Wednesday, December 7

PNP, inihahanda na ang seguridad para sa 'Simbang Gabi'

Pinaghahandaan na ng Philippine National Police (PNP) ang ilang security measures para sa taunang "Simbang Gabi" na magsisimula sa December 16.
 
Naglabas ang PNP ng Letter of Instruction 42-2011, isang listahan kung saan nakasaad ang ilang patnubay upang masiguro ang kaligtasan ng publiko sa mga lugar na diradayo ng mga tao, kabilang na ang mga simbahan.
 
Inutos na rin ni PNP chief Director General Nicanor Bartolome ang pagkakaroon ng dagdag alerto sa Metro Manila at Cordillera at pati na rin sa national headquarters at mga national support unit.
 
Inulit ni Bartolome ang utos nitong full alert status sa Regions 9, 10, 11, 12, 13, ARMM at Special Action Force troopers matapos ang naganap na pambobomba sa Mindanao.
 
Milyon ang inaasahang dadalo ng Simbang Gabi, itinuturing isa sa mga natatanging tradisyon ng mga Pilipino tuwing pasko.
 
Siyam na araw simula December 16,  dadalo ang mga Pilipinong Katoliko sa mga simbahan bago mag-umaga bilang novena.
 
Nagtatapos ang Simbang Gabi sa Misa de Gallo, ang misa na magaganap ng Bisperas ng Pasko.

Friday, December 2

Brown rice, malapit nang isama sa menu ng mga fastfood chain

Malapit nang maisama sa menu ng ilang kilalang fastfood chain ang "brown rice" o "unpolished rice".

Ayon kay Philippine Rice Research Institute (PhilRice) National Rice Awareness Coordinator Ella Lois Bestil, konting panahon na lamang ang bibilangin at iaalok na rin ang mas masustansyang brown rice sa mga sikat na kainan bukod sa karaniwan nang maputing kanin.

Sinabi ni Bestil na kabilang sa mga tinatarget ng PhilRice para maghain ng brown rice sa mga parokyano nito ang mga fastfood chain at restaurant.

Aniya, puspusan silang nakikipag-ugnayan sa mga may-ari ng iba't ibang fastfood chain upang mai-promote ang brown rice sa publiko dahil sa mas mataas na taglay nitong bitamina at fiber na higit na mainam sa kalusugan ng tao.

Gayundin, patok din ang brown rice sa mga nagpapapayat dahil siksik ito sa dietary fiber, hindi tulad ng karaniwang kanin.

Bagama't medyo may kamahalan pa rin ang presyo ng brown rice kumpara sa puting kanin, mas magiging mura rin ito kapag tinangkilik na ng publiko.

'Longest coin line' world record, nasungkit ng Pilipinas

Tagumpay na nabuwag ng Pilipinas ang rekord ng Amerika na may pinakamahabang linya ng barya.

Nakatakda nang tanghalin ang Pinas sa Guinness' Book of World Records bilang bansang may "longest coin line".

Umabot sa 68  kilometro ang linya ng mga bente singko sentimos na mas mahaba sa 64.88 kilometers na world record ng Amerika.

Nasa 3.5 milyong piraso ng mga bente singkong barya ang nilatag sa Quirino Grandstand sa Maynila.

Sa kabuuan, nagkakahalaga ito ng P850,000.

Kukunin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga barya at papalitan ng perang papel, na siyang ibibigay sa Deparment of Education (DepEd) bilang donasyon sa pagpapagawa ng mga classroom.

Thursday, December 1

'Lolong,' pang-9 sa Top-20 most shared stories sa Facebook

Si "Lolong," na bago lang napatunayang pinakamalaking nahuling buwaya sa buong mundo, ay isa sa Top-20  most-shared na istorya sa Facebook – pang-9 sa listahan.

Ang pinakauna ay ang magnitude-9 na lindol sa Janpan noong Marso.

Ayon sa Facebook, ang top articles at video na pinagpasa-pasahan ng mga subscribers nitong taon ay mula "cute" hanggang sa mga tinatawag na "thought-provoking" stories.

Ayon sa Facebook, nangunguna sa mga tinitingnan ng subscribers nito ang satellite photos ng Japan bago pa man at matapos mangyari ang killer quake, ang inilathala ng The New York Times noong Marso.

Samantala, ang mga kuwento ng buwayang si Lolong na inilathala ng Associated Press at inilabas din ng Yahoo! News ay pang-siyam sa most read.

Kabilang din sa Top-20 stories at photos ang pagpanaw ng Apple co-founder at dating CEO na si Steve Jobs.

Singil sa text, 80 centavos na lang mula Nov. 30

Ibinaba na ang singil ng short messaging service (SMS) mula P1 hanggang 80 centavos bawat text message simula kahapon.

Sinabi ni National Telecommunications Commission (NTC) deputy commissioner Delilah Deles na ibababa na ng Smart Communications, Globe Telecom, at Sun Cellular ang kanilang singil sa SMS.

Nauna nang naglabas ng isang memorandum circular ang NTC kung saan nakasaad ang kanilang utos na babaan ng 35 centavos hanggang 15 centavos ang kanilang singil sa bawat text –  na ang kalalabasan ay 80 centavos na lamang bawat text.

Nakasaad din sa circular na dapat ang network providers “should provide the interconnection links or circuits” upang masiguro na 99 percent ng text message ay dapat makarating sa kanilang destinasyon sa loob ng 30 segundo lamang.

Tuesday, November 29

DTI, nagbabala kaugnay ng mga discounted deal sa Internet

Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) kaugnay ng mga naglipanang discounted deal sa Internet.

Ito ay sa harap ng ilang reklamo na natanggap ng ahensya hinggil sa mga kumpanya na nag-aalok ng pekeng discounted travel deals sa Palawan, Boracay at iba pang bakasyunan.

Nilinaw ni Carolina Carbonell, officer-in-charge ng Consumer Assistance and Protection Division ng DTI-National Capital Region (NCR), ligal ang mag-alok ng mga discounted deals sa Internet pero dapat aniyang ingatan ang bawat transaksyon dito.

Narito ang mga tips na ibinigay ng DTI.

1. Suriin ang website bago kumagat sa alok.

2. Subukan ang mga contact information  kung gumagana.

3. Alamin ang patakaran sa refund o kanselasyon.

4. Mag-check sa mga social networking forum bago tuluyang bumili.

Para naman sa mga nabiktima ng pekeng discounted deals, maaaring maghain ng reklamo sa pamunuan ng DTI-NCR.

Bonus ng mga LGU employees, bukas na!

BUKAS NA!
 
Ito ang inihayag ng Department of Budget and Management kaugnay sa ipapamahaging Christmas bonus o Productivity Enhancement Incentive  sa may 1.6 milyon na government employees sa November 30.

Ayon kay Budget Sec. Florencio Abad, ang kabuuang total year-end bonus ay nagkakahalaga ng P27.82 billion.

Ang nasabing bonus ay karaniwang ibinibigay tuwing magpa-Pasko kung saan P7,000 ang galing sa national government habang P3,000 naman mula sa mga concerned agencies.

Una nang itinanggi ni Abad ang report na walang pera ang gobyerno kaya malabo pang maibigay ang bonus ng mga government employee.

Friday, November 25

Natipid na pondo ng PNoy govt, dapat daw gawing Xmas bonus sa mga kawani

Maaaring maging galanteng Santa Claus si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ngayong Pasko sa mga kawani ng pamahalaan kung ipamamahagi niya bilang bonus ang malaking natipid ng gobyerno ngayong taon.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, sa tinatayang P175.9 bilyon na pondo na naipon dahil sa ginawang pagtitipid ngayong taon, sinabi ni Aurora Rep. Juan Edgardo Anagara, na kayang-kaya ni Aquino na magbigay ng tig-P10,000 Christmas bonus sa 1.1 milyong kawani ng pamahalaan.

Dahil sa ginawang pagpigil na gumastos ngayong taon, naibaba ng pamahalaang Aquino ang budget deficit ng bansa sa P53 bilyon, malayo sa P260 bilyon na naitalaga noong nakaraang taon.

Sa 2012, tinatayang maibaba naman sa P180 bilyon ang deficit, kumpara sa naunang pagtaya na P300 bilyon. Dahil dito, sinabi ni Angara na kayang magbigay ni Aquino ng mas maagang Christmas bonus sa mga government worker ngayong 2011.

Hassle-free holiday, target ng PNP

TARGET ng Philippine National Police na maging hassle-free ang holiday season.
 
Ito’y matapos dagdagan ng PNP ang kanilang pwersa sa paglalatag ng seguridad bilang paghahanda sa Christmas season.

Kasabay nito, muling nanawagan si PNP Chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome sa publiko na lalong maging vigilante at iwasan na mabiktima ng mga mandurukot at snatcher.

Samantala, pinaalalahanan din nito ang kanyang 140, 000 tauhan sa buong bansa na huwag mag-solicit sa panahon ng Pasko.

APIR kontra paputok, inilunsad na ng DOH

LAYUNIN ng programang APIR na mabigyan ng maagang impormasyon ang publiko laban sa nakamamatay na firecrackers.
 
Ayon kay Health Sec. Enrique Ona, tinawag nilang APIR ang kanilang tema ngayong taon na ang ibig sabihin ay “Aksyon: Paputok Injury Reduction”, kung saan target nilang maisalba ang mga daliri ng bawat isa laban sa mga paputok.

Pinaalalahanan din ni Ona ang taumbayan na ang holiday celebration ay maaari namang maging kumpleto at stress-free kung magdidiwang ng maayos at ligtas.

Thursday, November 24

Yemeni President, tuluyan nang bumigay



Nilgadaan na ni Yemeni President Ali Abdullah Saleh ang Power Transfer Deal kung saan nagsasaad na ililipat ang kaniyang kapangyarihan sa deputy nitong si Abd-Rabbu Mansour Hadi.

Sa ilalim ng kasunduan, magbibitiw sa tungkulin si Saleh at si Hadi ang hahali sa iiwan nitong puwesto.

Ang naturang Power Transfer Deal ay para mailigtas sa gagawing pag-uusig si President Saleh.

Kabilang sa mga dumalo at sumaksi sa paglagda ng power deal ay sina Saudi King Abdullah Bin Abdulaziz, Gulf Cooperation Council (GCC) Chief Abdullatif Al-Zayani at U.N. Envoy to Yemen Jamal Bin Omar.

Kauna-unahang OFW and Family Summit, dinagsa

DUMAGSA ang mga pamilya ng mga OFW sa kauna-unahang OFW and Family Summit sa World Trade Center sa Pasay City.
 
Ayon kay Senador Manny Villar, ang pangunahing layunin ng summit ay  maturuan ang mga OFW at ang kanilang pamilya sa pagnenegosyo gamit ang kanilang mga naipon sa abroad.

Samantala, tampok din dito ang pamamahagi ng mga food cart business at isa ang posibleng manalo ng house and lot sa isasagawang raffle.

Ang naturang programa ay handog ng Villar Foundation katuwang ang Go Negosyo.

Sektor ng agraryo sa Nueva Ecija, palalakasin

MAY bagong proyekto sa Nueva Ecija.
 
Nakatakda nang ilabas ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang P25.12 million na pondo sa konstruksyon ng farm-to-market road sa San Isidro, Nueva Ecija.

Ayon kay DAR, Secretary Gil delos Reyes makikinabang sa kanilang proyekto ang Agrarian Reform Community sa Satamapu kung saan mapapadali na ang kalakalan ng mga magsasaka sa lugar.

Ang bagong road project sa San Isidro, Nueva Ecija ay may habang 3.5 kilometers kung saan mas mapapadali ang kalakalan sa Barangay Pulo, Mangga at Tabon patungo sa mismong highway ng probinsya.

Wednesday, November 23

Memorial marker para sa mga taga-media na biktima ng Maguindanao massacre, pasisinayaan ng NPC; CLSU nakiisa sa paggunita

Pasisinayaan ng National Press Club (NPC) ang isang memorial marker para sa mga mamamahayag na kasamang nasawi sa Maguindanao massacre.

Ito'y bahagi ng paggunita sa ikalawang anibersaryo ng masaker kung saan 32 mamamahayag ang kasamang namatay.

Ayon kay NPC President Jerry Yap, nakaukit sa marker ang pangalan ng 32 biktima para magsilbing alaala ng sinapit na karahasan ng media.

Isasagawa ang pagpapasinaya sa NPC grounds sa Maynila mamayang ala 1:00 ng hapon na susundan ng prayer rally bandang alas 4:00 ng hapon na lalahukan ng iba't ibang media organization.


Samantala, ilang mag-aaral naman sa Central Luzon State University ang nagsagawa ng kampanya laban sa impunity kaninang umaga, kaalinsabay na rin ng kanilang paggunita sa ikalawang anibersaryo ng Maguindanao Massacre. 


Matapos magmartsa sa buong pamantasan, nagpiket ang mga estudyante sa CLSU main gate na pinangunahan ng CSLU Collegian, ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng nasabing pamantasan.

Tuesday, November 22

Pacman, may 3D video game na!

TILA may hang-over pa rin ang buong mundo sa kakatapos na laban nina 8-Division World Champion Manny Pacquiao at ang pambato ng Mexico na si Juan Manuel Marquez.

Ilalabas na kasi ng Abu Dhabi ang 3D action packed games kung saan pinagbibidahan ito ng Pambansang Kamao.

Nabatid na ang Manny Pacquiao: Pound for Pound: Volume 1 ay pwedeng i-upload sa mga Iphone, Ipod touch at Ipad.

Nakapaloob sa naturang video games ang istilo sa paglalaro ni Pacman.

'Ipa' power plant, itatayo sa Luzon

SA pamamagitan ng ipa mula sa palay, makakapagtayo na ng planta ng kuryente.
 
Ayon kay DTI Usec.  Merly Cruz, isang 'eco-friendly' na planta ng kuryente ang balak nilang patakbuhin gamit ang ipa.

Ang naturang proyekto ay may pondong P1.23-bilyon na bahagi ng 51 investment project ng administrasyong Aquino.

Inaasahang tutugon ito sa pangangailangan sa kuryente ng mga lalawigan sa Central Luzon.

Para makalikha ng kuryente, nakadisenyo ang 9.9 megawatt na planta na gumamit ng ipa ng palay na kadalasan ay sinusunog o pinapabulok lamang ng mga magsasaka.

Nabatid na bukod sa eco-friendly ang itatayong proyekto, makakapagbenta rin daw ng kuryente ang naturang pasilidad sa National Grid.

2 patay sa stampede sa SEA Games

Dalawang Indonesian ang patay matapos magkaroon ng stampede sa football finals ng Southeast Asian Games (SEAG) sa Palembang, Indonesia.

Base sa report ng Associated Press (AP), nag-unahan ang mga manonood na makapasok sa 80,000 seat-Bung Karno stadium na sanhi ng stampede.

Sa nasabing football final match, idinepensa ng Malaysia ang kanilang gold medal sa regional tournament laban sa Indonesia.

Friday, November 18

Pagbubukas ng Advertising Congress sa Camsur, matagumpay

Naging matagumpay ang pagbubukas ng 22nd Advertising Congress sa Camarines Sur.

Nagsama-sama ang higit 3,000 delegado mula sa larangan ng advertising, marketing at communications para sa Ad Congress na ginaganap sa Pili, Camarines Sur na may temang "Change the Game".

Layon ng okasyon na magkaroon ng panibagong pagtingin sa nagbabagong trend sa mundo ng advertising.

Kabilang sa mga itinuturing na game changers ang mga Pinoy na nagbigay ng karangalan sa bansa tulad nina 2011 Miss Universe 3rd runner-up Shamcey Supsup at Pinoy Black Eyed Peas member apl.de.ap.

Thursday, November 17

Pacquiao, hindi na pinansin ang pagtapak ni Marquez sa kanyang paa

Hindi na pinansin ni pound-for-pound king Manny "Pacman" Pacquiao ang mga kumakalat na video at larawan sa Facebook na nagpapakita nang ilang beses na pagtapak ng katunggaling si Juan Manuel Marquez sa kanyang paa sa kasagsagan ng laban.

Sinabi ni Pacman na parte lamang ito ng laban.

Nakarating na sa Los Angeles, California si Pacquiao at magpapahinga muna roon bago bumalik ng Pilipinas.

Nakauwi na naman sa Mexico ang nakalaban niyang si Marquez.

Dinumog siya ng mga fans at media at kita pa sa kanyang noo ang sugat na nakuha sa laban.

Dahil sa nangyari sa bakbakan nila ni Pacman, pag-iisipan muna ni Marquez ang susunod na hakbang para sa kanyang boxing career.

Temperatura sa Baguio, patuloy sa paglamig

Patuloy na bumababa ang temperatura sa Baguio City dahil sa pagpasok ng taglamig.

Sa tala ng PAG-ASA, bumagsak na sa 13.8 degrees celsius na ang temperatura sa Baguio City buong araw kahapon, ang pinakamalamig na naitala sa mga nagdaang linggo.


Pero kasabay nito, tumaas din ang respiratory diseases. Ayon sa ulat, mula Oktubre, tumaas ng 151 porsyento o nasa 123 na ang bilang ng mga nagkakasakit ng pneumonia, sipon at upper respiratory tract infection.


Dagsa na rin ang mga nagpapasuri ng mga karamdaman sa baga sa La Trinidad, Benguet.


Sa kabila nito, maraming turista ang naaakit pa rin sa lamig ng lungsod ng Baguio.


Ayon pa sa PAGASA-DOST, mararamdaman ang pinakamalamig na temperatura sa Baguio hanggang Pebrero.


Dahil dito, ipinapayo ng mga doktor na uminom ng maraming tubig, Vitamin C at kumain ng masustansyang pagkain para malabanan ang sakit.

Wednesday, November 16

De Lima, nanindigang ipatutupad ang WLO vs Arroyo kahit natanggap na ang kopya ng TRO

Nanindigan si Justice Secretary Leila de Lima na ipatupad ang watchlist order (WLO) laban sa mag-asawang Arroyo kahit hawak na ng kanyang tanggapan ang kopya ng temporary restraining order (TRO) na inilabas ng Korte Suprema.

Ayon kay De Lima, ipata-transmit niya ang kanyang written order sa Bureau of Immigration (BI) na huwag kilalanin ang TRO at ipatupad ang WLO habang hinihintay niya ang mga kinatawan ng Office of the Solicitor General (OSG) para sa paghahain ng motion for reconsideration.

Sinabi ni De Lima na mananatili ang kanyang direktiba sa BI at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) personnel na hindi maaaring makalipad ang mag-asawang Arroyo.

Giit pa ni De Lima, bagama't ang TRO ay isang pansamantalang agarang remedyo, ito'y maituturing na pambihirang pagkakataon o kaso kaya hindi maaaring i-apply ang general rule.

Binigyang-diin ng kalihim na kailangan munang maisagawa ang oral argument ng magkabilang kampo sa Martes sa harap ng 15 mahistrado ng Korte Suprema.

Tuesday, November 15

SC pinahinto ang WLO sa mag-asawang Arroyo

Pansamantalang ipinahinto ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng watch list orders para kay dating pangulo at ngayo'y Pampanga congresswoman Gloria Macapagal Arroyo at asawang si dating first gentleman Jose Miguel "Mike" Arroyo.

Ayon sa source, walo ang bumoto pabor sa TRO kasama na si Chief Justice Renato Corona, Jose Perez, Diosdado Peralta, Presbitero Velasco, Roberto Abad, ant Arturo Brion.

Ang mga may taliwas namang opinyon ay sina Antonio Carpio, Jose Mendoza, Lourdes Sereno, Bienvenido Reyes, and Estela Bernabe, ayon pa rin sa source.

Nasa official leave naman ang dalawang mahistradong sina Mariano del Castillo and Teresita de Castro.

Matantandaang inilagay ng Department of Justice sa Immigration watch list order ang mag-asawang Arroyo dahil sa mga kasong inihain laban sa kanila.

Humingi ng permiso si Gng. Arroyo sa DOJ upang makapagpagamot ng kanyang bone disorder sa ibang bansa, subalit hindi ito pinagbigyan ng nasabing ahensiya.

Bilang ng turista sa Puerto Princesa City, lomobo na

Halos triple ang inilobo ng bilang ng mga turistang nagtutungo sa Puerto Princesa City mula nang lumahok ang Underground River sa contest ng New 7 Wonders of Nature.
  
Inihayag ni City Mayor Edward Hagedorn na mula sa dating 160, 000 na turista kada taon na nagtutungo sa kanilang lugar, pumalo na ito sa 425, 000 na turista bawat taon.
  
Kaya mula anya sa dating tatlong flight ng eroplano kada araw ay 11 flights na ang bumibiyahe sa bawat araw.
  
Ayon kay Hagedorn, natutuwa sila sa anunsyo ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na gagawing prayoridad ang pagpapalaki ng airport sa Puerto Princesa.

Debate para sa 2012 National Budget, sisimulan na

AARANGKADA simula ngayong araw ang debate hinggil sa National Budget para sa taong 2012.
 
Nakatakdang i-deliver ni Finance Committee Chairman Senator Franklin Drilon ang Sponsorship Speech para sa panukalang P1.816-Trillion General Appropriations Act.

Ayon kay Drilon, target nilang tapusin ang debate hangang November 18 upang maaprubahan na ito sa third at final reading sa November 21.

Nais kasi ng mga mambabatas na maisumite na ito kay Pangulong Benigno Aquino III bago ang Christmas holidays.

Pinoy athletes, may 8 gintong medalya na sa SEAG

Walong gintong medalya na ang nasungkit ng Philippine team sa 26th Southeast Asian Games (SEAG) sa Palembang, Indonesia.

Ngayong Lunes, dinagdagan ni  Dennis Orcullo ang gintong medalya ng bansa, matapos magwagi sa Men's 8-ball.

Dalawang silver din ang nadagdag;  isa sa Men's 3-meter Synchronized Diving nina Ryan Nino, Carog Bedoya at Jaime Asok, at isa sa Kumite Team Karate Do.

Ipinagbunyi ng mga atleta ang unang gold noong Sabado sa Long Jump event mula kay Maristela Torres na binasag ang sariling SEAG record noong 2009 na 6.68 meters at naitala ang 6.71 meters .

Gold din ang nauwi ng 3000-meter Steeple Chase si Rene Herrera; Team Pomsae event ng Taekwondo nina Rani Ortega, Camille Alarailla, at Janice Lagman, at 62 kg Female Taekwando event ni Maria Camille Manalo.

Isang gold din ang nakuha ng Pinoy athletes sa pamamagitan ni Ina Flores sa Women's Wall Climbing.

Ang dalawang unang silver naman ay nasungkit sa swimming nina Dorothy Hong sa 200-meter backstroke at Jessie Lacuna sa 200m freestye.

Sa iba pang laro, inilampaso ng Sinag Pilipinas Basketball team ang Cambodia 127 - 68 para sa una nilang laban ngayong Lunes gayundin ang Women's Basketball team na tinalo ang Malaysia, 64-56.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 8 golds, 14 silvers at 20 bronze medals ang Philippine team.

Malaki-laki pa ang hahabulin ng mga atletang Pinoy sa natitirang siyam na araw ng kumpetisyon para maabot ang target ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) na makakuha ng 70 gold medals at makapangatlo sa standing.

P10 minimum na pasahe sa jeep, inihirit ng transport groups

Humihirit ng P10 minimum na pasahe sa jeep mula sa kasalukuyang P8 ang anim na transport group.

Sabay-sabay na ipinasa ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), Pasang Masda Nationwide Inc. (Pasang Masda), Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), LTOP at Transporter ang kanilang petisyon upang magtaas-pasahe, kasunod nang muling pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ngayong Lunes.

Hiling ng mga transport group na habang dinidinig ang kanilang petisyon ay ibalik na muna ang P8.50 minimum fare sa jeep.

Giit nila, panay lang ang pangako at wala namang nagawa ang gobyerno para maibsan ang pasakit sa mga tsuper.

Lunes ng umaga, P1.90 kada litro ang itinaas sa diesel at P.65 naman sa gasolina.

Ito na ang ika-25 pagtaas sa diesel ngayong taon na umabot na sa halos 20 piso.

Sa sangkaterbang taas-presyo, 17 naman ang rollback na umaabot sa kabuuang halos P8.

Monday, November 14

Pacquiao, dumipensa sa mga kontrobersya sa kanyang pagkapanalo kay Marquez

Bumuwelta si WBO Welterweight Champion Manny Pacquiao sa mga bumabatikos sa kanyang pagkapanalo laban kay Mexican boxer Juan Manuel Marquez kahapon.

Sa isang panayam, sinabi ni Pacman na hindi parating one-sided ang kaniyang panalo at meron talagang mga pagkakataong close-fight ang nagiging resulta.

Nasanay lamang anya ang mga tao na palaging malinaw at malayo ang nagiging agwat niya sa mga nakakaharap sa ring at hindi rin lahat ng panalo ay madali.

Inamin naman ng People's Champ na inatake siya ng leg cramps sa kasagsagan ng laban kaya nawala ang balanse niya maging ang footworks.

Hindi aniya niya matiyak kung dahil sa sobrang pag-i-ensayo kaya nagkaroon siya ng leg cramps.

Sinabi ni Pacman na nagpapasalamat siya sa Diyos at naipanalo pa rin ang laban.

Pilipinas, naka-16 na medalya na sa SEAG

Nakapagtala na ng 16 na medalya ang Pilipinas sa 26th Southeast Asian Games (SEAG) sa Palembang, Indonesia.

Nakasungkit na ng apat na gold, tatlong silver at siyam na bronze medals ang mga atletang Pinoy.

Samantala, hindi naman makakalaro bukas ang team captain ng Philippine Under 23 Azkals na si Matthew Hartman sa laban sa Myanmar dahil sa biglaang pag-uwi nito sa bansa.
  
Si Joshua Beloya  na nagpanalo sa laban ng U23 Azkals kontra sa Laos ang tatayo muna bilang team captain ng koponan.

Saturday, November 12

Mga Pinoy sa mga lalawigan, handa na sa bakbakang Pacquiao-Marquez bukas; Mommy D, nagpaiwan sa Gensan

Handa na ang mga Pinoy mula sa iba't ibang lalawigan para sa huling tapatan nina boxing superstar Manny "Pacman" Pacquiao at Juan Manuel Marquez.

Sa General Santos Gym, abala na ang mga empleyado sa paglagay ng mga upuan para sa libo-libong manonood ng pay-per-view ng bakbakang Pacquiao-Marquez.

Ngayong gabi naman ilalagay ang dalawang wide screen at sound system.

