Monday, October 31

Simbahang Katoliko, pinagiingat ang publiko sa mga pekeng pari sa sementeryo

Nagbabala ang pamunuan ng simbahan katoliko laban sa mga pekeng pari na umiikot sa mga sementeryo na humihingi ng donasyon kapalit ng pagbabasbas ng mga puntod.

Ayon kay Palawan Bishop Pedro Arigo, modus ng ilang indibidwal na magdamit pari upang mag-alok ng serbisyo ng pagbasbas sa mga puntod at maghihintay sa mga kamag-anak na mag-abot ng donasyon.


Ang ibang pekeng pari ay kumpleto sa gamit gaya ng holy water at ilan pang props sa katawan. Kadalasan ay may kasama silang mga bata na tumatayong mga sakristan.

Ipinaliwanag ni Father Anton Pascual na ang mga tunay na pari ay hindi lumilibot sa mga sementeryo kapag undas dahil ang pagbabasbas sa mga patay ay ginagawa lamang kadalasan sa araw ng libing.

Maaari naman daw babasbasan ang puntod kung hihilingin ito ng kamag-anak.

Upang malaman kung totoo pari ang isang indibidwal, maaari daw na hilingin makita ang kanilang ID celebret, isang dokumentong nagpapatunay na ang may-ari ay may kapangyarihang magsagawa ng mga sakramento ng simbahang katoliko.


Mga lumuluwas, mas konti

MABABA ang bilang ng mga pasaherong umuuwi sa kanilang probinsya ngayong Undas.
Kung ang pagbabasehan ay ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, may kabuuang lang na 150 ang aalis na domestic flights habang 153 naman ang darating na domestic flights pero hindi na ganoon karami ang mga pasahero.

Hindi rin madami ang mga pasahero sa lumang domestic terminal.


Sa NAIA Terminal 2 naman ay may kabuuang 73 departure at arrival flights ang Philippine Airlines (PAL) para ngayong araw.


Ayon sa tagapagsalita ng PAL na si Cielo Villaluna, wala namang problema sa kanilang operasyon maliban sa nararanasang mga delayed flight dahil sa air traffic congestion na karaniwan nang nararanasan.

PNoy at mga kapatid, bibisita sa puntod ng mga magulang ngayong hapon

Naka-kordon na ang palibot ng puntod nina Sen. Benigno "Ninoy" Aquino at dating Pangulong Cory Aquino sa Manila Memorial Park sa Parañaque City bilang paghahanda sa pagdating ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III at kaniyang mga kapatid ngayong hapon.

Nag-iikot na rin ang mga K9 unit malapit sa puntod habang naging matipid naman sa pagbibigay ng impormasyon ang Communications Group hinggil sa nasabing pagbisita ng Pangulo.

Ayon sa Communications Group, nais kasi ni Pangulong Aquino na maging pribado ang kanilang pagbisita sa mga magulang sa paggunita ng Undas kaya hindi rin pinalalapit ang media sa may puntod.

Sa official twitter account naman ng kapatid ng Pangulo na si Kris Aquino, sinabi nito na darating silang magkakapatid sa Manila Memorial Park pagkatapos ng pananghalian.

Puerto Princesa Underground River, posibleng makapasok sa New 7 Wonders of Nature

Dalawang linggo na lang bago ilabas ang resulta sa New 7 Wonders of Nature kung saan pambato ng Pilipinas ang Puerto Princesa Underground River sa Palawan.

Malaking karangalan at ambag sa turismo kung masusungkit ng Pilipinas ang isa sa pitong puwesto sa paligsahang ito.

Ngayon pa lang, malaking tulong na sa turismo at ekonomiya ng Palawan ang dagsa ng mga turista.

Sinabi ni James Mendoza, Park Superintendent ng Puerto Princesa Subterranean River National Park, na kumikita ang mga lokal na mamamayan sa mga dumadating na bisita sa lugar.

Kalaban ng pambato ng Pilipinas ang 28 pang kalahok mula sa iba't ibang panig ng mundo.

Sa mga nais sumuporta at bumoto para sa Puerto Princesa Underground River, maaaring mag-log on sa www.new7wonders.com.

Hihirangin ang mga mananalo sa Nobyembre 11.

Saturday, October 29

OFW, tinanghal na Citizen Envoy ng UN

Tinanghal bilang "Honorary Citizen Ambassador" ng United Nations (UN) ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Dubai.

Ito'y kaugnay sa kanyang video project tungkol sa pangangalaga sa kapaligiran.   

Ang 30-second elevator video pitch ni Jonathan Eric Defante para magtayo ng isang komunidad bawat nasyon, gamit ang boteng plastic, buhangin at semento o eco bricks, ang nagpanalo sa kanya para tanghalin bilang isa sa tatlong Honorary Citizen Ambassador ng UN  sa taong ito.

Tinanghal din ang nasabing video bilang "Best in concept, originality and execution" na tumalo sa may 600 video entries mula sa 50 bansa.

Isang Sudanese-American at Guatemalan ang makakasama niya sa UN headquarters sa New York sa Disyembre upang makilala si UN Secretary General Ban Ki Moon.

Si Jonathan ay 22-anyos na graduate ng Mapua Institute of Technology (MIT) at bagong sales associate sa Dubai.

Habang naghahanap ng trabaho noong Agosto, naisip umano ni Jonathan na sumali sa contest ng UN, sa pagdiriwang ng "World Humanitarian Day."
Ayon kay Jonathan, ang ideya niyang "One bottle, One life" ay resulta ng inspirasyon ng mga ilang tao.

Sa kaniyang pagkapanalo, masaya aniya siyang maging instrumento at tulay para maiparating sa global leaders ang mga concerns ng mga ordinaryong mamamayan.

PCG - muling nagpaalala sa publiko

Dumami na ang mga pasaherong umuuwi sa mga lalawigan kasabay ng paggunit ng undas.


Ayon kay PCG Spokesperson Lt. Commander Algier Ricafrente - tinatayang nasa mahigit 100-libong pasahero ang dumating sa mga pantalan.

Sinabi pa ni Ricafrente - inaasahan na lolobo pa ngayong araw ang bilang ng mga pasaherong pupunta sa mga probinsya.

Muli rin nitong pina-alalahan ang publiko na huwag nang magdala ng mga deadly weapon o mga inuming nakakalasing – dahil hindi mag-aatubili ang mga otoridad na kumpiskahin ito at sila ay arestuhin.

Friday, October 28

DOH, nagbigay ng tips para makaiwas sa sakit ngayong Undas

Nagbabala ang Department of Health sa mararanasang pabago-bagong panahon ngayong Undas na maaaring magdulot ng sakit sa mga pupunta sa sementeryo.

Ayon sa PAGASA, mararanasan ang mainit na panahon mula umaga hanggang bago maghapon hanggang Nobyembre 2 pero pagdating ng hapon, maaaring magkaroon ng pag-ulan na posibleng tumagal ng kalahating oras.

Kaya sabi ng DOH, kailangang maging handa ang publiko.

Ilan sa mga sakit na dapat labanan sa panahon ng Undas ang heatstroke.

Maaaring tamaan ng heatstroke ang mga batang may edad limang taon pababa, maging ang mga may edad 60 pataas.

Uso din ang mga sipon at ubo dahil sa pabago-bagong panahon.

Higit ding dapat bantayan ang food poisoning.

Mainam na magdala ng mga pagkaing tuyo at mainit sa sementeryo tulad ng pritong manok at isda.

Payo din ng DOH, iwasan ang mga pagkaing may keso, sarsa, mayonnaise at gata na madaling mapanis.

Paalala pa ng DOH sa mga pupunta sa sementeryo
na may mga sakit, tiyaking inumin ang mga pang-maintenance na gamot, magdala ng tubig at payong para sa ulan at init. 

Magsuot din ng maluwag na damit gaya ng cotton at mainim kung kulay put.

Thursday, October 27

Pagsasanib ng PLDT at DIGITEL, inaprubahan na ng NTC

Inaprubahan na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang kontrobersyal na pagsasanib ng Philippine Long Distance Telephone Company  (PLDT) at Digitel Telecommunications Philippines, Inc. (Digitel).

Gayunman, may mga kondisyon ang NTC bago ang tuluyang pagsasanib ng dalawang kumpanya.

Pangunahin dito ay kailangang ituloy ng Digitel ang pagbibigay ng unlimited service sa mga subscriber sa pamamagitan ng Sun Cellular.

Kailangan din ng PLDT na bitawan ang kanilang 10-megahertz na 3G radio frequency.

Balak naman ni Bayan Muna Representative Teddy Casiño na hilingin sa Korte Suprema na pigilan ang pagsasanib ng PLDT at Digitel.

Ayon sa mambabatas, nauna nang hatol ng Korte Suprema na iligal ang ownership ng PLDT dahil mga banyaga ang nagmamay-ari ng majority ng kanilang shares.

Inter-connection charge sa text, bababa

Bababa sa Nobyembre ang inter-connection charges sa text messages.
  
Sinabi ni Director Edgardo Cabarrios, ng Common Carriers Authorization Department ng National Telecommunications Commission (NTC) na nailathala na kahapon ang direktibang ito ng komisyon kaya maipatutupad na sa loob ng 15 araw.
  
Sa ilalim ng bagong direktiba ng NTC, bababa ng 20-centavos ang inter-connection charges sa short message service (SMS) kaya magiging 15 centavos na lamang ang inter-connection charges mula sa kasalukuyang 35 centavos.
  
Ayon kay Cabarios, isusunod na rin nila ang pagbaba ng inter-connection charges sa tawag sa cellphone.

20th KBP Golden Dove Awards: Noli De Castro, broadcaster of the year

Nasungkit ni dating vice president Noli De Castro ang Ka Doroy Broadcaster of the Year Award ng 20th KBP Golden Dove Awards.

Ginanap ang awarding ceremony kagabi, sa Star Theatre, CCP Complex, Pasay City.

Iginawad naman ang post humous life achievement award kay Atty. Eduardo “Ed” Montilla.

Noong nakaraang taon, ibinigay ang KBP Lifetime Achievement Award kay Mr. Manuel “Nonong” Galvez. Si Nonong Galvez ay isa ring Natatanging Mamamayan ng Cabanatuan Awardee at President/CEO ng Vanguard Radio Network kung saan kabilang ang 101.5 BiG SOUND fm at 1188 DZXO am.

Pilipinas, pang-labing dalawa sa pinakamalaking populasyon

PANG-LABING-DALAWA ang Pilipinas sa may pinakamalaking populasyon sa buong mundo.

Tinatayang aabot na sa pitong bilyon ang populasyon sa buong mundo pagsapit ng Oktubre 31 kung saan ang Pilipinas ay naitala sa ika-12 pwesto.

Ayon sa United Nations Population Fund, pinakamalaking populasyon ang naitala ay sa Asya.

Nangunguna pa rin ang China na may 1.3 bilyong populasyon na sinundan ng India na may 1.24 bilyon.
Ang pagkakaroon ng higit sa anim na anak ng bawat pamilya sa Pilipinas na dulot na rin ng mababang kaalaman sa Reproductive Health ang naging malaking aspeto para maging Top 12 ang bansa sa may pinakamaraming populasyon.

Wednesday, October 26

Holiday pay, pinaalala ng DOLE

INILABAS ng Department of Labor and Employment ang advisory hinggil sa regulasyon ng tamang bayad para Oktubre 31 (Lunes) at Nobyembre 1 (Martes) na idineklarang Special Non-Working Days.


Ayon kay DOLE Secretary Rosalinda Baldos, ang Proclamation No. 265 na inisyu ni Pa­ngulong Aquino kung saan idinedeklara ang na Oktubre 31 at Nobyembre 1, All Saints Day ay Special Non-Working Holidays bilang paggunita sa Araw ng mga Patay o Undas.

Sinabi pa ni Baldoz, alinsunod sa ipinatutupad na Labor Standards sa mga Special Non-Working Day, ang mga empleyado ay dapat na tumanggap ng 130% ng kaniyang daily rate para sa unang walong oras ng trabaho.

Makakatanggap pa ito ng karagdagang 30% ng kaniyang hourly rate kung magtatrabaho ito ng lampas pa sa walong oras.

Gayunman, ipatutupad sa mga empleyado ang No Work, No Pay Policy kung hindi magtatrabaho ang isang empleyado sa nasabing araw.

Kung natapat naman ang Special Day sa araw ng pahinga ng empleyado at nagtrabaho ito ay dapat siyang bayaran ng 150% ng kaniyang regular daily rate sa unang walong oras at karagdagang 30% ng hourly rate kung mag-oovertime ito.

DOTC, inatasan na ang mga ahensya ng gobyerno sa ilalim ng DOTC na maghanda para sa Undas

Inatasan na ng Department of Transportation and Communications ang lahat ng ahensyang nasa ilalim nito na ilagay sa full alert status ang buong pwersa simula ngayong araw bilang paghahanda sa Undas.

Sinabi ni DOTC Secretary Mar Roxas na dapat i-activate na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang public assistance center na tutugon sa mga tanong at reklamo ng mga pasahero.


Pinatututukan din ni Roxas ang mas mahigpit at mandatory pre-departure inspection para maiwasan ang overloading ng mga maglalayag na barko.


Dapat aniyang masiguro na may sapat na life saving equipment ang lahat bago bumiyahe.


Bukod sa Coast Guard, inatasan din ng kalihim ang lahat ng attached agencies nito tulad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metro Rail Transit (MRT) at mga airport na siguruhin ang kaligtasan ng mga biyahero palabas ng Metro Manila at mga manggagaling ng probinsya.

Boracay, pasok sa top 10 world's best island ng isang travel website

Pasok ang isla ng Boracay sa "Top 10 World's Best Island" ng Travel & Leisure Readers' pick.

Pang-apat ang Boracay sa listahang nagmula sa boto ng mga reader ng nabanggit na travel website.

Nanguna naman sa listahan ang Santorini sa Greece kasunod ang Bali sa Indonesia.

Pumangatlo ang Cape Breton ng Canada.

Ang mga pasok sa listahang ito ay itinuturing na mga pinakamagagandang isla sa mundo na sulit umanong bisitahin.

Japan, muling nilindol

SA JAPAN.

Naramdaman muli ang pagyanig sa Fukushima Prefecture.

Pitong buwang na ang nakakalipas matapos ang magnitude 9.0 na lindol noong Marso at pananalasa ng tsunami sanhi ng nuclear crisis.

Naitala ang magnitude 5.2 na lindol kaninang madaling araw at ang sentro ay nasa 186 kilometro hilaga ng Tokyo.

Naitala ang sentro ng lindol 120 kilometro lang mula sa Fukushima Daichi Nuclear Plant.

Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa pangyayari.

November 7, regular holiday para sa pag-obserba ng Eid'l Adha; long weekend mula Nov. 5

Bukod sa nalalapit na long weekend dahil sa pagkakaproklama ng October 31 at November 1 bilang special non-working days, asahan ang isa pang long weekend sa susunod na linggo.


Sa ilalim ng Proclamation No. 275 idineklarang national holiday ang November 7, araw ng Lunes para naman sa pagdiriwang ng Eidul Adha.


Ang Eidul Adha na tinatawag ring "Festival of Sacrifice" ay ang pagala-ala sa bukas-loob na pagsunod ni Propetang Ibrahim kay Allah ng utusan siyang isakripisyo ang kanyang anak na si Isma'il. Sa huli, pinigilan siya ni Allah at isang tupa ang ibinigay para sa pagsasakripisyo.

Tuesday, October 25

Bar operations sa 2011 Bar Exams, ipinagbawal ng SC

Ipinagbawal ng Korte Suprema ang tradisyunal na cheering squads, streamers at iba pang sendoffs na tinatawag na 'bar operations' sa vicinity ng University of Santo Tomas kaugnay ng isasagawang 2011 bar examination sa Nobyembre 6, 13, 20 at 27.

Ipinag-utos din ni 2011 Bar Chairperson Supreme Court Associate Justice Roberto Abad na buksan sa mga motorista ang lahat ng kalye sa palibot ng UST gaya ng Dapitan Street, P.Noval Street, España Boulevard at Lacson Avenue habang ginaganap ang pagsusulit.

Bukod sa mga security personnel ng Supreme Court at UST, magpapakalat din ng mga unipormadong pulis at tauhan ng NBI upang masiguro ang peace and order.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na gaganapin ang bar exam sa buwan ng Nobyembre gayundin ang pagkakaroon ng multiple-choice type of question.

Mayroong 6,200 law graduates ang nakatakdang kumuha ng bar exam ngayong taon.

Matatandaang 50 indibidwal, karamiha'y law students ang nasugatan sa huling araw ng 2010 bar exam matapos ang pagsabog ng isang MK2 fragmentation grenade sa labas ng De La Salle University sa Taft Avenue.

PNoy, nanawagan ng 'all-out-justice' para sa mga pag-atake ng MILF

Inihayag ni Pangulong Benigno Aquino III ang hinaing ng kanyang administrasyon na magkaroon ng 'all-out-justice' mula sa pag-atake ng ilang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa mga sundalo sa Mindanao.

Sa kanyang pangunang pahayag tungkol sa mga pag-atake, muling nanindigan ang Pangulo na walang all-out-war na magaganap laban sa MILF at ipagpatuloy na lamang ang peace process kasama ang MILF, sa kabila ng pag-atake ng mga rebelde sa militar nitong nakaraang linggo kung saan 19 na sundalo at 9 na rebelde ang napatay.

Ayon kay Aquino, hindi sagot sa mga problema sa Mindanao ang paglulunsad ng giyera laban sa MILF.

Samantala, binalaan na rin ni Aquino ang MILF na isuko ang mga miyembro nitong dawit sa pagpatay ng 19 sundalo sa bakbakan nitong nakaraang linggo, o mapipilitan silang gumamit ng dahas.

Nitong Linggo, walong katao, kabilang ang apat na sibilyan, ang napatay habang 11 ang sugatan sa dalawang magkahiwalay na pag-atake na hinihinilang kagagawan ng MILF.

4 hanggang 5 laban sa 2012, inihahanda na para kay Donaire

Matapos matalos si Omar Narvaez ng Argentina, hangad ni Top Rank Promotions Chief Executive Officer (CEO) Bob Arum na isabak si The Filipino Flash Nonito Donaire Jr. sa apat hanggang limang boxing match sa susunod na taon kung saan isa rito ay posibleng gawin sa Maynila.

Target ni Arum na iharap si Donaire sa Japanese champion na si Toshiaki Nishioka sa darating na Marso.

Kung hindi naman anya ito pwede sa Marso, hahanap sila ng iba pang pwedeng ilaban kay Donaire sa Pebrero.

Planong itapat ni Arum ang Mexican boxer na si Jorge Arce kay Donaire para sa Super Bantamweight Championship sa Hunyo na gagawin sa itinatayong Mall of Asia Arena.

Si Arce ang kasalukuyang WBO Super Bantamweight Champion at Number 8 sa The Ring's junior featherweight division habang hawak naman ni Nishioka ang WBC super bantamweight belt.

PNP, overtime sa Oplan Kaluluwa

24 / 7 ang bantayan sa Oplan Kaluluwa.



Ayon kasi kay PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz kahit kulang ang kanilang mga tauhan ay magduduty naman ang mga ito ng 12 oras at cancelled ang lahat ng mga day off at leave.

Sinabi din ni Cruz na pati ang mga gwardiya ay makikitulong na sa pagbabantay sa taumbayan hanggang matapos ang Oplan Kaluluwa ng PNP sa Nobyembre 3.

Founder ng New Seven Wonders of Nature, humanga sa Underground River

PERSONAL na nasaksihan ni Dr. Bernard Weber, pangulo at founder ng New Seven Wonders of Nature ang ganda ng pamosong Puerto Princesa Underground River.

Kasama niyang nagtungo dito sina Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn at N7WN Director Jean Paul dela Fuente.

Ipinagmalaki ni Weber sa mga mamamahayag na kasama niyang naglakbay sa loob ng Underground River ang kakaibang karanasan sa kalikasan lalo na ang mga kakaibang tibag o ayos ng mga bato na may iba’t ibang hugis na sinadyang nililok ng kalikasan.

Binanggit naman ni Hagedorn na walang katagang maaaring magsalarawan ng Underground River, dahil kailangan munang maranasan ng isang tao ang pumasyal dito bago niya mailarawan ang kakaibang ligayang dulot nito.

Pinoy sa Libya, ok na

MATAPOS ang kaguluhan sa Libya, tiniyak ngayon ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli, Libya na maayos ang kalagayan ng mga Pinoy na nagtatrabaho doon.

Ayon kay Antonio Nalda, bagong OIC sa Philippine Embassy sa Tripoli, Libya patuloy pa rin namang nakakatanggap ng sweldo ang mga OFW, pero may ilang nade-delay din.

Karamihan sa mga Pinoy doon ay mga medical workers sa pribado at ospital ng gobyerno.

Sa ngayon nananatili sa Libya ang may humigit kumulang 2, 000 OFW ang naiwan sa nasabing bansa.
Tiniyak din ni Nalda na wala namang Pinoy na nasaktan sa mga huling araw na naging magulo ang Libya.

Monday, October 24

NDRRMC, naka-blue alert na para sa Undas

Itinaas na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang blue alert status bilang paghahanda sa paggunita ng Undas.

Sinabi ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos na inatasan na nila ang kanilang mga tauhan mula regional hanggang barangay level na maging handa sa pagtulong sa mga dadagsa sa mga sementeryo pati na rin ang pag-alalay sa mga biyahero sa mga bus terminal, pantalan, at paliparan.


Nakahanda na rin aniya ang pwersa ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (PNP), Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Health (DOH), at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Simula naman sa Oktubre 30 ay itataas na ng NDRRMC ang red alert status kung saan 24 oras nang naka-alerto ang kanilang mga tauhan para rumesponde sa anumang emergency situation.

Hero’s Welcome para kay Donaire, inihahanda na

INIHAHANDA na ng Gensan ang kanilang Hero's Welcome para sa pagkapanalo ng kababayang si Nonito "The Filipino Flash" Donaire laban sa Argentinian boxer na si Omar Narvaez.

Nagwaging depensahan ni Donaire ang titulo bilang WBO/WBC Bantamweight Belt.

Ayon kay Mayor Darlene Antonino Custodio, ito’y bilang pagkilala sa kakayahan ni Donaire kabilang na ang ilang kilalang boksingero tulad nina 8-Time World Division Champion Manny Pacquiao, kapatid nitong si Bobby Pacquiao at Marvin Sonsona.

Nabatid na naging residente ng Gensan ang pamilya nina Donaire bago tumulak pa sa Estados Unidos.

POEA, may babala sa health workers kaugnay ng email scam

Pinag-iingat ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang lahat ng health workers na nangangarap magtrabaho abroad partikular na sa United Kingdom (UK) laban sa bagong modus na idinadaan sa Internet.

Laman ng email scam ang pangakong makapagtatrabaho ang mga nurse at caregiver sa isang malaking ospital sa UK kapalit ang paunang bayad na P3,000 para sa pekeng British English training.

Ayon kay POEA Chief of Operation and Surveillance Division Atty. Celso Hernandez, umabot na sa halos 100 health workers ang naloloko ng ganitong modus, kaya nagbabalang huwag makipag-transaksyon sa Internet.

Para matiyak ang mga lehitimong alok na trabaho abroad, sumangguni sa POEA hotlines (02) 722-1144 o (02) 722-1155 o kaya'y bisitahin ang kanilang website www.poea.gov.ph.

Magnitude 7.2 na lindol sa Turkey, 138 na ang patay

Umakyat na sa 138 ang bilang ng mga namatay sa magnitude 7.2 na lindol na tumama sa Eastern Turkey Linggo ng hapon.

Iniulat ni Turkish Prime Minister Recep Tayyip Erdogan na 93 ang nasawi sa lungsod ng Van, 45 sa bayan ng Ercis at nasa 350 ang sugatan. Marami pa rin aniya ang naiipit sa mga bumagsak na gusali.

Batay naman sa report ng Turkish Red Crescent, nasa 80 gusali ang nagiba sa Ercis kabilang ang isang dormitoryo at 10 sa Van kaya pinangangambahang tataas pa ang bilang ng mga nasawi.

Pinayuhan na ang mga residente na lumikas sa kanilang mga napinsalang bahay dahil tuloy-tuloy pa rin ang mga pagyanig kung saan nakapagrekord na ang United States scientists ng mahigit 100 aftershocks, pinakamalakas ay magnitude 6.0.

Dahil dito, nagpalipas na lamang ng magdamag sa mga itinayong tent ang mga apektadong residente habang ang iba'y tumuloy sa kanilang mga kaanak sa mga katabing lugar.

Tuloy-tuloy naman ang isinasagawang rescue efforts ng mga otoridad.

Friday, October 21

604 buses, nag-apply na ng special permit para makabiyahe sa lalawigan sa Undas

Isang linggo bago mag-Undas, umabot na sa 604 ang mga yunit ng bus na nag-aplay para sa special permit upang makabiyahe sa mga lalawigan.

Sinabi ni Lilia Ocampo, officer-in-charge ng Technical Evaluation Division ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na susuriin muna nila at ng Land Transportation Office  ang road worthiness ng mga yunit ng bus bago pagkalooban ng special permit.

Ayon kay Ocampo, lalagyan na rin ng LTFRB ng fare guide ang lahat ng bus unit na bibiyahe sa iba't ibang probinsya para alam ng mga pasahero kung nagkakaroon ng overcharging ang mga kumpanya ng bus sa panahon ng Undas.

Paalala ng LTFRB, hanggang ngayong araw na lang ang aplikasyon ng special permit para sa mga bus na bibiyahe sa Undas.

Blood letting ng JANE, tagumpay


Naging matagumpay ang blood letting program na pinangunahan ng Japan Association of Novo Ecijanos o JANE na ginanap sa Fort Magsaysay kahapon.

Sa temang “Healthy People Care, Healthy People Donate Blood” nakakulekta ang JANE ng 65 bags ng dugo mula sa iba’t-ibang grupo ng donors gaya ng Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas Nueva Ecija Chapter, mga guro ng Zaragosa National High School at Nueva Ecija National High School, 81st Infantry Battalion, 7th Infantry Division, Reservists of Nueva Ecija, Bankers Club of Cabanatuan City, Nueva Ecija Police Provincial Office at NIA Nueva Ecija Division 3.

Libyans, nagbubunyi sa pagkamatay ni Gadhafi; UN, nanawagan ng pagkakaisa

Patuloy ang pagbubunyi ng mga Libyan sa pagkamatay ni Moammar Gadhafi na 42 taon ding naghari sa kanilang bansa.

Naglabasan at nagdiwang sa central Marty's square at sa mga lansangan ng Tripoli ang mga residente nang mabalitaang nahuli at napatay na si Gadhafi.

Una nang natimbog si Gadhafi habang nagtatago sa drainage culvert sa Sirte matapos tirahin ng NATO Forces ang convoy nito habang papalabas sa kaniyang hometown.

Sa report ng Reuters, pinagbubugbog ng mga Libyan fighter si Gadhafi saka binaril sa ulo.

Kasama ring napatay ang anak niyang si Mo'tassim at dating Defense Minister Bakar Yopunis Jaber.

Dalawang buwan ding nagtago si Gadhafi matapos makontrol ng Libyan rebels ang Tripoli.

Umabot na ng walong buwan ang pag-aaklas ng Libyans sa pamamahala ng 69 anyos na lider na nauwi sa civil war.

Nagkakaisa naman ang mga lider ng iba't ibang bansa sa pagsasabing ang pagkamatay ni Gadhafi ay pagtatapos na rin ng diktadurya sa Libya.

Agad ding nanawagan si United Nations Secretary-General Ban Ki-moon para sa pagkakaisa at reconciliation sa Libya at kailangan aniyang isuko na ng mga tagasuporta ni Gadhafi at ng mga Libyan rebels ang kanilang mga armas.

Nangako si Ban na susuportahan ng UN ang transitional leaders sa pagbuo nito ng bagong nasyon.

Thursday, October 20

PNoy, wala pang napipiling OIC sa ARMM

Wala pang napipili si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na officer-in-charge (OIC) sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kasunod ng pagkatig ng Korte Suprema sa legalidad ng pagpapaliban ng halalan at pagtatalaga ng OIC sa rehiyon.
  
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na batid nila ang kondisyong inilatag ng Korte Suprema kaya hihintayin muna nilang maging pinal ang desisyon nito.
  
Alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema, hindi muna maaaring magtalaga ng OIC ang Pangulo hangga't hindi lumilipas ang 15 araw upang mabigyan ng pagkakataon ang mga nais umapela sa desisyon.
  
Binanggit naman ni Valte na tuloy-tuloy lamang ang proseso ng pagpili ng OIC.
  
Una na ring itinanggi ni dating Anak-Mindanao Partylist Representative Mujiv Hattaman na kinausap na siya ng Pangulo para sa pagtatalaga sa kanya bilang OIC ng ARMM.

Mga bilanggo sa Bilibid, mayroon na ring e-dalaw

Inilunsad ng Bureau of Corrections (BuCor) ang sarili nilang bersyon ng 'Electronic dalaw' (e-dalaw) sa mga nasentensyahang bilanggo ng New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.

Sa e-dalaw ng NBP , binibigyan ng 10 hanggang 20 minuto ang mga preso na makausap ang kanilang kamag-anak sa pamamagitan ng internet, nang libre.

Ayon sa NBP, mas prayoridad ng NBP ang mga mahihirap na preso.

Bibigyan naman ng isang alternative learning para sa basic computer course ang mga preso upang mas maging sanay ang mga ito sa paggamit ng makabagong teknolohiya.

PH standard time, isasama na sa forecast ng PAGASA

Mas paiigtingin pa ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration - Department of Science and Technology (PAGASA-DOST) ang "Juan Time Program" na layong magbigay ng standard na oras sa bansa.

Ayon kay PAGASA-DOST Undersecretary Graciano Yumul, bilang offical timekeeper ng bansa, isasama na ng mga forecaster ng PAGASA ang pagbanggit sa Philippine standard time sa kanilang mga advisory sa radyo simula sa Lunes, Oktubre 24.

Sa ganito aniyang sistema, mas madaling makakapag-adjust ng oras ang publiko.

Sa mga susunod na linggo, gagawin na rin ang pag-uulat ng Philippine standard time sa telebisyon ng lahat ng forecaster ng PAGASA sa buong bansa kapag naayos na ang lahat ng LED clock sa mga forecasting center ng ahensya.

Venus Raj, napiling Ambassador for Poor Children

Matapos hiranging Woman of the Year ng Gawad Amerika, napili naman si Miss Universe 2010 4th runner-up Venus Raj ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maging Ambassador for Poor Children.

Kabilang sa tungkulin ng 23  anyos na beauty queen ang pagtulong sa mga kabataang Pilipino na maipaglaban ang kanilang mga karapatang makapag-aral at mabigyan ng wastong pangangalaga sa kanilang kalusugan.

Naniniwala ang DSWD na magiging epektibong ambassador si Venus dahil galing ito sa mahirap na pamilya na nagsikap ng todo upang makamit ang tagumpay.

Una nang ipinagpasalamat ni Venus ang pagkakahirang sa kaniya ng Gawad Amerika kung saan gagawin ang awards night sa Nobyembre 10 sa Celebrity Centre International, Hollywood, California.

Ang Gawad Amerika Award ay taunang ibinibigay ng Gawad Amerika Foundation upang bigyang-pugay ang mga taong naging matagumpay sa kanilang karera at nakagawa ng mabuting pagbabago sa kanilang komunidad.

Wednesday, October 19

Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo, bumubuti na ang kalagayan



BUMUBUTI na ang kondisyon ni dating pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo.

Ito ang kinumpirma ng kanyang mga doktor sa St. Lukes Medical Center matapos bumalik ni Arroyo sa ospital kahapon para sa kanyang follow-up check-up.

Ayon sa orthopedic surgeon ng dating pangulo, nag-improve ng husto ang kondisyon nito at wala na itong nararamdamang sakit ng leeg pati na rin ng braso at kamay.

Sa resulta ng huling X-ray ni Arroyo, lumitaw na matibay na ang implant device nito.

Maalinsangang panahon, dahil sa Hanging Amihan


HANGING Amihan ang dahilan ng maalinsangan panahon nitong mga nakakaraang araw.



Ayon sa PAGASA, parte ng weather cycle ang pag init ng panahon sa tuwing papasok ang Hanging Amihan.

Pero sa oras na matapos ang nasabing transition period ng panahon, makakaranas na ang bansa ng mas malamig na hangin.

Kasabay nito ay hindi naman sinabi ng PAGASA kung hanggang kelan tatagal ang weather transition.

Sa kasalukuyan patuloy pa rin ang maalinsangan panahon sa bansa kung saan posibleng magkaroon ng kalat-kalat na thunderstorms at rainshowers sa hapon at gabi.

DA: Presyo ng mga gulay, mataas pa rin dahil sa mga nagdaang bagyo

Hindi pa masabi ng Department of Agriculture kung kailan bababa o babalik sa normal ang presyo ng mga gulay matapos manalasa ang mga Bagyong Pedring at Quiel.

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Salvador Salacup, kulang pa ang suplay ng gulay lalo na ang mga lowland vegetable dahil marami pang taniman ang lubog sa baha.


Ang mga gulay naman mula sa highland area gaya sa Cordillera ay nagsisimula pa lamang makarekober ang production area.


Sinabi ni Salacup na 65% ng national supply ng gulay sa buong bansa ay mula sa Cordillera at Rehiyon 3 na matinding sinalanta ng bagyo kaya matindi ang naging epekto sa presyo ng mga gulay.


Tumatagal aniya ang produksyon ng gulay ng tatlong linggo hanggang isang buwan kaya matatagalan pa bago bumalik sa normal ang presyo nito

Trabaho sa mga magulang, solusyon sa child labor



TRABAHO para sa mga magulang.

Ito ang nakikitang solusyon ng International Labor Group upang masugpo ang lumolobong bilang ng child labor cases sa bansa.

Ayon kay Jesus Macasil, ILO Senior Program Officer, batay sa kanilang pag-aaral, umabot na sa mahigit 2.4 milyong kabataan ang bilang ng child labor sa bansa at kung hindi agad sila kikilos ay posibleng madoble pa ang bilang sa mga susunod pang taon.

Ang pagbibigay ng social services sa mga magulang ng mga kabataan ang maaari nilang maibigay.

Nabatid na ang may pinakamaraming Child Labor Case ay mula sa mga bayan ng Masbate kung saan ang mga magulang mismo ang nag-uudyok sa kanilang mga anak na maghanap buhay kahit sa murang edad.

Saturday, October 15

50-libong pulis, madadagdag sa PNP

October 15, 2011 | 5:00 PM


NANGANGAILANGAN ngayon ang Phil. National Police ng higit limampung libong bagong pulis.

Ayon kay PNP Director General Nicanor Bartolome, ito ay upang mas mapaigting ang pagbabantay sa seguridad ng bawat Pilipino sa bansa.

Dagdag pa ni Bartolome, bukod dito ay kabuuang anim na libong bagong recruits na ang papasok sa PNP sa darating na nobyembre.

Sa kasalukuyan ang “Police-To-Population” ratio sa bansa ay tinatayang isang pulis kada 743-katao, mas mataas kaysa sa target na isang pulis kada limang daang katao.

www.rmnnews.com

Pilipinas, hindi pa ligtas sa mga bagyo

October 15, 2011 | 5:00 PM

TINATAYANG apat na bagyo pa ang inaasahang tumama sa bansa bago magtapos ang taong kasalukuyan.

Ayon kay DoST Usec. Graciano Yumul, papangalanan ang mga naturang bagyo na Sendong, Tisoy, Ursula at Weng.

Samantala, bagamat nakalabas na ng bansa si Bagyong Ramon ay mahigpit naman binabantayan ng PAGASA ngayon ang isa pang Low Pressure Area.

Malaki anila ang tiyansang maging bagyo ito at posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility sa darating na Huwebes.
 

Civil Service exam, bukas na

Bukas na gagawin ang Civil Service exam sa buong bansa.

Ayon sa Civil Service Commission (CSC), 99, 416 ang kukuha ng pagsusulit sa iba't ibang testing center kung saan 83, 073 ang kukuha ng professional level examination habang ang nalalabing bilang ay sasailalim naman sa sub-professional level examination.

Pinaalalahan naman ng CSC ang mga kukuha ng exam na magdala ng valid identification card (ID) na may picture at signature o kaparehong ID card na ginamit sa pag-aaplay para makakuha ng pagsusulit.

Magsisimula ng alas 8:00 ng umaga ang pagsusulit at kinakailangang alas 7:00 pa lamang ay nasa examination venue na ang examinee.

Tatagal ang professional level examination ng 3 oras habang 2 oras at kalahati naman sa sub professional.

Ang Civil Service Examination ay isa sa mga requirements para makapagtrabaho sa mga tanggapan ng gobyerno.

Wednesday, October 12

Alay Lakad ng Cabanatuan, tuloy na sa Oct 15


October 12, 2011 | 3:00 PM

Tuluy-tuloy na ang Alay Lakad 2011 ng Pamahalaang Panlungsod ng Cabanatuan.

Sa temang “Kaunlaran ng Kabanatuan, Pakinabang ng Kabataan”, ang Alay Lakad 2011 ay magaganap ngayong Sabado, October 15, alas kwatro y media ng umaga.

Magtitipon ang mga sasali sa Cabanatuan City Hall bago lumakad hanggang sa NFA Compound kung saan magaganap ang isang programa.

Mula City Hall ay dadaan ang mga partisipantes sa San Josef Sur, didiretso hanggang sa Del Pilar Street, liliko ng Gabaldon Street, Gen. Tinio, balik ng Zulueta street, tuluy tuloy hanggang NFA.

Bigbigyan ng parangal ang may pinakamalaking delegasyon at pinaka maagang grupong darating sa assembly area. Magkakaroon din ng raffle sa nasabing programa.

Karaniwan nang sumasali sa Alay Lakad ang PNP, Philippine Army, youth groups, local at national government offices, business establishments, NGOs, religious groups, bankers, private and public schools.

Ang Alay Lakad executive committee ay patuloy na nagaanyaya ng mga nais makibahagi sa aktibidad na ito. Makipag-ugnayan lamang sa kanilang secretariat na nasa Cabanatuan City Social Welfare and Development Office.

Kris, nagpasalamat sa imbitasyon bilang envoy ng UNHCR

October 12, 2011 | 12:00 NN

Hindi makapaniwala si "Queen of All Media" Kris Aquino sa pag-iimbita ng United Nations High Commission for Refugees UNHCR na gawin siyang "Goodwill Ambassador for Asia."

Para sa presidential sister, isang karangalan din ng bansa ang pagtitiwalang ibinigay sa kanya ng UNHCR, kung saan maihahanay siya kay Hollywood superstar Angelina Jolie na envoy naman para sa Amerika.

Ibinahagi rin ni Kris Aquino na matagal na niyang hinihintay ang imbitasyon ng UNHCR at halos mawalan na rin siya ng pag-asa na makuha ito.

Nakatakdang makipagpulong si Kris sa execuvive committee ng UNHCR sa susunod na linggo. 


www.dzmm.abs-cbnnews.com

Azkals, tagumpay sa friendly match kontra Nepal

October 12, 2011 | 12:00 NN

Pinatunayan ng Philippine football team Azkals na hindi sila padadala sa nakaraang pagkatalo matapos nilang ilampaso ang team Nepal sa ginanap na friendly match Martes ng gabi sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila.

Tinalo ng Azkals ang team Nepal sa score na 4-0.

Unang naka-goal si Phil Younghusband sa pamamagitan ng right kick, sa unang 20 minuto ng laban.

Agad itong sinundan ng pangalawang goal mula sa kanyang kapatid na si James.

Kay Phil muli nanggaling ang ikatlong goal at ang ika-apat na goal naman ay nagmula sa striker na si Matthew Hartmann.

Bagama't friendly match lang ang paghaharap ng Azkals at Nepal, may epekto pa rin ito sa FIFA world rankings.

Kasalukuyang nasa ika-13 puwesto ang Nepal, habang nasa ika-166 na puwesto naman ang Azkals.

Tuesday, October 11

Oct 31, 2011 idineklarang Special Non-Working Day


Sa bisa ng Proclamation 265, idineklara na rin kahapon ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang October 31 bilang special non-working day. Ito ay upang mabigyan ng mas mahabang panahon ang publiko na gunitain ang All Saints Day sa November 1… lalo na yung mga bibiyahe pa sa ibang probinsya.

Una nang indineklara ang November 1 bilang non working day noon pang nakaraang taon sa bisa naman ng Proclamation No. 84.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons