May 9, 2011 | 11:00 AM
Napanatili man ni Manny Pacquiao ang kanyang WBO welterweight title sa isang unanimous decision laban kay Sugar Shane Mosley, inamin ni Pacquiao na hindi niya nasukat ang tunay na lakas at tibay ng kanyang katunggali.
Ayon kay Pacquiao at ilang boxing experts, tinapos man ni Mosley ang laban hanggang sa huling round, maituturing pa ring kulang o hindi talaga lumaban ng husto ang kanyang katunggali na mula sa Pomina, California.
Inaasahan ni Pacquiao na lalaban sa kanya si Mosley kahit sa unang limang rounds upang masukat sana ang kanilang lakas at stamina. Gusto rin sana ng pound-for-pound king na bigyan na magandang panoorin ang mga Pinoy. Dugtong pa niya, hindi na niya kasalanan, kung ayaw na talagang lumaban ni Mosley.
Knockdown sa ikatlong round si Mosley dulot ng isang kaliwang suntok. Ito ang ikatlong knockdown ni Mosley sa 53 professional fights sa loob ng labing walong taong boxing career.
Samantala, tinawag namang isang bayani ni Pangulong Benigno S. Aquino III si Pacquiao, ilang minuto matapos ang kanyang laban.
Ayon kay PNoy, “Walang dudang isang bayani si Manny Pacquiao: ang Pound for Pound King na patuloy na naghahatid ng papuri sa bansang Pilipinas, at bumubuhay sa diwa at dangal ng lahing Pilipino.”
Dagdag pa niya, “Sa kaniyang pagdepensa sa WBO world welterweight belt, hindi lamang ang likas na tatag, lakas at tapang ng mga Pinoy ang muling ibinandila ng ating Pambansang Kamao sa buong mundo. Bagkus, ipinamalas din niya ang disiplina, determinasyon at tunay na galing ng mga Pilipino.”
Sabi pa ng pangulo, mas naging kabuluhan ang pagkapanalo ni Pacman sa kanyang pagsusuot ng dilaw na gloves bilang kampanya laban sa kahirapan.
0 comments:
Post a Comment