Aasahan din na mas maraming kababayan ni Pacman ang makakapanood ng laban bukas dahil sa sinet-up na libreng pay-per view sa anim na barangay sa lungsod.

Sa kabilang dako, nagpaiwan si Mommy Dionisia Pacquiao sa Gensan para doon panoorin ang laban ng anak.

Mailap din ito sa media para di raw ito ma-stress sa laban ni Pacman.

Nagpahinga na lamang ito sa bahay at hindi na tumungo sa simbahan gaya ng dating kinagawian.

Puerto Princesa Underground River, isa sa New 7 Wonders of Nature

Pasok ang Puerto Princesa Underground River ng Palawan sa New Seven Wonders of Nature.

Base sa inilabas na provisional result sa website na new7wonders.com, kabilang ang Puerto Princesa Underground River sa may pinakamaraming boto kasama ang Amazon rainforest Halong Bay ng Vietnam, Iguazu Falls ng Argentina, Jeju Island ng South Korea, Komodo Island ng Indonesia at Table Mountain ng South Africa.

Ayon sa Swiss Foundation na New7Wonders, sa unang bahagi pa ng susunod na taon iaanunsyo ang pinal na resulta ng botohan at posibleng may mabago pa sa mga provisional winners at final list.


Nagpasalamat naman si Bernard Weber, ang Founder-President  ng New7Wonders sa lahat ng nakiisa at nag-promote ng New7Wonders of Nature campaign sa nakalipas na apat na taon 

Mula sa mahigit 440 magagandang lugar sa 220 bansa sa mundo, ay napili ang 28 final candidates na siya namang pinagpilian ng New7Wonders of Nature.

Friday, November 11

Anti-Epal Bill, mas pinalawak

MAS malawak na ang sakop ng Anti–Epal Bill.

Gusto na kasing isama ng author ng naturang panukalang batas na si Sen. Miriam Santiago ang mga politko na mahilig maglagay ng streamers sa kung saan–saan para lang batiin ang kaniyang mga nasasakupan.

Ayon din sa Anti–Epal Bill ni Santiago kasama sa makakasuhan ay ang mga government officials na maglalagay ng kanilang pagmumuka o pangalan sa mga ambulansya trak ng bumbero o kahit anong bagay o gamit na binili gamit ang pero ng taumbayan.

Dahil naman sa popularidad na tinatamasa ng nasabing panukalang batas ay umaasa si Santiago na maipapasa ito sa kasalukuyang kongreso.

DOH, kailangan ng mahigit 11,000 health workers ngayong buwan

Nangangailangan ang pamahalaan ng mahigit 11, 000 health workers ngayong buwan para sa programang pangkalusugan ng Department of Health (DOH) sa kanayunan.

Ito ang inihayag ni Health Assistant Secretary Dr. Nemesio Gako, sa idinaraos na 6th Asia-Pacific Action Alliance on Human Resources for Health Conference sa Cebu City,

Kabilang sa mga kukunin ay 11,500 nurses at mahigit 1, 000 komadrona o midwife.

Itatalaga anya ang mga ito sa mga kanayunan partikular sa mga mamamayan na nasa ilalim ng conditional cash transfer (CCT) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Isang taon anya ang kontrata sa bawat health worker na tatanggap ng P8, 000 sahod kada buwan bukod pa sa libreng health insurance.

PP Underground River, iboto sa huling araw

Ngayon na ang huling araw, 11-11-11 para maiboto ang Puerto Princesa Underground River para mapabilang sa New 7 Wonders of Nature. Para makaboto at sa iba pang detalye, bisitahin ang website, www. new7wonders.com

'Paskong Ligtas Program,' ilulunsad ng DSWD para sa mga batang lansangan

Ilulunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 'Paskong Ligtas Program' naglalayong iiwas sa panganib ang mga batang lansangan na nagka-carolling sa mga kalye.

Ayon kay DSWD Secretary Dinky Soliman, nakikipag-ugnayan na sila sa mga local government units (LGU) para matukoy ang mga batang lansangan na makakasama sa programa. 

Nakikipag-ugnayan na rin anya sila sa mga mall sa Metro Manila para sa planong pangangaroling ng mga bata simula Nobyembre 18 hanggang Disyembre 15 para matigil na ang animo'y pakikipag-patintero ng mga ito sa mga sasakyan sa kalye na kung minsan ay nauuwi sa aksidente. 

Tinatayang aabot sa 1,000 bata ang makakasama sa programa ng kagawaran.

Plano ring bigyan ng DSWD ng P75,000 na insentibo ang mga barangay na tuluyang makapagpapaalis ng mga bata sa lansangan.

Thursday, November 10

Simbahang Katolika, magsasagawa ng pagdarasal bukas para sa kapayapaan

Pangungunahan ng 11,000 kabataan ang pagdarasal ng rosaryo para sa world peace na may temang 11-11-11 ganap na alas 11:00 ng umaga bukas sa Cathedral of Saint John the Evangelist sa Dagupan City.
  
Kaugnay nito, hinikayat ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mamamayan na samahan sila sa pagdarasal ng rosaryo bukas para sa kapayapaan sa buong mundo.
  
Nagbabala naman si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa mga kasabihan o superstition na maswerte ang petsang ito dahil walang katotohanan ang mga paniniwala hinggil sa kasaganaan na maaaring dalhin ng nasabing petsa.
  
Binigyang diin ni Villegas na sa halip na umasa sa mga pampaswerte o 'secret charms', mas dapat aniyang ibigay ang atensyon ng mamamayan sa Panginoong Diyos.

DepEd, naghahanap ng alternative learning system para sa out-of-school youth at matatanda

Naghahanap ang Department of Education (DepEd) ng pinakamahusay na alternative learning system (ALS) para sa out-of-school youth at matatanda.

Ayon sa DepEd Memorandum 245 Series 2011, sinabi ni Education Secretary Armin Luistro na layunin nitong makilala ang mga division office sa bansa na nagpapakita ng mahusay na pagsusulong ng karunungan sa pagbabasa at pagsusulat.

Ayon kay Luistro, ang ALS ay mabisang programa ng DepEd para maabot ang mga mag-aaral sa maraming lugar.

Ang paghahanap ng ALS ay bukas sa lahat ng DepEd divisions sa buong bansa na nahahati sa city at provincial divisions na nagpapatupad ng programang ito.

Ang deadline ng pagpapasa ng kalahok ay sa Pebrero 15, 2012 at ang awarding ceremony ay gaganapin sa Abril, 2012.

Mga barya, gamitin - DTI NE

Pinaalalahanan ni Department of Trade and Indutry Nueva Ecija Provincial Director Brigida Pili ang mga mamamayan na gamitin ang mga barya sa mga transaksyon lalo na sa pagpasok ng kapaskuhan.


Ayon kay Dir. Pili, problema kahit ng mga mall at supermarket ang kakulangan sa baryang panukli. Gawain na daw kasi ng ilang mamimili na mag-abot ng buong pera kaysa magbayad gamit ang mga barya. 


Sa kabilang banda, pinaalalahanan din ng DTI Prov'l Director ang mga negosyante, may-ari ng mga tindahan, at driver ng mga pampublikong sasakyan na tanggapin bilang bayad ang mga beinte singko sentimos.


Sinegundahan ito ni Remedios Ilagan, Senior Currency Specialist Cash Department ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Aniya, dapat tanggapin ng sinuman ang mga barya, beinte singko sentimos pababa bilang bayad sa produkto o serbisyo. Maliban na lamang daw kung hihigit sa isang daang piso ang transaksyon.


Kinwestyun din ni Pili ang isang game show sa telebisyon kung saan binibigyan ng karampatang premyo ang isang contestant base sa bigat ng baryang nahakot nito. Isa raw kasi itong paraan para pigilan ang sako-sakong barya sa pag-circulate. 

Sinasalungat din ng Direktor ang tradisyonal na coin throwing, paglalagay ng barya sa semento. Dagdag pa niya, ang pera, barya man o buo ay hindi dapat ginagamit sa ibang paraan, maliban na lamang sa paggasta nito.



BSP, ipinaliwanag ang kanilang mahalagang papel sa ekonomiya ng bansa

Nagsagawa kahapon ang Bangko Sentral ng Pilipinas ng isang seminar na nagpapaliwanag sa mahalagang papel na ginagampanan ng ahensiya sa ekonomiya ng bansa.

Sa tawag na “Be up to SPeed on BSP”, ang naturang seminar ay ginanap sa Plaza Leticia, Cabanatuan City at dinaluhan ng humigit kumulang sa 300 partisipantes mula sa iba’t-ibang sektor.

Ipinaliwanag ng mga tagapagsalita na mula pa sa BSP national office ang tatlong suhay o pillar ng BSP: ang price stability, financial stability, at efficient payment and settlement system.

Sa parehong okasyon ay muling ipinakilala ang bagong anyo ng Philippine currency na tinatawag ding New Generation Currency.

Ang Be up to SPeed on BSP ay bahagi ng kanilang serye ng mga aktibidades sa ilalim ng kanilang Economic and Financial Learning Program para sa mga mamamayan.

Kaugnay niyan ay inilunsad din sa BSP Cabanatuan Branch ang Economic and Financial Learning Center o EFLC. Panauhing pandangal sa okasyon si Monetary Board Member Ignacio Bunye. Ang EFLC na nasa ikalawang palapag ng BSP Cabanatuan, ay libreng binubuksan para sa mga mag-aaral at mananaliksik sa aspetong pang-ekonomiya at pampinansiyal.

Monday, November 7

PH runner up sa Ms World 2011

Nagwagi si Ms. Philippines Gwendoline Ruais bilang first runner up sa katatapos na Ms. World 2011 Pageant na ginanap kanina sa London, England.

Si Ruais, isang six-footer na French-Filipina ay mula sa Muntinlupa City.

Ang first runner up title sa nasabing pageant ay unang napanalunan ni Evangeline Pascual noong 1973.

Si Ms Venezuela, Ivian Sarcos ang nakakuha ng korona bilang Ms. World 2011 habang si Ms. Puerto Rico Amanda Perez naman ang 2nd runner up.

Samantala, wagi rin si Dianne Necio sa Miss International 2011 Pageant na ginanap naman sa Chengdu, China. Nasama si Necio sa top 15 at nakuha nito ang People's Choice Award.




Friday, November 4

Kampo ng suspek sa pagpatay sa ama ni Charice, ihihirit na maibaba sa homicide ang kaso

Ihihirit  ng kampo ng suspek sa pagpatay sa ama ni Charice na maibaba sa homicide ang kasong murder na isinampa laban kay Angel Capili Jr.

Ayon kay Attorney Donna Cabanlas, hindi naman planado ang pagpatay ng kaniyang kliyente kay Ricky Pempengco kaya iaapela nila ito sa ihahaingh counter affidavit.

Nauna nang sinabi ni Capili matapos siyang sumuko Huwebes ng hapon na ipinagtanggol lamang niya ang sarili matapos sugurin ng suntok ni Pempengco.

Itinakda na ni Laguna Assistant Prosecutor Frisco Martil ang preliminary investigation sa kaso at binigyan ang kampo ng suspek ng hanggang Nobyembre 10 para magsumite ng counter affidavit.

DFA, hiniling sa POEA na ihinto muna ang pagpapatupad ng deployment ban sa 41 bansa

Hiniling ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na itigil muna ang pagpapatupad ng deployment ban sa 41 bansa na walang katiyakang magbibigay ng proteksyon sa mga Overseas Filipino Workers (OFW).

Ayon sa DFA, posibleng maapektuhan ang ugnayan ng Pilipinas sa mga bansang may deployment ban.

Iginiit din ng ahensya na kailangan munang makipag-usap sa mga bansang kasama sa listahan ng mga may deployment ban bago ito ipatupad.

Pinangangambahang pag-initan ang mga Pinoy na nagtatrabaho na ngayon sa mga bansang kasama sa listahan.

Pero sa panayam ng DZMM TeleRadyo, sinabi ni POEA Administrator Carlos Cao na nakabatay sa certification ng DFA ang ipinalabas nilang listahan ng mga bansang dapat magpatupad ng deployment ban.

Sa kabila nito, sinabi ni Cao na bukas pa rin sila sa panukala ng DFA na ipagpaliban muna ang deployment ban kahit hindi naman marami ang mga OFW na maaapektuhan nito.

DTI, nanawagan ng maagang pagbili ng Noche Buena items

BUMILI na habang maaga pa.
 
Hinihikayat ng Department of Trade and Industry ang publiko na kung maaari ay simulan na ang pamimili ng Noche Buena items.

Ito’y upang makaiwas sa inaasahang pagtataas ng halaga ng mga produktong panghanda sa Pasko.

Ayon kay DTI Usec. Zenaida Maglaya, kabilang sa mga dapat na maagang bilhin ay ang ay pasta, fruit cocktail, keso de bola at hamon.

Pero binanggit ni Maglaya ang tiyakin lamang na malayo pa ang expiration date nito.

DTI, nagbabala sa publiko hinggil sa text scam

NAGBABALA ngayon ang Department of Trade And Industry (DTI) Zamboanga del Norte sa publiko na hindi agad maniwala sa mga text scam.
 
Nananawagan ngayon si Engr. Bazan sa publiko na pag makatanggap ng mga text messages na nagsasabing kayo ay nanalo, hindi kaagad maniwala dahil isa itong panloloko.

Kalimitan, gagamitin ng grupo ang tanggapan ng DTI, PCSO at minsan magpapakilalang isang abogado.

Matatandaan, mayroon ng naging biktima sa textscam at nakapagpadala ng pera at load sa pamamagitan lamang sa isinagawang transaksyon sa cellphone.

Thursday, November 3

Dating Pangulong Arroyo, bigo sa DoJ

HINDI pwedeng lumabas ng bansa si dating Pangulong Gloria Arroyo.


Ayon kay Justice Sec. Leila de Lima, base sa report ni Health Secretary Ona, hindi kailangan ng dating pangulong magpagamot sa ibang bansa.

Naniniwala si de Lima na ang isyung ito ay hindi lang tungkol sa medical problems ng dating pangulo at sa halip ay kaakibat din nito ang mandato niya na ipatupad ang batas.

Ayon pa kay de Lima, importante na nasa bansa si Arroyo habang dinidinig ang kaso para hindi na magdulot ng pagkaantala sa pagdinig ng kanyang kaso.

Dagdag pa ni de Lima, nakakuha siya ng report mula sa ospital na humahawak sa dating pangulo kung saan wala itong inirerekomenda na magpagamot si Arroyo sa ibang bansa.

Matatandaang dahil sa Watch List Order na ipinalabas kay Arroyo ng DoJ, ay kailangan nitong magpaalam sa ahensya kung lalabas ito ng bansa.

P10 minimum fare, inihirit ng transport group

Inihirit ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)  ang P10 minimum fare sa pampasaherong jeep kasunod ng serye ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Sinabi ni ACTO President Efren de Luna na pumalo na sa P45.05 ang presyo ng kada litro ng diesel kaya't hindi na aniya sapat ang kinikita ng mga tsuper para sa gasolina maging sa mga pangunahing bilihin sa bansa.

Naniniwala si De Luna na miintindihan ng taumbayan ang kanilang hiling lalo na ng mga mananakay ng mga pampublikong sasakyan.

Pilipinas, sisimulan na ang kampanya sa 2011 Southeast Asian Games


BAGAMA’T hindi pa nagkakaroon ng opening ceremonies ay magsisimula na ngayong araw ang kampanya ng Pilipinas sa 2011 Southeast Asian Games.

Unang magpapakitang gilas ang Philippine Under 23 Men's Football Team kung saan makakakalaban nito ang bansang Vietnam sa Gelora Bung Karno Stadium.

Ganap na alas-5 ng hapon magsisimula ang nasabing laban at target ng mga bata ni Coach Hans Michael Weiss na makuha ang panalo at di kaya makatabla sa mga Vietnameese upang mapalakas ang tsansa nila na makapasok sa semi-final round.

Gayunman hindi magiging madali ang nasabing laban para sa mga Pinoy dahil atat ang Vietnam na makabawi sa Pilipinas sa football dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na maglalaro ang dalawang bansa matapos ang nakakagulat na panalo ng mga Pinoy sa 2010 AFF Suzuki Cup.

Wednesday, November 2

DepEd, idineklara ang National Reading Month

HINDI pa nawawalan ang pag-asa ng Department of Education (DepEd) na maibabalik ang interes ng mga kabataan sa pagbabasa ng libro.


Itoy kasunod ng pag-aaral ng DepEd na mas maraming oras ang ginugugol ng mga kabataan ngayon sa internet kaysa sa pagbabasa ng libro.

Idineklara ng DepEd ang buwan ng Nobyembre bilang National Reading Month kasabay ang paghihikayat sa iba't ibang paaralan at institusyon na buhayin ang interes ng kabataan sa pagbasa ng libro.

Sinabi ni DepEd Secretary Armin Luistro na dapat pagtuunan ng pansin ng mga paaralan at institusyon kung paano maibabalik sa mga kabataan ang paglalaan ng sapat na oras sa pagbabasa ng libro kaysa sa online games at social networking.

Pinayuhan din ni Luistro ang mga guro na tulungan ang mga estudyanteng nahihirapan sa pagbasa para hindi masiraan ng loob ang mga ito.

DOLE, gagamit na ng social networking site para isulong ang karapatan ng mga kasambahay

Gagamit na rin ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng social networking site na Facebook para hikayatin ang publiko na suportahan ang International Labor Organization (ILO) convention 189 at ang Kasambahay Bill.

Sinabi ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na ang Facebook ang isa sa mga pinakamabilis na paraan para maipaalam sa publiko ang kahalagahan ng ILO convention 189 at ng Kasambahay Bill na kapwa naglalayong mabigyan ng proteksyon sa batas ang mga kasambahay.

Ilulunsad aniya nila ang Facebook page na i-support kasambahay kung saan maaaring ilagay ng publiko ang kanilang mga saloobin at komento sa naturang mga panukala.

Monday, October 31

Simbahang Katoliko, pinagiingat ang publiko sa mga pekeng pari sa sementeryo

Nagbabala ang pamunuan ng simbahan katoliko laban sa mga pekeng pari na umiikot sa mga sementeryo na humihingi ng donasyon kapalit ng pagbabasbas ng mga puntod.

Ayon kay Palawan Bishop Pedro Arigo, modus ng ilang indibidwal na magdamit pari upang mag-alok ng serbisyo ng pagbasbas sa mga puntod at maghihintay sa mga kamag-anak na mag-abot ng donasyon.


Ang ibang pekeng pari ay kumpleto sa gamit gaya ng holy water at ilan pang props sa katawan. Kadalasan ay may kasama silang mga bata na tumatayong mga sakristan.

Ipinaliwanag ni Father Anton Pascual na ang mga tunay na pari ay hindi lumilibot sa mga sementeryo kapag undas dahil ang pagbabasbas sa mga patay ay ginagawa lamang kadalasan sa araw ng libing.

Maaari naman daw babasbasan ang puntod kung hihilingin ito ng kamag-anak.

Upang malaman kung totoo pari ang isang indibidwal, maaari daw na hilingin makita ang kanilang ID celebret, isang dokumentong nagpapatunay na ang may-ari ay may kapangyarihang magsagawa ng mga sakramento ng simbahang katoliko.


Mga lumuluwas, mas konti

MABABA ang bilang ng mga pasaherong umuuwi sa kanilang probinsya ngayong Undas.
Kung ang pagbabasehan ay ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, may kabuuang lang na 150 ang aalis na domestic flights habang 153 naman ang darating na domestic flights pero hindi na ganoon karami ang mga pasahero.

Hindi rin madami ang mga pasahero sa lumang domestic terminal.


Sa NAIA Terminal 2 naman ay may kabuuang 73 departure at arrival flights ang Philippine Airlines (PAL) para ngayong araw.


Ayon sa tagapagsalita ng PAL na si Cielo Villaluna, wala namang problema sa kanilang operasyon maliban sa nararanasang mga delayed flight dahil sa air traffic congestion na karaniwan nang nararanasan.

PNoy at mga kapatid, bibisita sa puntod ng mga magulang ngayong hapon

Naka-kordon na ang palibot ng puntod nina Sen. Benigno "Ninoy" Aquino at dating Pangulong Cory Aquino sa Manila Memorial Park sa Parañaque City bilang paghahanda sa pagdating ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III at kaniyang mga kapatid ngayong hapon.

Nag-iikot na rin ang mga K9 unit malapit sa puntod habang naging matipid naman sa pagbibigay ng impormasyon ang Communications Group hinggil sa nasabing pagbisita ng Pangulo.

Ayon sa Communications Group, nais kasi ni Pangulong Aquino na maging pribado ang kanilang pagbisita sa mga magulang sa paggunita ng Undas kaya hindi rin pinalalapit ang media sa may puntod.

Sa official twitter account naman ng kapatid ng Pangulo na si Kris Aquino, sinabi nito na darating silang magkakapatid sa Manila Memorial Park pagkatapos ng pananghalian.

Puerto Princesa Underground River, posibleng makapasok sa New 7 Wonders of Nature

Dalawang linggo na lang bago ilabas ang resulta sa New 7 Wonders of Nature kung saan pambato ng Pilipinas ang Puerto Princesa Underground River sa Palawan.

Malaking karangalan at ambag sa turismo kung masusungkit ng Pilipinas ang isa sa pitong puwesto sa paligsahang ito.

Ngayon pa lang, malaking tulong na sa turismo at ekonomiya ng Palawan ang dagsa ng mga turista.

Sinabi ni James Mendoza, Park Superintendent ng Puerto Princesa Subterranean River National Park, na kumikita ang mga lokal na mamamayan sa mga dumadating na bisita sa lugar.

Kalaban ng pambato ng Pilipinas ang 28 pang kalahok mula sa iba't ibang panig ng mundo.

Sa mga nais sumuporta at bumoto para sa Puerto Princesa Underground River, maaaring mag-log on sa www.new7wonders.com.

Hihirangin ang mga mananalo sa Nobyembre 11.

Saturday, October 29

OFW, tinanghal na Citizen Envoy ng UN

Tinanghal bilang "Honorary Citizen Ambassador" ng United Nations (UN) ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Dubai.

Ito'y kaugnay sa kanyang video project tungkol sa pangangalaga sa kapaligiran.   

Ang 30-second elevator video pitch ni Jonathan Eric Defante para magtayo ng isang komunidad bawat nasyon, gamit ang boteng plastic, buhangin at semento o eco bricks, ang nagpanalo sa kanya para tanghalin bilang isa sa tatlong Honorary Citizen Ambassador ng UN  sa taong ito.

Tinanghal din ang nasabing video bilang "Best in concept, originality and execution" na tumalo sa may 600 video entries mula sa 50 bansa.

Isang Sudanese-American at Guatemalan ang makakasama niya sa UN headquarters sa New York sa Disyembre upang makilala si UN Secretary General Ban Ki Moon.

Si Jonathan ay 22-anyos na graduate ng Mapua Institute of Technology (MIT) at bagong sales associate sa Dubai.

Habang naghahanap ng trabaho noong Agosto, naisip umano ni Jonathan na sumali sa contest ng UN, sa pagdiriwang ng "World Humanitarian Day."
Ayon kay Jonathan, ang ideya niyang "One bottle, One life" ay resulta ng inspirasyon ng mga ilang tao.

Sa kaniyang pagkapanalo, masaya aniya siyang maging instrumento at tulay para maiparating sa global leaders ang mga concerns ng mga ordinaryong mamamayan.

PCG - muling nagpaalala sa publiko

Dumami na ang mga pasaherong umuuwi sa mga lalawigan kasabay ng paggunit ng undas.


Ayon kay PCG Spokesperson Lt. Commander Algier Ricafrente - tinatayang nasa mahigit 100-libong pasahero ang dumating sa mga pantalan.

Sinabi pa ni Ricafrente - inaasahan na lolobo pa ngayong araw ang bilang ng mga pasaherong pupunta sa mga probinsya.

Muli rin nitong pina-alalahan ang publiko na huwag nang magdala ng mga deadly weapon o mga inuming nakakalasing – dahil hindi mag-aatubili ang mga otoridad na kumpiskahin ito at sila ay arestuhin.

Friday, October 28

DOH, nagbigay ng tips para makaiwas sa sakit ngayong Undas

Nagbabala ang Department of Health sa mararanasang pabago-bagong panahon ngayong Undas na maaaring magdulot ng sakit sa mga pupunta sa sementeryo.

Ayon sa PAGASA, mararanasan ang mainit na panahon mula umaga hanggang bago maghapon hanggang Nobyembre 2 pero pagdating ng hapon, maaaring magkaroon ng pag-ulan na posibleng tumagal ng kalahating oras.

Kaya sabi ng DOH, kailangang maging handa ang publiko.

Ilan sa mga sakit na dapat labanan sa panahon ng Undas ang heatstroke.

Maaaring tamaan ng heatstroke ang mga batang may edad limang taon pababa, maging ang mga may edad 60 pataas.

Uso din ang mga sipon at ubo dahil sa pabago-bagong panahon.

Higit ding dapat bantayan ang food poisoning.

Mainam na magdala ng mga pagkaing tuyo at mainit sa sementeryo tulad ng pritong manok at isda.

Payo din ng DOH, iwasan ang mga pagkaing may keso, sarsa, mayonnaise at gata na madaling mapanis.

Paalala pa ng DOH sa mga pupunta sa sementeryo
na may mga sakit, tiyaking inumin ang mga pang-maintenance na gamot, magdala ng tubig at payong para sa ulan at init. 

Magsuot din ng maluwag na damit gaya ng cotton at mainim kung kulay put.

Thursday, October 27

Pagsasanib ng PLDT at DIGITEL, inaprubahan na ng NTC

Inaprubahan na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang kontrobersyal na pagsasanib ng Philippine Long Distance Telephone Company  (PLDT) at Digitel Telecommunications Philippines, Inc. (Digitel).

Gayunman, may mga kondisyon ang NTC bago ang tuluyang pagsasanib ng dalawang kumpanya.

Pangunahin dito ay kailangang ituloy ng Digitel ang pagbibigay ng unlimited service sa mga subscriber sa pamamagitan ng Sun Cellular.

Kailangan din ng PLDT na bitawan ang kanilang 10-megahertz na 3G radio frequency.

Balak naman ni Bayan Muna Representative Teddy Casiño na hilingin sa Korte Suprema na pigilan ang pagsasanib ng PLDT at Digitel.

Ayon sa mambabatas, nauna nang hatol ng Korte Suprema na iligal ang ownership ng PLDT dahil mga banyaga ang nagmamay-ari ng majority ng kanilang shares.

Inter-connection charge sa text, bababa

Bababa sa Nobyembre ang inter-connection charges sa text messages.
  
Sinabi ni Director Edgardo Cabarrios, ng Common Carriers Authorization Department ng National Telecommunications Commission (NTC) na nailathala na kahapon ang direktibang ito ng komisyon kaya maipatutupad na sa loob ng 15 araw.
  
Sa ilalim ng bagong direktiba ng NTC, bababa ng 20-centavos ang inter-connection charges sa short message service (SMS) kaya magiging 15 centavos na lamang ang inter-connection charges mula sa kasalukuyang 35 centavos.
  
Ayon kay Cabarios, isusunod na rin nila ang pagbaba ng inter-connection charges sa tawag sa cellphone.

20th KBP Golden Dove Awards: Noli De Castro, broadcaster of the year

Nasungkit ni dating vice president Noli De Castro ang Ka Doroy Broadcaster of the Year Award ng 20th KBP Golden Dove Awards.

Ginanap ang awarding ceremony kagabi, sa Star Theatre, CCP Complex, Pasay City.

Iginawad naman ang post humous life achievement award kay Atty. Eduardo “Ed” Montilla.

Noong nakaraang taon, ibinigay ang KBP Lifetime Achievement Award kay Mr. Manuel “Nonong” Galvez. Si Nonong Galvez ay isa ring Natatanging Mamamayan ng Cabanatuan Awardee at President/CEO ng Vanguard Radio Network kung saan kabilang ang 101.5 BiG SOUND fm at 1188 DZXO am.

Pilipinas, pang-labing dalawa sa pinakamalaking populasyon

PANG-LABING-DALAWA ang Pilipinas sa may pinakamalaking populasyon sa buong mundo.

Tinatayang aabot na sa pitong bilyon ang populasyon sa buong mundo pagsapit ng Oktubre 31 kung saan ang Pilipinas ay naitala sa ika-12 pwesto.

Ayon sa United Nations Population Fund, pinakamalaking populasyon ang naitala ay sa Asya.

Nangunguna pa rin ang China na may 1.3 bilyong populasyon na sinundan ng India na may 1.24 bilyon.
Ang pagkakaroon ng higit sa anim na anak ng bawat pamilya sa Pilipinas na dulot na rin ng mababang kaalaman sa Reproductive Health ang naging malaking aspeto para maging Top 12 ang bansa sa may pinakamaraming populasyon.

Wednesday, October 26

Holiday pay, pinaalala ng DOLE

INILABAS ng Department of Labor and Employment ang advisory hinggil sa regulasyon ng tamang bayad para Oktubre 31 (Lunes) at Nobyembre 1 (Martes) na idineklarang Special Non-Working Days.


Ayon kay DOLE Secretary Rosalinda Baldos, ang Proclamation No. 265 na inisyu ni Pa­ngulong Aquino kung saan idinedeklara ang na Oktubre 31 at Nobyembre 1, All Saints Day ay Special Non-Working Holidays bilang paggunita sa Araw ng mga Patay o Undas.

Sinabi pa ni Baldoz, alinsunod sa ipinatutupad na Labor Standards sa mga Special Non-Working Day, ang mga empleyado ay dapat na tumanggap ng 130% ng kaniyang daily rate para sa unang walong oras ng trabaho.

Makakatanggap pa ito ng karagdagang 30% ng kaniyang hourly rate kung magtatrabaho ito ng lampas pa sa walong oras.

Gayunman, ipatutupad sa mga empleyado ang No Work, No Pay Policy kung hindi magtatrabaho ang isang empleyado sa nasabing araw.

Kung natapat naman ang Special Day sa araw ng pahinga ng empleyado at nagtrabaho ito ay dapat siyang bayaran ng 150% ng kaniyang regular daily rate sa unang walong oras at karagdagang 30% ng hourly rate kung mag-oovertime ito.

DOTC, inatasan na ang mga ahensya ng gobyerno sa ilalim ng DOTC na maghanda para sa Undas

Inatasan na ng Department of Transportation and Communications ang lahat ng ahensyang nasa ilalim nito na ilagay sa full alert status ang buong pwersa simula ngayong araw bilang paghahanda sa Undas.

Sinabi ni DOTC Secretary Mar Roxas na dapat i-activate na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang public assistance center na tutugon sa mga tanong at reklamo ng mga pasahero.


Pinatututukan din ni Roxas ang mas mahigpit at mandatory pre-departure inspection para maiwasan ang overloading ng mga maglalayag na barko.


Dapat aniyang masiguro na may sapat na life saving equipment ang lahat bago bumiyahe.


Bukod sa Coast Guard, inatasan din ng kalihim ang lahat ng attached agencies nito tulad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metro Rail Transit (MRT) at mga airport na siguruhin ang kaligtasan ng mga biyahero palabas ng Metro Manila at mga manggagaling ng probinsya.

Boracay, pasok sa top 10 world's best island ng isang travel website

Pasok ang isla ng Boracay sa "Top 10 World's Best Island" ng Travel & Leisure Readers' pick.

Pang-apat ang Boracay sa listahang nagmula sa boto ng mga reader ng nabanggit na travel website.

Nanguna naman sa listahan ang Santorini sa Greece kasunod ang Bali sa Indonesia.

Pumangatlo ang Cape Breton ng Canada.

Ang mga pasok sa listahang ito ay itinuturing na mga pinakamagagandang isla sa mundo na sulit umanong bisitahin.

Japan, muling nilindol

SA JAPAN.

Naramdaman muli ang pagyanig sa Fukushima Prefecture.

Pitong buwang na ang nakakalipas matapos ang magnitude 9.0 na lindol noong Marso at pananalasa ng tsunami sanhi ng nuclear crisis.

Naitala ang magnitude 5.2 na lindol kaninang madaling araw at ang sentro ay nasa 186 kilometro hilaga ng Tokyo.

Naitala ang sentro ng lindol 120 kilometro lang mula sa Fukushima Daichi Nuclear Plant.

Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa pangyayari.

November 7, regular holiday para sa pag-obserba ng Eid'l Adha; long weekend mula Nov. 5

Bukod sa nalalapit na long weekend dahil sa pagkakaproklama ng October 31 at November 1 bilang special non-working days, asahan ang isa pang long weekend sa susunod na linggo.


Sa ilalim ng Proclamation No. 275 idineklarang national holiday ang November 7, araw ng Lunes para naman sa pagdiriwang ng Eidul Adha.


Ang Eidul Adha na tinatawag ring "Festival of Sacrifice" ay ang pagala-ala sa bukas-loob na pagsunod ni Propetang Ibrahim kay Allah ng utusan siyang isakripisyo ang kanyang anak na si Isma'il. Sa huli, pinigilan siya ni Allah at isang tupa ang ibinigay para sa pagsasakripisyo.

Tuesday, October 25

Bar operations sa 2011 Bar Exams, ipinagbawal ng SC

Ipinagbawal ng Korte Suprema ang tradisyunal na cheering squads, streamers at iba pang sendoffs na tinatawag na 'bar operations' sa vicinity ng University of Santo Tomas kaugnay ng isasagawang 2011 bar examination sa Nobyembre 6, 13, 20 at 27.

Ipinag-utos din ni 2011 Bar Chairperson Supreme Court Associate Justice Roberto Abad na buksan sa mga motorista ang lahat ng kalye sa palibot ng UST gaya ng Dapitan Street, P.Noval Street, España Boulevard at Lacson Avenue habang ginaganap ang pagsusulit.

Bukod sa mga security personnel ng Supreme Court at UST, magpapakalat din ng mga unipormadong pulis at tauhan ng NBI upang masiguro ang peace and order.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na gaganapin ang bar exam sa buwan ng Nobyembre gayundin ang pagkakaroon ng multiple-choice type of question.

Mayroong 6,200 law graduates ang nakatakdang kumuha ng bar exam ngayong taon.

Matatandaang 50 indibidwal, karamiha'y law students ang nasugatan sa huling araw ng 2010 bar exam matapos ang pagsabog ng isang MK2 fragmentation grenade sa labas ng De La Salle University sa Taft Avenue.

PNoy, nanawagan ng 'all-out-justice' para sa mga pag-atake ng MILF

Inihayag ni Pangulong Benigno Aquino III ang hinaing ng kanyang administrasyon na magkaroon ng 'all-out-justice' mula sa pag-atake ng ilang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa mga sundalo sa Mindanao.

Sa kanyang pangunang pahayag tungkol sa mga pag-atake, muling nanindigan ang Pangulo na walang all-out-war na magaganap laban sa MILF at ipagpatuloy na lamang ang peace process kasama ang MILF, sa kabila ng pag-atake ng mga rebelde sa militar nitong nakaraang linggo kung saan 19 na sundalo at 9 na rebelde ang napatay.

Ayon kay Aquino, hindi sagot sa mga problema sa Mindanao ang paglulunsad ng giyera laban sa MILF.

Samantala, binalaan na rin ni Aquino ang MILF na isuko ang mga miyembro nitong dawit sa pagpatay ng 19 sundalo sa bakbakan nitong nakaraang linggo, o mapipilitan silang gumamit ng dahas.

Nitong Linggo, walong katao, kabilang ang apat na sibilyan, ang napatay habang 11 ang sugatan sa dalawang magkahiwalay na pag-atake na hinihinilang kagagawan ng MILF.

4 hanggang 5 laban sa 2012, inihahanda na para kay Donaire

Matapos matalos si Omar Narvaez ng Argentina, hangad ni Top Rank Promotions Chief Executive Officer (CEO) Bob Arum na isabak si The Filipino Flash Nonito Donaire Jr. sa apat hanggang limang boxing match sa susunod na taon kung saan isa rito ay posibleng gawin sa Maynila.

Target ni Arum na iharap si Donaire sa Japanese champion na si Toshiaki Nishioka sa darating na Marso.

Kung hindi naman anya ito pwede sa Marso, hahanap sila ng iba pang pwedeng ilaban kay Donaire sa Pebrero.

Planong itapat ni Arum ang Mexican boxer na si Jorge Arce kay Donaire para sa Super Bantamweight Championship sa Hunyo na gagawin sa itinatayong Mall of Asia Arena.

Si Arce ang kasalukuyang WBO Super Bantamweight Champion at Number 8 sa The Ring's junior featherweight division habang hawak naman ni Nishioka ang WBC super bantamweight belt.

PNP, overtime sa Oplan Kaluluwa

24 / 7 ang bantayan sa Oplan Kaluluwa.



Ayon kasi kay PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz kahit kulang ang kanilang mga tauhan ay magduduty naman ang mga ito ng 12 oras at cancelled ang lahat ng mga day off at leave.

Sinabi din ni Cruz na pati ang mga gwardiya ay makikitulong na sa pagbabantay sa taumbayan hanggang matapos ang Oplan Kaluluwa ng PNP sa Nobyembre 3.

Founder ng New Seven Wonders of Nature, humanga sa Underground River

PERSONAL na nasaksihan ni Dr. Bernard Weber, pangulo at founder ng New Seven Wonders of Nature ang ganda ng pamosong Puerto Princesa Underground River.

Kasama niyang nagtungo dito sina Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn at N7WN Director Jean Paul dela Fuente.

Ipinagmalaki ni Weber sa mga mamamahayag na kasama niyang naglakbay sa loob ng Underground River ang kakaibang karanasan sa kalikasan lalo na ang mga kakaibang tibag o ayos ng mga bato na may iba’t ibang hugis na sinadyang nililok ng kalikasan.

Binanggit naman ni Hagedorn na walang katagang maaaring magsalarawan ng Underground River, dahil kailangan munang maranasan ng isang tao ang pumasyal dito bago niya mailarawan ang kakaibang ligayang dulot nito.

Pinoy sa Libya, ok na

MATAPOS ang kaguluhan sa Libya, tiniyak ngayon ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli, Libya na maayos ang kalagayan ng mga Pinoy na nagtatrabaho doon.

Ayon kay Antonio Nalda, bagong OIC sa Philippine Embassy sa Tripoli, Libya patuloy pa rin namang nakakatanggap ng sweldo ang mga OFW, pero may ilang nade-delay din.

Karamihan sa mga Pinoy doon ay mga medical workers sa pribado at ospital ng gobyerno.

Sa ngayon nananatili sa Libya ang may humigit kumulang 2, 000 OFW ang naiwan sa nasabing bansa.
Tiniyak din ni Nalda na wala namang Pinoy na nasaktan sa mga huling araw na naging magulo ang Libya.

Monday, October 24

NDRRMC, naka-blue alert na para sa Undas

Itinaas na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang blue alert status bilang paghahanda sa paggunita ng Undas.

Sinabi ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos na inatasan na nila ang kanilang mga tauhan mula regional hanggang barangay level na maging handa sa pagtulong sa mga dadagsa sa mga sementeryo pati na rin ang pag-alalay sa mga biyahero sa mga bus terminal, pantalan, at paliparan.


Nakahanda na rin aniya ang pwersa ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (PNP), Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Health (DOH), at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Simula naman sa Oktubre 30 ay itataas na ng NDRRMC ang red alert status kung saan 24 oras nang naka-alerto ang kanilang mga tauhan para rumesponde sa anumang emergency situation.

Hero’s Welcome para kay Donaire, inihahanda na

INIHAHANDA na ng Gensan ang kanilang Hero's Welcome para sa pagkapanalo ng kababayang si Nonito "The Filipino Flash" Donaire laban sa Argentinian boxer na si Omar Narvaez.

Nagwaging depensahan ni Donaire ang titulo bilang WBO/WBC Bantamweight Belt.

Ayon kay Mayor Darlene Antonino Custodio, ito’y bilang pagkilala sa kakayahan ni Donaire kabilang na ang ilang kilalang boksingero tulad nina 8-Time World Division Champion Manny Pacquiao, kapatid nitong si Bobby Pacquiao at Marvin Sonsona.

Nabatid na naging residente ng Gensan ang pamilya nina Donaire bago tumulak pa sa Estados Unidos.

POEA, may babala sa health workers kaugnay ng email scam

Pinag-iingat ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang lahat ng health workers na nangangarap magtrabaho abroad partikular na sa United Kingdom (UK) laban sa bagong modus na idinadaan sa Internet.

Laman ng email scam ang pangakong makapagtatrabaho ang mga nurse at caregiver sa isang malaking ospital sa UK kapalit ang paunang bayad na P3,000 para sa pekeng British English training.

Ayon kay POEA Chief of Operation and Surveillance Division Atty. Celso Hernandez, umabot na sa halos 100 health workers ang naloloko ng ganitong modus, kaya nagbabalang huwag makipag-transaksyon sa Internet.

Para matiyak ang mga lehitimong alok na trabaho abroad, sumangguni sa POEA hotlines (02) 722-1144 o (02) 722-1155 o kaya'y bisitahin ang kanilang website www.poea.gov.ph.

Magnitude 7.2 na lindol sa Turkey, 138 na ang patay

Umakyat na sa 138 ang bilang ng mga namatay sa magnitude 7.2 na lindol na tumama sa Eastern Turkey Linggo ng hapon.

Iniulat ni Turkish Prime Minister Recep Tayyip Erdogan na 93 ang nasawi sa lungsod ng Van, 45 sa bayan ng Ercis at nasa 350 ang sugatan. Marami pa rin aniya ang naiipit sa mga bumagsak na gusali.

Batay naman sa report ng Turkish Red Crescent, nasa 80 gusali ang nagiba sa Ercis kabilang ang isang dormitoryo at 10 sa Van kaya pinangangambahang tataas pa ang bilang ng mga nasawi.

Pinayuhan na ang mga residente na lumikas sa kanilang mga napinsalang bahay dahil tuloy-tuloy pa rin ang mga pagyanig kung saan nakapagrekord na ang United States scientists ng mahigit 100 aftershocks, pinakamalakas ay magnitude 6.0.

Dahil dito, nagpalipas na lamang ng magdamag sa mga itinayong tent ang mga apektadong residente habang ang iba'y tumuloy sa kanilang mga kaanak sa mga katabing lugar.

Tuloy-tuloy naman ang isinasagawang rescue efforts ng mga otoridad.

Friday, October 21

604 buses, nag-apply na ng special permit para makabiyahe sa lalawigan sa Undas

Isang linggo bago mag-Undas, umabot na sa 604 ang mga yunit ng bus na nag-aplay para sa special permit upang makabiyahe sa mga lalawigan.

Sinabi ni Lilia Ocampo, officer-in-charge ng Technical Evaluation Division ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na susuriin muna nila at ng Land Transportation Office  ang road worthiness ng mga yunit ng bus bago pagkalooban ng special permit.

Ayon kay Ocampo, lalagyan na rin ng LTFRB ng fare guide ang lahat ng bus unit na bibiyahe sa iba't ibang probinsya para alam ng mga pasahero kung nagkakaroon ng overcharging ang mga kumpanya ng bus sa panahon ng Undas.

Paalala ng LTFRB, hanggang ngayong araw na lang ang aplikasyon ng special permit para sa mga bus na bibiyahe sa Undas.

Blood letting ng JANE, tagumpay


Naging matagumpay ang blood letting program na pinangunahan ng Japan Association of Novo Ecijanos o JANE na ginanap sa Fort Magsaysay kahapon.

Sa temang “Healthy People Care, Healthy People Donate Blood” nakakulekta ang JANE ng 65 bags ng dugo mula sa iba’t-ibang grupo ng donors gaya ng Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas Nueva Ecija Chapter, mga guro ng Zaragosa National High School at Nueva Ecija National High School, 81st Infantry Battalion, 7th Infantry Division, Reservists of Nueva Ecija, Bankers Club of Cabanatuan City, Nueva Ecija Police Provincial Office at NIA Nueva Ecija Division 3.

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons