Monday, August 8

Economist: PH, di dapat magpanik sa US credit rating downgrade

Hindi dapat magpanik ang gobyerno sa ginawa ng Standard and Poor's na ibaba ang AAA rating ng Estados Unidos sa AA+, ang pinakamababang rating mula noong 1917.
 

Sinabi ni University of the Philippines (UP) Economics Professor at dating Budget Secretary Benjamin Diokno na matatag pa rin ang ekonomiya ng US kung ikukumpara sa mga bansa sa Europa o maging sa China.

Gayunman, iginiit ni Diokno na dapat pa ring maghanda ang Pilipinas dahil tiyak na tatamaan ang bansa kapag humina ang ekonomiya ng Amerika.

Ayon kay Diokno, ito ang panahon para mas palakasin ng pamahalaan ang domestic economy nito.

Ads council: Paghihigpit sa mga billboard, sakop ang buong bansa

August 8, 2011 | 5:00 PM

Nilinaw ng Ads Standards Council (ASC) na hindi lamang sa kahabaan ng EDSA ipinatutupad ang paghihigpit sa mga billboard kundi sakop nito ang buong bansa.

Sinabi ni Atty. Rejie Jularbal, Legal Counsel ng ASC, na simula noong huling linggo ng Hulyo ay ipinatutupad na ang General Patronage rating sa mga billboard.

Ibabatay aniya sa bagong guidelines ang pag-screen sa mga billboard.

Halimbawa rito ang pagbabawal ng mga nakahubad sa billboard, hindi rin pwedeng may makikitang maselang parte ng katawan kung naka-underwear ang modelo at hindi rin pwede ang masyadong bayolenteng tema.

Kung partial nudity naman aniya ay titingnan ang over-all presentation ng materyal bago aprubahan.

Bukod dito, sinabi ni Jularbal na bawal din ang very suggestive poses gaya ng mga sobrang hapit na damit.

Maging sa wordings o mensahe ng billboards ay naghihigpit na rin ang ASC at bawal din ang mga may double meaning.

Patuloy namang hinihimok ni Jularbal ang publiko na isumbong sa ASC kung may mga reklamo pa rin sila sa ilang billboards.


www.dzmm.com.ph   

Koko Pimentel, ipoproklama nang senador sa Huwebes, Aug. 11


August 8, 2011 | 3:00 PM

Ipoproklama na ng Senate Electoral Tribunal (SET) si Atty. Aquilino "Koko" Pimentel III bilang ika-12 senador sa Huwebes, Agosto 11.

Kasunod ito ng pagbibitiw sa senado ni Juan Miguel "Migz" Zubiri sa harap ng alegasyon ng dayaan sa 2007 senatorial election.

Sinabi ni SET Secretary General Atty. Irene Guevarra na magkakaroon muna ng deliberasyon ang chairman at mga miyembro ng SET bago iproklama si Pimentel sa Huwebes, alas 1:00 ng hapon.

Hindi na aniya kailangan pang pumunta sa SET si Pimentel dahil padadalhan na lamang ito ng kopya ng nasabing desisyon.

5 golds, 2 silvers, iuuwi ng PHL Dragon Boat Team

August 8, 2011 | 3:00 PM

Limang medalyang ginto at dalawang medalyang pilak ang iuuwi ng Philippine Dragon Boat Federation team mula sa International Dragon Boat Federation World Championships sa Tampa Bay, Florida, USA.

Nasungkit ng koponan ang pang-limang gold medal sa final event na 500 meters men's premier small boat division kung saan nila inilampaso ang Australia, Japan, Italy, Puerto Rico at Trinidad and Tobago.

Una nang nakuha ng PHL Team ang gintong medalya sa 1000 meter small boat premier open, 200 meter mixed small boat category, 200 meter men's small boat category at 500 meters mixed event.

Ang Philippine Dragon Boat Team ay binubuo ng composite team mula sa Philippine Army, Air Force, Navy at Coast Guard at kasalukuyang defending world champion.

www.dzmm.com.ph

Walang lay-off sa mga OFWs sa Amerika—DoLE

August 8, 2011 | 12:00 NN

KUMPIYANSA ang Department of Labor and Employment (DOLE) na walang  mangyayaring massive lay-off sa mga Pinoy workers sa Amerika sa kabila ng umiiral na economic crisis doon.
 
Ayon kay Labor Sec. Rosalinda Baldoz, maliit lamang ang magiging epekto nito sa mga OFW.
Paliwanag ni Baldoz, karamihan sa mga Pilipinong nasa Amerika ay mga permanent residents na kaya malabong magkaroon ng malaking epekto ito sa kanila.

Aniya, kung mayroon mang matatamaan ito ay walang iba kundi ang Pilipinas at hindi ang mga OFWs.

Nabatid na mayorya ng mga Pinoy sa Amerika ay nagtatrabaho bilang guro at medical workers.

www.rmnnews.com

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons