apat naman ang may opinyon na dapat isailalim ang lupain ng Hacienda Luisita sa land reform dahil sa pinawalang-bisa na ang stocks distribution plan.

Para naman kay Chief Justice Renato Corona, labag sa Konstitusyon ang Republic Act 6657 o batas na nagbibigay-karapatan sa may-ari ng hacienda na magbigay na lamang ng stocks option.

Katwiran ni Corona, ang land reform ay dapat na may aktuwal na pamimigay ng lupain.

www.dzmm.com.ph

Isang mambabatas, nanawagang gumamit na lamang ng produktong Pinoy…

July 6, 2011 | 12:00 NN

HINIHIKAYAT ni Bayan Muna representative Teddy Casino na tangkilikin na lamang ng mga Pilipino ang produktong Pinoy kesa sa mga imported na hindi sigurado kung ligtas ba ang mga sangkap o nakapaloob dito.

Ito ay matapos na matagpuan ang mga soy sauce na ibinibenta sa merkado na galing sa ibang bansa na napag-alaman sa pagsusuri na nakakakanser ito.

Sa isang advisory, tinukoy ni Food and Drug Administration director Suzette Lazo ang sinasabing carcinogenic chemical na 3 monochloropropane-1, 2-diol o 3-MCPD, isang by-product ng soy sauce manufacturing na gumagamit ng hydrolyzed vegetable protein bilang ingredient.

Subalit, siniguro naman ni Lazo ang publiko na ang toyong ibinebenta ng local manufacturers at distributors ay naka-rehistro sa FDA at ligtas kainin.

Nanawagan pa ang chairman ng House Committee on Small Business and Entrepreneurship Development sa mga consumers, businessmen at entrepreneurs, labor groups, civil society organizations at iba pang sektor na suportahan ang Filipino industry para makatulong na rin sa pagbigay ng trabaho sa mga kababayan.

www.rmn.com.ph

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons