Wednesday, August 31

26, patay kay Mina

August 31, 2011 | 5:00 PM

26 na ang patay sa Bagyong Mina.
 
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Dir. Benito Ramos, huling nadagdag sa bilang ang nakitang bangkay sa Abra, habang anim ang nawawala matapos na matagpuan ang 23-mangingisda sa karagatang sakop ng Infanta, Pangasinan.

Nadadaanan na rin aniya ang mga kalsada na naapektuhan ng bagyo maliban na lamang sa Camp 2 sa Kennon Road.

Kasabay nito, nagbabala naman si Ramos sa mga residente malapit sa Agno River sa Pangasinan na maging alerto sa posibilidad na pag-apaw nito dahil sa walang tigil na pag-ulan.

Tinatayang nasa P1.1 billion naman ang halaga ng pinsala ng Bagyong Mina habang mahigit 8, 000 pamilya naman ang patuloy na tinutulungan ng gobyerno sa loob at labas ng evacuation centers.

Biglaan at malakas na ulan, asahan

August 31, 2011 | 5:00 PM

PATULOY na mararanasan ang biglaan at malakas na ulan.

Ayon kay PAGASA, Supervising Undersecretary Graciano Yumul, Hanging Habagat ang dahilan nang nararanasang pag-ulan sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Kabilang sa inulan nang malakas ngayong araw na ito ang National Capital Region (NCR) at kanlurang bahagi ng Zambales at Pangasinan.

Batay sa datos ng PAGASA malakas ang ibinuhos na ulan ng Habagat na tatagal pa ang pananalasa sa Pilipinas hanggang sa Setyembre.

Unang Sigaw ng Nueva Ecija: Mobile E-Passport Serbilis

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-115 anibersary ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija, magsasagawa ang pamahalaang panlalawigan ng Mobile E-Passport Serbilis. Ito ay sa pakikipagtulungan sa Department of Foreign Affairs.

Kailangan lamang na tumungo ang mga nais makakuha ng e-passport sa September 2, 2011 araw ng Biyernes, sa New Capitol Building, Palayan City. Magdala lamang ng NSO issued birth certificate.

Ang releasing ng mga e-passport ay magaganap sa November 12, 2011 sa NE Pacific Mall.

Samantala, magaganap naman bukas ang koronasyon ng Binibining Nueva Ecija 2011 sa Nueva Ecija Convention Center, Palayan City. Inaasahang magtatagisan ng ganda at talino ang may 16 na kandidata mula sa iba't ibang bayan ng Nueva Ecija.

DBM, naglabas na ng pondo para sa DPWH

August 31, 2011 | 3:00 PM

AABOT sa P3.78 billion ang inilabas na pondo ng Department of Budget and Management (DBM) para sa infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
 
Ayon kay DBM Sec. Florencio Abad, ang nasabing pera ay hindi pa kasama sa 2011 National Budget dahil kinuha ito sa naipong pondo mula sa 2010 budget.

Ito rin resulta aniya ng "zero-based budgeting" na pinasimulan ni Pangulong Noynoy Aquino.

Sa nasabing pondo, P968 million ay para sa rehabilitasyon at pagpapasemento ng mga kalsada, P2.5 billion sa road widening, rehabilitasyon at konstruksyon ng mga tulay habang P312 million naman paras sa flood control projects sa bansa.

www.rmnnews.com

PNoy, nasa China para sa state visit

Nasa China na si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III para sa apat na araw na state visit.

Ilang cabinet member at tinatayang nasa 270 negosyante ang kasama ng pangulo sa Beijing, Shanghai at Xiamen hanggang Setyembre 3.

Layon ng apat na araw na biyahe ng Pangulo na mapalakas pa ang tatlong dekada nang relasyon ng Pilipinas at China sa harap na rin ng tensyon sa pinag-aagawang mga isla sa West Philippine Sea.

Kabilang sa mga aktibidad ni PNoy sa China ang pakikipagpulong sa mga opisyal ng mga Chinese companies at pagsaksi sa lagdaan ng ilang kasunduang may kinalaman sa negosyo, media, sports at iba pa.

Makikipagkita rin siya sa Filipino community sa Beijing na tinatayang aabot sa 2,500.

Unang Sigaw ng Nueva Ecija Opening

August 31, 2011

Kasalukuyang nagaganap ngayon ang Gintong Ani Festival Street Dance and Float Parade kaugnay ng selebrasyon ng ika-115 Anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija. Makikita sa paradang ito ay iba't-ibang festivals sa Nueva Ecija gaya ng Sibuyasan Festival ng Bongabon, Pandawan Festival ng Pantabangan at Tsinelas Festival ng Gapan City.

Kasama ring pumaparada ngayon ang mga kandidata ng BB. Nueva Ecija 2011.

Bukas na rin sa Freedom Park ang Agri Aqua Trade Fair ng Provincial Trade and Industry Office at ang Okay sa Ukay ni First District Board Member Rey Joson. Ang Okay sa Ukay ay isang fund raising raising project para sa Nueva Ecija Persons with Disabiity.

Pag-ulan, asahan pa rin sa mga susunod na araw

PATULOY pa ring makakaapekto ang Hanging Habagat sa buong bansa.
 
Asahan ang pag-ulan sa Northwestern Luzon partikular na sa Ilocos Norte hanggang Pangasinan.

Ang Metro Manila ay magiging  maulan ng bahagya, pero magiging mainit at uulan sa bandang hapon o gabi.
Ang tinatayang agwat ng temperatura ay mula 25 hanggang 31 antas ng Celsius.

Magkakaron  naman ng magandang panahon sa  Visayas at Mindanao.

Ang natitirang bahagi ng bansa ay magiging bahagya hanggang sa maulap na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog.

Samantala, nagbabala sa publiko si PAGASA-DOST Usec. Graciano Yumul na asahan na babayuhin ng tatlo hanggang apat na bagyo ang bansa sa pagpasok ng  buwan ng Setyembre.

Saturday, August 27

Suplay ng relief goods, kasado na

August 27, 2011

HANDA na ang relief supply ng DSWD.

Ito ang tiniyak ni DSWD Secretary Dinky Soliman na nakalaan para sa mga residenteng nakatira sa probinsyang sasalantain ng bagyong “Mina.”

Kabuuang 21.16 million pesos na relief goods at supplies ang naka-antabay ngayon sa mga field offices ng DSWD tulad sa region 1, 2, 3 at Cordillera Administrative Region (CAR).

Papangasiwaan naman ng Local Government Units ang distribusyon ng pagkain at gamit sa mga maapektuhang residente ng bagyong “Mina.”

Friday, August 26

Mga senior, may pension

August 26, 2011 | 5:00 PM

ANG mga matatanda ay makakatikim ng pensyon mula sa DSWD.
 
Ayon kay DSWD, Secretary Dinky Soliman P500 kada buwan ang matatanggap na pensyon ng mga lolo at lola na edad 70 pataas.

Ang hakbang na ito ng ahensya ay bahagi ng Social Pension Program sa ilalim ng Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010.

Una dito, may mahigit 100, 000 senior citizens na ang nabiyayaan ng P3, 000 pensyon mula sa DSWD sa nakalipas na anim na buwan.

Dragon Boat Team, bigo na sa Sea Games

August 26, 2011 | 3:00 PM

HINDI na makakasali sa 26th Southeast Asian Games sa Indonesia ang Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) Team.

Ayon kay Philippine Sports Commission Chairman Richie Garcia, hindi na aabot ang Philippine Dragon Boat Team sa isusumiteng entry by names ng Philippine Olympic Committee (POC) para sa 2011 Sea Games.

Una nang inisnab ng Dragon Boat Federation ang meeting ng PSC kasama ang POC noong Miyerkules na layunin sanang mabigyang solusyon ang isyung namamagitan sa Dragon Warriors.
Gagawin ang Sea Games sa Nobyembre.

NDRRMC: DOH nasa white alert na bilang paghahanda sa epekto ng bagyong Mina

August 26, 2011 | 12:00 NN

Patuloy na lumalakas at nananalasa sa Northern Luzon ang Bagyong Mina. Gayumpaman, inalis na ng Pagasa ang signal warning sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Inilagay na ng Department of Health sa white alert ang kanilang Center for Health Development units sa mga lugar na maaaring daanan ni Bagyong Mina. Ayon yan sa National Disaster Risk Reduction Management Council.


Ibig sabihin ng Code White Alert, ang mga emergency medicines ay dapat na nakahanda sa emergency rooms ng mga ospital. Ang mga gamot at iba pang supply sa operating room ay dapat ng i-review at dagdagan kung kinakailangan. Ang mga serbisyong gaya ng laboratory, x-ray plates, at iba pa ay dapat nakahanda at libreng makukuha ng mga biktima ng bagyo.

Ang NDRRMC naman ay naka red alert na simula pa ng sabihin ng PAGASA na si Mina ay isa nang ganap na bagyo.

Aktibo na rin ang National Disaster Operations Center ng Philippine National Police.

Sa kanilang update, sinabi ng NDRRMC na inihanda na rin ng iba pang ahensiya ng pamahalaan ang kanilang mga gamit at tauhan upang mabilis na makaresponde sa pinsalang maaaring idulot ng bagyo.

Thursday, August 25

Bagyong Mina, isa nang typhoon at nagbabanta sa Northern Luzon


August 18, 2011 | 3:00 PM

Lalo pang lumakas at isa nang typhoon ang Bagyong Mina habang nagbabanta sa Hilagang Luzon.

Huling namataan ng PAGASA ang sentro ng bagyo sa layong 310 kilometro Silangan ng Casiguran, Aurora.

Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 120 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 150 kilometro bawat oras.

Kumikilos ito pa-Kanluran Hilagang-Kanluran sa bilis na pitong kilometro bawat oras.

Tinataya itong nasa 220 kilometro Hilagang Silangan ng Casiguran, Aurora bukas ng umaga.

Nakataas na ang babala ng bagyo bilang isa sa Northern Aurora, Isabela at Cagayan.

Patuloy namang hihigupin ng Bagyong Mina ang hanging Habagat na magdadala ng mga pag-ulan sa Southern Luzon at Visayas lalo na sa Kanlurang bahagi.

UNICEF hanga sa Child Friendly advacacies ng Cabanatuan: Agapito naging tagapagsalita

August 25, 2011 | 5:00 PM

Hinahangan ng United Nations Children's Fund o UNICEF, gayundin ng lahat ng delegado sa Second Forum on Children in the Urban Environment ang Children's Code ng Cabanatuan City at ang implementasyon nito sa ilalim ng administrasyong Vergara.

Ginanap ang nasabing forum kahapon, sa Ateneo De Manila University, Quezon City sa harap ng mga kinatawan ng DILG, DSWD, LGUs, NGOs, at youth groups.

Bilang pangunahing author ng Children's Code at pakikipag-uganayan sa CSWDO, ang child rights advocate at dating City Councilor Raqueliza Agapito ang naglahad ng mga programa at proyekto para mapanatili ang Child Friendly City status ng Cabanatuan.

Ibinahagi ni Agapito ang ginagawa ng lungsod upang maprotektahan ang kabataan sa masasamang impluwensiya at matuon ang atensyon ng mga ito sa pag-aaral. Ibinahagi rin niya ang pagsusumikap ng CSWDO sa pagpapatupad ng Children's Code sa pamamagitan ng saturation drives. Patikular dito ang probisyong nagbabawal sa mga elementary at high school student sa paglalaro sa computer shop at iba pang recreational centers mula alas-8 ng umaga hanggang ala-5 ng hapon.

Layunin ng Second Forum on Children in the Urban Environment na maitala ang good practices ng mga LGU gaya ng sa Cabanatuan. Isasama ang mga ito sa Country Programme Action Plan for 2012 to 2016 ng administrasyong Aquino at policy interventions ng UNICEF.

BiG SOUND fm and DZXO am Newsteam

Pinoy na iniulat na dinukot sa Libya, ninakawan ng armadong grupo

August 25, 2011 | 12:00 NN

Ligtas na sa kapahamakan ang Overseas Filipino Worker (OFW) na iniulat na dinukot sa Tripoli, Libya.

Nagkausap na sina Edwin Daproza, maintenance supervisor sa First British Engineering Company at misis nitong si Sulita na nasa Nueva Ecija.

Ikinuwento ni Daproza sa asawa ang naranasan sa kamay ng mga armadong Libyan na pumasok sa kanilang kampo.

Tinutukan aniya ng baril ang lahat ng nasa kampo kaya wala silang nagawa kundi manood na lang habang ninanakaw ang kanilang mga gamit.

Sinabi ni Daproza na natangay sa kanya ang $1,000 cash, 50 dinar at ang kanyang cellphone kaya hindi siya makontak ng mga kamag-anak.

Pero pinayagan aniya silang makaalis sa compound kaya hindi totoong dinukot siya.

Sa kabila naman ng naranasan, wala pa ring balak bumalik sa Pilipinas si Daproza dahil wala namang madadatnang trabaho rito.

Nabatid na halos 20 taon nang nagtatrabaho sa Libya si Daproza.

www.dzmm.com.ph

Tuesday, August 23

Turismo, lumago

August 23, 2011 | 3:00 PM

IPINAGMALAKI ng Department of Tourism (DoT) na tumaas ang bilang ng mga foreign tourist na bumibisita sa Pilipinas.
 
Ito ay sa kabila ng pananatili ng bansa sa Black Travel Advisory ng Hong Kong dahil naman sa Aug. 23, Manila Hostage Taking Incident noong nakaraang taon.

Umabot sa 3.7 million foreign tourists ang naitala ng DoT sa bansa sa unang taon ng administrasyong Aquino.

Kasabay nito, inihayag ni outgoing DoT Sec. Alberto Lim na may mga programa nang inilunsad ang kagawaran para tiyakin ang kaligtasan ng mga turista sa ilalim ng Tourism Oriented Police Program (TOP COP).

www.rmnnews.com

Unang anibersaryo ng Manila hostage crisis, ginugunita

August 23, 2011 | 12:00 NN

Ginugunita ngayon ang unang anibersaryo ng malagim na hostage crisis sa Quirino Grandstand sa Maynila na ikinasawi ng walong Hong Kong Chinese tourists at ng hostage taker na si dating Police Senior Inspector Rolando Mendoza.

Nagdaos ng seremonya ang mga Buddhist monk sa mismong pinangyarihan ng insidente.

Nagdasal at umawit sila sa lugar na pinangyarihan ng trahedya kasabay ng pagsisindi ng insenso at pag-aalay ng prutas, tubig at iba pang pagkain.

Nakibahagi sa seremonya ang mga kaanak ng mga nasawi at ang survivor na si Lee Ying Chuen.

Dumalo rin si Outgoing Tourism Secretary Alberto Lim para kumatawan sa pamahalaan, mga tourist police at ilang militanteng grupo.

May hiwalay din namang seremonyang idinaos sa Kampo Crame.

Nag-alay ng misa ang Philippine National Police sa PNP chapel na dinaluhan nina Interior and Local Government Ssecretary Jesse Robredo, PNP Chief Raul Bacalzo at ilang Chinese businessmen.

Sa kanyang talumpati, tiniyak ni Bacalzo na ginagawa nila ang lahat para mas lalo pang mapabuti ang serbisyo ng pulisya at maiwasang maulit ang katulad na trahedya.

Wala namang dumalo sa seremonya isa man sa mga survivor ng hostage crisis o maging kamag-anak ng mga nasawi sa kabila ng imbitasyon ng PNP. 

www.dzmm.com.ph

Monday, August 22

Operasyon bukas ni CGMA, di tuloy dahil sa lagnat

August 22, 2011 | 5:00 PM

Hindi tuloy bukas ang nakatakda sanang ikatlong operasyon kay dating pangulo at ngayo'y Pampanga Congresswoman Gloria Arroyo.

Sa medical bulletin na binasa ni Saint Luke's Medical Center Spokesperson Dr. Marilen Lagniton, nakaranas ng lagnat kagabi si Ginang Arroyo ayon sa attending physician nitong si Dr. Juliet Cervantes.

Sari-saring pagsusuri aniya ang isinagawa sa dating pangulo para sa posibleng impeksyon na siyang nagdudulot ng lagnat pero lahat nag-negatibo.

Posible namang ituloy ang operasyon sa cervical spine ni CGMA anumang araw ngayong linggo kapag nawala na ang lagnat nito.

Nilinaw naman ni Lagniton na maliban sa lagnat kagabi, wala nang kakaibang nararamdaman ang pangulo at regular naman itong nakakakain.

DFA: Alert level 4, itinaas sa Libya; mga natitirang Pinoy pwersahan nang ililikas

August 22, 2011 | 3:00 PM

Itinaas na ng DFA sa alert level 4 ang sitwasyon sa Libya.

Ibig sabihin, pwersahan nang ililikas ng pamahalaang Pilipinas ang mga natitirang Filipino sa nasabing bansa.

Sa inilabas na pahayag ng DFA, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na nitong nakaraang linggo pa pumunta sa Tripoli, Libya si DFA Undersercretary Rafael Seguis para kumbinsihin ang mga natitirang Pinoy na lumikas sa harap ng paglala ng sitwasyon doon.

Nasa Gerba na rin ang rapid response team ng Pilipinas para umasiste sa embahada roon kung saan 1,600 pang Filipino ang nananatili sa Tripoli at mga karatig lugar.

Sa pinakahuling report, napasok na ng Libyan rebels ang malaking bahagi ng Tripoli kabilang ang Green Square na dating pinagdarausan ng political rallies ni Libyan Leader Moamar Gadhafi.

Una na ring inanunsyo ng Libyan rebel spokesman na naaresto na umano ng opposition forces ang dalawang anak ni Gadhafi na sina Saif Al-Islam at Saadi.

www.dzmm.com.ph

Bagyong Mina, hindi direkatang tatama sa Pilipinas

August 22, 2011 | 3:00 PM

HINDI direktang tatama sa kalupaan si “Mina.”
 
Ayon kay PAGASA Weather Forecaster Ben Oris, may tatlo hanggang apat na araw pang mananatili ang bagyo sa bansa kung saan tutumbukin nito ang direksyong pa-hilaga-hilagang-kanluran at hilaga ng Japan.

Ang Bagyong “Mina” ay huling namataan sa layong 350 kilomters ng silangan-timog-silangan ng Virac, Catanduanes at may lakas ng hanging aabot ng 45 kilometers per hour.


Bagamat hindi direktang tatama palalakasin naman ni “Mina” ang Hanging Habagat na siyang magdadala ng malakas na pag-ulan sa Southern Luzon at Visayas.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nabanggit na rehiyon sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa.

July 2011 NLE, lumabas na

August 22, 2011 | 12:00 NN

Inilabas na ng Professional Regulatory Commission ang resulta ng July 2011 Nursing Licensure Examination kung saan 48% o mahigit 37,000 sa may 78, 000 kumuha ng pagsusulit ang pumasa.

Si Jomel Garcia ng University of the Philippines - Manila ang naging topnotcher. Si Garcia ay nakakuha ng rating na 88.4%. Sinundan ito nina Hazel Cortez Crisostomo at Beverly Lynne Yao Ong na kapwa nakakuha ng 87.4 rating at parehong alumna ng University of Sto. Tomas.

Base sa dami ng kumuha ng pagsusulit, tinanghal na top performing school ang Chinese General Hospital College of Nursing and Liberal Arts. May 338 first examinees ang mula sa paaralang ito, na pawang pumasa lahat.

Nagbigay naman ng paalala si Labor Secretary Rosalinda Baldoz sa mga bagong nurse na nais mangibang bansa. Ayon sa kanya, ang mga host countries ay nagde-demand ng 2-3 year ng actual nursing experience o work experience.

Nilinaw ni Baldoz na ang on the job training o volunteer work, kahit gaano ito kahaba ay hindi maituturing na work experience.

Saturday, August 20

72nd b-day ni FPJ - ginugunita ngayong araw

August 21, 2011 | 5:00 PM


Nagdaos ng misa sa puntod ni Fernando Poe Jr. sa Manila North Cemetery para gunitain ang kanyang ika-72 kaarawan. 

Pinangunahan ni Father Larry Faraon ang misa na dinaluhan ng anak ni FPJ na si Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson Grace Poe-Llamanzares. 

Dumalo rin si dating Pangulong Joseph Estrada, Senador Koko Pimentel, Bayan Muna Partylist Representative Teddy Casiño, Cong. Rufus Rodriguez, dating Military Budget Officer at Armed Forces of the Philippines (AFP) anomaly whistleblower George Rabusa, at ang mga miyembro ng FPJ For President Movement na nakasuot pa ng t-shirt na may katagang "14th President of the Republic of the Philippines". 

Sa kanyang talumpati, hinimok ni Estrada ang mga militar na may alam sa nangyari umanong dayaan noong 2004 elections na lumantad na at magsalita.

BSP: Barya, nagkukulang na


August 20, 2011 | 3:00 PM

Inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nagkukulang na ng barya sa bansa.

Ayon sa BSP, hindi ito dahil sa kulang na ng suplay ng barya kundi dahil nakaimbak na ito sa alkansiya o iba pang ipunan at itinatago ng mga Pinoy.

Inihayag pa ng BSP na may masama ring epekto ang pag-iipon ng barya dahil nagkukulang ang mga baryang umiikot sa bansa.

Nakakadagdag din ang pag-iipon ng mga simbahan ng nakokolektang barya, gayundin ang small-time lottery (STL), vending machine, videoke at auto-water machine.

Importante ang pag-ikot ng barya sa ekonomiya pero dahil naitatago lang ang mga ito, napipilitan ang pamahalaan na gumastos para gumawa ng bago kung saan P2 ang ginagastos ng BSP sa kada piraso ng baryang ginagawa nila.

www.dzmm.com.ph

PNoy may napili na raw bagong kalihim ng tourism

August 20, 2011 | 12:00 NN

May napili na raw si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ng kapalit sa nagbitiw na kalihim ng Department of Tourism na si Secretary Alberto Lim.

Gayunman, tumanggi si Aquino na huwag munang pangalanan ang kanyang napili dahil na rin sa pakiusap nito.

Sinabi ng pangulo sa mga mamamahayag na kasama niya sa Baguio City nitong Biyernes, na ang susunod na kalihim ng DOT ay mula sa pribadong sektor. Malaki raw ang mawawalang kita nito sa gagawing pagsama sa gobyerno.

Epektibo ang pagbibitiw ni Lim sa katapusan ng buwang ito.

Naunang iniulat na kabilang sa mga pinagpilian ni Aquino na kapalit ni Lim ay sina dating Muntinlupa Rep Ruffy Biazon, dating Akbayan party-list Rep. Risa Hontiveros-Baraquel, advertising executive na si Ramon Jimenez, at talent manager na si Eugenio “Boy" Abunda Jr.

Sa magkahiwalay na panayam sa media, sinabi nina Abunda at Baraquel na hindi sila kinausap ni Aquino tungkol sa mababakanteng puwesto.

Nasa Baguio si Aquino kahapon para itaguyod ang turismo sa Cordillera Region at magbigay ng kaalaman sa publiko tungkol sa pagtitipid sa enerhiya.

www.gmanews.tv

Friday, August 19

Ika-133 kaarawan ni Quezon, ipinagdiwang

August 19, 2011  | 5:00 PM

IPINAGDIRIWANG ngayong araw na ito ang ika-133 kaarawan ng yumaong pangulo na si Manuel L. Quezon.
 
Isang simpleng seremonya ang inialay ng National Historical Commission, Quezon City government officials at kaanak ni Quezon kaninang 8:00 ng umaga sa Quezon Memorial Shrine.

Kaugnay nito walang pasok sa lahat ng antas ng paaralan at tanggapan ng gobyerno at suspendido rin ang number coding scheme sa lungsod; pista opisyal rin sa Quezon at Aurora province.

Matapos ang pag-aalay ng bulaklak sa puntod ni Quezon ay sinundan naman ito ng pagbukas ng bagong hardin sa ilang metro lamang ang layo mula sa mosuleyo ng dating pangulo ng bansa.

Samantala, isinabay rin sa kaarawan ni Quezon ang “groundbreaking ceremony” ng housing project sa Barangay Payatas na ilalaan para sa mga informal settlers.

Imbitado sa okasyon si Executive Secretary Paquito “Jojo” Ochoa na nagsilbing guest speaker.

Sabaw ng buko, bebenta sa abroad

August 19, 2011 | 3:00 PM

MATITIKMAN na sa ibang bansa ang ipinagmamalaking coconut water o sabaw ng buko ng Pilipinas.
 
Ayon kay DTI Usec. Adrian Cristobal, Jr., nagsimula nang mag-supply ang Pilipinas ng masustansyang sabaw mula sa buko sa Amerika, Brazil at Canada.

Target ng pamahalaan na paunlarin at ibida ang "high-value added products" gaya ng naturang sabaw na nagmumula sa simpleng buko, upang makita ng mga negosyante ang potensyal ng ganitong uri ng pang-export.

Patok kasi sa merkado ng mga bansang nabanggit ang buko juice, bilang health and energy drink na pinoproseso ng isang kilalang global beverage company.

Kabilang sa mga pangunahing pinagkukunan sa bansa ng buko ay ang mga lalawigan ng Davao, Bicol, Samar, Leyte at Quezon.

www.rmnnews.com

Mga Pinoy na delegado sa World Youth Day, dumating na sa Spain


August 19, 2011 | 12:00 NN

Nasa Spain na ang mga Pilipinong delegado sa World Youth Day.

Tinatayang 30 Filipino-Chinese Catholic at walong pari mula sa Diocese ng Imus, Cavite ang dumating sa Barcelona at sumama sa mga Katolikong Pinoy doon bago sila tutuloy sa Madrid kung saan isasagawa ang World Youth Day.

Dumating na rin naman sa Madrid ang mahigit 400 official delegate ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Youth sa pamumuno ni Bishop Joel Baylon.

Sa tala ng Embahada ng Pilipinas sa Madrid, tinatayang 2,000 Pinoy ang nabigyan ng visa para dumalo sa pagtitipon.

www.dzmm.com.ph

Thursday, August 18

Nationwide development projects, isusulong

August 18, 2011 | 5:00 PM

PINAGTIBAY ngayong araw na ito ng Department of Social Welfare ang Development ang “partnership” sa Department of National Defense.
 
Layunin nito na mapalakas ang implementasyon ng social services at development projects sa buong bansa partikular sa mga mahihirap at magugulong lugar.

Pangungunahan ito ng National Development Support Command na “Infrastructure at Development Division” ng Hukbong Sandatahan.

Kabilang sa Memorandum of Agreement na pirmado nila DSWD Secretary Dinky Soliman at DND Secretary Voltaire Gazmin ang pagpapatayo ng pabahay, farm-to-market roads at health centers at iba pang serbisyo tulad ng transportasyon at seguridad.

www.rmnnews.com

FOI Bill, tinatalakay sa Senado

August 18, 2011 | 3:00 PM

Nakasalang ngayon sa pagdinig ng Senado ang Freedom of Information (FOI) Bill na hindi nakasama sa priority bill ng Malakanyang.

Binigyang diin nina Deputy Presidential Spokesperson Ricky Carandang at Undersecretary Manolo Quezon na pabor ang Palasyo sa FOI Bill kaya bumabalangkas sila ng sariling bersyon.

Pero habang nakabitin pa anila ang bersyon ng Malakanyang sa FOI Bill, bukas ang administrasyong Aquino sa media pagdating sa mga government document.

Ang tanggapan ni Carandang at Quezon ang naatasan ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III para bumalangkas ng Palace version ng FOI Bill habang tumatayong consultant si Budget Secretary Butch Abad.

Tumanggi naman ang Korte Suprema na magbigay ng kanilang posisyon sa isyu upang hindi ma-preempt ang anumang ruling nito sakaling ganap na itong maisabatas at kwestyunin sa hukuman.

Ayon naman sa kinatawan ng Department of Justice (DOJ), wala silang pagtutol sa FOI Bill habang masusi pa nilang pag-aaralan ang working draft ng panukala.

Maging ang Department of Foreign Affairs (DFA), suportado ang FOI Bill para mabigyan ng sapat na impormasyon ang publiko pero dapat anilang maghinay-hinay sa pagbibigay ng impormasyong may kinalaman sa diplomatic negotiations na posibleng makadiskaril sa anumang diplomatic relations policy ng Pilipinas. 


www.dzmm.com.ph

Presyo ng sardinas, mananatili

August 18, 2011 | 12:00 NN

PAG-AARALAN pa ng Department of Trade and Industry (DTI) ang nakaambang pagtaas ng presyo ng sardinas.
 
Ito’y kasunod ng pagpapairal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng fish ban para sa isdang tamban sa karagatan ng Zamboanga sa Nobyembre.

DTI Usec. Zeny Maglaya, aalamin pa nila kung makatarungan ang gagawing dagdag-presyo sa sardinas.
 
Pero hangga’t walang go-signal ang DTI,  umaasa si Maglaya na wala pa ring magiging implementasyon ng price increase dito.

2008 nang huling magpatupad ng pagtaas sa presyo ng sardinas ang DTI.

Sa ngayon ang isang de-latang sardinas ay mabibili ng P11.50 hanggang P12 sa merkado.

www.rmnnews.com

Tuesday, August 16

Dollar remittance, tumaas

August 16, 2011 | 5:00 PM

SA kabila ng krisis sa Middle East, nagpakitang-gilas ang remittances ng mga OFW na pinapadala ng mga ito sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
 
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, naitala ang mataas na 6.3% o katumbas ng $9.64 billion  sa unang anim na buwan ng taon.

Sa buwan ng Hunyo, umarangkada ng 7% o katumbas ng $1.737 ngayong taon.

Sa kabila nito, nagpahayag ang ilang ekonomista na posibleng hindi mapanatili ang mataas na remittance ng mga OFW dahil na rin sa kasalukuyang economic crisis sa Amerika.

BSP Cabanatuan, pinarangalan ang mga stakeholders sa Region 3

 
August 16, 2011 | 3:00 PM

Isinagawa kanina ng Bangko Sentral ng Pilipinas Cabanatuan Branch ang kanilang taunang Awards Ceremony and Appreciation Lunch for Stakeholders na may temang “Ikaw at ang BSP: Working for Sustainable and Inclusive Growth”.

Sa kanyang pambukas na pananalita, ipinahayag ni Deputy Director Diwa Guinigundo ang dahilan ng pagsasagawa ng taunang parangal.

Ayon kay Guinigundo, layunin ng nabanggit na programa na parangalan ang mga business establishment, ahensiya, at mga institusyon sa Gitnang Luzon na nakapagbigay ng katangi-tanging suporta sa pangangailangang istatistiko at impormasyon gayundin sa mga programang pang adbokasiya ng BSP.

Nakuha ng International Electronics Philippines Corporation, na nakabase sa San Miguel, Tarlac, ang Outstanding Respondent Among Large and Medium Firms Award.

Outstanding Respondent Among Small Firms naman ang Sunjin Philippines, Corporation na mula naman sa Norzagaray, Bulacan.

Ang Bureau of Agricultural Statistics Regional Operation Center ay ginawaran din ng Award for Information Sources for the Report on Regional Economic Development (Region 3).

Panuhing pandangal sa okasyon si BSP Monetary Board Member Peter Favila. Bago nagsilbi sa BSP, si Favila ay namuno bilang kalihim ng Department of Trade and Industry mula 2005 hanggang 2010.

BiG SOUND fm and DZXO am Newteam

Monday, August 15

DILG: Suportado ang magna carta sa barangay

August 15, 2011 | 3:00 PM

KINATIGAN ng Department of the Interior ang Local Government ang panukalang batas ni Oriental Mindoro Congressman Rodolfo Valencia.
 
Ito ay may kaugnayan sa House Bill No. 4232 o ang Magna Carta Act for Barangay.

Ayon kay DILG, Director Romulo Calvario, hindi lamang mga piling barangay ang makikinabang dito kundi lahat ng barangay sa buong bansa.

Layunin nito na gawing regular na kawani ng gobyerno ang lahat nang nagsisilbi sa barangay para makatanggap rin sila ng suweldo at benepisyo katulad ng mga regular government employee.

Sa ngayon, ang suweldo ng mga barangay official at employees ay dumidepende sa kinikita ng kanilang pinamumunuang barangay.

Palace: 4-day weekend sa susunod na linggo

August 15, 2011 | 3:00 PM

Mayroong 4-day weekend sa susunod na linggo.

Inilabas na ng Malakanyang ang Proclamation 84 na nagdedeklara sa Agosto 29, ang huling Lunes ng Agosto bilang regular holiday para sa National Heroes Day.

Idineklara naman ni Pangulong Benigno "Ninoy" Aquino III ang Agosto 30, Martes bilang regular holiday sa buong bansa para sa selebrasyon ng Eid'l Fitr o pagtatapos ng Ramadan ng mga kababayan nating Muslim, base sa Proclamation 234.

Saturday, August 13

PNP procurement, rerebisahin ng NAPOLCOM

August 13, 2011 | 5:00 PM

REREBISAHIN ng National Police Commission ang mga polisiya at proseso ng pagbili ng mga pangangailangan ng PNP pagdating sa kanilang logistics.

Ayon kay Napolcom Vice Chairman at Executive Officer Eduardo Escueta, marapat lang na sumunod ang PNP sa probisyon ng Government Procurement Reform Act kaugnay sa pagbili ng mga gamit para sa operasyon.

Tiniyak naman ni DILG Chief at Napolcom Chairman Jesse Robredo na iimbestigahan rin ng naturang komite kung sino ang dapat managot sa pagkakamali sa proseso ng pagbili ng gamit ng PNP.

Una rito ay bumuo na ng special investigating team ang Napolcom na mag-sisiyasat sa mga anumalyang kinasasangkutan ng PNP partikular na ang pagbili ng second hand helicopters.

www.rmnnews.com

Soberenya ng bansa po-protektahan

August 13, 2011 | 3:00 PM

NANINDIGAN si Pangulong Benigno Aquino III na hindi hahayaan ng kanyang administrasyon na kaladkarin ng ibang bansa maging ng ilang rebeldeng grupo ang soberenya ng Pilipinas.

Sa talumpati ng Pangulo sa alumni homecoming ng National Defense College of the Phils. –binigyang-diin nito na ipagtatanggol ng gobyerno ang bansa lalo na kung soberenya na ang pinag-uusapan.

Mariing sinabi ng pangulo na walang pwedeng mang-angkin sa mga islang nasa teritoryo ng bansa.

Tiniyak din nito nawalang dapat maipit na mga pamayanan sa mga walang katuturang engkwentro at putukan.

Pero gininiit ng pangulo na dapat pa ring mauna ang pagtitimpi at pagiging mahinahon sa ganitong mga sitwasyon.

www.rmnnews.com

Kaso ng dengue, muling tumaas!

August 13, 2011 | 12:00 NN

MULING lumobo ang bilang ng kaso ng dengue sa bansa sa loob lang ng dalawang lingo.

Base sa huling report ng Dept. of Health, aabot na sa 45-libo ang naitalang kaso ng dengue sa buong Pilipinas kung saan 267 na ang namatay.

Kasunod nito ay muli ring nagbabala ang DOH sa publiko na hanggat maaga ay agapan na kung nakakaramdam ng mga sintomas ng dengue.

Matatandaang una ng isinailalim sa State of Calamity ang La Union dahil sa dami ng kaso ng dengue.

Friday, August 12

Oil price rollback, inaasahan ng DOE sa Lunes


August 12, 2011 | 5:00 PM

Inaasahan ng Department of Energy (DOE) na magkakaroon na ng oil price rollback sa Lunes. 

Sa isang panayam, inihayag ni Energy Secretary Jose Rene Almendras na posibleng ngayong araw ay mayroon nang oil company na mag-aanunsyo ng bawas-presyo. 

Pero karaniwan aniya ay Lunes nagkakaroon ng paggalaw sa presyo ng produktong petrolyo.

Nauna nang iginiit ng DOE na dapat mag-rollback ng P2 kada litro sa presyo ng petrolyo dahil sa pagbagsak ng presyuhan ng krudo sa world market matapos i-downgrade ang credit rating ng Estados Unidos.

Kasabay nito, idinepensa ni Almendras ang muling pagtaas ng P1 kada kilo o P11 sa bawat 11-kilogram na tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) simula kaninang alas 12:00 ng hatinggabi. 

Paliwanag ng kalihim, nagtaas ang average price ng LPG noong nakaraang linggo.

Tourism Sec. Alberto Lim, nag-resign

August 12, 2011 | 3:00 PM

Nagbitiw na sa pwesto si Tourism Secretary Alberto Lim. 

Kinumpirma mismo ito ng kalihim sa press briefing sa Malakanyang. 

Ayon kay Lim, tinanggap na ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang kanyang resignation epektibo sa katapusan ng buwan.

Personal ang naging dahilan ni Lim sa kanyang pagbibitiw upang magkaroon siya ng mas maraming oras kasama ang pamilya. 

Ayon naman kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, wala pang napipili ang Pangulong Aquino na papalit kay Lim.

Si Lim ang ikalawang miyembro ng gabinete ni PNoy na nag-resign.

Una na rito si Transportation and Communications Secretary Jose "Ping" de Jesus na nagbitiw noong Hunyo 30.

Koko Pimentel, nanumpa na bilang senador

August 12, 2011 | 3:00 PM

Pormal nang nanumpa sa tungkulin si Atty. Aquilino "Koko" Pimentel III.

Ginanap ang oath taking sa Mati, Davao Oriental kung saan siya pumangalawa sa pagka-senador noong 2007 elections.

Hinirang din naman si Pimentel bilang "adopted son" ng Davao Oriental.

Kumpleto ang pamilya ni Pimentel sa okasyon kasama ang asawang si Jewel, mga magulang na sina dating Senador Aquilino Pimentel Jr. at Bing Pimentel at mga kapatid.


www.dzmm.com.ph

Kahapon iprinoklama si Pimentel bilang senador kasunod ng pagbibitiw ni Juan Miguel Zubiri.

Sen. Pangilinan bumisita sa Nueva Ecija

August 12, 2011

Nasa lungsod ng San Jose ngayon ang Senate Chairman on Agriculture na si Senador Francis Kiko Pangilinan para sa consultation meeting sa mga magsasaka roon.

Sa kanyang tinatawag na Sakip Saka Project, layunin nito na matulungan ang mga maliit na magsasaka na mapalakas ang kanilang hanay sa pamamagitan ng suporta ng gobyerno, mga pagsasanay, at pag oorganisa ng kanilang sector.

Sa live interview ng 1188 DZXO am, sinabi ni Senador Pangilinan na ang pagkakaisa ng mga magsasaka ang isa sa mga magiging susi ng mas magandang ani at mas magandang kita.

Kasalukuyan din nagsasagawa ng project briefing ang senador sa Lungsod ng San Jose para sa Bridging Farmers Program ng isang food corporation. Ang Bridging Famers Program ay naglalayong makalikha ng direktang ugnayan ang malalaking kumpanya at ang mga magsasaka. Kung saan, magiging posible na ang direktang pagbili mga kumpanyang ito ng mga produktong agrikultura gaya ng bigas at sibuyas, sa mga magsasaka.

Nais din ni Senador Pangilinan na magamit ang budget ng Private Public Partnership para sa mga magsasaka. Ayon sa senador, ang PPP ay may budget na 2.5 billion pesos.

Samantala, naniniwala naman ang senador na kaya ng bansang maging rice self-sufficient sa 2012 kung pagbabasihan ang kasalukuyang programa at proyekto ng pamahalaan para sa sektor ng agrikultura.


BiG SOUND fm and DZXO am Newsteam

Thursday, August 11

Koko Pimentel, naiproklama na bilang senador

August 11, 2011 | 5:00 PM

Pormal nang iprinoklama ng Senate Electoral Tribunal (SET) si Atty. Aquilino "Koko" Pimentel III bilang senador.

Ibinaba na ng SET ang proclamation paper na nagpapatunay na siya ang nanalong ika-12 senador sa 2007 elections.

Isinagawa ang proklamasyon sa Sofitel Hotel sa Maynila sa pangunguna ng mga miyembro ng SET na kinabibilangan nina Justices Antonio Carpio at Teresita Leonardo-De Castro.

Sinamahan si Pimentel ng kanyang maybahay na si Jewel at dalawang anak, amang si dating Senador Aquilino Pimentel Jr. at kanyang ina at iba pang miyembro ng pamilya.

Napabilis ang pagdedesisyon ng SET sa electoral protest ni Pimentel kaugnay ng umano'y dayaan sa 2007 senatorial elections matapos magbitiw bilang senador si Juan Miguel Zubiri na siya nitong mahigpit na katunggali at inatras ang counter-protest. 

Nagpasalamat naman si Pimentel sa SET sa makasaysayang pangyayaring ito.

Bukas, nakatakdang manumpa si Pimentel bilang senador sa Mati, Davao Oriental.

Koko Pimentel proclaimed 12th winning senator in '07 polls

August 11, 2011 | 3:00 PM

Matapos ang election protest na tumagal ng apat na taon, ang abogadong si Aquilino "Koko" Pimentel ay ipinroklama na bilang ngayon lamang bilang pang 12 senador na nanalo noong 2007 senatorial elections.

Sa isang resolusyon, pinagtibay ng Senate Electoral Tribunal, na si Pimentel, anak ni dating Senate President Aquilino Pimentel, Jr. ay nanalo laban kay Juan Miguel Zubiri na nagbitiw bilang senador noong nakaraang linggo.

Dahil dito, maaari nang manumpa si Pimentel bilang senador at manilbihan sa loob ng may isa at kalahating taon hanggang 2013.

Order of the Golden Heart, iginawad ni PNoy sa pumanaw na si Dr. Fe del Mundo

August 11, 2011 | 3:00 PM

Ginawaran ni President Benigno "Noynoy" Aquino III ng pinakamataas na pagkilala ang pumanaw na national scientist na si Dr. Fe del Mundo.

Iginawad ni PNoy ang "Order of the Golden Heart" na may ranggong "Grand Collar" sa isinagawang necrological service sa tanggapan ng Department of Science and Technology (DOST) sa Taguig.

Kinilala ng Pangulo ang dedikasyon ni Del Mundo sa larangan ng pediatrics at medisina para maisulong ang kapakanan ng mga bata.

Ibinuhos ni Del Mundo ang halos 20 taon ng kanyang buhay sa pag-aaral at pagsasaliksik tungkol sa viral diseases sa mga bata.

Inihatid na sa kanyang huling hantungan sa Libingan ng mga Bayani si Del Mundo na ginawaran ng full military honors.

Ang Order of the Golden Heart ay presidential award na itinatag noong 1954 ni President Ramon Magsaysay at ibinibigay sa mga taong naglaan ng kahanga-hangang serbisyo at kontribusyon sa pagpapaunlad ng marginalized sectors sa bansa.

www.dzmm.com.ph

Mga Pinoy sa London, inalerto na

August 11, 2011 | 12:00 NN

ITINAAS na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang alert level 1 sa London.
 
Ito’y kasunod ng ulat na mayroon ng isang Pinoy na nadamay sa pagsiklab ng riot doon.

Nabatid na nagtamo ng galos ang hindi na nagpakilalang Pinoy pero ngayon ay nasa ligtas nang kalagayan.

Kasabay nito, pinayuhan na ng DFA ang may 300, 000 mga Pinoy na nasa London na doblehin ang pag-iingat at lumayo sa mga sentro ng kaguluhan.

Samantala, naglabas na ng travel warning ang Italy laban sa London at inabisuhan ang mga mamamayan nito na iwasang magbiyahe sa mga lugar sa Great Britain na may kaguluhan.

www.rmnnews.com

Wednesday, August 10

Ani ng palay at mais, tumaas

August 10, 2011 | 5:00 PM

IPINAGMALAKI ng Department of Agriculture (DA) ang mataas na ani ng palay at mais sa nakalipas na anim na buwan.
 
Ayon kay DA, Secretary Proceso Alcala, record breaking ang nailista nilang datos kung saan ang produksyon ng palay ay pumalo ng 7.57 million metric tons (mmt) mula sa 6.59 mmt noong 2010.

Impresibo rin aniya ang corn output kung saan nakapagtala sila ng 3.3 mmt mula sa 2.4 mmt noong nakaraang taon.


Ang magandang resulta ay dahil aniya sa maagang pag-ani ng mga produktong agrikultural bago bumagyo at mas pinalawig na irigasyon sa mga lupaing pansakahan.

Iginiit pa ng DA na ang mataas na supply ng palay at mais ngayong taon ay dahil na rin sa mas pinaigting na kampanya kontra smuggling.

www.rmnnews.com

Deployment ban sa UK, hindi pa kailangan

August 10, 2011 | 3:00 PM

PINAYUHAN ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mag-ingat ang mga Overseas Filipino Workers na nagtatrabaho sa United Kingdom bunsod na rin ng nangyayaring kaguluhan sa lugar.
 
Ayon kay DFA Spokesman Raul Hernandez, nasa level 1 awareness pa lang naman ang lagay ng gulo sa London  kaya’t hindi pa nila idineklara ang deployment ban.

Kaugnay nito ay kinalma ni Hernandez ang pamilya ng mga OFW sa London dahil patuloy ang ginagawang monitoring para na rin sa kaligtasan ng mga OFW sa lugar.

Sa ngayon ay wala pang Pilipinong nadadamay sa nangyayaring riot sa bansang United Kingdom ngunit patutuloy ang kanilang babala na mag-ingat.

www.rmnnews.com

Mayorya ng mga Pinoy, pabor sa Family Planning

August 10, 2011 | 12:00 NN

80% ng pamilyang Pinoy ang suportado ang Family Planning.

Ito ang resulta ng survey ng Social Weather Stations noong nakaraang June 3-6.

Lumalabas na walo sa sampung Pilipino na personal choice nila ang magplano ng pamilya.

8% lamang ang hindi sang-ayon sa Family Planning habang siyam na 9% naman ang alanganin.

Naniniwala rin ang 73% na Pilipino na kailangan maturuan pa ng husto ang bawat pamilyang Pinoy sa paggamit ng natural at  artificial methods habang 68% ang nagsasabing dapat ay manggaling na sa pamahalaan ang pagbibigay ng pondo para sa Family Planning Program.

Bukas naman ang mahigit 50% ng mga Pilipino sa paniniwalang ang paggamit ng condom, pills at Intra-Uterine Device (IUD) ay itinuturing na contraceptives at hindi pampalaglag.

Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na maglalaan ang gobyerno ng pondo para sa mga hindi kayang makatugon sa Family Planning.

www.rmnnews.com

Publiko, pinaghahanda ng BSP


August 8, 2011 | 12:00 NN

Nagbabala si Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Gov. Diwa Guinigundo na maghanda sa epekto ng credit downgrade ng Amerika sa Pilipinas.

Sa interview ng DZXL kay Diwa Guinigundo, sinabi nito nararamdaman na ng Pilipinas ang epekto ng credit rating downgrade ng Amerika kaya dapat magplano ang pamahalaan at ang publiko.

Bagama’t hindi lamang ang Pilipinas aniya ang makakaranas ng epekto nito, ay nararapat pa rin paghandaan ang magiging domino effect nito dahil baka tumindi pa ang krisis sa Amerika.

Ngunit sa kabila nito, kumpiyansa naman si Guinigundo na makakabawi din ang pananalapi ng Pilipinas lalo na’t matatag ang banking system ng bansa.

Mayroong din aniyang sapat na dollar reserves ang bansa dahil na rin sa tuloy-tuloy na pagpasok ng remittances ng Overseas Filipino Workers.

Nagsara kahapon ang palitan ng piso kontra dolyar sa 42.52.

Tuesday, August 9

Mga eskwelahan, inalerto sa dengue

August 9, 2011 | 5:00 PM

PINAAALERTO ng Department of Education ang mga school clinics sa bansa kaugnay sa pangambang pagtaas ng kaso ng dengue partikular ngayong tag-ulan.
 
Ayon kay DepEd Communications Head Kenneth Tirado, dapat masiguro na malinis at maayos ang lahat ng paaralan sa bansa upang hindi ito pamahayan ng lamok na may dalang dengue.

Bukod rito, mahalaga rin aniyang makipag-ugnayan ang mga opisyal ng eskwelahan sa kanilang nasasakupang lugar upang mapanatili na malinis ang bisinidad ng paaralaan laban sa lamok.

Kasabay nito, hinikayat ni Tirado ang mga estudyante na sakaling makaramdam ng sintomas ng dengue tulad ng mataas na lagnat at matinding pananakit ng ulo ay agad na magpatingin sa mga school clinic doctor.

www.rmnnews.com

3 Pinoy, uupo sa tabi ng Santo Papa sa World Youth Day

August 9, 2011 | 3:00 PM

Tatlong Pinoy ang uupo sa tabi ni Pope Benedict the XVI sa isasagawang World Youth Day celebration sa Madrid, Spain sa susunod na linggo.

Sinabi ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Youth Head Bishop Joel Baylon ang mga ito ay sina Joanna Pauleen Manalo, Marina Reniza Cabual at Useff Baclas na kakatawan sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ang tatlo ay kabilang sa 400 pinili ng CBCP para kumatawan sa Episcopal Commission on Youth ng bansa sa World Youth Day at mahigit 200,000 Pinoy na dadalo sa okasyon.


www.dzmm.com.ph

Novo Ecijano, nagtapos bilang suma cum laude sa Spain

August 9, 2011 | 12:00 NN

Isang Novo Ecijano ang nagtapos bilang suma cum laude sa isang pamantasan sa Madrid, ayon yan sa ulat ng Department of Foreign Affairs.

Si Dr. Teodoro Fajardo, Jr. na mula sa Cabiao, Nueva Ecija ay matagumpay na naidepensa ang kanyang doctoral thesis na may titulong "Picornavirus Ires: Accesibility and Inhibition of Viral Gene Expression", dahilan upang makamtam niya ang kanyang doctorate degree in Molecular Biology sa Unibersidad Autonoma de Madrid.

Ang kanyang thesis ay may kinalaman sa pag-aaral ng sakit na Foot and Mouth Disease na makakatulong sa pagkalat ng sakit na ito.

Si Fajardo ay isang food and drugs relations officer sa Food and Drugs Administration at Medical Technologist sa Department of Health.

Noong 2007, si Fajardo ay nabiyayaan ng scholarship grant ng Agencia Española de Cooperación Internacional para el Desarrollo (AECID) dahilan upang siya ay makapag-aral sa Espanya at makamtam ang kanyang inaasam na doctorate degree.

PSC, dumipensa sa hindi pagkilala sa Philippine Dragon Boat Team

August 9, 2011 | 3:00 PM

Dumipensa ang Philippine Sports Commission (PSC) sa mga tinatanggap na batikos kaugnay sa hindi pagkilala sa Philippine Dragon Boat Federation bilang official Philippine team sa kabila ng mga tagumpay nito sa international competitions.

Sinabi ni PSC Spokesperson Ricardo Garcia na ni-require ng Philippine Olympic Committee (POC) na mapabilang sa Canoe-Kayak Association ang Philippine Dragon Boat Team pero tumanggi ito.

Dahil dito, hindi kinilala ng POC ang koponan bilang bahagi ng Philippine team kaya hindi rin sila mabigyan ng accreditation.

Ayon pa kay Garcia, ito rin ang dahilan kaya hindi mabigyan ng insentibo ang koponan sa kabila ng pagsungkit ng  limang ginto at dalawang pilak na medalya sa katatapos na Dragon Boat World Championships sa Florida.

Bawal aniya sa batas ang pagkakaloob ng insentibo sa anumang sports team na hindi accredited ng POC at Philippine Sports Commission (PSC).

Tiniyak naman ni Garcia na pagbalik sa bansa ng Philippine Dragon Boat Federation Team ay kukumbinsihin niya itong sumapi na sa Canoe-Kayak Association para ma-accredit na sila at maging opisyal na kinatawan ng bansa sa mga international competition.

www.dzmm.com.ph

Monday, August 8

Economist: PH, di dapat magpanik sa US credit rating downgrade

Hindi dapat magpanik ang gobyerno sa ginawa ng Standard and Poor's na ibaba ang AAA rating ng Estados Unidos sa AA+, ang pinakamababang rating mula noong 1917.
 

Sinabi ni University of the Philippines (UP) Economics Professor at dating Budget Secretary Benjamin Diokno na matatag pa rin ang ekonomiya ng US kung ikukumpara sa mga bansa sa Europa o maging sa China.

Gayunman, iginiit ni Diokno na dapat pa ring maghanda ang Pilipinas dahil tiyak na tatamaan ang bansa kapag humina ang ekonomiya ng Amerika.

Ayon kay Diokno, ito ang panahon para mas palakasin ng pamahalaan ang domestic economy nito.

Ads council: Paghihigpit sa mga billboard, sakop ang buong bansa

August 8, 2011 | 5:00 PM

Nilinaw ng Ads Standards Council (ASC) na hindi lamang sa kahabaan ng EDSA ipinatutupad ang paghihigpit sa mga billboard kundi sakop nito ang buong bansa.

Sinabi ni Atty. Rejie Jularbal, Legal Counsel ng ASC, na simula noong huling linggo ng Hulyo ay ipinatutupad na ang General Patronage rating sa mga billboard.

Ibabatay aniya sa bagong guidelines ang pag-screen sa mga billboard.

Halimbawa rito ang pagbabawal ng mga nakahubad sa billboard, hindi rin pwedeng may makikitang maselang parte ng katawan kung naka-underwear ang modelo at hindi rin pwede ang masyadong bayolenteng tema.

Kung partial nudity naman aniya ay titingnan ang over-all presentation ng materyal bago aprubahan.

Bukod dito, sinabi ni Jularbal na bawal din ang very suggestive poses gaya ng mga sobrang hapit na damit.

Maging sa wordings o mensahe ng billboards ay naghihigpit na rin ang ASC at bawal din ang mga may double meaning.

Patuloy namang hinihimok ni Jularbal ang publiko na isumbong sa ASC kung may mga reklamo pa rin sila sa ilang billboards.


www.dzmm.com.ph   

Koko Pimentel, ipoproklama nang senador sa Huwebes, Aug. 11


August 8, 2011 | 3:00 PM

Ipoproklama na ng Senate Electoral Tribunal (SET) si Atty. Aquilino "Koko" Pimentel III bilang ika-12 senador sa Huwebes, Agosto 11.

Kasunod ito ng pagbibitiw sa senado ni Juan Miguel "Migz" Zubiri sa harap ng alegasyon ng dayaan sa 2007 senatorial election.

Sinabi ni SET Secretary General Atty. Irene Guevarra na magkakaroon muna ng deliberasyon ang chairman at mga miyembro ng SET bago iproklama si Pimentel sa Huwebes, alas 1:00 ng hapon.

Hindi na aniya kailangan pang pumunta sa SET si Pimentel dahil padadalhan na lamang ito ng kopya ng nasabing desisyon.

5 golds, 2 silvers, iuuwi ng PHL Dragon Boat Team

August 8, 2011 | 3:00 PM

Limang medalyang ginto at dalawang medalyang pilak ang iuuwi ng Philippine Dragon Boat Federation team mula sa International Dragon Boat Federation World Championships sa Tampa Bay, Florida, USA.

Nasungkit ng koponan ang pang-limang gold medal sa final event na 500 meters men's premier small boat division kung saan nila inilampaso ang Australia, Japan, Italy, Puerto Rico at Trinidad and Tobago.

Una nang nakuha ng PHL Team ang gintong medalya sa 1000 meter small boat premier open, 200 meter mixed small boat category, 200 meter men's small boat category at 500 meters mixed event.

Ang Philippine Dragon Boat Team ay binubuo ng composite team mula sa Philippine Army, Air Force, Navy at Coast Guard at kasalukuyang defending world champion.

www.dzmm.com.ph

Walang lay-off sa mga OFWs sa Amerika—DoLE

August 8, 2011 | 12:00 NN

KUMPIYANSA ang Department of Labor and Employment (DOLE) na walang  mangyayaring massive lay-off sa mga Pinoy workers sa Amerika sa kabila ng umiiral na economic crisis doon.
 
Ayon kay Labor Sec. Rosalinda Baldoz, maliit lamang ang magiging epekto nito sa mga OFW.
Paliwanag ni Baldoz, karamihan sa mga Pilipinong nasa Amerika ay mga permanent residents na kaya malabong magkaroon ng malaking epekto ito sa kanila.

Aniya, kung mayroon mang matatamaan ito ay walang iba kundi ang Pilipinas at hindi ang mga OFWs.

Nabatid na mayorya ng mga Pinoy sa Amerika ay nagtatrabaho bilang guro at medical workers.

www.rmnnews.com

Saturday, August 6

Pagtugis sa mga dumukot sa mayor ng Lingig, Surigao del Sur, inilunsad


August 6, 2011 | 5:00 PM

Naglunsad na ang Philippine Army ng hot pursuit operation laban sa mga hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) na pinaniniwalang dumukot kay Lingig, Surigao del Sur Mayor Henry Dano kaninang pasado alas 6:00 ng umaga.

Sinabi ni Caraga Police Regional Director Reynaldo Rafal na tinatayang 30 rebelde ang dumukot kay Dano at dalawa nitong bodyguard mula sa bahay nito sa Barangay Sabang at isinakay sa tatlong van.

Isa umano sa mga suspek na nakasuot ng barong tagalog ang kumatok sa gate at nagpakilalang taga-National Bureau of Investigation (NBI) at kinaladkad palabas si Dano.

Samantala, mag-aalas 9:00 ng umaga nang tinambangan din ng mga suspek ang mga elemento ng 75th Infantry Batallion ng Philippine Army sa Sitio Pagbacatan, Barangay Mahayahay sa Lingig.

Patay sa pananambang ang isang sundalo habang sugatan ang lima pa kabilang ang isang Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU).

www.dzmm.com.ph

Pacquiao, Pikon na kay Mayweather

August 6, 2011 | 5:00 PM

PUNONG puno na ang kampo ni eight-division boxing Champion Manny Pacquiao sa ginagawang pang iindyan ni Floyd Mayweather Jr. sa kanilang hearing kaugnay kasong defamation na isinampa ni Pacman.

Dahil rito, naghain ang legal team ni Pacman ng motion for default at dismissal para mabigyan ng aksyon ang ginagawang pagasasawalang bahala ni mayweather jr sa naturang kaso.

Nabatid na inireklamo ni Pacman si Mayweather matapos ang paulit ulit na paninira  na sinasabing gumagamit ito ng performance-enhancing drugs na siyan namang pinalagan ng boksingero.

Surigao del Sur mayor, dinukot!

August 6, 2011 | 3:00 PM

DINUKOT ng hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) si Lingig Mayor Henry Dano sa kanyang tinitiran sa Brgy. Sabang sa bayan ng Lingig, Surigao Del Sur.

Ayon sa mga otoridad, nakatakdang magsasagawa ng imbestigasyon ang Surigao Del Sur Police Provincial Police kung ano ang tunay na motibo sa nasabing pagdukot.

Batay sa inisyal na impormasyon, nabatid kasi na tinatayang tatlumpung armadong rebelde ang sumugod sa bahay ni dano kaninang alas 6:30 ng umaga.

Sa ngayon ay hindi pa nakukumpirma kung kabilang nga ba sa mga nadukot ang dalawa nitong military escort.

www.rmnews.com

3 golds, 1 silver sa PH Dragon Boat

August 6, 2011 | 12:00 NN

Nakasungkit na ng tatlong gintong medalya at isang silver ang Philippine Dragon Boat team sa ginaganap na International Dragon Boat Federation (IDBF) 10th World Championships sa Tampa Bay, Florida, USA.

Wagi ang pambansang koponan sa Mixed event sa 200 meters small boat division kung saan nila tinalo ang Italy, Trinidad and Tobago at Japan.

Nakasungkit din sila ng dalawang gintong medalya sa Premier 200-meter mixed event sa oras na 57.07 seconds gayundin sa 1,000 meters men's event.

Nakapagtala pa ang Filipino paddlers sa  1,000 meters event ng bagong world record sa pinaka-prestihiyosong Dragonn Boat competition sa mundo.

Pinakahuli namang nasungkit ng koponan ang medalyang pilak sa 80 Premier 200 meters Men's Division kung saan tinalo sila ng Russia.

Ang Philippine Dragon Boat Team ay binubuo ng composite team mula sa Philippine Army, Air Force, Navy at Coast Guard at kasalukuyang defending world champion.

www.dzmm.com.ph

Friday, August 5

Pangontra sa dengue, nasa bansa na

August 5, 2011 | 5:00 PM

NASA Pilipinas na ang vaccine formulation pangontra sa dengue.

Ayon kay DoH-National Epidemiology Center Dr. Eric Tayag, agad nilang isasailalim sa trial stage ang vaccine formulation upang malaman kung gaaano kaepektibo ito.

Tinatayang sa 2014 ay magagamit na ng bansa ang bakuna na may kakayanang magbigay ng proteksiyon sa isang tao laban sa apat na strains ng dengue virus.

Sa ngayon ay bumaba na sa 25% ang kaso ng dengue at 50% naman sa mga namamatay ang bumaba.

www.rmn.com.ph

1st gold medal sa Phl Dragon Boat Team

August 5, 2011 | 12:00 NN

Nakasungkit na ng unang gintong medalya ang Philippine Dragon Boat Team sa unang araw ng International Dragon Boat World Championships na ginaganap sa Tampa, Florida, USA.

Iniulat ni Major Harold Cabunoc, ang team leader ng grupo, sumabak ang koponan sa 1,000 meters men's event at inilampaso ang mga katunggali mula sa Australia, Hungary at Republic of Trinidad and Tobago.

Inaalam pa naman kung nabura ng Team Philippines ang world record matapos makapagtala ng oras na 4 minutes at 57 seconds sa nasabing event.

Ang Philippine Dragon Boat Team ay binubuo ng composite team mula sa Philippine Army, Air Force, Navy at Coast guard at kasalukuyang defending world champion.

www.dzmm.com.ph

Onion storage, itatayo sa Nueva Ecija

August 5, 2011 | 12:00 NN

MAGPAPATAYO ang Department of Agriculture ng storage facility para sa sibuyas sa Nueva Ecija. 

Ayon kay DA Sec. Proceso Alcala, isa ito sa mga priority projects ng naturang ahensiya at ito ay sa ilalim na rin ng DA high value crops development program. 

Ang ipapatayong storage facilities ay may kakayang mag-impag ng 2,000 hanggang 3,000 bag ng sibuyas. Layon nitong mapataas pa ng 5-percent ang mga commercial crops ng Novo Ecijiano Onion Farmers. Tutulungan daw ng pasilidad na ito na maimbak ng maayos ang mga inaning sibuyas. At ang maayos na imbakan ang magbibigay ng mas magandang presyo ng sibuyas para sa mga magsasaka.

Ang Nueva Ecija na tinaguriang “onion capital” ng bansa ay isa ito sa apat na probinsya na napili ng DA para pagpatayuan ng onion storage facilities. Kabilang dito ang Mindoro, Ilocus Sur at Ilocos Norte.

Thursday, August 4

Internet child protection program, inilunsad ng DSWD at PNP-CIDG

August 4, 2011 | 5:00 PM

Magkatuwang na inilunsad ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Kampo Crame ang "Internet Child Protection Program".
 

Sinabi ni CIDG Director Samuel Pagdilao na layunin ng programa na matulungan ang mga kabataan na huwag maadik sa internet.

Ayon kay Pagdilao, may website ang CIDG kung saan nakalagay ang mga intervention na pwedeng gawin ng mga magulang para mapigilan ang pagka-adik sa internet ng kanilang mga anak.

Bukod sa internet addiction, tututukan din ng DSWD, CIDG at mga kapartner nitong non-governmental organizations (NGO) ang cyber bullying, cyber stalking, cyber trafficking, child pornography at online gambling.


www.dzmm.com.ph

Cayetano: Irrevocable na ang anumang resignation

August 4, 2011 | 3:00 PM

Nagkasundo na ang mga senador na ikunsiderang nagbitiw na ang sinumang kasamahang nagsumite ng resignation.

Sa harap ito ng pagbibitiw kahapon ni Senador Juan Miguel "Migz" Zubiri dahil sa kinakaharap na electoral protest at mga alegasyong siya umano ang nakinabang sa dayaan noong 2007 senatorial elections.

Sinabi ni Senate Minority Leader Allan Peter Cayetano sa isang press conference na itinuturing nilang irrevocable o hindi na mababawi ang anumang resignation.

Ayon kay Cayetano, nag-aalala silang kapag hindi nila tinanggap ang pagbibitiw ni Zubiri, baka pagbintangan silang nagmo-moro-moro ang Senado.

Umaasa rin si Cayetano na dapat magsilbing wake-up call sa Senate Electoral Tribunal (SET) ang pagbibitiw ni Zubiri na bilisan ang kanilang desisyon sa sinasabing dayaan sa halalan.



Samantala, anumang araw sa susunod na linggo, maaaring iproklama na ng Senate Electoral Tribunal (SET) bilang totoong pang-labing dalawang nanalong senador noong 2007 si Atty. Koko Pimentel.

Ito ang inihayag ngayong araw ni Senator Edgardo Angara, isang araw matapos ang pagbibitiw ni Sen. Juan Miguel Zubiri.

Nakatakda maghain si Atty. Romulo Macalintal ng petition for withdrawal sa Counter Protest na inihain ni Zubiri, na siya ring tinutukoy ni Senator Angara na magpapabilis ng protesta ni Pimentel sa SET.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons