Tuesday, July 26

Kampanya kontra wang-wang, ipagpapatuloy ni PNoy

July 26, 2011 | 12:00 NN


Sumentro sa pagbabago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo kung saan binalikan niya ang naging epekto ng pagbabawal sa paggamit ng wangwang na nagbigay daan para mahinto na ang umano'y pag-abuso at mga katiwalian ng tinawag niyang mga utak wang-wang noong nakaraang administrasyon.

Inihalimbawa ng Pangulo ang pagbili ng helikopter sa presyong brand new gayong gamit na gamit na pala at ang milyon-milyong pabuya na tinanggap ng mga opisyal ng Government Owned and Controlled Corporation (GOCC), ang pagpapatigil ng dredging sa Laguna Lake at ang food-for-school program na bara-bara lang ang paghahanap ng benepisyaryo. 

Ibinunyag din niya ang ilang anomalya gaya ng P1 bilyong nagastos umano ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOr) para lang sa kape.

Ipinagmalaki rin naman ng Pangulo ang mga nagawa na ng kanyang administrasyon sa isang taong panunungkulan.

Kabilang dito ang nabawasang bilang ng mga pamilyang nagugutom, pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, at ang pagbabalik na ng kumpiyansa ng mga namumuhunan sa energy sector.

Inisa-isa rin niya ang pabahay na naipamahagi sa mga pulis at sundalo na palalawakin na maging sa Visayas at Mindanao at target na ring mabiyayaan maging ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Binanggit din niya ang nabiyayaan na ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o Conditional Cash Transfer na ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang mga nagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng PAGASA sa pagbibigay ng maaasahang mga babala.

Hindi na rin aniya aasa sa pag-angkat ng bigas ang bansa dahil sa mataas na ani ng palay.

Ibinida rin ng Pangulo ang pagkilala ng ibang bansa sa nagawa ng administrasyon gaya ng apat na beses na pag-upgrade ng credit ratings ng Pilipinas, dahilan para lumiit ang interes ng binabayarang utang at ang pagkakatanggal ng bansa sa Tier 2 watchlist ng trafficking in persons report ng Amerika.

Sa kanyang 58 minutong SONA, 50 beses pinalakpakan ang Pangulo, pinakamalakas nang ianunsyo niya ang paghirang kay retired Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales bilang bagong Ombudsman at ang isyu ng Spratlys.

www.dzmm.com.ph

0 comments:

Post a Comment

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons