Monday, May 23

NEWS ON PUBLIC INFORMATION CAMPAIGN ON THE NEW GENERATION OF PHILIPPINE BANK NOTES


May 5, 2011 | Percival R. Tabor

New Generation Currency, ipinakilala sa Cabanatuan

Ginanap kahapon sa Bangko Sentral ng Pilipinas Cabanatuan City Branch ang Public Information Campaign on the New Generation Philippine Bank Notes o Pagpapakilala sa mga Bagong Anyo ng Ating Perang Papel.

Bagamat noon pang December 16, 2010 inanunsiyo ang mga bagong perang papel, unti-unti ngayong nagsasagawa ng kampanya ang BSP patungkol sa New Generation Currency sa buong bansa.

Pinangunahan ni Cecilia Hortal, Senior Currency Specialist ng BSP ang pagpapaliwanag sa mga feature ng New Generation Currency. Makikita sa mga bagong pera ang mas batang portrait ng mga bayani na makikita ng tatlong beses sa isang pera, ang asymmetric serial number, ang mas pinaraming embossed fonts at maging ang portrait kasama na ang tinatawag na code for the blind. Makikita rin ang see through mark ng salitang PILIPINO na nakasulat sa alpabetong alibata. Idinagdag din ang mas malaking security thread, gayundin ang multi-colored fibers na makikita sa UV light.

Ayon kay Hortal, dahil sa mga bagong security feature ng New Generation Currency, mahihirapan na itong gayahin ng mga counterfeiters habang madali naman para sa isang karaniwang mamamayan na malaman ang totoo sa peke.


Tama ang pangalan ng pangulo sa pera - BSP

Sa press briefing na ginanap sa Bangko Sentral ng Pilipinas Cabanatuan City Branch, idiin ni Rogelio Garcia, Manager ng BSP Corporate Affairs Office na hindi nagkamali ang kanilang ahensiya sa paglalagay ng pangalang Benigno S. Aquino III sa New Generation Currency. Ang apelyidong Cojuangco o initial na C ay hindi makikita sa mga bagong pera.

Ayon sa kanya, nagmula sa Palasyo ng Malacañang ang kautusang gamitin ang buong apelyido ng ama ng pangulo na si Benigno Simeon Aquino, Jr. Mapapansing, Cojuangco ang apelyido ni Cory noong siya’y dalaga pa na siyang inaasahang gagamiting middle name o middle initial ni PNoy.

Paliwanag pa ni Garcia, ang pangalang Benigno S. Aquino ay pangatlo sa kanilang angkan kaya ito ay may suffix na the III. Kung gagamitin ang Benigno Cojuangco Aquino, hindi na kailangang lagyan ng suffix na the III dahil wala ng ibang may ganoong pangalan sa kanilang pamilya. Mas pinili ng Pangulo na gamitin ang pangalang Benigno S. Aquino III, hanggang sa kanyang lagda sa mga bagong pera.


Ipaikot ang mga bagong pera - BSP

Umapela sa publiko si G. Robinson Dagdagan, Deputy Director ng Bangko Sentral ng Pilipinas at Branch Manager ng BSP Cabanatuan City na tumulong sa pagsi-circulate ng mga bagong perang papel o ng New Generation Currency lalo na sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Yan ang kanyang tinuran sa Public Information Campaign on the New Generation Philippine Bank Notes na ginanap kahapon sa BSP Cabanatuan City Branch. Aniya, matagal nang naipamahagi sa mga bangko at mamamayan ang New Generation Currency, subalit marami sa ating mga kababayan ang ginagawa itong souvenir at hindi ginagasta.

Dagdag naman ng mga opisyales ng BSP, ang kasalukuyan o mga lumang peso bill ay maaari na lamang magamit sa loob ng susunod na tatlong taon.

Samantala, ayon kay BSP Senior Currency Specialist Cecilia Hortal, makakatulong din ang paggamit ng mga barya sa mga transakyon upang hindi nagkukulang sa panukli ang mga business establishment. Sinabi pa ni Gng. Hortal at G. Dagdagan, walang shortage sa barya dahil anila, ang supply ng piso sa ating lalawigan ay sapat para ang bawat Novo Ecijano ay magkaraoon ng isang daan at tatlumpung pisong barya.

0 comments:

Post a Comment

Twitter Delicious Facebook Digg Stumbleupon Favorites More

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Walgreens Printable Coupons