May 11, 2011 | 5:00 PM
Nagbabadyang tumaas ang presyo ng tinapay kabilang na ang pandesal sa Hunyo.
Ipinangako ni Federation of Philippine Bakers Association Vice President Chito Chavez na hindi gagalaw ang presyo ng tinapay hanggang katapusan ng buwan ngunit magre-recosting aniya sila sa Hunyo para malaman kung itataas nila ang presyo o hindi.
Paliwanag ni Chavez, sobrang mahal na ng harina na ang average na bentahan ay nasa 930 pesos kada sako mula sa 810 pesos noong December 2010 at 850 pesos lamang noong nakaraang Pebrero.
Sa tantiya ng mga eksperto sa industriya, sa kada singkwenta pesos na pagtaas sa sako ng arina, pisong pagtaas ang katumbas nito sa 600 grams na loaf bread at singko sentabo sa kada piraso ng pandesal.
Makakadagdag din aniya sa pressure ang umento sa sweldo o Cost of Living Allowance (COLA) ng mga manggagawa sa mga bakery.
Nauna nang itinaas ng mga panadero ang presyo ng Pinoy Tasty ng piso sa kada pakete dahil sa pagtaas ng presyo ng raw materials mula 38 pesos paakyat ng 39 pesos kada loaf.
Kapag natuloy ang pagtaas sa Hunyo kasabay ng pagbubukas ng klase, damay ang pandesal, loaf bread at iba pang uri ng pastries na gawa sa arina.
Source: http://www.dzmm.com.ph/tabid/82/Article/14851/Presyo-ng-pandesal-nagbabadyang-tumaas-sa-Hunyo.aspx
0 comments:
Post a Comment