Tuesday, May 31

10 Pinoy ang namamatay kada oras dahil sa paninigarilyo – Anti-Smoking Advocates


May 31, 2001 | 5:00 PM

Sampung Pinoy kada oras ang namamatay dahil sa paninigarilyo.

Yan ang ibinunyag kanina ni Atty. Debby Sy, executive director ng Health Justice Philippines, Inc. sa paggunita ng World No Tobacco Day ngayong araw.

Ayon naman kay Dr. Ulysses Dorotheo ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance, isa sa dalawa, o 50% ng mga smoker ang namamatay na ang dahilan ay ang kanilang paninigarilyo.

Dagdag pa ng doctor, kailangang mapigilan ang pagdami ng mga naninigarilyo sa ating bansa. Ito ay upang maisulong ang tamang kalusugan lalo na sa mga mahihirap, dahil aniya, karamihan sa mga naninigarilyo ay mga mahihirap din.

www.gmanews.tv

Simbahang Katoliko, pumalag sa isinusulong na Divorce Bill


May 31, 2001 | 3:00 PM

INAASAHAN na ang mainitang talakayan sa pagsasabuhay ng divorce bill sa bansa gaya ng kontrobersyal na Reproductive Health Bill.

Muli kasing nanindigan ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines hinggil sa mariiin nilang pagtutol sa nasabing panukalang-batas.

Binigyang-diin ni CBCP Spokesman Father Francis Lucas ang malinaw na posisyon ng Simbahang Katolika  laban sa pagbubuwag sa isang kasal na sinumpaan sa harap ng diyos.

Iginiit nito na may umiiiral namang annulment para ipawalang-saysay ang pagsasamang sa una pa lamang ay mali na.

Tulad ng kanilang pag-kontra sa RH Bill - layon ng kanilang posisyon na pangalagaan ang pagiging sagrado ng kasal at pagsunod sa kung ano ang nakasaad sa biblya.

www.rmn.com.ph

DepEd, ipagbabawal ang pagtitinda ng yosi hanggang 100m mula paaralan


May 31, 2011 | 12:00 NN

Ipagbabawal na ng Department of Education ang patitinda ng sigarilyo sa loob at labas ng mga eskwelahan.

Ayon sa DepEd, ang mga nagtitinda ng sigarilyo ay dapat na may layong isandaang (100) metro mula sa eskwelahan, o may katumbas ng haba ng tatlong basketball courts.

Layunin ng hakbang na ito ng DepEd na mapigilan ang mga estudyante na sumubok sa bisyong ito, lalo na ang mga nasa high school.

Ito ang sagot ng DepEd sa World No Tobacco Day na ginaganap ngayong araw at National No Smoking Month para buong buwan ng Hunyo.

Monday, May 30

TESDA, nakagawa na ng 500 armchair mula sa mga nakumpiskang ilegal na troso


May 30, 2011 | 5:00 PM

Mahigit limandaang school armchairs ang handa nang ipamahagi ng TESDA sa DepEd ngayong Hunyo. 
Ang nasabing armchairs ay gawa mula sa mga nakumpiskang ilegal na troso sa Katimugang bahagi ng bansa.

Sinabi ni TESDA Director-General Joel Villanueva na pinondohan ng PAGCOR ng isandaang milyong piso ang mga kagamitan sa paggawa ng nasabing armchair.

Sa ilalim ng 'Pinoy Bayanihan Project', nagsanib pwersa ang TESDA, DepEd, PAGCOR at DENR para mapakinabangan ang mga nakumpiskang ilegal na troso sa paggawa ng mga silya sa mga pampublikong paaralan. 

www.dzmm.com.ph

DENR, sisimulan ang NGP


May 30, 2011 | 3:00 PM

Siniguro ng Department of Environment and Natural Resources ang suporta ng may limang milyung mag-aaral sa mga public elementary at high school sa buong bansa para sa pagsisimula ng National Greening Program o NGP ng national government.

Layunin ng NGP na makapagtanim ng may isa’t kalahating bilyong puno sa may isa’t kalahating milyong ektarya ng lupa sa iba’t ibang panig ng bansa, mula 2011 hanggang 2016.

Sasama rin sa programang ito ang mga lider ng mga barangay, local government units, state colleges and universities, non government organizations at people’s organizations.

Sa Nueva Ecija, gaganapin ang National Greening Program sa June 1 sa Minalungao National Park, Pias, Gen. Tinio.

Fil-Am Coach ng Heat, gumawa muli ng kasaysayan sa NBA


May 28, 2011 | 12:00 NN

Muli na namang gumawa ng kasaysayan ang Filipino-American NBA coach na si Erik Spoelstra matapos matalo ng Miami Heat ang Chicago Bulls sa kanilang laban kahapon. Dahil dito, makakaharap ng Heat ang Dallas Mavericks sa Finals.

Si Spoelstra ang kauna-unahang Pinoy at Asian coach sa NBA Finals.

Hindi naging madali para sa Heat na mapayuko ang Bulls sa katatapos na Game 5 ng Eastern Conference Finals.

Subalit sa huli, nanaig pa rin ang Miami kahit nasa teritoryo sila ng Bulls matapos mai-poste ang laro sa score na 83-80.

Kumana ng puntos sina Lebron James na 28-points, Chris Bosch na may 20-points at Dwayne Wade na nakagawa ng 21-points.

Ang ina ni Erick Spoelstra ay ang Pinay na si Elisa Celino, na mula sa San Pablo, Laguna.


Samantala…

Ang buong sambayanan ay nagdiriwang ng National Flag Day ngayong araw na magtatagal hanggang sa June 12, Araw ng Kalayaan.

Ine-enganyo ng Department of Interior and Local Government na mag-display ng watawat ng Pilipinas sa bawat bahay, government building, paaralan, pamantasan, ospital, business establishment, at maging sa mga poste sa kalsada.

Ating ipagmalaki ang isang simbolo na nagpapakita ng ating pagiging malayang Pilipino – ang ating pambansang watawat.

Pinay, kinoronahan bilang Miss World Canada


May 28, 2011 | 3:00 PM

Isang Pinay ang kinoronahan bilang Miss World Canada 2011 sa pageant na ginanap kamakailan sa Richomond, British Columbia.

Si Riza Santos, dalawampu’t apat na taong gulang na isang Filipina-Canadian at isang engineering student ay kakatawan sa Canada sa Miss World pageant na gaganapin sa Londo sa Nobyembre.

Una nang kinatawan ni Riza ang Canada sa Miss Earth Pageant noong 2006 kung saan siya ang tinanghal na Miss Photogenic at Ms. Fontana. Makalipas ang isang taon, sumali at nanalo siya sa isang sikat na reality show sa ating bansa.

Friday, May 27

Mga Pinoy, inenganyong magwagayway ng bandila


May 27, 2011 | 3:00 PM

Inenganyo ng pamahalaan ang mga pinoy na mag-display ng watawat ng Pilipinas sa kanilang bahay, paaralan, government offices at mga gusali mula May 28 hanggang June 12 para sa pagdiriwang ng National Flag Day.

Kaalinsabay din ng pagdiriwang na ito ang ika isang daan at labing tatlong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa June 12 kung kalian unang iwinagayway ang watawat ng Pilipinas ni Gen. Emilio Aguinaldo noong 1898 sa Teatro Caviteño.

Naglabas na ng direktiba si DILG Secretary Jesse Robredo sa lahat ng lokal na pamahalaan na magsagawa ng mga aktibidades gaya ng sabayang pagpapatunog ng kampana o sirena, at pagsasagawa ng flag raising ceremonies.

Ito ay bilang pagsunod sa Section 26 ng Republic Act Number 8491 o The Flag and Heraldic Code of the Philippines, kung saan ipinaguutos ang paglalagay ng replica ng watawat ng Pilipinas sa mga opisina at pampublikong lugar.

Ang kasalukuyang bandila natin na may mga kulay na royal blue, red at white ay dumaan sa maraming pag-aaral mula noong 1892 hanggang dumating sa bandilang hinabi ni Marcela Agoncillo.

Tuesday, May 24

CPA board exam results, inilabas na


May 24, 2011 | 2011

Inilabas na ngayong araw ng Professional Regulation Commission ang resulta ng licensure examination para sa mga Certified Public Accountants na isinagawa ngayong buwan lamang sa Maynila, Baguio, Cagayan De Oro, Cebu, Davao, Iloilo, at Legazpi.

Topnotcher sa pagsusulit na ito si Marvin Agamon Baldevia na mula sa Palo, Leyte at nagtapos sa St. Paul’s Business School. Si Baldevia ay nagtamo ng percentage score na 92.14 percent.

Ayon sa PRC,  5,259 ang kumuha ng CPA board exam subalit 2,130 lamang ang pumasa.

Manunumpa ang mga bagong CPA sa June 8 sa PICC.

Pantabangan at Angat Dams, kakayanin ang ulan na dala ni Tropical Storm Chedeng


May 24, 2011 | 3:00 PM

Malayo pa rin sa spilling level ang Pantabangan Dam sa Nueva Ecija kahit pa maraming dalang ulan ang Tropical Storm "Chedeng".

Sinabi ni Pantabangan Dam Manager Engr. Freddie Tuquero na 180.7 meters pa lang ngayon ang water level sa dam, na malayo pa sa spilling level nito na 221 meters.

Mga tatlong bagyo pa aniya ang kailangang tumama sa bahagi ng Pantabangan Dam bago ito umapaw.

Tiniyak naman ni Angat Dam Hydroelectric Power Plant General Manager Rodolfo German na nasa normal pa rin ang antas ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan at kakayanin pa rin nito kahit bumuhos ang malakas na ulang dala ni Tropical Storm Chedeng.

Ayon sa 11 AM weather bulletin ng PAGASA, nakataas pa rin ang storm warning signal number 1 sa Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, at Northern, Western at Eastern Samar.

www.dzmm.com.ph

Agriculture sector –nakatulong sa paglaki ng growth rate ng bansa…


May 24, 2011 | 12:00 NN

INAASAHAN ang 4.8% hanggang 5.8% na paglago sa ekonomiya ng bansa.
Paliwanag ng National Economic Development Authority o NEDA, ang growth rate ay dahil sa gumagandang performance ng agriculture sector.

Ang farm output sa unang tatlong buwan ng taon ay umabot ng 4.1% at ito ang pinakamabilis na quarter growth sa nakalipas na pitong taon.

Kaugnay nito, inihahanda na ng National Statistical Coordination Board (NSCB) ang ilalabas na “economic growth data” para sa buwan ng Marso at Mayo.

Samantala ipinagpapalagay naman ng ilang economic experts na bahagya lamang lalago ang ekonomiya ng bansa hindi tulad noong 2010 kung saan mataas ang antas ng election-related spending at export kasama na ang global recovery.

www.rmn.com.ph

Monday, May 23

Boxing legend Oscar Dela Hoya nagpa-rehab…sa NBA, Miami Heat wagi sa Game 3 ng Eastern Conference Finals


May 23, 2011 | 5:00 PM

NAGPA-REHAB ang boxing legend at dating 10-time World Champion at Future Hall of Famer na si Oscar Dela Hoya.

Sa kabila ng pagkabigla ng maraming fans ni Oscar, hinangaan siya ng World Boxing Council president na si Jose Sulaiman.

Ayon kay Sulaiman, ang ginawa ni Dela Hoya ay malaking tulong para sa madaliang paggaling nito matapos malulong sa droga.

Samantala, sa NBA…

Panalo sa Game 3 ng Eastern Conference Finals ang Miami Heat kontra Chicago Bulls.

2-1 lead na ang Miami matapos ang score na 96-85.

Nagtala ng 34 points si Chris Bosh at 22 points naman para kay Lebron James. 

www.rmn.com.ph

25-M estudyante sa elementarya at high school, inaasahang dadagsa sa mga paaralan sa pasukan


May 23, 2011 | 3:00 PM

Tinatayang nasa 25 milyong estudyante sa elementarya at high school sa mga pribado at pampublikong paaralan ang inaasahang dadagsa sa muling pagbubukas ng klase sa Hunyo.
 
Sa pagsisimula ng “Brigada Eskwela” ng Department of Education (DepEd) sinabi ni Education Secretary Armin Luistro na nasa 1.1 milyong kindergarten ang nakapag-enroll na para sa unang batch ng mga batang sasailalim sa Universal Kindergarten Program ng kagawaran.
 
Binanggit ni Luistro na 908 classrooms ang patuloy na kinukumpuni habang nakumpleto na ang pagsasa-ayos sa mahigit 2, 000 silid-aralan.
 
Tiniyak naman ng DepEd na handa na ang mga eskwelahan sa pagdagsa ng milyon-milyong mag-aaral ngayong pasukan.

Ayon kay Dr. Rowena Castillo ng DepEd Division of Nueva Ecija, ang lalawigan ng Nueva Ecija ay may bilang na 504 elementary schools at 95 naman ang high schools.

with reports from Percy Tabor, 101.5 BiG SOUND fm and 1188 DZXO am Newsteam

Brigada Eskwela 2011: DepEd Nueva Ecija, nanawagan sa mga barangay


May 23, 2011 | 1:00 PM

Nanawagan si Dr. Rowena Castillo, ang Division Coordinator ng “Brigada Eskwela” ng Department of Education Division of Nueva Ecija sa mga mamamayan sa bawat barangay na tumulong at sumuporta sa programang ito ng kanilang ahensiya.

Ayon kay Gng. Castillo, sa pamamagitan ng “Brigada Eskwela”, mahalagang maihanda ang mga paaralan bago ang pasukan sa June 6 upang masiguro ang maayos at malinis na kapaligiran at silid aralan para sa mga bata.

Dagdag pa niya, hindi man kaya ng ilan na tumungo sa mga paaralan upang makiisa, maaari naman daw mag donate ang sinuman ng mga gamit panlinis gaya ng walis, basahan, sabong panlaba, o kahit pintura.

Ang Brigida Eskwela ay inilunsad kanina ng DepEd Division of Nueva Ecija sa pangunguna ni Schools Superintendent Dr. Tarcilla Javier, sa Nueva Ecija High School Oval.

Ang Brigada Eskwela, na nagaganap ngayon sa may dalawampu’t siyam na DepEd Districts sa buong Nueva Ecija, gayundin sa buong bansa ay magtutuloy-tuloy hanggang sa May 28.

ulat ni Percy Tabor, 101.5 BiG SOUND fm at 1188 DZXO am

Brigada Eskwela ng DepEd, umarangkada na


May 23, 2011 | 12:00 NN

Sa pangunguna ni Schools Superintendent Tarcila Javier, inilunsad kaninang umaga ng Department of Education Division of Nueva Ecija ang taunang “Brigada Eskwela” na ginanap sa Nueva Ecija High School Oval.

Sa taya ng mga organizer, may tatlong libo ang nakiisa rito na sinimulan sa pamamagitan ng isang motorcade kaninang umaga sa Lungsod ng Cabanatuan.

Panauhing pandangal si Gng. Zita Santos, ang Human Resource Management Officer ng DepEd Region 3 office. Nakiisa sa paglulunsad na ito ang mga militar ng Armed Forces of the Philippines at mga kapulisan ng Nueva Ecija Provincial Police Office. Nagpadala rin ng kani-kanilang donasyon para sa paglilinis ang Pamahalaang Panlungsod ng Cabanatuan at Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.

Ang Brigada Eskwela ay ang paglilinis ng mga pampublikong eskwelahan at pagre-repair ng mga sirang upuan at iba pang gamit kung saan boluntaryong nagtutulungan ang mga non-government organizations, mga magulang, estudyante, guro, business sector, civic organizations at maging mga empleyado ng gobyerno at pribadong sektor.

Kapaloob din sa programang ito ang pagdo-donate ng mga construction at cleaning material na gagamitin sa paglilinis at repair ng eskwelahan.

Tatagal ang Brigada Eskwela hanggang sa May 28.
ulat ni Percy Tabor, 101.5 BiG SOUND fm and 1188 DZXO am Newsteam

Ilang preso sa Bulacan Prov Jail, nakatapos ng pag-aaral


May 21, 2011 | 3:00 PM

Habang mainit ang usapin tungkol sa paglabas ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City ng bilanggong si dating Batangas Governor Jose Leviste, ilang bilanggo naman sa Bulacan Provincial Jail ang masayang nakapagtapos ng kanilang pag-aaral sa loob ng piitan.

Nagawang makapag-aral ng mga bilanggo sa Bulacan Prov’l Jail sa tulong ng programang Alternative Learning System o ALS, na itinataguyod ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan at Bulacan State University o BSU.

Animnapung bilanggo ang nagsipagtapos sa antas ng elementary, high school, at maging sa mga vocational course.

Ang programa ay sinimulang ipatupad noong 2007 dahil na rin sa kahilingan ng ilang bilanggo na nais maipagpatuloy ang pag-aaral sa loob ng kulungan.

Sinabi ni Dr. Mariano De Jesus, pangulo ng BSU, na handa ang kanilang unibersidad na tanggapin ang mga bilanggo na makalalaya na at nais na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo.

GMA NEWS

Ilang malalaking foreign investors mamuhunan sa Liquified Natural Gas Program sa Luzon at Mindanao

May 20, 2011 | 3:00 PM

INAASAHAN ng Department of Energy ang tuluyang pagsulong sa Liquified Natural Gas Program sa Pilipinas ngayong taon.

Ayon kay Energy Secretary Jose Rene Almendras, ang pag-aaral ng World Bank at Japan International Cooperation Agency sa implementasyon ng programa sa Luzon at Mindanao ay magtatapos sa Setyembre.

Kasunod aniya nito ang paglalabas ng kanilang departamento sa Terms of Reference para sa gagamiting pipeline ng Liquified Natural Gas.

Dagdag pa ng kalihim, marami nang foreign developers ang nagpahayag ng interes na mamuhunan sa Liquified Natural Gas Industry ng bansa kaya naman puspusan ang kanilang paghahanda para rito.

Ang mga investor ay nagmula sa Amerika, China, Australia, Italy, Japan at Korea.

http://www.rmn.com.ph/

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons