Thursday, September 29

Bagyong Quiel, lumakas pa; posibleng tumbukin ang Cagayan-Batanes area

September 29, 2011 | 3:00 PM

Bahagyang lumakas ang Bagyong Quiel habang patuloy na kumikilos pa-Kanluran.

Huling namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang sentro ng bagyo sa layong 1,150 kilometro sa Silangan ng Aparri, Cagayan.

Taglay nito ang lakas na hanging umaabot sa 110 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 140 kilometro bawat oras.

Tinatayang kikilos ang bagyo pa-Kanluran sa bilis na 13 kilometro bawat oras.

Una nang sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary at PAGASA Officer-in-Charge Graciano Yumul na posibleng mas malakas pa sa Bagyong Pedring ang Bagyong Quiel.

Inaasahan aniyang lalakas patungong typhoon category ang bagyo pagdating ng Linggo.

Tinataya namang tutumbukin nito ang Cagayan-Batanes area at posibleng tumama sa kalupaan sa Sabado o Linggo.

www.dzmm.com.ph

Cabiao, humingi ng tulong sa nat'l gov't para sa mga magsasaka



Tinawagang pansin ng alkalde ng Cabiao, Nueva Ecija ang national government bigyan ng assistance ang mga  apektadong magsasaka sa naturang bayan na lubos na pininsala ni bagyong Pedring.

Ayon kay Mayor Baby Crespo-Congo, bagamat kailangan din nila ang mga tulong sa pamamagitan ng relief goods, kailangan pa rin aniyang iprayoridad ng pamahalaang nasyonal ang muling pagbangon ng mga naapektuhang magsasaka. 

Aniya, 70% ang pinsala sa kanilang bayan ay sa sector ng agrikultura.

Marami aniya sa mga magsasaka ang sana’y aani na ng kanilang tanim na palay at gulay sa susunod na lingo subalit nawala ang lahat ng kanilang pinagpaguran at utang na puhunan dahil lamang sa isang araw na pananalasa ni Pedring.

Sinabi rin ng alkalde ng halos walumpung porsyento ng Cabiao ang lubog sa baha.
Dagdag pa ni Mayor Congo, dalawang barangay pa ang isolated sa kanilang lugar – ito ang mga barangay Bagong Sikat at Santa Isabel.

Tuesday, September 27

Ilang lugar sa Nueva Ecija, baha na

September 27, 2011 | 12:00 NN

Patuloy na nananalasa ang Bagyong Pedring sa Nueva Ecija habang nakataas pa rin sa lugar na ito ang babala ng bagyo bilang tatlo.

Ayon sa Nueva Ecija Provincial Disaster Risk Reduction Management Council, binabaha na ang ilang barangay sa Cabanatuan City partikular ang Barangay Communal at Calawagan.

Mataas na rin ang baha at hindi na rin madaanan ng anumang klase ng sasakyan ang Barangay Ligaya sa Gabaldon at Barangay Pinagbayanan sa Laur.

Hindi na rin madaanan ang kahabaan ng Pantabangan at Aurora dahil sa malakas na buhos ng ulan, pagguho ng mga bato at pagkatumba ng mga puno.

BiG SOUND fm and 1188 DZXO am

Monday, September 26

85 porsyentong rice supply ng bansa, napupunan na ng mga magsasaka

September 26, 2011 | 12:00 NN

Ipinagmalaki ng National Coordination for Rice and Corn (NCRC) na umaabot na sa 85 porsyento ng pangangailangan sa bigas ng bansa ang naisusuplay ng mga lokal na magsasaka.

Ayon kay NCRC Director Dante de Lima, kailangan na lamang ng dagdag edukasyon ng mga magsasaka sa mga makabagong teknolohiya kaugnay sa pagsasaka para magawa nilang maisuplay ang kabuuang pangangailangan ng bansa sa bigas sa mga susunod na taon.

Sinabi naman ni Philippine Rice Research Institure (PRRI) Executive Director Eufemio Rasco na hiningi na nila ang tulong ng mga rice expert sa Korea para turuan ang mga magsasakang Pinoy sa paggamit ng teknolohiya upang mapataas ang ani ng palay.

www.dzmm.com.ph

Saturday, September 24

Japanese gov't, liligawan ni PNoy para sa kandidatura ni Sen. Santiago sa ICC post

September 24, 2011 | 12:00 NN

Liligawan ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang Japanese government para sa kandidatura ni Senador Miriam Defensor-Santiago sa Internal Criminal Court (ICC).

Inamin ng Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Teresa Lazaro na kabilang sa pakay ng official visit ng Pangulo sa Japan ay hilingin ang tulong at suporta nito para kay Santiago.

Si Santiago ay nominado ng DFA bilang kandidato ng bansa sa pagka-huwes sa ICC na inaprubahan ni Pangulong Aquino dahil na rin sa taglay nitong expertise sa International Humanitarian Law at malawak na karanasan sa Criminal Law.

Una nang ikinasa ang eleksyon sa ICC sa Disyembre 12 hanggang 21 sa New York City, USA kasabay ng 10th session ng Assembly of State Parties.

Friday, September 23

Problema sa job mismatch – may-soluyunan na

September 23, 2011 | 12:00 NN

TARGET ngayon ng Department of Labor and Employment (dole) ang mga estudyante ng high school sa buong bansa para sa mas epektibong pagpili ng kursong magdudulot ng "tamang trabaho" para sa kanila.

Ayon kay Labor Undersecretary Danilo Cruz – sa pamamagitan ng isasagawa nilang  career at employment guide counselling para sa mga mag-aaral ng 3rd at 4th year sa high school - matutugunan na ang problema sa job-skill mismatch o underemployment.

Sinabi pa ni Cruz – sa tulong ng tamang career coaching, mas epektibong mapipili ng mga estudyante ang kursong kukunin sa kolehiyo na pinaka-akma sa kanilang interes at kakayahan.

Sa pamamagitan ng naturang serbisyo, mas mapupunan din ang mga trabahong higit na 'in-demand' sa mga susunod na taon ng mga kwalipikadong aplikante kaya't mas mababawasan ang problema ng job mismatch sa bansa.

Bukod pa rito, inilahad din ni Cruz ang mga kursong mas bebenta sa mga susunod na taon dahil sa pagiging in-demand ng mga ito gaya ng  sa mining, aeronautics, geology at software engineering.

www.rmnnews.com

Thursday, September 22

Development ng renewable energy sources, ipagpapatuloy

September 22, 2011 | 3:00 PM

DESIDIDO ang Department of Energy na ituloy ang paglilinang sa mga renewable energy sources sa kabila ng problema sa pondo.


Ayon kay Energy Secretary Jose Rene Almendras, matatag niyang ipaglalaban ang pagsusulong sa RE resources para na rin sa kapakanan ng bansa.

Aniya, ang pag-iinvest sa renewable energy sources ay magandang programa para mas mapalawak pa ang power generation.

Samantala, bagamat may iilang hindi sang-ayon sa programang ito ay hindi pa rin nagpapatinag ang kalihim na ilunsad para na rin magsilbing tulong sa pagtaas ng kuryente.

www.rmnnews.com

Isang stick ng yosi, gagawin ng P5

September 22, 2011 | 12:00 NN

HINIKAYAT ng Health Justice Philippines ang pamahalaan na gawing limang piso na ang kada stick ng sigarilyo.

Naniniwala kasi ang nasabing grupo na titigil lamang ang mga Pilipino sa paninigarilyo kapag tuluyan ng nagtaas ang presyo ng sigarilyo.

Kapag naipatupad na ito anila, siguradong unang titigil sa pagyoyosi ang mga estudyante na may edad 18 pababa dahil tiyak na kukulangin ang kanilang allowance kapag bumili pa sila ng yosi.

Ginawa ng HJP ang pahayag kasunod na rin ng ginawang survey ng University of the Philippines na kaya marami ang nagyo-yosi ay dahil mura lang ito at “affordable” sa mga kabataan.

Sa ngayon kasi ay nasa P2 hanggang P2.50  lamang ang presyo ng isang stick ng yosi.


www.rmnnews.com

Wednesday, September 21

AFP, nag-turn-over ng Martial Law records sa CHR

Sa ika-39 na anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar, nag-turn-over ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga Martial Law document sa Commission on Human Rights (CHR) at sa iba pang human rights civilian institutions.

Pinangunahan ni Defense Secretary Voltaire Gazmin ang symbolic turn-over sa CHR ng ilang declassified na dokumento na may kinalaman sa pagpapatupad ng Martial Law sa isang seremonya sa Camp Aguinaldo kaninang umaga.

Kasunod nito ang paglagda nina Gazmin, CHR Chairperson Etta Rosales, House Committee on Human Rights Chair Rene Relampagos, National Defense College of the Philippines President Fermin de Leon and Philippine Alliance of Human Rights Advocates Chair Teodoro de Mesa sa isang joint communiqué kung saan nakasaad ang kanilang pagsuporta at pagpipreserba ng mga nasabing rekord upang maisapubliko.

Kabilang sa mga dokumentong ito ay mga folder na naglalaman ng mga talumpati ni dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr. at mga news clippings ng 1971 Plaza Miranda bombing.

Sinabi naman ni Rosales na posible ring naglalaman ng pangalan ng mga biktima ng human rights ang mga naturang dokumento.

Kaugnay nito, inihayag ni Rosales na isang panel ang kanyang bubuuin para sumuri sa mga dokumento at mabatid ang nilalaman nito nang sa gayo'y maisapubliko.

www.dzmm.com.ph

Security officials ng mga mall, pupulungin ng PNP-SOSIA


September 21, 2011 | 3:00 PM

Magpapatawag ng pulong ang Supervisory Office for Security and Investigation Agency (SOSIA) ng Philippine National Police (PNP) Civil Security Group sa mga security manager ng mga mall at security officers ng mga private security agency.

Sa harap ito ng tatlong insidente na ng pamamaril sa loob ng SM malls mula Hulyo hanggang kahapon.

Sinabi ni SOSIA Deputy Chief, Senior Superintendent Buenaventura Viray na layon ng pagpupulong na talakayin sa mga security official ang mga ipinatutupad na seguridad, hindi lamang sa mga mall kundi maging sa iba pang establisyimentong dinadagsa ng publiko tulad ng mga hotel, Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).

Bukas aniya gagawin ang pulong sa Kampo Krame.

Ang PNP-SOSIA ang sangay ng PNP na may hawak sa mga security agencies sa bansa.

www.dzmm.com.ph

2 teenager sa SM mall shooting, idineklara nang brain dead

September 21, 2011 | 12:00 NN

Idineklara nang brain dead ang dalawang magkarelasyong teenager sa insidente ng pamamaril sa SM City Pampanga kahapon.

Sinabi ni Dr. Alfonso Danac, head ng Emergency Room ng Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital sa San Fernando City, Pampanga na brain dead na ang dalawang biktima na kapwa sa ulo ang tama ng baril.

Ayon kay Danak, sinabi ni Dr. Eric Salas, ang attending physician ng labing tatlong taong gulang na namaril, na nagdesisyon na ang pamilya nito kagabi na alisin ang tubong sumusuporta sa buhay nito habang idodonate na lamang ang organs. 

Sa likod na bahagi ng ulo pumasok ang bala sa labing anim na taong gulang at bumaon sa kaniyang utak habang sa kanang sentido ng 13 taong gulang pumasok ang bala. 

Hindi pa rin malaman ng mga otoridad kung sino ang may-ari ng kalibre beinte dos na baril.

www.dzmm.com.ph

Tuesday, September 20

Paglilipat ng pasukan sa Setyembre, pinag-aaralan pa

September 20, 2011 | 3:00 PM

INAASAHANG sa mga susunod na buwan ay maisasapinal na ng Department of Education ang kanilang pag-aaral at rekomendasyon hinggil sa panukalang ilipat sa Setyembre ang pagbubukas ng klase.


Sa ngayon, sinabi ni Education Secretary Armin Luistro, hindi pa matiyak kung maipapatupad na ang panukala dahil nagpapatuloy pa rin ang kanilang pag-aaral tungkol dito.

Ayon sa kalihim, nasa 54% na ng kanilang school divisions ang nakapagsumite ng kinakailangang impormasyon para sa kanilang ginagawang pag-aaral.

Matatandaang iminungkahi ni Senador Franklin Drilon kay Luistro ang pagsisimula ng klase sa Setyembre para makaiwas ang mga mag-aaral sa baha at pahirap sa pagsakay na dulot naman ng madalas na pag-ulan.

www.rmnnews.com

Monday, September 19

Tulong sa publiko, di apektado sa problema ng PCSO

September 19, 2011 | 5:00 PM

TINIYAK ng Philippine Charity Sweepstakes Office na hindi maaapektuhan ang mga ibinibigay na serbisyo sa publiko.


Ito ay kaugnay na rin sa natuklasan P3.6 billion na utang sa buwis ng PCSO na hindi nabayaran ng mga nakaraang administrasyon mula 2007 hanggang 2009.

Ayon kay PCSO Chairman Margarita Juico, kinukuha ang ibinabayad na buwis sa Bureau of Internal Revenue sa operating fund at hindi sa charity fund kaya hindi apektado ang mga ibinibigay nilang serbisyo.

Nalaman ni Juico ng nasabing utang ng dumating sa kanya ang sulat galing ng BIR sa noong Setyembre 12 na nag-iimbita sa PCSO para sa isang pagpupulong upang ayusin ang mga buwis ng ahensya sa mga taong 2007, 2008 at 2009.

Nangako naman si Juico na lilinisin ang mga utang ng ahensya at makikipag-compromise sa pagbabayad nito.

Luzon, uulanin hanggang Huwebes

INAASAHAN na ang maulan na panahon sa ilan bahagi ng Luzon, hanggang araw ng Huwebes.
 
Ayon kay DOST Usec. Graciano Yumul, ito ay epekto pa rin ng Hanging Habagat at ng Bagyong Onyok na nasa labas na ng bansa.

Partikular na makakaranas ng pag-ulan sa bahagi ng Bulacan, Cavite at Metro Manila.

Samantala, patuloy naman binabantayan ng PAGASA ang pagpasok ng isa pang bagyo na papangalanang Pedring sa darating na araw ng Sabado o Linggo.


www.rmnnews.com

Piracy, mababawasan na sa bansa

September 19, 2011 | 12:00 NN

KUMPIYANSA ang pamahalaan na unti-unti nang mababawasan ang pagdami ng mga pinirata o pekeng gamit na ibinibenta sa bansa.

Patunay nito ang pagkakasabat sa mahigit P3.1 bilyong pisong mga pekeng gamit sa loob ng walong buwang operasyon ng Optical Media Board, NBI at Bureau of Customs.

Karamihan sa mga nakumpiska ay bag, relo at damit.

Ayon kay Intellectual Property of the Phils. Dir. Gen. Ricardo Blancaflor, patuloy nilang pinapaigting ang kanilang kampanya hinggil sa Anti-Piracy Drive.

Samantala, sinabi rin ni Blancaflor na unti-unti rin nilang pinatigil at kinumpiska ang mga pekeng Louis Vuitton na ibinebenta sa Greenhills Shopping Center.

www.rmnnews.com

Saturday, September 17

Fort Magsaysay, patuloy ang pagsasaayos

September 17, 2011 | 3:00 PM

Tuluy-tuloy na ang pagsasaayos ng mga pasilidad sa loob ng Fort Ramon Magsaysay, Palayan City bilang bahagi ng multi-milyong pisong modernisasyon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Ayon kay Col. Amadeo Azul, Chief of Staff ng 7th Infantry Division ng Philippine Army, umaabot sa 35 milyong piso ang inisyal na pondo mula sa General Appropriation Act ang ginugugol ngayon ngayon sa pagpapagawa ng mga lansangan, gusali at pasilidad para sa pagsasanay.

Bentahe raw na nagiging lugar ng pagsasanay para sa RP-US Balikatan ang Fort Magsaysay kaya't nais itong gawing modelo ng buong hukbong katihan.

Pero ito aniya ay bahagi ng pangkalahatang hakbang upang palakasin ang sandatahang lakas.

Sinaman naman ni Major Gen. Ireneo Espino, Commander ng 7ID, bukod sa mga lansangan at pasilidad pangkasanayan, pinagbubuti rin ang katayuan ng mga lugar panlibangan tulad ng swimming pool at ipagagawang bowling lanes at pasyalan gaya ng Aquino Diokno Shrine na bukas naman para sa publiko.

Sa isang lunch fellowship sa mga miyembro ng media na dinaluhan ng mga brodkaster sa pangunguna ni Ms. Joy Galvez-Dominado, Chairperson ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas Nueva Ecija Chapter at Armand Galang ng Nueva Ecija Press Club, ipinahayag ni Espino ang layunin ng kanilang hanay na makipag-ugnayan sa lahat ng sektor ng lipunan.

Ito aniya ay sa ipagkakamit ng kapayapaan.  

BiG SOUND fm and DZXO am Newsteam

Transport sektor, nagpapilit

HUWAG pilitin ang ayaw.

Ito ang ipinunto ng transport group na Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) kaugnay sa ikinasang nationwide strike ng PISTON sa Lunes.

Ayon kay  FEJODAP President Zeny Maranan, bagama’t isa lang ang ipinaglalaban ng kanilang grupo at ng PISTON, hiniling nito kay PISTON Sec. Gen George San Mateo na respetuhin na lamang ang kanilang desisyon na huwag ng sumama ng kilos protesta.

Kasabay nito ay nanawagan rin si Maranan sa mga kumpanya ng langis na huwag munang isipin ang pagpapayaman at isa-alang alang ang pasanin ng mga kawawang tsuper na direktang naapektuhan ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng krudo.

www.rmnnews.com

Friday, September 16

Serbisyo ng e-passport application, pinag-ibayo pa ng DFA

September 16, 2011 | 5:00 PM

Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mas pinag-ibayo pa nito ang serbisyo ng e-passport application. 

Inamin ni DFA Assistant Secretary Jet Leda na nagkaroon ng mga problema dati sa e-passport application kaya mas inayos nila ang serbisyo. 

Ayon kay Leda, maaaring mag log-in sa www.epassport.com.ph o tumawag sa 737-1000 at makakakuha ng appointment sa loob ng dalawang linggo para sa regular processing.

Matapos ang pagpoproseso, aabutin lang ng 10 araw ang processing sa mga rush application habang 20 araw ang release ng pasaporte sa regular processing.

P1,200 ang bayad sa rush e-passport application habang P950 sa regular processing.

Bukod sa DFA, pwede ring mag-apply ng pasaporte sa mga travel agency na accredited ng DFA.

Sinabi ni Leda na mahalaga sa kanila ang feedback ng publiko para mas lalo pa nilang ayusin ang serbisyo.


www.dzmm.com.ph

DoH, nagpaalala hinggil sa pulmonya

September 16, 2011 | 5:00 PM

WALANG ibang paraan para maiwasan ang pulmonya lalo na ngayong cold months.


Ito ang pahayag ng DoH kaugnay ng tumataas na kaso ng broncho pneumonia kung saan kadalasang tinatamaan ay mga bata at ang may mga edad na.

Ayon kay Dr. Lyndon Lee Suy, Program Manager ng DoH, mabilis mahawa nito kung na-eexpose sa taong may ganitong sakit lalo na kung umuubo o umaatsing.

Ang broncho pneumonia ay impeksyon sa baga na nagdudulot ng hirap sa paghinga.

Bagama’t may bakuna laban ditto, hindi pa rin 100% na makakaiwas sa nasabing sakit.

www.rmnnews.com

DepEd, may mapagkukunan ng mas mataas na chalk allowance


September 16, 2011 | 3:00 PM

May mapagkukunan na ang Department of Education (DedEd) ng dagdag na chalk allowance para sa mga guro. 

Sinabi ni Education Secretary Armin Luistro na nakahanap sila ng kaunting source sa mismong proposed budget para sa 2012 na pwedeng ire-align para sa chalk allowance.

Ayon kay Luistro, nakapagsumite na sila ng revision sa isinumite nilang proposed budget at sumulat na rin sila sa mga kongresista sa pag-asang maaaprubahan ito sa budget deliberation mamayang gabi.

Sakaling maaprubahan, mula sa kasalukuyang P700 kada taon, magiging P1, 000 na ang chalk allowance ng mga pampublikong guro para sa susunod na taon.

www.dzmm.com.ph

Thursday, September 15

Pulse Asia: PNoy, nakakuha ng 77 percent approval rating

September 15, 2011 | 5:00 PM

Nakakuha si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ng mataas na trust at approval ratings sa pinakahuling survey ng Pulse Asia sa kabila ng mga kinakaharap na problema ng bansa at mga pagbatikos sa kanyang administrasyon.

Sa survey noong Agosto 20 hanggang Setyembre 2, 77 percent approval rating ang nakuha ng Pangulo, mas mataas ng 6 percent mula sa survey noong Mayo.

75 percent naman ang kaniyang trust rating na 4 percent na  mas mataas kaysa sa huling survey.

Pinakamataas na nakapuntos ang Pangulo sa Class E na nagbigay sa kaniya ng 86 percent approval rating at 82 percent trust rating.

Pagasa Cabanatuan, nagsasagawa ng flood drill


September 15, 2011 | 3:00 PM

Karaniwan nang nababahala ang mga residente sa ilang bayan sa Nueva Ecija tuwing magkakaroon ng malakas na pag-ulan at bagyo, lalo na kung magpapakawala ng tubig ang Pantabangan Dam.

Dahil dito, nagsasagawa ngayon ang PAGASA DOST Cabanatuan ng isang Flood Drill sa iba’t-ibang panig ng Nueva Ecija upang paghandaan ang pagdating ng isang malaking pagbaha. Ang flood drill na ito sa ating lalawigan ay kasabay ng nagaganap sa ibang panig ng Region III.

Sa flood drill na ito, ipinagpapalagay ng PAGASA na tataas sa alert level ang Sapang Buho at Mayapyap river. Ipinagpapalagay din na kailangan magpalabas ng tubig ang Pantabangan Dam.

Sa pagsasanay na ito ay kinakailangan gawin ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang mga nararapat na hakbang na tulad ng isang aktuwal na pagbaha. Kasama na rito ang mga panawagan ng paglikas ng mga residente at paghahanda ng mga kinakailangang gamit sa rescue operations.

Binibigyang diin ng Pagasa DOST Cabanatuan na ito’y mga pagsasanay lamang at walang dapat ipag-alala ang ating mga kababayan. Dapat daw na mapalitan ang takot ng kahandaan.

Pulse Asia: PNoy, nakakuha ng 77 percent approval rating

September 15, 2011 | 3:00 PM

Nakakuha si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ng mataas na trust at approval ratings sa pinakahuling survey ng Pulse Asia sa kabila ng mga kinakaharap na problema ng bansa at mga pagbatikos sa kanyang administrasyon.

Sa survey noong Agosto 20 hanggang Setyembre 2, 77 percent approval rating ang nakuha ng Pangulo, mas mataas ng 6 percent mula sa survey noong Mayo.

75 percent naman ang kaniyang trust rating na 4 percent na  mas mataas kaysa sa huling survey.

Pinakamataas na nakapuntos ang Pangulo sa Class E na nagbigay sa kaniya ng 86 percent approval rating at 82 percent trust rating.

Anomalya sa Customs, prayoridad

September 15, 2011 | 12:00 NN

BILANG na ang araw ng smuggler at tiwaling opisyal sa Bureau of Customs o BoC.


Ito ang tiniyak ni dating Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon, kasunod ng pagkakatalaga sa kanya ni Pangulong Noynoy Aquino bilang bagong commisioner ng BoC.

Aminado si Biazon na mabigat ang bagong trabaho na ibinigay sa kanya ng pangulo, pero tiwala siyang magagampanan niya ang kanyang tungkulin katuwang si dating Scout Ranger Commander Brigadier  Gen. Danilo Lim na itinalaga namang Customs Deputy Commisioner for Intelligence.

Binanggit din ni Biazon na ipagpapatuloy niya ang mga nasimulan nang hakbang ni outgoing Customs Commissioner Angelito Alvarez para sa ikabubuti ng pamumuno sa ahensya.

Kasabay nito, naniniwala si P-Noy na lalo pang mapapahusay ni Biazon ang reporma sa Customs at maabot ang mga Target Revenue Collections.

www.rmnnews.com

Wednesday, September 14

Comelec, nakahanda sakaling ipatuloy ng SC ang ARMM polls


September 14, 2011 | 5:00 PM

Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na nakahanda sila sakaling ipag-utos ng Korte Suprema na ituloy ang halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at ibasura ang batas na nagpapaliban sa eleksyon sa rehiyon.

Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na sakaling i-utos ng Korte Suprema na ituloy ang halalan sa ARMM, hihingi sila ng dalawang buwan para makapaghanda sa mano-manong eleksyon o mas mahabang panahon pa kung automated elections.

Paliwanag ni Jimenez, hindi naman maaaring madalian ang pagsasagawa ng halalan dahil may mga procurement process pa na kailangan itong pagdaanan.


Una nang pinigil kahapon ng Korte Suprema ang pagsasagawa ng halalan sa ARMM sa 2013 kasabay ng national elections.

www.dzmm.com.ph

Pinoy nurses at caregivers, may 500 trabahong pwedeng aplayan sa Japan

September 14, 2011 | 3:00 PM

May 500 trabaho sa Japan na pwedeng aplayan sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Ayon sa POEA, magpapadala sila ng panibagong batch ng 500 Pinoy nurses at caregivers sa ilalim ng Japan-Philippine Economic Partnership Agreement (JPEPA).


Bagama't magiging assistant muna ang mga Pinoy nurse na ipadadala sa Japan habang pinaghahandaan nila ang pagkuha ng Japanese Licensure Exam para maging registered nurse doon, sasahod din sila ng hanggang 200,000 yen o katumbas ng nasa P100, 000 kada buwan.

Kwalipikado sa nasabing posisyon ang mga graduate ng Bachelor of Science in Nursing, may board license, may tatlong taong work experience sa ospital at mayroong malusog na pangangatawan.

Sa Nobyembre magsisimula ang screening ng POEA sa mga aplikante.

Ipinayo naman ng POEA na mag-apply online sa pamamagitan ng
www.poea.gov.ph dahil mas madali ito lalo na para sa mga taga-probinsiya. 

www.dzmm.com.ph

2013 ARMM polls at pagtatalaga ng OIC, pinigil ng SC

September 14, 2011 | 12:00 NN

Pinigil ng Korte Suprema ang pagsasagawa ng halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao sa 2013 kasabay ng national elections.

Sa inilabas na temporary restraining order ang Supreme Court, nakasaad din ang pagbabawal sa pagtatalaga ng mga officers-in-charge sa ARMM.

Binigyang-halaga ng SC ang petisyong kumukwestyon sa Republic Act 10153 na pumapayag para sa synchronization ng ARMM polls sa 2013 elections.

Sinabi ni SC Spokesperson Midas Marquez na mananatili pa rin sa pwesto ang mga incumbent officials ng rehiyon hangga't hindi inaalis ng Korte Suprema ang TRO.

www.dzmm.com.ph

Tuesday, September 13

Miss Angola, tinanghal na Miss Universe 2011; Shamcey Supsup, 3rd runner-up

September 13, 2011 | 12:00 NN

Si Miss Angola Leila Lopes ang tinanghal na Miss Universe 2011.

Sa isinagawang beauty pageant sa Credicard Hall sa Sao Paulo, Brazil, 1st runner-up si Miss Ukraine Olesya Stefanko, 2nd runner-up si Miss Brazil Priscila Machado, 3rd runner-up ang pambato ng Pilipinas na si Shamcey Supsup habang 4th runner-up si Miss China Luo Zilin.

Agad namang inilipat ni Miss Universe 2010 Jimena Navarrete ng Mexico ang korona kay Miss Universe 2011 Leila Lopes.

Mula sa umpisa, kinakitaan ng kumpiyansa si Miss Universe 3rd runner-up Shamcey Supsup dahilan para maging fan favorite siya at tanghalin ding pangalawa sa fan ranking sa swimsuit at evening gown competition.

Sa question and answer portion, tinanong ng aktres na si Vivica Fox si Shamcey kung babaguhin pa niya ang kaniyang relihiyon para sa taong pakakasalan niya.

Sagot ni Shamcey, hindi siya magbabago ng relihiyon para sa taong kaniyang pakakasalan kundi, sinuman ang magmamahal sa kaniya, dapat mahalin din ang kaniyang Diyos at paniniwala.

www.dzmm.com.ph

Monday, September 12

Bilang ng mga taong umasaang uunlad, tumaas

September 12, 2011 | 5:00 PM

NADAGDAGAN ang mga taong umaasa na gaganda at uunlad ang kanilang buhay sa susunod na 12 buwan.
Ito ay batay na rin sa survey ng Social Weather Station nitong Hunyo kung saan tumaas ang net optimism ng publiko ng 27% kumpara noong Marso na nasa 24% lamang.

Sa Personal Optimism Category, umangat ng 10 points ang rate sa Luzon at Metro Manila pero bumaba naman sa Visayas ng 5-points at 3 points sa Mindanao.

Sa Economic Optimism, tumaas ng pitong puntos ang Visayas, 11-points sa Mindanao at 18 points sa Luzon habang nabawasan ng isa sa Metro Manila na nasa 14 points.

Ngunit iginiit ni dating Budget Sec. Benjamin Diokno na walang kinalaman ang personal optimism ng taumbayan sa ginagawa ng gobyerno sa ekonomiya ng bansa dahil personal na opinyon lamang ito ng mga Pinoy na likas ng maging positibo sa buhay.

COMELEC, namamahagi na ng voter's ID


September 12, 2011 | 3:00 PM

Inumpisahan na ng Commission on Elections ang pamamahagi ng mga voter's identification card.

Pero nilinaw ni COMELEC Director James Jimenez na hindi na nila ipadadala sa bawat botante ang ID dahil magastos ito kaya kailangang sadyain ang pagkuha nito sa mga COMELEC office sa kanilang lugar.

24 milyong ID na aniya ang maaari nang kunin sa mga tanggapan ng COMELEC.

Tiniyak naman ni Jimenez na pinag-aaralan na nila ang iba pang paraan para mapadali ang pamamahagi ng mga voter's ID.

www.dzmm.com.ph

9/11 terror attack, ginunita sa iba't ibang panig ng mundo

Ginunita sa iba't ibang panig ng mundo ang ika-10 anibersaryo ng 9/11 attacks sa Amerika.

Sa ulat ng Associated Press, magkakahiwalay na seremonya ang isinagawa sa iba't ibang bansa upang gunitain din ang pagkamatay ng nasa 3,000 tao mula sa 90 bansa.

Sa Maynila, nag-alay ang mga dating informal settlers ng mga rosas, lobo, at dasal para sa American citizen na si Marie Rose Abad, isa sa mga biktima ng terror attacks sa Amerika, kung saan ipinangalan sa kaniya ng mga tao ang kanilang lugar.

Noong 2004, nagtayo ang asawa ni Abad na si Rudy, isang Filipino-American, ng 50 bahay upang tuparin ang kagustuhan ng asawa na makatulong sa mahihirap na Pilipino.

Nagtipon-tipon naman sa isang bar sa Makati ang mga Amerikano upang gunitain ang trahedya at ipinagdasal din ang mga nasawi kabilang ang 20 Pilipino.

Nag-alay din ang international grupo na Mad Dog Motorcycle Club ng bulaklak at dasal sa American Cemetery sa Taguig City para sa mga biktima ng 9/11 attacks.


Isa naman sa mga unang gumunita sa anibersaryo ang mga manlalaro ng American Eagles rugby team sa isang memorial service sa New Plymouth sa New Zealand.

Sa Japan naman, nagtipon-tipon ang mga pamilya sa Tokyo bilang pagpupugay sa 23 empleyado ng Fuji Bank na hindi nakalabas sa World Trade Center.

Sa Australia, Mahigit 1, 000 pamilya sa Sydney ang pumunta sa St. Mary's Cathedral para sa isang multi-faith service.

Nagpadala naman ng sulat si Soth Korean President Lee Myung-bak kay US President Barack Obama upang ipaabot ang kanilang pakikiramay sa mga biktima ng 9/11 tragedy, kanilang mga pamilya, at sa buong Amerika.

Sinabi ni Lee na "unpardonable" ang nangyari at pinapurihan ang kaalyadong bansa sa kanilang pagsugpo sa problema ng terorismo.

www.dzmm.com.ph

Saturday, September 10

Pentagon leader, patay na!

September 10, 2011 | 5:00 PM

NAMATAY na ang notoryus na lider ng Pentagon kidnap for ransom group na si Tahir Alonto.

Bandang alas-12 ng hatinggbai nang bawian ng buhay si alonto sa kanilang bahay sa Pagalungan, Maguindanao.
Kaninang alas-tres ng hapon ay inilibing na rin ang mga labi n Alonto.

Nabatid na dahil sa komplikasyon sa sakit na diabetes namatay ang naturang kilabot na kidnapper.

Ang Pentagon –KFR ay may operasyon sa lalawigan at iba pang bahagi ng Central Mindanao.

www.rmnnews.com

530-bilyong piso inilaan para Tech-Vocational Program

September 10, 2011 | 5:00 PM

Naglaan ang Dept. Of Education ng higit 530-bilyong pisong pondo bilang pagpapaigting sa mga Technical-Vocational Program sa bansa.

Ayon kay Education Sec. Armin Luistro, ang naturang pondo ay gagamitin sa konstruksyon ng mga multi-purpose laboratory workshop sa higit 282 tech-voc high schools sa ilalim ng pamamahala ng DepEd.

Layunin din aniya nitong makapag-produce ng mas maraming skilled workers na maaring makakuha ng mga in-demand na trabaho mapa-lokal man o abroad.

Sakop rin ng naturang pondo ang pagbibigay ng sertipikasyon sa mga tech-voc graduates na mula sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.

www.rmnnews.com

Mga negosyante , binalaan ng DTI

September 10, 2011 | 3:00 PM


HUWAG gamiting dahilan ang tumataas na presyo ng gasolina para itaas ang pangunahing bilihin.

Ito ang panawagan ni Department of Trade and Industry (Dti) Undersecretary Zeny Maglaya sa Dzxl kaugnay sa walang humapay na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa.

Ayon kay Maglaya, maliit lamang ang epekto ng pasenti-sentimong oil price hike kaya hindi nararapat na manamantala ang mga negosyante rito.

Magandang balita naman ang ibinahagi ni maglaya dahil aniya, bumaba na ang presyo ng gulay habang nananatili naman sa suggested retail price (Srp) ang presyo ng sardinas.

Pina-alalahanan rin nito ang publiko na kung mayroong nakikitang problema sa presyo o kalidad ng mga produkto ay maaari lamang na makipag-ugnayan sa alinmang tanggapan ng DTI.

Mga kandidata sa Miss Universe 2011, nagpatalbugan sa preliminary pageant

September 10, 2011 |  12:00 NN

Nagpatalbugan sa preliminary pageant ang mahigit 80 kandidata sa Miss Universe 2011 sa Sao Paolo, Brazil.
Isa-isang nagpakilala ang mga contestants suot ang kanilang evening gown kasunod ang pagrampa, suot naman ang official bikini.

Elegante sa kaniyang evening gown si Miss Philippines Shamcey Supsup kaya tiwala si Binibining Pilipinas Charities President Stella Araneta na malayo ang mararating ng pambato ng Pilipinas.

Tinanghal na Miss Congeniality si Miss Montenegro habang Miss Photogenic Universe naman si Miss Sweden.

Mayroong pitong judge sa preliminary pageant na pipili ng top 15 pero sa coronation night lang malalaman kung sino-sino ang mga ito.

Ibang set naman ng judges ang pipili kung sino ang tatanghaling Miss Universe 2011 kung saan kasama ang Tony Award-winning singer at actress na si Lea Salonga.

Magaganap ang Miss Universe 2011 sa September 13, araw ng Martes.

Friday, September 9

'Brodkastreeing' ng KBP-NE gaganapin sa Oct 1

September 9, 201 | 5:00 PM


Kasabay ng lahat ng Kapisanan ng mga Brodkaster (KBP) Chapters sa buong bansa, magsasagawa ang KBP Nueva Ecija Chapter ng isang Tree Planting Project na tinawag nitong "Brodkastreeing". Ang Brodkastreeing ay magaganap sa October 1, 2011 sa Palayan City, Nueva Ecija.


Nagkasundo sina Joy Galvez Dominado, chairperson ng KBP-Nueva Ecija at Dr. Abraham Pascua, provincial director ng DILG na magtulungan upang makapagtanim ng may 5,000 puno sa October 1 bilang pakikibahagi na rin sa National Greening Program o NGP ng DENR.


Bukod sa mga brodkaster ng Nueva Ecija, inaasahan ding makikiisa sa "Brodkastreeing" ang Philippine Councilors League Nueva Ecija, Liga ng mga Barangay Nueva Ecija, Panlalawigang Pederasyon ng Sangguniang Kabataang ng Nueva Ecija, at ilang non government organizations.


Nakibahagi na rin ang KBP sa paglulunsad ng NGP noong July 25.


Layon ng NGP na makapagtanim ng isang bilyong puno hanggang 2016.


BiG SOUND fm and DZXO am Newsteam 







Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons