Thursday, June 30

Unang taon ni PNoy, pasado sa ilang senador



July 1, 2011 | 12:00 NN
PASADO ang mga markang ibinigay ng mga senador para unang taon ni Pangulong Benigno Aquino III sa pwesto pero binigyang-diin ng mga ito na marami pang dapat i-improved para sa mga darating pang taon ng kanyang pamumuno sa bansa.
Seven out of ten ang ibinigay na grado ni Senator Gringo Honasan kay P-Noy pero iginiit nito na kailangan ng improvement ang Communication Team nito upang higit pang maihatid sa taong-bayan ang mga aksyon ng gobyerno para matugunan ang mga problema ng bansa tulad ng kahirapan.
Bukod dito, dapat rin anyang pagbutihin at pagtuunan ng gobyernong Aquino ang pambansang seguridad, foreign policy at national at economic development.
88% naman ang pasadong grado na ibinigay ni Senator Ralph Recto kay P-Noy pero mariin ang payo nito na kailangang pag-ibayuhin pa ang kanyang pamumuno sa ikalawa at mga susunod pang taon dahil inaasahan ng publiko ang lubos na katuparan ng kanyang mga ipinangako.
Sinabi pa ni Recto na mabuti ang tinatahak na tuwid na landas ng administrasyong Aquino pero dapat ay mas bilisan pa nito ang pagtahak sa nabanggit na landas sa mga susunod na taon.
Magugunitang si Senator Juan Miguel Zubiri ay nagbigay din ng 8 out of 10 na grado kay P-Noy na partikular na tumutukoy sa mga hakbang nito laban sa corruption.
Satisfied naman si Senator Edgardo Angara sa ulat sa bayan ni P-Noy kaya umaasa ito na mas maraming pang ipagyayabang ang pangulo sa kanyang bibigkasing State of the Nation Address (SONA) sa July 25.
Naniniwala si Angara na mapapabilang dito ang pababa ng deficit at inflation rate ng bansa at panunumbalik ng tiwala ng tao sa gobyerno.
Samantala, hindi pa sapat para kay Senator Panfilo “Ping” Lacson ang isang taon para husgahan niya ang panunungkulan ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon kay Lacson, maghihintay sya ng isa pang taon para kilatisin ang administrasyong Aquino.
www.rmn.com.ph

Pangulong Aquino, ayaw bigyan ng grado ang sarili sa unang taon ng panunungkulan


June 30, 2011 | 3:00 PM

Ayaw bigyan ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ng grado ang kanyang sarili sa unang taon ng kanIyang panunungkulan bilang pinuno ng bansa.

 
Sinabi ni Pangulong Aquino na ayaw niyang magbuhat ng sariling bangko ngunit ang malinaw aniya ay kakaiba ang reaksyon ng mamamayan sa kaniyang administrasyon kumpara sa nakalipas na administrasyon.

Noong nakaraan ay tila manhid na ang publiko sa mga nagaganap na kontrobersya dahil wala nang maaasahan.

Ang pinakamalaking achievement aniya ng kaniyang administrasyon ay ang transformation of attitude ng mga mamamayan kung saan mas marami na ang nakikialam ngayon para may magandang patunguhan ang kaniyang administrasyon.

Inihayag naman ng Pangulo na kuntento siyasa kaniyang mga cabinet officials sa unang taon ng kaniyang panunungkulan.

Mula aniya sa dating tatlong nagpapasakit ng kaniyang ulo ay isa na lamang ang nagdadala sa kaniya ng problema.

Dagdag ng Pangulo, kakausapin niya ang naturang cabinet official na ayaw niyang pangalanan at kung hindi ito magbabago ay bibigyan na lang niya ng ibang pwesto sa pamahalaan.


www.dzmm.com.ph

Wednesday, June 29

Webb, pinatunayang nasa ibang bansa siya nang maganap ang Vizconde massacre



June 29, 2011 | 3:00 PM

Sa press conference kanina, pinasinungalingan ni Hubert Webb ang sinasabi ng National Bureau of Investigation na nasa bansa siya nang maganap ang Vizconde Massacre. Bilang patunay, ipinakita ng kanyang ama na si Dating Senador Freddie Webb ang passport ni Hubert na may tatak ng Bureau of Immigration. Pinapakita rito na umalis ng bansa si Hubert noong June 1991. 


Matatandaang sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na batay sa testimonya ng anim nilang bagong testigo sa kaso, at sa mga ebidensyang kanilang nakalap partikular sa magnetic reel tape ng Bureau of Immigration, lumilitaw na hindi lumabas ng bansa si Webb noong March 1991.

Narekober aniya rito ang listahan ng mga taong may apelyidong Webb na umalis ng bansa sa buong buwan ng Marso noong 1991, at hindi kasama si Hubert sa listahan, kundi isang Freddie.

Mayroon naman aniyang mga Webb na dumating noong October 1992 at dito kasama ang pangalan ni Hubert at ito ang kanilang tinitingnan.

Sa iprinisintang findings ng Task Force Vizconde sa press briefing ng National Bureau of Investigation (NBI), lumilitaw na si Webb, na una nang inabswelto ng Korte Suprema noong December 2010, ay nasa bansa noong panahon at pagkatapos na mangyari ang krimen, base na rin sa testimonya ng anim na bagong testigo.

Nilinaw naman ni Secretary De Lima na wala silang ebidensiya na si Hubert Webb at mga kasama ay nasa lugar ng pangyayari nang maganap ang krimen.


Pilipinas, tinanggal na sa human trafficking watchlist ng Amerika

June 29, 2011 | 12:00 NN

Tinanggal na ang Pilipinas sa human trafficking watchlist ng Amerika.

Sa pinakahuling Annual Trafficking in Persons Report ng US State Department, umangat ng kategorya ang Pilipinas, Singapore at Laos mula sa pagkakabilang nito sa watchlist ay inilagay na lamang sa tinatawag na "tier 2". 

Hindi pa lubusang nakakamit ng mga bansang nakapaloob sa "tier 2" ang mga pamantayan laban sa human trafficking bagama't nagsisikap na makatugon dito.

Nasa dati pa ring kategorya ng "tier 2" ang Indonesia at Cambodia habang nananatili sa watchlist ang Brunei, Malaysia, Thailand at Vietnam habang nakapasok naman sa "tier 1" o full compliance ang South Korea at Taiwan.

Sa naturang report, pinuri ng State Department ang pinaigting na kampanya ng Pilipinas kung saan binanggit na 25 trafficking offenders na ang nasintensiyahan. Kabilang dito ang unang conviction ng Pilipinas para sa forced labor noong Pebrero.

www.dzmm.com.ph

Tuesday, June 28

Hubert Webb, nasa bansa nang mangyari ang Vizconde massacre - NBI

June 28, 2011 | 3:00 PM

Taliwas ang findings ng Task Force Vizconde sa iginigiit ng pangunahing suspek sa Vizconde massace case na si Hubert Webb, na nasa Amerika siya nang mangyari ang masaker noong June 1991.

Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na batay sa testimonya ng anim nilang bagong testigo sa kaso, at sa mga ebidensyang kanilang nakalap partikular sa magnetic reel tape ng Bureau of Immigration, lumilitaw na hindi lumabas ng bansa si Webb noong March 1991.

Narekober aniya rito ang listahan ng mga taong may apelyidong Webb na umalis ng bansa sa buong buwan ng Marso noong 1991, at hindi kasama si Hubert sa listahan, kundi isang Freddie.

Mayroon naman aniyang mga Webb na dumating noong October 1992 at dito kasama ang pangalan ni Hubert at ito ang kanilang tinitingnan.

Sa iprinisintang findings ng Task Force Vizconde sa press briefing ng National Bureau of Investigation (NBI), lumilitaw na si Webb, na una nang inabswelto ng Korte Suprema noong December 2010, ay nasa bansa noong panahon at pagkatapos na mangyari ang krimen, base na rin sa testimonya ng anim na bagong testigo.

Nilinaw naman ni Secretary De Lima na wala silang ebidensiya na si Hubert Webb at mga kasama ay nasa lugar ng pangyayari nang maganap ang krimen.


www.dzmm.com.ph

Mga biktima ng kalamidad, posibleng hindi pagbayarin ng buwis

June 28, 2011 | 3:00 PM

ISINUSULONG ni Senador Manny Villar na maipagpaliban sa pagbabayad ng buwis ang mga biktima ng kalamidad.


Nakasaad sa kanyang Senate Bill No. 2443, target nitong iligtas sa pagbabayad ng buwis ang mga nabiktima ng bagyo, lindol, pagsabog ng bulkan at iba pang kahalintulad ng kalamidad sa pamamagitan ng pagpataw ng kaukulang deductions mula sa kanilang income at real property taxes.

Ang nasabing panukala ay kasunod na rin ng ilang serye ng pananalasa ng bagyo ngayong taon kung saan ang pinakahuli ay ang bagyong Falcon na libu-libong pamilya ang naapektuhan at milyun-milyong ektarya ng pananim ang nasira.

Inihalimbawa rin ng senador ang mga residente sa Marikina City kung saan nagkaroon ng diskwento sa kanilang real property tax rate matapos salantain noon ng bagyong Ondoy.

www.rmn.com.ph

DOH nagbabala laban sa leptospisrosis


June 28, 2011 | 12:00 NN

Pinapayuhan ng Department of Health ang publiko na huwag maglaro o maglakad sa baha na iniwan ng mga nagdaang ulan at bagyo.

Ito ay sa gitna ng pagtaas sa bilang ng mga nagkakaroon ng leptospirosis sa bansa.

Ayon kay DOH Secretary Enrique Ona, ang leptospirosis ay isang sakit na nakukuha mula sa tubig baha na kontaminado ng mga ihi ng hayop. Napupunta ito sa katawan ng tao sa pamamagitan ng sugat sa paa.

Dagdag pa ng kalihim, hindi pa tapos ang tag-ulan kaya tuloy ang kanilang kampanya laban sa sakit na ito. Kung hindi daw maiwasang maglakad sa baha, makakatulong ang pagsusuot ng bota.

Ayon sa World Health Organization, ang mga sintomas ng pagkakaroon ng leptospirosis ay mataas na lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pamumula ng mga mata, pamumula ng balat, pagsusuka at diarrhea.

May 454 nang kaso ng leptospirosis sa bansa mula January hanggang  May ngayon taon. Mas mataas ito ng 75% sa parehong mga buwan noong nakaraang taon.

Karamihan sa mga kasong ito ay nasa Western Visayas, Bicol Region, at Central Luzon.

Saturday, June 25

300,000 apektado ni Falcon

June 25, 2011 | 5:00 PM


Mahigit tatlong daang libong katao sa dalawampu't pitong bayan at labing apat na lungsod kasama na ang Metro Manila at Bicol ang apektado ng baha dulot ni Tropical Storm Falcon.

May pitumpo't limang libong katao ang inilikas, mahigit kalahati nito ay mula sa Lalawigan ng Albay, at 20,000 ay mula sa Metro Manila. Ayon yan sa National Disaster Risk Reduction Management Council.

Dagdag pa ng ulat, animnapu't anim na kabahayan ang nasira, labing lima rito ay dulot ng nanalasang ipo ipo sa Quezon City.

Ayon kay NDRRCM Executive Diretor Benito Ramos, wala pang naiuulat na nasawi subalit labing lima ang nawawala.

Iniulat din ng NDRRMC na unti unti nang bumababa ang tubig sa mga dam malabin sa La Mesa at Ipo Dams na nasa kritikal pa ring lebel.

Ayon kay Ramos, ang maliit na bilang ng nasaktan at kawalan ng bilang ng namatay ay nagpapakita lamang na natuto na ang mamamayan sa pananalasa ni Bagyong Ondoy noong 2009 na kumitil sa buhay ng may apatnaraang katao.

www.inquirer.net

NDRRMC, pinaalalahanan ang DOTC na maglabas ng abiso sa pagbiyahe ng mga provincial bus tuwing may bagyo


June 25, 2011 | 3:00 PM

Inulit ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang paalala nito sa Department of Transportation and Communications (DOTC) na maglabas ng abiso para sa mga bus company na huwag nang bumyahe sa tuwing may bagyo.

Partikular na inatasan ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mag-abiso sa mga bus company na tumatawid sa Visayas at Mindanao at sumasakay sa mga Ro-Ro (Roll-on Roll-off) vessel.

Ginawa ni Ramos ang pahayag dahil na rin sa paulit-ulit na sitwasyon na may mga naiistranded sa mga pantalan na mga pasahero twuing may bagyo na obligadong asikasuhin ng pamahalaan partikular ng Department of Social Welfare and Development. 

www.dzmm.com.ph

La Mesa Dam, umapaw na…. Ipo Dam, muling nagpakawala ng tubig

Nananatili namang nasa safe level ang Pantabangan Dam. Sa datos ng Pagasa, ala-6 ng umaga ngayon araw, nasa 182.41 meters ang Reservoir Water Level ng Pantabangan Dam. Malayo pa sa spilling level na 221 meters.


Umapaw naman kahapon ang La Mesa Dam na nasa lungsod ng Quezon.


Ayon kay Max Peralta, Assistant Weather Service Chief ng Hydrometeorological Division ng PAGASA, bandang 1:00 ng hapon kahapon ng nagsimulang umapaw ang tubig sa nasabing water reservoir kung saan umabot ang current elevation nito sa  80.24 cubic meters per second.

Una rito, itinaas na ang alerto sa nabanggit na dam dahil na rin sa malakas na pagbuhos ng ulan.

Bukod dito, kinumpirma rin ni Peralta na nagpakawala na rin ng tubig ang Ipo Dam sa Bulacan dahil sa labis na tubig na naipon sa kanilang reservoir na nasa 100.71 cubic meters per second.

Maging ang iba pang dam ay binabantayan na rin dahil sa maaaring panganib na idulot nito sa mga naninirahan malapit sa daanan ng tubig.

www.rmn.com.ph with report from Percy Tabor based on www.pagasa.dost.gov.ph

Pag-ulan sa Luzon, mararanasan pa rin hanggang bukas; magandang panahon, asahan sa Lunes

Maaring pa ring umulan hanggang bukas ayon sa Pagasa.

Ngunit ayon kay Pagasa forecaster Leny Ruiz, sa Lunes ay mararanasan ang ang unti-unting pagbuti ng panahon. Ayon pa sa kanya, asahan ang maulap na kalangitan sa mga susunod na araw.

Sa ngayon, patuloy pa ring nararanasan ang pag-ulan sa Metro Manila, Northern Luzon, at Central Luzon.

Sa huling weather ng bulletin ng Pagasa, bahayang lumakas ang bagyong Falcon habang papalayo ng Philippine Area of Responsibility. Wala nang nakataas na storm signal sa alinmang bahagi ng bansa.

Ang walang tigil na pag-ulan ay dulot ng southwest monsoon na pinalakas ni Tropical Storm Falcon.

DA, tiniyak na matatag ang presyo ng mga pagkain sa kabila ng mga pag-ulan at pagbaha


June 25, 2011 | 12:00 NN

Tiniyak ng Department of Agriculture na tuloy ang daloy ng suplay ng mga pagkain sa Metro Manila sa kabila ng patuloy na pag-ulan na nagpabaha na sa ilang lugar sa National Capital Region at mga karatig lalawigan. 

Sa kanyang report sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, pinawi ni Agriculture Undersecretary Joel Rudinas ang pangambang tumaas ang presyo ng pagkain tulad ng manok at iba pang produkto. 

Katunayan, sinabi ni Rudinas na hindi nagbabago ang presyong ibinibigay ng farm producers kaya walang batayan ang pahayag ng ilang tindero sa palengke na maaaring magbago ang presyo ng pagkain tuwing may bagyo o malakas na pag-ulan. 

Nagpakalat na rin aniya sila ng mga tauhan para matyagan at bantayan ang presyo ng mga pagkain sa ilang malalaking palengke.


www.dzmm.com.ph

TS Falcon, palayo na ng bansa


June 25, 2011 | 11:00 AM

Lumakas pa ang Tropical Storm Falcon habang patuloy na kumikilos palayo ng bansa.

Sa pinal na bulletin sa bagyo na ipinalabas ng PAGASA, alas 5:00 ng umaga, namataan ang sentro nito sa layong 590 kilometers sa Hilagang-Silangan ng Basco, Batanes kaninang alas 4:00 ng umaga.

Taglay na ang lakas ng hanging aabot ng 105 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot ng hanggang 135 kilometers per hour, kumikilos si Falcon ng pa-Hilaga Hilagang-Kanluran sa bilis na 24 kilometers per hour.

Tinataya itong nasa 680 kilometers sa Hilaga Hilagang-Silangan ng Basco, Batanes o may 320 kilometers sa Kanluran Hilagang-Kanluran ng Okinawa, Japan, alas 8:00 ng umaga.

Ayon sa PAGASA, patuloy na pag-iibayuhin ng Tropical Storm Falcon ang Southwest monsoon o hanging habagat at magdadala ng mga pag-ulan sa Luzon, partikular na sa Western sections ng Northern at Central Luzon.


Samantala, sa mga technical school, college o university na nais magpaabot ng kanselasyon ng kanilang mga klase ngayong araw, tumawag sa aming station hotline, 463-9406.

Friday, June 24

Central Luzon, pinaghahanda ng PAGASA sa malakas na ulan dala ng hanging Habagat habang papalayo ng bansa ang bagyong Falcon

June 24, 2011 | 3:00 PM

PINAGHAHANDA ng PAGASA ang mga residente sa Central ng Luzon.

Ito ay dahil ang mga lalawigan sa nasabing rehiyon ay makakaranas ng malakas na buhos ng ulan na dadalhin ng hanging Habagat na pinalalakas ng bagyong Falcon.

Ayon kay PAGASA, Supervising Undersecretary Graciano Yumul sinabi nitong ang mga pag-ulan ay dulot na lamang ng Habagat dahil ang bagyo ay malapit nang makalabas sa Philippine Area of Responsibility patungong Japan.


Kaugnay nito kinalma rin ni Yumul ang pangamba ng publiko hinggil sa kalakasan ng ulan na naiku-kumpara sa lakas ng bagyong Ondoy noong 2009 na nagpabaha sa karamihang lugar sa Luzon.


Samantala, batay sa forecast ng Weather Bureau, bukas ng umaga ang bagyong Falcon ay inaasahang nasa layong:
  • 500 km hilaga-hilagang-silangan ng Basco, Batanes
  • sa linggo naman ng umaga ito ay nasa layong 1,030 km ng hilaga-hilagang-silangan ng Basco, Batanes o 370 km kanluran hilagang-kanluran ng Okinawa, Japan.

Kasabay nito, uulanin pa rin ang Central at Northern Luzon.

www.rmn.com.ph

Araw ng Maynila at kapistahan sa San Juan, hindi nagpapigil sa kabila ng masamang panahon

June 24, 2011 | 3:00 PM

HINDI papipigil sa masungit na panahon ang magkasabay na mga pagdiriwang na nagaganap sa Maynila at sa Nueva Ecija.

Bilang pagdiriwang sa Araw ng Maynila, pinasimulan ito sa pamamagitan ng misa ng pasasalamat na ginanap sa San Agustin Church habang sinundan naman ito ng wreath-laying ceremony sa Raja Sulayman at Bonifacio Shrine.


Dadalo rin bilang panauhing pandangal si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III para magbigay ng parangal sa mga outstanding Manilenyos na idaraos sa Manila Hotel mamayang alas siyete ng gabi.

Samantala sa San Juan City - tuloy ang pagbubuhos ng tubig sa mga taong dumaraan sa lugar bilang simbolo ng nakaugalian sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Juan Bautista sa naturang lungsod.

Matagumpay ding naidaos ang taunang Taong Putik Festival sa Brgy. Bibiclat, Aliaga, Nueva Ecija. Ayon tanggapan ni Mayor Marcial Vargas, daan daang katao ang nagtaong putik ngayong taon. 

Ang Taong Putik Festival ay ginaganap sa naturang lugar tuwing June 24 bilang pagdiriwang din sa kapistahan ni San Juan Bautista. 

www.rmn.com.ph

Pagasa: Falcon, posibleng lumabas ng bansa sa Linggo

June 24, 2011 | 12:00 NN

Ayon sa PAGASA ang mga pag-ulang nararanasan ngayon sa central at southern Luzon kabilang na ang Visayas region ay dahil sa hanging habagat na hinahatak ng bagyo Falcon.

Huling namataan ang si Falcon sa layong 330 kilometers Silangan ng Basco, Batanes; nananatili ang taglay na lakas ng hangin na 85 kilometers per hour, pagbugso na 100 kilometers per hour at kumikilos sa direksyong hilaga-hilagang-kanluran sa bilis na 19 kilometers per hours.

Sa taya ng weather bureau, kung mapapanatili ng bagyo ang bilis nito, inaasahang tuluyang lalabas na ito sa Philippine Area of Responsibility sa araw ng Linggo, patungong Japan; sa ngayon batay sa kanilang monitoring ay wala pang panibagong sama ng panahon ang nagbabanta sa bansa.  

Tatlong lugar na lang ang may umiiral na storm warning signal no. 1 kabilang dito ang:

·         Calayan Group of Islands
·         Babuyan Group of Islands
·         at Batanes Group of Islands

Samantala, inanunsyo kaninang umaga ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council ng Nueva Ecija, sa pangunguna ni Gov. Aurelio Umali, na suspendido ang klase sa buong lalawigan sa elementary at high school levels. Ipinauubaya naman ng PDRRMC sa pamunuan ng mga kolehiyo at pamantasan ang pagsuspinde ng klase sa tertiary level.


www.pagasa.dost.gov.ph

Thursday, June 23

Bagyong Falcon, bahagyang bumagal; signal number 1, nakataas pa rin sa ilang lalawigan


Bahagyang bumagal ang Tropical Storm "Falcon" habang patuloy na kumikilos patungong Hilagang-Kanluran sa bilis na labing tatalong kilometro bawat oras.

Batay sa ulat ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong dalawang daan at pitumpung kilometro sa Hilagang Silangan ng Virac, Catanduanes.

Taglay nito ang lakas na hangin na animnapu't limang kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa walumpung kilometro bawat oras.

Nakataas pa rin ang signal number 1 sa Albay, Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, Isabela, Cagayan, Calayan Group of Islands, Babuyan Group of Islands at Batanes Group of Islands.

Pinay, nahalal bilang mayor ng Hercules City sa California


June 23, 2011 | 12:00 NN

Isang Pinay ang nahalal kamakailan bilang mayor ng Hercules City, California.

Si Myrna Lardizabal De Vera na isang Cebuana ay ang pang limang Fil-Am na Mayor ng Hercules City.

Ayon sa ulat, naging council member at vice mayor si De Vera bago naging mayor ng naturang lungsod noong Enero.

Noong 2009, napili si De Vera bilang isa sa 100 most influential Filipina sa Estados Unidos ng Filipina Women’s Network.

Kasama ng kanyang asawa na si Manuel at tatlong anak na lalaki, si De Vera ay residente ng Hercules City simula pa noong 1991. 

www.gmanews.tv

Ekonomiya ng Pilipinas sa unang kwarter ng taon, lumago ayon sa DTI


June 23, 2011 | 3:00 PM

IPINAGMALAKI ng Department of Trade and Industry na patuloy ang paglago ng ekonomiya ng bansa bunsod ng magandang kalakalan.

Ayon kay  DTI Secretary Gregory Domingo, lumago aniya ng 7.6% ang ekonomiya noong 2010 at patuloy pa itong tumataas ng 5% sa 1st quarter ng taon.

Inaasahang sisipa pa ang Economic Growth Rate dahil sa maganda aniyang export performance sa coconut oil, furniture at garment industry.

Ayon pa kay Secretary Domingo, malaki din ang kontribusyon ng mga remittances ng mga Overseas Filipino Workers kung saan 10% ang kanilang naging ambag.

www.rmn.com.ph

Wednesday, June 22

Pag-iingat, tamang paggamit ng Facebook, iba pang social networking sites


June 22, 2011 | 5:00 PM

Nais ng ilang kongresista na isama ng Department of Education ang pagtuturo sa mga estudyante sa pampublikong paaralan sa elementary at high school ang pag-iingat at tamang paggamit ng mga social networking site.

Ayon kina Marikina City Rep. Miro Quimbo at Aurora Rep Juan Edgardo Angara, kailangang magabayan ang mga kabataan sa paggamit ng mga social networking sites dahil ginagamit na rin ito ng mga kriminal para makapambiktima.

Idinagdag ng kongresista na habang bata pa ay mabuting maituro na rin sa mga mag-aaral kung paano magiging responsible sa paggamit ng mga social networking site, partikular ang sikat na Facebook.

Sinabi ni Quimbo na kailangang kumilos ang pamahalaan para matiyak ang kaligtasan ng mga kabataan sa paggamit ng modernong teknolohiya.

Batay sa isinagawang survey ng AGB Nielsen, ang Pilipinas ay pang-lima sa mga bansa na may pinakamaraming gumagamit ng Facebook.

Para naman kay Angara, magandang lugar ang mga paaralan upang maituro sa mga kabataan ang kahalagahan sa paggamit ng modernong teknolohiya at kung ano ang mga bagay na hindi dapat gawin sa mga social networking site.

wwww.gmanews.tv

Guinness, naghahanap ng world oldest living person


June 22, 2011 | 3:00 PM

NAGHAHANAP na ngayon ang Guiness Book of Records para sa panibagong world’s oldest living person.

Ito ay matapos sumakabilang buhay kahapon ang nagmamay-ari ng nasabing titulo na si Maria Gomes Valentim ng Brazil sa edad na siyento katorse.

Si Valentim, na ipinanganak noong July 9, 1896, ang itinanghal ding na kauna-unahang Brazilian super centenerian.

Samantala kailangan namang magkaroon ng orihinal na katibayan ng kapanganakan sa loob ng 20 taon ang mga nagnanais masungkit ang bakanteng titulo ng Guiness.

www.rmn.com.ph

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons